noveltoon logo noveltoon
Baba Esparanza (Cardinal Bastards Series 1)

Chapter 6

Ch. 6 / 25 Feb 05, 2022

6

D AMA ni Dulce ang hapdi sa kanyang mga binti, braso, at pisngi. Nasusugatan siya sa talas ng mga damo pero bale-wala iyon sa kanya. Ang tanging gusto niya ay ang makatakas sa lahat ng iyon.

May sampung minuto na siyang tumatakbo at ni hindi lumilingon, hindi nakikiramdam. Basta parang kasali sa paligsahan ang ginawa niyang pagratsada, kahit sugatan na ang kanyang mga talampakan. Ang wedges niya ay kanina pa iniwan. Hindi siya matutulungan niyon sa kanyang layunin.

Halos mabingi si Dulce sa tibok ng kanyang puso. Walang buwan sa gabing iyon, malamig, pero pawis na pawis siya sa magkahalong pagod at takot. Salamat at pedal pusher ang kanyang suot sa halip na bestida, mas nakakatakbo siya nang maayos.

Takbo pa, Sese! Takbo pa! udyok niya sa sarili kahit init na init na ang kanyang dibdib at hindi na kaya ng ilong niyang sagapin ang hangin na kailangan ng kanyang mga baga. Nakabuka ang kanyang bibig, hingal na hingal, pero wala siyang balak tumigil sa mapuwersang pagtakbo. Tatakbo siya hanggang kaya niya. At kung hindi na ay kahit gumapang siya. Basta makalayo sa lugar na iyon nang ligtas.

Mayamaya ay nakatapak si Dulce ng isang matalas na bagay at tumimbuwang siya sa lupa. Gusto niyang mapahiyaw sa sakit pero nanaig ang talas ng kanyang isip. Ilang sandaling wala siyang narinig kundi ang kanyang paghingal at tibok ng puso. Kakatwa, wala rin siyang naririnig na tunog ng motorsiklo.

Kanina ay may narinig siyang ugong ng makina ng sasakyan. Naisip niyang iyon siguro ang goons na umalis na. Great. Nabawasan ng tatlo ang maaaring humabol sa kanya. Pero walang tunog ang sasakyan ni Baba. Hindi nito naisip na habulin siya gamit iyon. Dahil masukal masyado ang talahiban? Siguro. Pero nasaan na ang lalaki?

Ngayong bahagya nang bumagal ang paghinga ni Dulce ay pinipilit niyang pakinggan kung nasaan na si Baba. Wala ni anumang tunog, yabag ng mga paa, o kung hindi man ay paghawi sa mga damo.

Noon nag-unahan sa pagpatak ang mga luha ni Dulce. Her head was pulsating, her scalp was smarting, her veins felt like they were about to explode, her knees were shaking, and the sole of her foot was killing her. Hinawakan niya ang talampakan, walang nakapang basa. Matalas na bato lang siguro ang kanyang natapakan pero hindi iyon bumaon o sumugat. Pero masakit pa rin.

She was in the middle of nowhere and no one knew she was there. Get up , udyok ng isip niya. Get up, you pantsy! Get the fuck up and stop crying like a baby!

Pero sa pagtayo ni Dulce ay napaluhod siya sa panginginig ng mga tuhod. Lalong bumilis ang pagpatak ng kanyang mga luha pero hindi siya susuko. Ibinaon niya ang mga daliri sa lupa, hinigit ang sarili pataas. Tulad ng naisip kanina, kung hindi niya kayang tumakbo, gagapang siya paalis sa lugar na iyon. Muli niyang ibinaon ang mga daliri at kuko sa lupa, pero nagpasya siguro ang tadhana na palakihin ang kanyang problema nang may gumapang na malamig na bagay sa braso niya.

Ahas.

She never thought snakes moved that fast. Sa isang kisap-mata, naramdaman ni Dulce ang pagtuklaw niyon sa kanyang balikat. At ganoon kabilis ay gumapang iyon palayo.

Ahas.

Kinagat siya. Iyon ang ikamamatay niya. Agad siyang sumigaw, lumuhod. Gusto niyang pahabain ang kanyang buhay, at ang alam niya sa kagat ng ahas ay maaaring tumimbuwang siyang patay sa loob lang ng sampung minuto.

Sumisigaw pa si Dulce nang makitang nahawi ang mga talahib. Si Baba. Naunawaan niyang kahit anong gapang pala ang gawin ay masusundan siya ng lalaki. Sa bilis ng pagdating nito, nasa malapit lang siguro ito. Baka ilang hakbang lang ang layo sa kanya.

“Nakagat ako ng ahas! Tulungan mo ako!” halos sigaw niya, hysterical na.

Agad na lumuhod sa tabi ni Dulce si Baba, inilabas mula sa bulsa ang isang lighter na mayroong flashlight. Itinuro niya kung saan siya kinagat ng ahas. Pinagmasdan nito iyon. Matagal.

“Hindi `yan painting! `Wag mong tingnan lang, sipsipin mo ang dugo ko! Sipsipin mo ang lason!” sabi niya. Kung kaya lang gawin iyon sa sarili ay ginawa na sana niya. “Sipsip-dura. Ganoon ang first aid diyan. Please! Nakikiusap ako sa `yo!”

“Tatakasan mo ako, `tapos ngayon hihingi ka ng tulong? Gusto mong sipsipin ko ang dugo mo? Mukha ba akong bampira?”

Napahagulhol bigla si Dulce. “Napakasama mo! Emergency ito! Babayaran kita, basta sipsipin mo lang, please!”

“Akala mo lahat kayang bilhin.”

“Kung ganoon, nakikiusap ako sa `yo.” Wala nang pride-pride. Hindi uso ang pride sa isang desperadang babaeng nasa bingit ng kamatayan. Inabot niya ang kamay nito. “Please. Please, Baba. Nakikiusap ako.”

“Kung ganoon, sipsipin mo rin ang mga labi ko.”

Napanganga si Dulce. Tama ba ang dinig niya sa sinabi ni Baba? “Ano?”

“Halikan mo ako, sa madaling-sabi.”

“Buwisit ka—”

“Mamamatay ka kung hindi mo gagawin,” agaw nito.

Wala nang oras si Dulce para mag-isip pa. Tama si Baba. Minuto lang ang itatagal niya at habang umuusad ang mga sandali ay kumakalat ang lason sa kanyang katawan. Baka mayamaya lang ay mamanhid na ang kanyang buong katawan.

Inilapat niya ang mga labi sa mga labi ni Baba. Ang kanyang unang halik, sa gitna ng talahiban, sa bingit ng kamatayan. At kumalat na siguro nang tuluyan ang lason sa katawan niya dahil naapektuhan na ang kanyang utak.

Sa kabila ng sitwasyon, napansin pa ni Dulce ang lambot ng mga labi ni Baba, ang pagiging lasang candy ng mga iyon, ang init. Nang maghiwalay ang mga labi nila ay tumayo ang lalaki. Bago pa siya makapagsalita ay pinangko na siya nito.

“P-paano ang kagat ng ahas?” tanong niya, napapahiya, nagagalit, natutuliro, natatangahan sa sarili. Nakagat na siya ng ahas at lahat-lahat, nag-enjoy pa siya sa pakikipaghalikan! Natutop niya ang noo. “Parang namamanhid na ako, Baba. Nangangapal ang pakiramdam ng mga labi ko. Parang nahihilo ako. Parang nanginginig ang katawan ko. Malapit na akong mamatay, Baba. Tulungan mo ako.”

Sukat biglang tumawa ang lalaki. The sound of his laughter surprised her. It was such a nice sound to hear. “Hindi mo ikamamatay ang kagat ng ahas. Walang lason ang kumagat sa `yo. Nahihilo at nanginginig ka dahil sa pagod. At namamanhid ang mga labi mo dahil hinalikan mo ako.”

Hindi inaasahan ni Dulce ang sinabi ni Baba. Hindi niya malaman kung ano ang sasabihin, lalo na at pangko pa rin siya nito. Totoo ba iyon? Walang lason ang ahas na kumagat sa kanya?

Ayaw niyang maniwala. “Paano mo nasiguro? Hindi ka doktor. Baka mamaya, bigla na lang akong malagutan ng hininga dito. O baka masiyahan ka pa dahil iyon ang purpose mo?”

“Hindi ganyan ang hugis ng kagat ng ahas na makamandag. Pantay-pantay ang pangil ng ahas na kumagat sa `yo. Wala rin ditong ahas na makamandag. Kung mamamantal ka o mamumula nang husto, delikado. Pero walang reaksiyon ang balat mo. Hindi ka allergic sa kagat.”

Pinakiramdaman ni Dulce ang sarili habang pangko pa rin ni Baba. Maliban sa pangangapal pa rin ng kanyang mga labi ay walang kakaiba. Ang sakit ng katawan niya ay mula sa pagod, hindi kakatwa na inaasahan niyang maramdaman dahil sa pagkagat ng ahas.

“You tricked me!” singhal niya. “Ibaba mo nga ako!”

“`Wag ka nang maarte. Hindi mo na kayang maglakad. Isa pa, baka may ahas na naman diyan.”

“Put me down. Now! I am a lady. Naiintindihan mo ba `yon? Dalaga ako at pinagsamantalahan mo na ako. Hindi ko mapapayagang patuloy mo akong—”

Natigil ang pagsasalita ni Dulce nang ibaba nga siya ni Baba sa mabilis na paraan, bagaman nakaalalay sa kanya nang sa gayon ay hindi siya tumimbuwang. Muntik na siyang mapangiwi nang sumayad ang mga talampakan sa lupa. The man’s arms were so much softer. Pero halatang wala na itong balak na pangkuin uli siya. At mas maganda nga iyon, naisip niya. Kahit hirap, kailangan niyang panindigan ang pasya. Isa pa, ang kapal ng mukha ni Baba para lokohin siya sa mga salita. Nagpahalik ito sa kanya!

Nang maalala iyon ay napuno na naman ng inis si Dulce. Walang karapatan ang lalaking ito na halikan siya! Pero maalala pa lang ang halik ay nakaramdam na agad siya ng pagkailang. Hindi niya kailanman naisip na ganoon pala ang pakiramdam na mahalikan. Mahirap palang ipaliwanag ang pakiramdam. Napakapersonal niyon. At may pinagsaluhan na silang personal ng lalaking ito!

Diyos ko. Mababaliw ako!

Kasalanan ba ni Dulce na ni wala pa siyang first kiss sa mga labi tulad ng pinagsaluhan nila kanina? May nakahalik na sa kanya pero dampi lang. Itinulak niya ang lalaking naka-date nang sumayad sa kanyang mga labi ang hinala niya ay dila nito. Hindi na siya nakipag-date magmula noon. Para siyang kinabahan. Parang hindi niya makakayang sumabay sa andar ng panahon dahil sa isang bahagi ng kanyang puso ay manang talaga siya.

Manang pero nakipaghalikan sa lalaking brusko.

Diyos ko!

Ano na lang ang sasabihin ni Joaquin kapag nalaman nito ang lahat? Kunsabagay, bakit naman nito malalaman? At sakaling malaman ni Joaquin ay wala naman siyang nakikitang magiging problema. Hindi pa naman niya nobyo ang lalaki. Bukod doon ay emergency ang lahat.

Emergency kiss!

Hindi na lang umimik si Dulce, hindi na nagtangkang tumakas pa. Hindi ngayon. Hindi niya kakayaning maglakad paalis sa lugar na iyon. Didiskarte na lang siya mamaya. Hindi pa rin siya nakakasiguro kung ano ang gagawin sa kanya ni Baba. Wala pa rin siyang tiwala rito kahit nagsalo na sila sa isang halik.

Sumakay na sa motorsiklo ang lalaki nang marating nila iyon. Hinawakan nito ang kanyang kamay para alalayan siya. Kung bakit kahit alam niyang wala namang malisya iyon, bigla ay gusto niyang lagyan ng malisya dahil naiilang siya. Kung totoong walang bahid ng anumang hindi kanais-nais na damdamin ang kanyang puso, bakit siya naiilang? Lihim na lang siyang napabuntong-hininga nang makasakay na sa motorsiklo.

“`Wag kang humawak sa balikat ko, nahahatak mo ako,” parang iritadong sabi ni Baba mayamaya.

Napahiya si Dulce. Naiilang siya kaya nakadaklot siya sa balikat ng kamiseta ni Baba. Kapag pumepreno ito o umaalog sila ay natatangay niya ang bahaging daklot. Pero parang ayaw niyang kumapit sa baywang nito. Naiilang talaga siya, pero no choice. Ikinuyom na lang niya ang mga kamay, saka ipinaikot ang bisig sa baywang ni Baba. Pero sa pagpreno nito ay kusang bumuka ang kanyang mga kamay, halos bumaon sa kinakapitan.

Ayokong isipin na may abs siya. Ayokong isipin na mabango siya, malinis ang amoy niya at… is that expensive aftershave he’s wearing?

Gustong mapailing ni Dulce sa itinatakbo ng isip. Ano ba ang pakialam niya sa aftershave ng lalaking ito? At teka, kailan pa siya naging conscious sa aftershave ng isang lalaki? Dahil malapit siya sa mukha ni Baba, aftershave na? Ano ba ang nangyayari sa kanya? Tinandaan niya ang sitwasyon at sukat doon ay natauhan siya.

“B-balak mo ba akong patayin, Baba?” tanong niya.

Bahagya siya nitong nilingon. “Ano?”

“Gusto kong malaman. May karapatan akong malaman.”

“Kung papatayin kita, hindi ko sasabihin sa `yo ngayon dahil baka tumalon ka sa mataong lugar kapag nagmenor ako, hindi ba?” sabi nito, nahimigan niya ang ngiti sa boses.

Nalito si Dulce. May katotohanan sa sinabi ni Baba. Pero bakit nito iyon sasabihin sa kanya? Hindi niya alam kung paano makipag-usap sa lalaking ito. Hindi niya alam kung ano ang isasagot.

Mayamaya pa ay pumasok na sila sa bayan. Pero hindi nagmenor si Baba. Anumang plano ni Dulce na tumalon ay nabura na sa kanyang isip, lalo na at parang pinaspasan lalo ng lalaki ang patakbo. Kung tatalon siya, malamang na mabagok ang kanyang ulo at sa sementeryo din siya dalhin.

Dahil maayos na ang kalsadang binabaybay nila, tuloy-tuloy na ang kanilang pag-andar hanggang sa lumiko si Baba sa isang kanto na may maliit na arko na nagsasabing “Welcome to Sitio Sambongan.” May sampung kilomentro siguro ang itinakbo nila, saka nito ipinarada sa tapat ng isang mataas na tarangkahan ang motorsiklo. May malaking spotlight sa ibabaw ng poste ng gate, iyon ang tanglaw nila.

Habang inaalis ni Baba ang padlock ay tumakbo na si Dulce. Pero hindi pa man siya nakakalayo ay nagsalita na ang lalaki.

“Mag-isip ka. Kahit anong bilis ng takbo mo, masusundan kita. May sugat ang paa mo, paano ka makakalayo? Hindi kita papatayin, `wag kang mag-alala.”

“Sinasabi mo lang `yan dahil ayaw mong tumakbo ako.”

“Nasa `yo na kung maniniwala ka sa akin o hindi.”

“Walang rason para hindi mo ako patayin.”

“Bahala ka.”

Gustong mainis ni Dulce. Hindi man lang ba ipaglalaban ni Baba na hindi siya nito papatayin?

Tumalikod na siya. Kahit ulitin ng lalaki na wala itong masamang balak sa kanya ay mas maigi nang umalis siya. Pero hinawakan nito ang kanyang bisig.

“Kapag nakita ka nila sa bayan, dalawa tayong magkakaroon ng problema. In-arbor kita sa kanila.”

Bigla siyang nahindik. “Arbor?”

Tumango si Baba. “Kargo kita. Sumakay ka na. Ipapasok ko na ang motor.”

“No! You’re going to rape me!”

Tumaas ang isang sulok ng mga labi nito. “Kung gagawin ko `yon, bakit pa kita dinala dito? Madali sanang gawin `yon sa talahiban. Isa pa, kailangan pa ba ng puwersa sa `yo? Hmm?”

Napanganga si Dulce. Akmang sasampalin niya si Baba nang umatras ito, pumihit, saka sumakay sa motorsiklo. “Kung ayaw mong sumama sa akin, bahala ka. Malayo-layo ang lalakarin mo palabas. Duda ako kung may maghahatid pa sa `yo pabalik sa San Marcelino nang ganitong oras. Mag-iingat ka. Pag-aari ni Candida ang buong bayan.”

Bago pa siya makaisip ng isasagot ay pinaandar na ni Baba ang motorsiklo, papasok sa tarangkahan na hindi nito isinara. Paika-ika siyang tumakbo papunta sa gate, saka sumigaw ng, “Baba! Saglit lang!”

Huminto ang motorsiklo, ilang metro ang layo mula sa kanya. Nilingon siya ng lalaki, parang naiinip.

Napabuga siya ng hangin. “Sige, sasama na ako sa `yo.”

Pinagmasdan ni Dulce ang lalaki, at bago pa siya mailang ay nagpasya siyang sumakay na sa motorsiklo. Wala siyang ibang pagpipilian. Sigurado namang hindi siya papatayin ni Baba dahil hinayaan siya nitong makatakas. Isa pa, paano siya maglalakad pabalik sa bukana ng kanto kung nananakit na ang kanyang talampakan at wala siyang sapatos? Isa pa, paano siya nakakasiguro na sa pagdating niya sa bayan nang nag-iisa, sakali man na makabalik siya roon, ay walang mga tauhan ang mayora na naghihintay sa kanya?

It was a crazy situation. She was crazy, Baba seemed like he was, too. Ano ba ang balak nito? Hindi malinaw kay Dulce. Pero parang nasa katauhan ng lalaki ang magkaroon ng misteryosong mga balak, tulad noong una silang magkita.

He had saved her before, and he did again earlier. Sa ngayon, panghahawakan muna niya ang mga bagay na iyon.

“Sige na,” sabi niya, nakapuwesto na sa likuran nito.

Walang salitang lumabas sa mga labi ni Baba at pinaandar na uli ang motorsiklo. Mahaba-haba ang binaybay nila hanggang sa humimpil ang motorsiklo sa isang maliit na bahay na halos kahawig ng pinagdalhan sa kanya ng mga goons. Ang tanging pagkakaiba ng bahay na iyon ay ang kamalig sa tabi niyon, na may katabing maliit na kuwadra.

Nang mabuksan ni Baba ang pinto ng kubo ay tumuloy na si Dulce sa loob. Malinis iyon, simple. May maliit na sala at may isang grandfather’s chair sa gitna, alangan na alangan sa hitsura ng kabahayan. Parang gusto niyang i-makeover ang bahay. May TV na picture tube, may DVD player, nakapatong sa isang laminated rack na natutuklap na ang pabalat. Mayroon ding maliit na sofa na walang armrest at parang ilang dekada na ang tanda base sa pagkakalundo ng kutson niyon. Nanggigigil si Dulce na i-reupholster iyon, bilang isang furniture designer.

Pero ano nga ba ang aasahan niya sa isang tulad ni Baba? Alangan sigurong magkaroon ng marangyang bahay ang lalaki. How much did hired killers make anyway?

Tumuloy si Baba sa isang pintuan; sumunod siya. Kusina at komedor iyon. May maliit na ref, kawayang mesa, at maging ang sahig ay yari din sa kawayan. May maliit na lababo sa isang panig, may maliit na kalan, at isang tapayan.

Binuksan ni Baba ang ref. May kinuhang mangkok doon na isinalin nito sa isang kawali ang laman at isinalang sa kalan.

Nang dumaan sa pang-amoy ni Dulce ang sardinas ay kumalam ang kanyang sikmura. Gutom na gutom na pala siya. Itinuro sa kanya ng lalaki ang isang silya, doon siya pumuwesto. Inihain nito sa mesa ang isang maliit na kalderong saingan, saka ibinalik na rin sa mangkok ang ininit na ulam—sardinas na may misua at patola.

Naghain si Baba ng pinggan at mga kubyertos, saka nagsimula nang kumain. Sumabay na si Dulce. Naunawaan niya, iba pala ang lasa ng sardinas na may misua kapag kinain iyon nang may sahog na pagkaalwan ng kalooban sa katotohanang buhay pa siya, humihinga, ngumunguya ng patola. Iyon na yata ang pinakamasarap na hapunang natikman niya.
At bigla, lahat ng inipong takot, galit, at ang nag-uumapaw na pakiramdam na nakahinga siya nang maluwag ay nagsama-sama. Bigla siyang napahagulhol, may laman pa ang bibig. Ang pangit siguro ng kanyang hitsura dahil nakaawang ang bibig niya sa paghagulhol gayong puno pa iyon ng kanin, patola, at sardinas. Pero wala siyang pakialam. Ramdam niya ang paglaki ng mga butas ng kanyang ilong na sumasabay sa bawat sigok niya. Pero hindi na mahalaga ang poise sa sandaling iyon.

Buhay ako. Diyos ko, buhay ako at buong-buo pa rin. Diyos ko… O, Diyos ko...

“Uminom ka muna,” parang naiilang at nalilitong sabi ni Baba, ipinagsalin siya ng tubig. “Ano ba’ng nangyayari sa `yo?”

“Baba... salamat. Maraming salamat,” sumisigok-sigok na sabi ni Dulce, sabay lunok ng pagkain na nasa bibig pa rin niya.

Kung may kakilala lang siyang makakakita sa kanya, napangiwi na siguro iyon. Pero kung ang mga ito ang malagay sa ganoong sitwasyon, baka ganoon din ang maging reaksiyon.

Sinaid niya ang laman ng baso. “Salamat uli. At sana… sana tama ang hinala kong hindi mo ako papatayin.”

Noon lang gumapang ang buong puwersa ng kilabot sa katawan ni Dulce, naaalala ang mga nangyari kanina. At nanginig ang kanyang kalamnan. Kailangan niya ng isang taong ipaparamdam sa kanya na ligtas siya, kahit pansamantala lang. Natagpuan niya ang sariling nakayakap kay Baba, nangangatal ang mga labi. Muntik na siyang magahasa kanina. Higit na masaklap kung iyon ang nangyari. Mas pipiliin pa siguro niyang mamatay.

Naramdaman ni Dulce ang pagtaas ng kamay ni Baba sa likod niya. “Ligtas ka rito.”

Lalo siyang napahagulhol. “Salamat.”

Hindi umimik ang lalaki, nanatili lang na nakayakap sa kanya. Patuloy siyang lumuha at natauhan lang nang maunawaang naiilang si Baba. Ito pa ang nailang sa kanya! Hindi gumagalaw ang kamay nitong nakalapat sa kanyang likod at parang naninigas ang likod nito, halatang wala sa planong ikonsola siya pero napilitan. Siyempre, yakapin ba naman niya.

Agad na kumalas si Dulce, napayuko sa pagkapahiya, pinagtuunan ng pansin ang pagkain sa kanyang pinggan. Napansin niyang hindi kumikilos si Baba kaya napilitan siyang tingnan ito. Nakamasid lang sa kanya ang lalaki, may ekspresyon sa mukha na hindi niya matukoy kung naaaliw sa kanya o naiinis.

Nagpasya siyang pagaanin ang sitwasyon. Mabilis niyang pinunasan ang mga luha sa mukha, saka sinabi, “K-kain na, `Ba. Kain pa.”

Tumango ang lalaki at pinagtuunan na ng pansin ang pagkain. Kalmado na ang dagat, pero hindi ang kanyang tiyan na sige sa pangangasim. Sa kabila ng lahat, magana siyang kumain. Buhay siya at ligtas. At ngayon, malalamnan na ang kanyang sikmura.

Naubos niya ang ulam ni Baba.