WALTER Ocampo. Third year college student, taking up Electrical Engineering course...
Isang linggo pagkaraan ay natanggap ni Zeke ang dossier tungkol sa lalaking napapaugnay sa kapatid na si Annika. Magkasing-edad lamang halos ito at ang kanyang kapatid. There wasn't anything fishy about Walter. Above average student. Eskuwela, bahay, at trabaho lamang ang regular routine nito. Ulila na sa magulang at tanging nakatatandang kapatid at isang pamangkin ang kapamilya nito.
Hindi na sana pag-uukulan ng pansin ni Zeke ang tungkol doon sa huli nang makita niya ang isang larawan nito kasama ang isang batang babae. Iyon ang batang babae na kinagigiliwan ng kapatid niya.
Unti-unting lumalim ang pagkakakunot ng noo ng binata.
Just how deep is my sister's involvement with this guy? saloob-loob niya.
Mukhang kailangan na niyang gumawa ng hakbang para mapigilan ang lalo pang paglalim ng kaugnayan ni Annika sa binatang iyon. Aba'y mukhang hindi lang ito ang sinusuportahan ng kapatid niya kundi maging ang buong pamilya nito.
Maganda ang kapatid niya. Mula nang magkasira ito at ang anak ni Senator Constantinople ay kaliwa't kanan na ang manliligaw nito. At hindi basta-basta ang mga manliligaw ng kanyang kapatid, pawang nagmula sa mga may sinasabing angkan. Kaya hindi niya maunawaan kung ano ang nakita nito sa lalaking iyon. Oo nga't may hitsura, pero di-hamak na mas magandang lalaki rito ang ex-boyfriend ng kapatid niya.
Sa kabilang banda ay alam niyang hindi superficial ang kapatid para pahalagahan ang mga ganoong bagay.
I need to put an end to her foolishness before it gets out of hand.
Alam niyang likas na matigas ang ulo ng kapatid. Ngunit para rin naman dito ang gagawin niya. His sister is an heiress. Nang mamatay ang ama nito ay naiwang lahat dito ang kayamanan ng amang si Wyatt Ambrose. At bagama't ang ina ang nagha-handle ng mga finances ni Annika, sa sandaling tumuntong ng bente-uno ang kapatid niya ay mapupunta na rito ang control sa mga minanang assets. At iyon ang pinangangambahan ng kanyang ina. At mukhang may basehan naman ang takot nito. Kaya habang maaga pa ay dapat na siyang gumawa ng hakbang.
"Hello, Mr. Kim. Yes, this is Zechariah Lee Sandejas. Listen, I need you to do something for me."
Wala pang sampung minuto at natupad ang gustong mangyari ni Zeke. Ipinatanggal niya sa trabaho si Walter Ocampo.
NAPANSIN ni Willa ang matamlay na hitsura ng kapatid na si Walter pagbungad nito sa pinto ng kanilang bahay.
"O, may sakit ka ba? Ang aga mo yatang umuwi." Binitiwan niya ang ginagawa at sinalubong ito.
"Ayos lang ako. Wala akong sakit," pilit ang ngiting sabi ni Walter nang damahin ng nakatatandang kapatid ang noo nito.
"E, bakit para kang namatayan d'yan? In love na ba ang bunso kong kapatid, hmm?" panghuhula ni Willa na may bahid ng panunukso.
"Sana nga ganoon lang 'yon kasimple, Ate. Kaso... n-natanggal ako sa trabaho."
"Ha?" biglang nanlumo si Willa sa narinig.
Pero mabilis ding hinamig ang sarili dahil alam niyang lalo iyong makabibigat sa dalahin nito.
"Huwag ka munang masyadong mag-isip d'yan," aniya sa pinagagaang na tono. "May ipon naman ako kahit papaano mula roon sa ibinibigay mo sa akin kada suweldo. Sigurado ako, bago natin magalaw 'yon ay makakahanap ka kaagad ng bagong trabaho. Ipanatag mo lang muna ang isip mo."
Tumango lang ito sa sinabi niya.
"Kumain ka na ba?"
"Hindi ako nagugutom. Nasaan nga pala si Samantha?"
"Nasa kabilang bahay, pinabili ko ng yelo," ang tinutukoy niya ay ang mag-ari ng loteng nabilhan nila.
Ang matandang mag-asawa roon ay giliw na giliw rin sa anak niya—sina Lolo Tiyago at Lola Nelia. Listo raw kasi at kaydaling kaluguran. Parang lolo at lola na rin ang turing nila sa dalawang matanda. Dalawa rin ang anak ng mga ito ngunit parehong nasa abroad. Ang isa ay engineer sa Dubai at ang isa naman ay nurse sa London, pareho ring mga wala pang pamilya. Ang tanging kasama ng mga ito sa bahay ay isang matandang dalagang pamangkin, si Ate Concha. Ito ang tagapag-alaga ng dalawang matanda.
"Susundan ko na, Ate. Alam mo naman ang batang 'yon, medyo mahina ang tuhod."
"Mabuti pa ngang sundan mo na. Nagre-request ng juice, tamang-tama na maraming napanguhang kalamansi kanina sina Lolo Tiyago ro'n sa tanim nilang tatlong puno. Nabigyan kami ng isang salop."
Tahimik na lumabas ng bahay ang kanyang kapatid. Alam ni Willa na bukod sa nag-aalala si Walter sa pamangkin ay umiiwas din itong mapag-usapan nila ang pagkakatanggal nito sa trabaho. Napakalaking tulong sana ang kitang iniaakyat ng kapatid. Pero kahit manghinayang wala rin naman siyang magagawa.
Napabuntong-hininga na lang siya at muling binalikan ang ginagawa. Nagluluto siya ng puto. Isandaang piraso ang order sa kanya ng asawa ng kanilang Brgy. Chairman. Mabuti na lamang at kahit ganoong nawalan ng trabaho ang kapatid ay sunod-sunod ang order sa kanya ng mga kakanin. May order pa sa kanyang dalawang tray ng cassava cake si Annika. Pahirapan lang talaga ang pagluluto dahil mano-mano ang mga kagamitang ginagamit niya. Iyon ngang cassava cake na lulutuin niya ay ipapakisuyo niya lang sa oven nina Lolo Tiyago para malinis at pulido. Nakakahiya kasi na pa-steam ang lutong gawin niya. Baka maglasang-usok dahil kahoy ang gamit niyang panggatong.
Kung hindi nawalan ng trabaho si Walter ay gayak na nilang magkapatid na bumili ng gasul at kalan. Kaso ganitong wala pa silang kasiguruhan kung kelan ulit magkakatrabaho ang kapatid, maghihigpit muna sila ng sinturon.
Nabalik na naman ang isip niya rito. Bakit kaya ito natanggal sa trabaho?
Nang tanungin niya si Walter tungkol doon, ito man ay walang ideya kung bakit ito tinanggal sa trabaho.
"Sigurado ako na wala akong ginawang kapalpakan, Ate. Minsan nga, kahit hindi ko na trabaho ginagawa ko pa bilang pakikisama. Tapos," mangiyak-ngiyak itong napailing. "Nang ibigay sa akin ni Mr. Paredes ang suweldo ko sabi niya, huling araw ko na raw 'yon. Kailangan daw nilang magbawas ng empleyado."
"Hindi man lang nila ikinunsidera na working student ka?"
"'Yon nga ang nakakasama ng loob do'n, Ate. Samantalang 'yong iba na regular doon ay papetiks-petiks lang. Halos walang ginagawa at utos lang nang utos pero sila pa 'yong tumatanggap ng maraming benepisyo."
Naaawang hinagod-hagod ni Willa ang likuran ng kapatid.
"Hindi ba puwedeng ireklamo ang ganyan?"
"Pagkatapos ay ano? Baka pag-initan lang nila ako kapag ipinagsiksikan ko pa ang sarili ko sa kanila."
Naisip niyang tama naman ito. At kung magrereklamo sila, hanggang saan naman sila aabot? Madalas talaga kaya lalong naaapi ang mahihirap ay dahil sa kawalan nila ng kakayahang ipaglaban ang kanilang karapatang-pantao.
"Siya, huwag na nating pag-usapan 'yan. Sigurado ako, makakakuha ka nang higit pa. Ikaw pa ba? Napakahusay mong dumiskarte."
Isang pilit na ngiti ang gumuhit sa mga labi nito.
Ng mga sumunod na araw ay naging puspusan na ulit ang paghahanap ng trabaho ni Walter. Sa tuwing uuwi itong laglag ang balikat at bigo na makakuha ng bagong trabaho ay pilit na ikinukubli ni Willa ang awa. Mabuti na lamang at sa tuwing lalambingin ito ng pamangkin ay parang nawawala ang pagod nito. Makikita niya na lang na tumatawa na ito at nakikipaglaro kay Samantha.
"ANO kaya at magpahinga ka muna ngayon?" suhestyon ni Willa sa kapatid nang papunta na siya ng simbahan kung saan siya nagtitinda ng kakanin. Wala rin itong pasok sa eskuwela. "Baka mientras kang nanggugumigil na makakita kaagad ng trabaho, eh, lalo kang mahirapang makakita."
Sandaling pinag-isipan ni Walter ang sinabi niya. Pagkuwa'y nilingon si Samantha na mabilis ng gumagayak upang sumama sa pagtitinda ng ina.
"Prinsesa, dito na lang tayo sa bahay."
"Hindi ka aalis?"
"Hindi na. Aayusin natin 'yong dingding. Mukhang isang anay na lang ang hindi pumipirma at made-demolish na itong barung-barong natin."
Napangiti si Willa. Mabuti at napansin din pala nito iyon. Kahit wala naman silang masyadong kagamitan sa loob na puwedeng nakawin ay mabuti na ring ayusin nga nito ang kanilang dingding. Noong minsang umuwi silang mag-ina mula sa pagtitinda ay may aso't pusang nag-aaway sa loob ng bahay nila nang sila'y dumating. Nakapasok yata sa butas ng kanilang dingding.
"O, paano? Maiwan ko na kayo. Ano ang gusto niyong ulam mamaya? Bibili na lang ako ng luto."
"Lechon paksiw," panabay na sagot ng mag-tiyuhin.
Natawa siya. Paborito ng mga ito iyon.
"Sige. Pagbutihan niyo ang pagkukumpuni ng bahay, ha? Gusto ko pag-uwi ko ay wala na akong makikitang butas."
"Pag-uwi mo, Ate, magugulat ka na lang. Mansyon na 'to."
"Loko-loko," mabilis na hinagkan ni Willa ang anak. "Ba-bye na. Sana makaubos si Nanay."
"Sigurado po ako, Nanay. Bibilhin ulit 'yan ni Ate Annika."
"Wah, naiintriga na ako sa Ate Annika na 'yan, ah. Siya na lang ang parating bukambibig mo," komento ni Walter nang kilikin ni Willa ang bilao ng tindang biko.
"Ang ganda-ganda niya, Tito Walt, at ang bait-bait pa. Sana makita mo, magugustuhan mo rin siya."
"Ows? Maganda talaga?" binalingan ni Walter ang kapatid.
"Oo. Kamukha ni Liza Soberano, medyo singkit nga lang at mukhang may dugong foreigner," tugon ni Willa.
"Artistahin?"
"Mas maganda pa sa artista," pagbibida ni Samantha.
"Talaga lang, ha? Bukas na lang kaya natin ayusin ang dingding?"
"Baliw. Unahin mo na ang dingding at baka sa susunod hindi lang aso't pusa ang magrambolan dito sa loob ng bahay natin."
"Sayang," naiiling na sabi ni Walter. "Sige, sa susunod na lang."
Lumakad na si Willa habang kilik ang bilao. Medyo tanghali na siya kaya hindi siya sigurado kung aabutan niya pa roon si Annika. Isa pa ay baka naman mapurga na ito sa biko kung bibili na naman ito sa kanya. Kahit naman wala ito ay nakakaubos din siya. Iyon nga lang medyo atrasado na rin siya kung makauwi ng bahay.
"Tinanghali ka yata," bati ni Aling Bebang nang pumuwesto si Willa sa tabi nito.
"Oho nga, eh."
"Hinahanap ka nga pala no'ng suki mong si Anna ba 'yon?"
"Anna ho?" saglit pang inisip ni Willa kung may kakilala siyang Anna.
"May ibibigay 'ata sa iyo."
Anna. "Ah, baka ho si Annika ang sinasabi niyo."
"Ay, hayun nga. Dangan kasi at masyadong mahirap tandaan ang pangalan."
Tumango lang siya habang nangingiti. Nang may lumapit na bibili ay kaagad niya iyong pinagbilhan.
"Ate Willa."
Pag-alis no'ng bumibili ay nakita ni Willa ang magandang dalaga na nakatayo sa harapan niya.
"Annika," hula niya ay tapos na itong magsimba. Isa-isa na kasing naglalabasan ang mga dumalo ng misa. As usual, araw iyon ng Miyerkules.
"Ate, ibibigay ko na 'yong bayad doon sa order kong cassava cake," isang maliit na envelope ang iniabot nito sa kanya.
Selyado iyon kaya hindi siya sigurado kung magkano ang laman niyon. Bagaman sinabi naman niya rito kung magkano ang presyo ng isang tray noong huli silang magkausap.
"Naku, mukhang sobra-sobra na naman ito, Annika. May sukli ka pa nga ro'n sa bikong binili mo."
"Ayos lang 'yan, Ate. Regalo ko na lang kay Sammy. Malapit na siyang pumasok ng school, di ba? Nasaan nga pala si Sammy?"
"Nasa bahay kasama ng Tito Walt niya."
"Wala ba siyang pasok?"
"Pasok?"
"I mean, S-Sammy mentioned it to me before na pumapasok ang Tito Walt niya."
"Ah," hindi na magtataka si Willa kung mabanggit nga ng anak ang tiyuhin kay Annika. Likas nga kasing matabil ito sa mga taong nakakapalagayan nito ng loob. "Wala na siyang trabaho, eh. Nagbawas daw ng empleyado sa pinapasukan niya. Wala rin siyang klase ngayon dahil halos patapos na ang second sem."
"N-natanggal siya sa trabaho?"
"Oo, ganoon na nga. Maghahanap nga sana ulit siya ng trabaho ngayon pero pinigilan ko na muna at 'kako ay magpahinga."
"I-I see. Um, this is for Sammy," iniabot nito sa kanya ang isang katamtamang laki ng paper bag.
"Mukhang mga damit na naman ito, ah," noong nakaraan lamang ay binigyan na nito ng dalawang paper bag na damit ang anak niya. Napakagaganda at mga mukhang bago pa. Pero ayon dito ay mga pinaglumaan lamang nito ang mga iyon. "A, may card ka yatang naiwan dito."
"Invitation 'yan, Ate. Gusto kong pumunta kayo sa birthday ni Mommy. Ipapasundo ko kayo sa driver."
"H-ha? Aba'y..." hindi niya alam kung ano ang isasagot.
"Huwag kang tatanggi. Hihintayin ko kayo ni Sammy."
"S-susubukan ko."
"Hindi puwede. Kapag hindi kayo pumunta ako mismo ang susundo sa inyo."
Napangiti na lang siya. "Sige na nga."
"Hayan. Sige, I'll see you on Sunday."
"See you."