noveltoon logo noveltoon
Baba Esparanza (Cardinal Bastards Series 1)

Chapter 3

Ch. 3 / 25 Feb 05, 2022

3

N AISIP ni Dulce na humingi ng paumanhin sa naging tono ng kanyang pananalita. Pagod na siya, nag-aalala ring hindi makaalis, bukod sa nagmamadali na siya. Pero walang lumabas na salita sa kanyang mga labi. Nahirapan siyang matantiya ang matiim na pagkakatingin ng lalaki sa kanya. Naipon ang mga salita sa kanyang lalamunan.

Akala niya ay may sasabihing hindi maganda ang lalaki pero sa huli ay tumalikod na ito, naglakad patungo sa isang motorsiklo. Kahit na wala siyang alam sa mga motorsiklo ay nakasisiguro siyang hindi iyon mumurahin na puwedeng kabitan ng side car. At kahit na may bahid ng putik ang mga gulong ay mukha iyong komportable, malaki sa karaniwan. Siguradong mas magandang bumiyahe sakay niyon kaysa sa isang ordinaryong habal-habal.

Naglakas-loob si Dulce na sumunod sa lalaki bago ito makasakay sa motorsiklo. “`Ba, hindi ba?” Iyon ang narinig niyang tawag dito ng binatilyo. “`Ba, makikiusap sana ako sa `yong ihatid ako sa Santa Fe, tutal ay doon din naman ang punta mo. Maliit lang naman itong bagahe ko.”

Mukhang mainit ang ulo nito. “Sumugod ka sa isang lugar na hindi mo saulado at inaasahan mong mabibili mo ang lahat dito.”

Nabigla siya sa sinabi nito, parang isa iyong sermon. Hindi niya gusto ang lalaki, malinaw iyon sa kanya. Mahirap itong matantiya, mahirap ding alukin ng deal. Hindi siya sanay sa ganoon. Hindi man lahat ng bagay sa mundo ay may presyo, lamang ang bilang ng mga ipinagbibili. At sa totoo lang, ang limanlibong pisong alok niya ay higit pa sa sapat, lalo na kung isasabay lang naman siya nito. Saan ito kukuha ng ganoong halaga basta-basta?

Ah, nauunawaan na ni Dulce. Nagpapataas ng presyo ang lalaki. Hindi maipagkakaila na dayo siya, maayos ang damit, narinig nitong desperadang makarating sa lugar na pupuntahan nito. Ano pa nga ba ang gusto ng lalaki kundi mas mataas na presyo? Damit pa lang ay nasisiguro na niyang hindi pa nakakatikim ng signature clothes ang balat nito. Pero wais ang lalaki. Fine. Handa siyang magbayad ng mas malaki.

“Anim na libo, `yan ang huling tawad ko,” sabi ni Dulce.

Lalong nagdilim ang mukha ng lalaki. “Ang mabuti pa, maghanap ka na ng matutuluyan habang may araw pa.”

“Malaking halaga na ang inaalok ko at hindi na tataas pa. Higit pa `yon sa sapat.”

Matagal siya nitong pinagmasdan, sa puntong nag-init na ang kanyang mukha. Kung kailan tensiyonado na siya nang husto ay saka nito itinanong, “Paano kung sabihin ko sa `yong kulang na kulang ang alok mo, Miss?”

“Puwes, sabihin mo kung magkano. Mag-aregluhan tayo rito.”

Tumaas ang kamay ng lalaki at napasinghap si Dulce nang dumapo ang palad nito sa kanyang pisngi. Mainit ang palad na iyon. Napapitlag siya. Tumaas ang isang sulok ng mga labi nito. “Isang gabing kasama ka, iyon ang presyo.”

Napanganga siya, saka umatras, galit na galit. Bastos na lalaki! Parang uusok ang kanyang ilong sa gigil. Bumukas-sara ang bibig niya sa pag-usal ng mga salitang tila mula sa bibig ng bata—“Ah! Eh! Oh!”—mga salitang hindi nasimulan at natapos dahil sa labis na pagkabigla. Kasabay niyon ay sumakay na ang lalaki sa motorsiklo at binuhay.

Umugong ang sasakyan nang paikutin nito ang throttle. Nakataas pa rin ang sulok ng mga labi nang kumindat sa kanya sa gawing tila nang-uuyam, saka pinaandar paalis ang motorsiklo. Napaatras siya nang bahagya.

“You… you…!” sambit ni Dulce, naipadyak ang paa sa pagkagigil. Nakita niyang tinawid ng lalaki ang malapad na kalsada at tumuloy sa maliit na gas station sa tapat. Nasa gitna siya ng malapad na terminal kaya malayo ang naging distansiya nila. Alam niyang kahit sumigaw pa ay hindi na siya nito maririnig. Gayunman ay noon lang niya natagpuan ang boses na hindi nauutal sa pagkagilalas. “You inbred! You illiterate piece of…! You bastard!” singhal niya.

Natagpuan ni Dulce ang sariling halos nanginginig. Wala pa ni isang lalaking nagsalita ng ganoon sa kanya at hindi niya inakalang darating ang panahon na magkakaroon. Ang walang modong iyon!

Okay, keep calm. Ano ang aasahan mo sa isang tulad niya? Like you said, he’s an inbred, probably illiterate even. Ang mga tulad niya ay hindi dapat kinakausap. Ang mga tulad niya ay hindi nakapag-aral, malamang. Natural, walang modo, walang tamang pag-uugali at asal. Move on and find someone else.

Pumihit si Dulce kahit natutukso siyang itaas ang hinlalato sa lalaki na nakatingin pa rin sa kanya mula sa gasolinahan. Hindi siya papatol dito. Hindi niya ibababa ang sarili para sa isang tulad nito. Lalong hindi niya aalisin ang pagiging isang binibini para sa isang tulad nito.

Natanawan niyang papalapit si Caloy sa kanya at nakarinig din siya ng isang ugong ng motorsiklo na nagmumula sa kalsada. Pumasok ang motorsiklo sa terminal, isang lalaking mukhang sanggano kahit na payat ang katawan ang driver. Bumaba ang lalaki mula sa motorsiklo. Nagsalita si Caloy.

“Ma’am, nag-text ako dito kay Kirat. Siya na lang ang maghahatid sa `yo.”

“Akala ko ba wala nang habal-habal na marerentahan dito?”

“Naalala ko po itong si Kirat. Hindi na kasi siya bumibiyahe pero dahil special trip naman, pumayag siya. Nabanggit ko po sa kanyang handa kayong magbayad ng kuwatro mil, Ma’am.”

Tumango si Dulce. Hindi siya manghuhusga base sa hitsura ng isang tao. Hindi man kaaya-aya ang hitsura ni Kirat ay kailangan niyang tandaan na sa ganoong mga probinsiya ay namumuhay sa malinis na paraan ang mga tao. Hindi iyon Maynila na maraming masasamang-loob. Gayunman ay kailangan din niyang magsiguro kaya deretsa niyang sinabi kay Kirat na kailangan niyang makita sana ang lisensiya nito, na agad namang ipinakita ng lalaki.

Nagpadala si Dulce ng text message kay Tisha na nagsasabi ng pangalan ni Kirat, maging ng plaka ng motorsiklo, at lugar kung saan siya naroon at oras na dapat asahan ni Tisha ang kanyang pangalawang text na nagsasabing narating niya ang kanyang destinasyon. Hindi niya itinago ang ginagawa sa dalawang lalaki, sa gayon ay maging babala iyon.

Ikinarga na ni Caloy sa motorsiklo ang bagahe ni Dulce. May nakausling bakal sa likod ng motorsiklo, sadyang lalagyan ng mga bagahe. Pero hindi pa man nito naitatali roon ang kanyang bag ay narinig niya ang ugong ng mas malaking motorsiklo. Si `Ba. Nagbalik sa terminal.

Isang tingin lang ni `Ba kay Caloy ay agad na nagpaliwanag ang binatilyo. “Nag-text ako kay Kirat, Kuya `Ba.” Kinamot nito ang ulo. “Eh, naisip kong yaman din lamang na wala naman siyang biyahe—”

Pinutol ni `Ba ang sinasabi ni Caloy. “Alam mo kung bakit hindi na siya nakakabiyahe, Caloy.”

Mukhang nainis si Kirat, bagaman nang magsalita ay tila ilag, ilang. “Pinagbigyan ko lang ang hiling ni Caloy. Nakiusap lang sa akin itong bata. Sa katunayan may gagawin nga sana ako, kung hindi lang sa pakiusap nito. Wala akong nakikitang problema, `Ba.”

Simple lang ang sagot ng lalaking mala-leon ang mga mata. “Ako, meron. Umuwi ka na.”

Walang pagdadalawang-salitang tinulungan ni Kirat si Caloy na ibaba ang bagahe ni Dulce. Mangha siya. Kahit na mas malaki ang katawan ni `Ba kay Kirat ay mukhang ang tipo ng payat na lalaki ang hindi basta aatras. Sa katunayan ay pulos marka ng tinta ang buong braso nito. May nakita rin siyang pilat sa gilid ng leeg ng lalaki. Kumbaga sa pelikulang Tagalog, si Kirat ang tipikal na kontrabidang umiinom sa sari-sari store at lalaban sa bida. Pero para itong lantang bulaklak na tumiklop.

Hindi nakatiis si Dulce. “Teka lang. Ano’ng nangyayari dito?”

Hindi siya pinansin ni `Ba. Si Caloy ang kinausap nito. “Ikarga mo sa likod ko.”

Tumalima ang binatilyo at sa likod ng motorsiklo ni `Ba itinali ang bagahe.

“Teka, teka muna!” awat niya. “Ano `to? Maayos ang usapan namin ni Kirat. Ipinadala ko sa sekretarya ko ang buo niyang pangalan, pati plate number ng motorsiklo. I think he’s wise enough not to do anything bad to me. At ikaw, bakit biglang sa `yo na ako sasakay?”

Simple lang ang sagot ni `Ba. “Sumakay ka na kung plano mo pa ring magpunta sa Santa Fe.”

“Fine. Patingin ng lisensiya mo.” Inilabas uli ni Dulce ang cell phone, handang ipadala ang mga detalye sa kanyang sekretarya.

Pero walang anumang ginawa ang lalaki para kunin ang lisensiya nito. “Sumakay ka na.”

“Hindi,” matigas niyang pasya. “Kailangan kong makita ang lisensiya mo.”

Sa halip na sumagot ay pinaandar ni `Ba ang motorsiklo ilang dipa mula sa kanya. Napatingin siya kina Kirat at Caloy. Si Kirat ay tahimik lang, habang si Caloy ay kakamot-kamot ng ulong nagkibit-balikat. Parang naramdaman ng binatilyo ang agam-agam niya.

“Ma’am, ligtas po kayong makakarating sa Santa Fe kay Kuya `Ba. Makakaasa kayo,” sabi ni Caloy.

Kahit paano ay umalwan ang kalooban ni Dulce. Siguro, nadale ang pride ng `Ba na iyon. Sa halip na sumunod na sa lalaki ay kinunan niya ng picture ang plaka ng motorsiklo nito, saka niya muling binalingan si Caloy. “Ano’ng pangalan niya? Buong pangalan?”

“‘Baba’ po ang tawag sa kanya ng lahat.”

“Baba?” laking pagtataka niya. Iyon ang kauna-unahang pagkakataon na narinig niya ang pangalang iyon—Baba. Palayaw siguro iyon. At sa isang tao na may kakaibang hugis o haba ng mukha ay magiging isa iyong kantiyaw, pero hindi ganoon ang dating kay Baba. Dahil una, maganda ang hugis ng mukha nito. Mukha ring hindi ito ang tipo ng taong papayag mabansagan na lang basta.

Hindi na nakapagsalita pa si Dulce dahil muling pinaandar ni Baba ang motorsiklo. Nilingon siya nito at sa mismong puntong iyon niya kinunan ito ng picture. Those eyes, as if glaring at her from the phone. Agad niya iyong ipinadala kay Tisha, mabilis na gumawa ng mensahe, saka siya naglakad patungo sa motorsiklo.

“Para lang malaman mo, ipinadala ko na ang picture mo sa sekretarya ko sakaling hindi ako makarating sa Santa Fe, Baba ,” sabi ni Dulce, saka sumakay sa motorsiklo.

Agad siyang napakapit sa baywang ni Baba nang pasibarin nito ang motorsiklo. The man smelled clean and ridiculously fresh despite the sweat at the sides of his face. At bigla ay naging alerto siya sa kakaibang pakiramdam na nabuhay sa kanyang sistema. Nailang siya. Naging alerto siya sa patag nitong abs, sa malapad na likod, sa init na nagmumula sa katawan nito sa kanyang dibdib. Naramdaman niya ang paggitaw ng pawis sa kanyang mukha.

Dulce suddenly became very much aware that he was a man and she was a woman. At nang marating nila ang bahagi kung saan naputol na ang sementadong daan at napalitan ng rough road, dahilan para umalog-alog ang takbo ng motorsiklo, naging alerto siya na sa bawat pag-alog ay sumasama sa pag-alog ang kanyang dibdib. She became conscious that she was wearing a brassiere made of thin fabric and the tips of her breasts were hardening with the friction and the heat from his body. And hers. Dahil sa kabila ng hangin na sumasalubong sa kanya ay init na init siya. Walang alikabok, bahagyang basa ang lupa kahit maliwanag ang kalangitan.

And there she was with her nipples giving their warmest, fiercest salutation onto the stranger’s back! Isang bagay iyon na hindi niya maawat! Damn Victoria’s Secret! Damn friction! At mientras niyang iniisip iyon ay tila lalong nagiging alerto ang kanyang katawan, dahilan para tumayo ang mga balahibo niya sa braso. Sa pagkapahiya siguro at panliliit. Dahil sa labis na pagka-conscious siguro. Salamat at hindi nito nakikita iyon.

Pero nararamdaman ba ni Baba ang kanyang katawan? Ano ang gagawin niya? Paano niya sasabihin sa sariling katawan na i-resist ang reaksiyon niyon? It was impossible! Lihim siyang humiling na sana ay hindi iyon nararamdaman ng lalaki. After all, the motorbike was moving.

Holy mother of the holy.

Alam ni Dulce na hindi sinasadya ng lalaki ang pagpapatakbo nang maalog. Hindi nito kasalanan na parang surface ng buwan ang kalsada. Hindi nito kasalanan na naging malulusog ang dibdib niya. At lalong hindi nito kasalanan na hindi niya naisip na kakailanganin niyang magsuot ng sports bra sa paglalakbay na iyon.

Maingat pa kung tutuusin magpatakbo ang lalaki, mahusay umiwas sa mga lubak at matatalas na bato. Pero hindi sapat ang kakayahan nito para sa dibdib niya. At sa bawat mabigat niyong pagbagsak sa likod nito ay nanliliit niya. She needed to remind herself that this was not her fault either. Nature made her that way.

Imposibleng walang ibang babaeng nakaangkas sa kanya. Siguradong merong aleng malalaki ang dibdib. Ito ang kalakaran dito, ang habal-habal, ang motorsiklo. Sanay ang mga tao rito sa boobs na nag-uumpugan sa likod nila .

Higit na malaki siguro ang dibdib ng ibang ale, iyong mga matatabang ale. Kasama sa uri ng pamumuhay ng mga tao sa bayang iyon ang mga nag-aalugang dibdib.

Sa isiping iyon ay napanatag kahit paano si Dulce at napuno siya ng kuryosidad para sa lalaking ito. Sino si Baba? Bakit parang batas ang salita nito? Pero may gusto siyang malaman kaya tinanong niya iyon.

“Ano ang pangalan mo? Ang buo mong pangalan?”

Matagal bago sumagot ang lalaki. “Baba. Iyon lang.”

BAGO mag-alas-otso ay narating na ni Dulce ang Santa Fe. Dahil siguro siya lang ang sakay ay mas mabilis nilang narating ang bayang iyon. Pagpasok pa lang sa arkong nagsasabing nasa Santa Fe na sila ay napansin niyang hitsurang isang bayan talaga iyon. Kahit na wala siyang nakitang modernong restaurant o convenience store, mayroon naman silang mga nadaanang lokal na bersiyon ng mga iyon.

Sa downtown ay nakita niya ang isang malaking simbahan. Sa tapat niyon ay mayroong mga kainan—mga imitation ang iba ng mga popular chain sa Maynila. Mayroong Mac Joe Burgers, July Bee Burgers and Fries, at Burger Queen. Mayroon din siyang natanawang botika na katabi ng isang malaking sari-sari store. Sarado na ang mga kainan. Ang bukas na lang ay ang isang puwesto may dalawandaang metro mula sa simbahan—isang tila bahay-aliwan na may karatulang nagsasabing “Paraiso.” Napapaikutan ng Christmas lights ang karatula. Sa tapat niyon humimpil ang motorsiklo.

Nakita ni Dulce na agad tinungo ni Baba ang isang aleng nagtitinda ng sigarilyo. Bumili ito ng isa, parang hinihintay siyang makababa. Hindi man lang siya inalalayan! Pero ayos lang. Kahit masakit ang kanyang puwit ay ayos lang siya. Narating na niya ang Santa Fe at nabuhay uli ang kanyang pag-asa. Bukas na bukas din ay hahanapin niya roon si Dominga Esperanza at ang anak ng babae.

“Dito ba tayo kakain?” tanong ni Dulce kay Baba. Kaya siguro sila naroon ay para kumain dahil wala na siyang nakitang ibang bukas na kainan kahit maaga pa.

“Dito ka tutuloy.”

Bahagya siyang umatras, muling binasa ang karatula. Sa ilalim ng malaking pangalan ng Paraiso ay may nakasulat pala: Beer, Restaurant, Inn . Pero malinaw na hindi iyon isang inn para sa mga turistang tulad niya, kundi inn para sa mga magsing-irog. O sa kaso ng Paraiso, para sa mga GRO at customer.

Doon siya tutuloy? Ano siya, bale?

“Excuse me?”

“Walang ibang matutuluyan kundi ito lang. `Wag kang mag-alala, kilala ko ang may-ari.”

“I bet,” hindi maiwasang sabihin ni Dulce. Suki siguro ng Paraiso ang lalaki. Sa ganoon kaliit na bayan, kung kilala ng isang lalaki ang mismong may-ari ng bahay-aliwan, siguradong isa itong suki. Ilang babae kaya roon ang nai-table nito o higit pa?

Ano ba’ng pakialam mo? Bakit ka nag-aatribida? Kung gusto niyang i-table lahat ng babae diyan, wala ka nang pakialam. Tapos na ang serbisyo niya sa `yo. Bayaran mo na pero pakainin mo muna kahit paano, nakakahiya rin naman.

Huminga siya nang malalim. “Dito lang din ba puwedeng kumain?”

“Ganitong oras, oo. Halika na. Walang gagalaw sa gamit mo. Iaakyat ko mamaya.”

Sa halip na pumasok sa unahang pinto ng bahay-aliwan ay sa gilid niyon sila dumaan. Napansin ni Dulce na mukhang walang balak ang lalaking lingunin siya, nauuna sa paglalakad, malalaki ang paghakbang. Sa likod ng bahay-aliwan ay mayroong malaking pinto. Nakabukas iyon at maliwanag sa loob. May isang matandang babaeng nakapuwesto sa isang mesa. Kusina-komedor ang pinasukan nila.

Agad na tumayo ang matanda nang makita sila. “Baba.”

Bahagyang tumango ang lalaki, tinapik ang balikat ng matanda. “Nanang, magandang gabi. Kailangan po ng kasama ko ng matutuluyan.”

Nagtanong ang matanda, naging mapanuri ang mga mata kay Dulce. “Sino siya?”

“Isa pong dayo,” sagot ni Baba.

Parang naalangan ang matanda. Mababakas sa mukha nito ang banayad na pagkabagabag na ikinapagtaka ni Dulce. Lumapit sa kanya ang matanda. Ang una nitong itinanong ay hindi ang kanyang pangalan kundi, “Ano ang pakay mo sa Santa Fe, anak?”

Sumagot siya. “May hinahanap po akong tao.”

Muling nagsalita ang matanda. “Kung hindi mo mamasamain, sino ang hinahanap mo, anak?”

Ayaw man ni Dulce na magbigay ng detalye ay naisip niyang baka makatulong sa kanya ang matanda. Sa edad ng babae at kung matagal na itong naroon, baka alam nito kung nasaan ang kanyang hinahanap. Bukod doon, ang matanda siguro ang may-ari ng bahay-aliwan at sakaling naisipan ni Dominga Esperanza na muling mamasukan sa ganoong lugar, siguradong sa matandang ito lalapit si Dominga.

Sinabi niya ang pakay. “Hinahanap ko po ang isang nagngangalang Dominga Esperanza. May nagpapahanap po sa kanyang kamag-anak.”

Mukhang napanatag ang matanda. “Ganoon ba? Puwes, ano ang pangalan mo?”

“Dulce po, Nanang. Dulce Verdas.”

Tinapik ng matanda ang kanyang balikat. “Ako si Nanang Amor, anak. Kumain na ba kayo? Baba, kumain muna kayo. Saglit lang at tatawagin ko si Ramona.” Pumasok ang matanda sa isa pang pinto. Walang ideya si Dulce kung sinong Ramona ang tinukoy nito pero sa puntong iyon, alam niyang kailangan nang bayaran si Baba.

Naglabas siya ng pera mula sa satchel na kanina pa nakasukbit sa kanyang balikat. Limanlibo ang inilabas niya at iniabot sa lalaki.

Tiningnan lang nito ang pera, hindi inabot. “Itago mo na `yan.”

“Usapan natin ito,” sabi niya. Wala siyang balak magkaroon ng utang-na-loob sa lalaki. Isa pa, hindi rin tamang hindi ito bayaran. Hindi biro ang biyahe nila.

“Sa pagkakatanda ko, ibang bayad ang hiniling ko.”

Labis na nabigla si Dulce, hindi nakaimik. Seryoso ba si Baba? Walang ngiti sa mga labi nito bagaman mayamaya ay umiling-iling. Nakampante siya. Nanunudyo ang lalaki, pero nakakakaba itong manudyo. Hindi para gawing magaan na bagay ang sinasabi nitong iyon.

“Kunin mo na,” sabi niya.

“Igiit mo pa, iba ang kukunin ko sa `yo.”

Natameme si Dulce at ipinasok na sa bulsa ang pera. Bumalik na si Nanang Amor, kasama ang isang babaeng nahuhulaan niyang isang GRO base sa suot na shorts na ubod nang ikli at tube top.

Agad na lumapit kay Baba ang babae. “Kumusta?” tanong nito.

“Mabuti. Ikaw?” sagot ng lalaki.

Ngiting-ngiti ang babae. Simpleng palitan ng salita pero hindi manhid si Dulce para hindi mahimigan na espesyal sa babae si Baba.

Hindi nawala ang ngiti sa mga labi ng babae nang sumagot. “Okay lang ako, `Ba. Matagal ka nang hindi nakakadalaw sa akin.”

Sa “akin,” hindi “dito.” Samakatuwid, sa pagpunta ni Baba sa lugar na iyon ay ang babae ang dinadalaw nito. Ano pa ba ang gagawin ng dalawa? Alangan namang mag-jack en poy? Kung bakit nakadama ng iritasyon si Dulce. Salamat at may dumating pang isang babae na may dalang mga pagkain at inumin. Inihain iyon sa mesa at dumulog na sila.

Ipinakilala si Dulce ni Nanang Amor kay Ramona na bahagya lang siyang sinulyapan. Abala ang babae sa pagkausap kay Baba. Ang usapan ng dalawa ay umiikot lang sa farm ng lalaki. Noon niya nalaman na mayroon palang farm si Baba na may mga hayop. Bagay ang lalaki sa isang rancho, nakasakay sa kabayo, cowboy, at puwede sa commercial ng isang sigarilyo. He was very masculine though he moved with careful grace.

Wala pa siyang nakikilalang lalaking tulad nito—tila mahirap maturol kung ano ang iniisip, at tila kinatatakutan tulad ni Kirat kanina. Naunawaan ni Dulce na labis na niyang iniisip ang lalaki kahit tapos na ang ugnayan nila.

Nang matapos ang hapunan ay nagpaalam na sa lahat si Baba. Bahagya tumango kay Dulce ang lalaki at lumabas na ng pinto kasabay nina Nanang Amor at Ramona.

Makalipas ang ilang minuto ay nagbalik na ang matanda at ang GRO, dala ang kanyang bag na agad niyang kinuha mula sa dalawa. Inutusan ng matanda si Ramona na samahan siya sa magiging kuwarto niya sa itaas. Mayroon siyang nakikitang hagdan at naroon pala ang daanan patungo sa iniisip niyang inn sa itaas ng bahay.

“Dito pala ang daan pataas sa inn?” tanong niya kay Ramona.

“Hindi ito ang inn. Bahay ito ni Nanang Amor,” simpleng sagot ni Ramona. Malamig ang pakitungo ng babae. “Nandito rin ang kuwarto ko.”

“Nandito ang kuwarto ninyong lahat?”

Humarap sa kanya ang babae. Nasa ikalawang palapag na siya. May maliit na sala roon at isang maiksing pasilyo at natatanawan niya ang may apat na pintuan—dalawa sa kaliwa ng pasilyo, dalawa sa kanan.

“Naming lahat?” tanong ng babae. “Naming lahat na ano?”