"ANAK?"
Mabuti na lamang at hindi himatayin ang kanilang ina. May palagay si Zeke na kung mahina ang puso nito ay nawalan na ito ng malay. Nagpalipat-lipat ang tingin nito sa kanila ni Willa. As soon as his mother's birthday party ended, hindi na ipinagpaliban pa ng binata ang pakikipag-usap sa ina. Ipinakilala niya rito si Willa at ang anak na si Samantha.
Naroroon din si Vincent. Magkakaharap silang lahat sa family room. Pero bukod sa gulat ay wala ng ibang ekspresyong lumarawan sa mukha ng kanyang ina. Tanging si Annika lamang ang parang nasiyahan sa ipinahayag niya. Vincent's face was unreadable. Nakatayo lamang ito sa likuran ng kinauupuan ng ina nilang si Sandra.
"I demand a paternity test, DNA test—whatever they call it to prove that that kid is really yours," mataras na sabi nito nang makabawi.
"Mommy," unang nag-react si Annika. Tinakpan nito ang magkabilang tenga ng katabing si Samantha. "With or without the DNA test, I'm convinced that she's my niece."
"Just because she looks a bit like you when you were a kid doesn't mean anything, Annika. Maraming tao ang nagkakamukha kahit hindi naman sila related by blood," wika ng ina sa dalaga.
"Fine, gawin niyo ang gusto niyo. Pero sa palagay ko ay hindi makabubuti para kay Sammy ang marinig pa ang pag-uusapan niyo. Ilalabas ko na muna siya. Let's go, angel," iginiya ng palabas ni Annika sa family room ang bata.
"And what are you planning to do with her?" tukoy ni Sandra kay Willa. "Kung talagang anak mo ang bata ay wala akong choice kundi ang tanggapin siya. As for her, I don't think so. You said it yourself, remember? Isa lamang siyang tindera ng kakanin. I won't have her for a daughter in-law."
Nagtiim ang mga labi ni Zeke. May dugong Koreana ang kanyang ina. Hindi man ito nagmula sa nakaririwasang pamilya ay likas sa dugo nito ang pagiging matapobre. Isang ugali na tila namana niya.
"Wala pa kaming concrete plan, Mommy. Pero kung magkakaroon man, I don't think you have a say in it. After all, I've lived long enough on my own to decide for myself."
"Zechariah."
"We're leaving," hinawakan ni Zeke sa braso si Willa.
Tila tuod itong napilitang sumunod sa kanya.
"Mag-uusap pa tayo," huling pahabol ng ina.
Ngunit parang walang narinig na tuloy-tuloy lang na lumabas ng silid ang pareha.
"Simulan mo ng sanayin ang sarili mo sa ganoong ugali ni Mommy. Eventually, matututunan niya ring tanggapin ang lahat," ani Zeke kay Willa.
"Tinuruan ako ng mga magulang ko ng tamang paggalang sa mas nakatatanda sa akin. Walang kaso sa akin kahit alimurahin niya ang pagkatao ko. Pero ibang usapan na kapag ang anak ko ang nasaktan. Hindi ako bastang mauupo na lang at tatanggapin ang lahat ng sasabihin niya."
"I'll take that as a warning."
Hindi na ito nagsalita pa.
SA loob ng family room ay kinausap ni Sandra ang ikalawang anak.
"Gusto kong ikaw mismo ang magpagawa ng DNA test sa bata. Mukhang masyadong nahuhumaling ang kapatid mo sa babaing 'yon. Hindi muna nag-isip bago tinanggap ang mag-inang 'yon. Hindi na ako magtataka kung sadya siyang nakipaglapit kay Annika para mabilog ang ulo ng mga kapatid mo."
"Paano kung totoo nga'ng anak niya ang bata?"
"Then I will file for sole custody."
"As far as I know, ang mga batang nasa gano'ng edad ay awtomatikong napupunta sa ina ang custody."
"Nakakalimutan mo na ba kung nasaan tayo, Vincent? Pilipinas ito, lahat ng bagay rito ay may katapat na halaga."
Tila may nais pang sabihin ang binata.
"What is it?"
"Nothing. Aalis na rin ako, Mommy. Maaga pa ang photo shoot ko bukas."
"You will do what I asked, right?"
"Naririyan si Lorie, Mommy. Siya na lamang ang utusan niyo."
"Kahihiyan ito ng pamilya. Hindi ko puwedeng ipagkatiwala sa kanya ang ganito kaselang bagay."
"Sooner or later ay kakalat din naman sa mga amiga mo ang tungkol dito, Mommy."
"Not if I can help it."
Napabuntong-hininga si Vincent.
"Alright, I'll do it."
"Thank you, son."
"Bye, Mom. Happy birthday again."
"Thank you. Drive carefully."
"I will. Good night."
"Good night."
"KAILANGAN kong tawagan ang kapatid ko. Natitiyak kong mag-alala 'yon kapag hindi kami nakauwi ngayong gabi ni Samantha," ani Willa habang lulan na sila ng sasakyan ni Zeke.
"Here. Use my phone. Bukas ay ibibili kita ng sarili mong cellphone at personal na mga gamit. Ganoon din si Samantha," tiningnan nito sa headview mirror ang nahihimbing na bata sa backseat.
May malaking stuffed toy na katabi ito at nasasandalan habang secured na nakakabit dito ang seat belt. Bigay ni Annika ang stuffed toy kasama ng damit na ipinahiram nito kay Willa.
"Hindi ko kailangan ng kahit na ano mula sa'yo. Kaya kong magbanat ng buto," nakuhang itugon ni Willa sa kabila ng pagtahip ng dibdib.
Tinawagan na niya ang kapatid.
"Tatanggapin mo ang lahat ng ibibigay ko sa'yo dahil simula bukas ay hindi ka na magta-trabaho. Gusto kong ang bata na lang ang pagtuunan mo ng pansin. At ako."
Bahagyang namilog ang mga mata ni Willa nang lingunin ito. Ang balak niyang pagsagot sa sinabi nito ay naudlot nang marinig niya ang boses ni Walter sa kabilang linya.
"Ate, pauwi na ba kayo?"
"Walt, baka bukas na kami makauwi ni Samantha. Bukas na lang din ako magpapaliwanag."
"Sige, Ate. Mag-iingat kayo."
Nagpaalam na siya at ibinalik kay Zeke ang cellphone nito.
"You will stay at home and look after Samantha. End of discussion."
"Baka nakakalimutan mo ang gustong mangyari ng Mommy mo. Kailangan mo munang ipa-DNA ang bata kung sa'yo nga siya o hindi," hindi napigilan ni Willa ang maging sarkastiko.
Minsan niya lang ibinenta ang sarili. Pero kung tratuhin siya ng ina nito ay daig pa niya ang isang patakbuhing babae.
You said it yourself, remember? Isa lamang siyang tindera ng kakanin.
Bigla siyang nanliit nang maalala iyon.
I won't have her for a daughter in-law.
Timping-timpi niya lang ang pagsabog ng galit kanina. Kung hindi siya nito gustong maging manugang ay wala rin naman siyang interes na mapabilang sa pamilya ng mga ito. Lalo pa nga at kitang-kita naman niya kung gaano kalayo ang agwat ng mga estado nila sa buhay. Iyong isang anak nito ay parang nakita na niya ang mukha sa mga naglalakihang billboards sa Cubao. Si Annika, kahit simpleng-simple lang madalas ang ayos ay mukhang prinsesa. At ang lalaking kasama niya, kahit siguro magsuot ng basahan ay hindi ito mapagkakamalang pulubi.
"I will. Although, katulad ni Annika, I'm sure that she's mine."
Hindi na lamang siya nakipagtalo. Pero aaminin niya, natuwa siya kahit papa'no sa sinabi nito.
"Here we are."
Pahapyaw na pinasadahan ng tingin ni Willa ang kaharap na bahay kung saan inihimpil ni Zeke ang sasakyan nito. Moderno iyon at malaki. Cubic style at malalaking salamin ang bintana.
Hindi na niya hinintay na pagbuksan pa siya nito ng pinto at umibis na siya ng sasakyan. Ito naman ay umikot sa backseat at maingat na binuhat ang nahihimbing na si Samantha. Malalim na ang gabi. At sa isang bata na hindi naman nasanay manood ng telebisyon bago matulog, maaga talaga itong nakakatulog. Late na nga kung ikukumpara iyon sa oras ng tulog nito.
Kaagad na bumukas ang kambal na dahon ng pinto hindi pa man sila kumakatok.
"Good evening, Sir," nakangiting bungad ng isang may-edad na babae sa kanila. "Ay, sila ba 'yong tinutukoy niyo kanina sa telepono?"
"Sila na nga po. Si Manang Soledad," pakilala ni Zeke. "Manang si Willa ho. At itong cute na batang buhat ko ay anak namin, si Samantha."
"Nakow, napakagandang bata. Parang may hawig kay Ma'am Annika, ano?"
"Ganoon na nga ho. Naipalinis niyo na ba ang guest room?"
"Oho, Sir. Dalawang beses kong ipina-vacuum kina Sharon at Maricel gaya ng instruction niyo para siguradong walang alikabok."
"Salamat, Manang. Puwede na kayong magpahinga."
Nakikiming ngumiti si Willa sa may-edad na kasambahay. Nang lumakad si Zeke patungo sa isang silid ay awtomatikong napasunod dito si Willa. Maingat na inilapag ni Zeke sa ibabaw ng kama si Samantha.
Kaagad naman niyang hinubaran ng sapatos at medyas ang anak. Dinampot ni Zeke ang sapatos at tila saglit na tinantiya ang sukat niyon bago ibinaba.
"Ahm, a-ayos na ako rito. Tabi na lang kami ni Samantha."
"Says who? You're sleeping with me."
"Zeke—" ang pagpo-protesta ni Willa ay naputol nang higitin siya nito at mabilis na yakapin.
Nanghina ang kanyang mga tuhod nang mainit at tila may pananabik na simsimin nito ang kanyang leeg. Nang tangkain niyang lumayo rito ay hinapit siya nito sa puwetan at idinikit nang husto sa sariling katawan. Muntik na siyang mapapitlag nang maramdaman ang matigas na bagay na bumundol sa kanyang tiyan.
Ang suot niya ay off-shoulder dress na malambot ang tela. Para iyong pantulog na mahaba ang manggas. Mayroon iyong slit sa magkabilang gilid at umaabot lamang sa ibabaw ng kanyang tuhod ang haba.
Ang isang kamay ni Zeke na nakasapo sa kanyang pang-upo ay pumasok sa kanyang damit at hinaplos ang isa niyang hita. Humagod iyong pataas at pinisil ang kanyang balakang.
"Zeke," para siyang malulunod na napasinghap ng hangin.
Muling dumapo ang mga labi nito sa kanyang leeg. Siniil nito ng halik ang kanyang balat. Sinikap niyang awatin ito dahil natitiyak niyang mag-iiwan iyon ng marka. Pero nagpatuloy lang ito.
"T-tama na. N-nakakahiya. Hindi ko maitatago ang mga 'yan bukas," nagpa-panic na sabi niya.
"Say yes."
"Yes saan?"
"That you'll sleep in my bed tonight and the following night."
"Zeke—"
Muling bumaba ang mga labi nito sa kanyang leeg.
"Yes. Oo na, tatabi na ako sa'yo!" mahina ngunit paangil na sagot niya bago pa nito muling panggigilan ang kanyang leeg.
Ngiting-tagumpay ang matsing nang mabilis pa sa alas-kuwatrong pangkuhin siya nito. Mariing napapikit ng mga mata si Willa.
Ah, ano bang kabaliwan itong napasukan mo, Wilhelmina?