noveltoon logo noveltoon
One Night with the Billionaire (Filipino)

Chapter 31

Ch. 32 / 33 May 10, 2025

IYAK nang iyak si Annika matapos itong makausap ni Willa.

"I am so sorry, Ate. Matagal ko ng gustong sabihin sa'yo ang totoo. Natakot lang ako na madamay sa galit mo si Kuya Zeke at masira ang pagsasama niyo nang dahil sa akin."

"Naiintindihan ko ang nangyari. Ang pagkakamali mo lang ay nagpadaig ka sa takot. Pero kasabihan nga, we learn from our mistakes. At sana'y maging aral sa'yo ang mga nangyari. Hindi solusyon sa problema ang pagtakbo."

"I know that now, Ate."

Nakangiting tinulungan ni Willa na magpahid ng luha si Annika.

"A-Ate, g-gusto ko sanang makausap si Walter. Gusto kong humingi ng tawad sa kanya."

"Ahm, puwede bang bigyan mo muna siya ng sapat na panahon?"

Nakita ni Willa ang pag-aalala sa mukha ng hipag.

"Umalis na siya sa trabaho. Sa palagay mo kaya ay ayos lang siya, Ate? Paano ang pag-aaral niya? Alam kong hindi siya tumatanggap ng allowance kay Kuya kahit anong pilit ni Kuya Zeke. Will he be able to get by on his own?"

Isang ngiti ang sumilay sa mga labi ni Willa.

"Kung meron sigurong positive effect ang mga nangyari noon, isa na ro'n ang pagiging responsible ni Walter. Bago ang aksidenteng 'yon ay sakit siya ng ulo ko. Kaliwa't kanan ang barkada, parating nagka-cutting classes at kung saan-saang gulo nasasangkot. Pero pagkatapos kong ipanganak si Samantha, siya na halos ang nag-intindi ng lahat. At masasabi ko ring nang dahil sa lahat ng hirap na pinagdaanan namin kung kaya't lalo kaming nagkalapit na magkapatid. Naging lakas namin ang isa't isa. Kung pinili niya man ang pansamantalang lumayo, natitiyak kong iyon ay dahil gusto niya lang mag-isip."

"I understand."

"Huwag kang mag-alala. Ayos lang siya. Kung magkakaproblema man, natitiyak kong tatawag 'yon sa akin."

Kahit parang nag-aalala pa rin ay tumango lang si Annika.

"Ilibing na natin sa limot ang lahat. Walang silbing paulit-ulit pa natin 'yong hukayin. Ang isipin mo na lang ay ang ngayon at ang darating na bukas. Huwag mong hayaang makalaya si Trevor dahil doon. Nasa likod mo lang kami."

"Thank you, Ate Willa."

"HONEY, are you okay?" Napansin ni Zeke ang lungkot sa mga mata ng asawa habang nakatingin ito sa hawak na cellphone.

Isang ngiti ang ipinaskil nito sa mga labi. Ngiting halatang pilit upang hindi siya mag-alala.

"Si Walter ba ang kausap mo?"

Tumango ito.

Nilapitan ni Zeke ang asawa at kinabig sa dibdib.

"May problema ba siya? Gusto mong ipahanap ko ang kinaroroonan niya?"

"Hindi na. Ayos naman ang kalagayan niya. Nami-miss ko lang. At nami-miss na rin siya ng anak mo. Ilang araw ng parating bukambibig ang Tito Walt niya. Sabi ko na lang ay busy sa eskuwela."

"Is he?"

"Ha?"

"Pumapasok pa ba siya ng school?" worried niyang tanong. Kapatid na rin ang turing niya kay Walter. Anuman ang mangyari rito ay kargo na rin niya ito.

"Oo. Siya 'yong tipo ng estudyanteng kahit pamasahe lang ang pera ay papasok pa rin ng school. Ganoon na siya ka-dedicated ngayon sa pag-aaral niya."

"Saan siya nakatira ngayon? Is he eating well?"

"Oo naman. Pumasok daw siyang crew sa isang fastfood malapit sa school na pinapasukan niya kaya ayos lang siya."

Napahinga nang malalim si Zeke.

Kinabukasan ay matiyagang nag-abang si Zeke sa unibersidad na pinapasukan ni Walter. Eksaktong palabas na ito ng school nang masulyapan niya.

"Walter."

Halatang nagulat ito nang makita siya.

"Kuya Zeke."

"Puwede ba tayong mag-usap?"

Kahit mukhang napipilitan ay tumango ito. Itinuro niya rito ang kinapaparadahan ng kanyang kotse. Sumunod ito sa kanya.

"I heard you're working now," aniya nang patakbuhin ang sasakyan.

Tumango lang ito sa tanong niya.

"Where?"

Binanggit nito ang pangalan ng isang fastfood chain. Medyo nakahinga siya nang maluwag sa isiping hindi naman pala ito nagsinungaling kay Willa para hindi mag-alala ang kanyang asawa.

Inihimpil niya ang kanyang kotse sa tapat ng isang cafe. Pumasok sila roon. Um-order siya ng pagkain para sa dalawa.

"Busog pa ako, Kuya."

"Puwes, gutom ako kaya sabayan mo na ako. I skipped lunch."

Napilitan itong damputin ang mga kubyertos sa harapan nito.

"Nami-miss ka na ni Samantha," aniya. Pinakiramdaman niya ang reaksyon nito.

Saglit itong natigilan. Pagkuwa'y tahimik lang na nagpatuloy sa pagkain.

"Tatawagan ko na lang siya para mag-explain," wika nito.

"Alam kong hindi madali para sa'yo ang lahat. Pero katulad ng sinabi mo sa akin dati, pamilya na tayo, di ba?"

"Iyon na nga, Kuya, eh. Pamilya na tayo. At mas masakit kung pamilya mo mismo ang mananakit sa'yo."

Wala siyang naitugon doon. Dahil sa isang banda ay tama naman talaga ito.

"Halos magkasing-edad lamang kayo ni Annika nang mangyari ang aksidenteng 'yon. My sister is not really a bad person, Walter. Dala ng edad at pressure kaya napilitan siyang takbuhan ang nangyari sa'yo. Pero alam mo rin naman na kahit huli na ay sinubukan niya pa ring bumawi sa'yo, sa inyo, hindi ba?"

Nakita niya ang pagtaas ng isang sulok ng bibig nito sa sarkastikong ngiti.

"Kung nagkapalit tayo ng sitwasyon, Kuya, masasabi mo pa kaya 'yan? Na napilitang magbenta ng katawan niya ang kapatid mo para lang madugtungan ang iyong buhay?"

"Kailangan pa ba nating balikan ang nakaraan? I love your sister. At kung ibabalik ang gabing 'yon na nagkakilala kami, wala akong babaguhin kahit na isang saglit."

"Madaling sabihin."

"Right. Dahil hindi ako ang nasa sitwasyon mo ng mga panahong 'yon."

Nagtiim lang ang mga labi nito. Pagkuwa'y tumayo na ito at isinukbit ang bag.

"Salamat sa miryenda."

Paalis na sana ito nang muli siyang magsalita.

"I understand that you need time. Kapag handa ka na, lagi mo sanang tatandaan na laging bukas ang bahay namin ng Ate mo para hintayin ka. Alalahanin mo rin sana si Samantha na laging naghihintay sa pagdalaw mo."

Walang lingon-likod na lumabas na ito ng cafe.

Kinagabihan pag-uwi ni Zeke ay tila sadyang naghihintay na ang kanyang asawa. Alam nito ang balak niyang pakikipag-usap kay Walter nang araw na iyon. Kaya naman sadyang nag-abang ito ng ibabalita niya.

"Ano ang nangyari?"

"He needs more time."

Nakita niya ang panlulumo nito.

"Hey, don't be sad. He'll come around," kinabig niya ito at masuyong niyakap. "Hayaan muna natin siyang mapag-isa. May mga taong habang pinipilit nating abutin ay lalong lumalayo."

PERO kabaliktaran niyon ang opinyon ni Annika. Ayaw na niyang patagalin pa ang paghingi ng tawad kay Walter. She already wasted four years. She couldn't wait another four years to ask for his forgiveness. Mula sa school at sa part-time job na pinapasukan ng binata ay sinundan niya ito. Wala pa siyang ideya kung saan ito umuuwi. Nang makita niya itong pumara ng jeep ay inutusan niya ang kanyang driver na buntutan lang ito.

Nanlumo siya nang matuklasang bumalik ito sa dating bahay. Malayo iyon sa unibersidad na pinapasukan nito. Nakaramdam siya ng awa rito. Ang oras na dapat ay ipinapahinga na lamang nito ay nauubos pa sa pagko-commute pauwi.

Bumaba siya ng sasakyan upang sundan ang binata.

"Ma'am, sasamahan ko na po kayo," may pag-aalalang wika ng kanyang driver.

"Huwag na ho, Mang Ernie. Ayos lang po ako."

"Pero, Ma'am, napakarami hong tambay riyan sa daraanan niyo. Baka kung mapaano kayo," may pag-aalalang wika ng may singkuwenta anyos na driver.

Hinayon nito ng tingin ang eskinitang dadaanan niya papasok bago makarating sa bahay nina Walter.

Nginitian niya lang si Mang Ernie.

"Harmless po sila, huwag kayong mag-alala. 'Yong kotse natin ang bantayan niyo at baka iyan ang mawala. Lagot tayo kay Kuya Zeke."

Kahit mukhang hesitant ay napatango na lang ang driver.

"Magte-text po ako sa inyo. Hintayin niyo na lang."

"Sige po."

Lumakad na siya. Tantiya niya ay may dalawang dipa ang luwang ng eskinita. Pero kaliwa't kanan niyon ay okupado ng mga tambay, babae't lalaki, bata, at matatanda. 'Yong iba ay mukhang mga nagtsi-tsismisan, may nagkukutuhan, at may mga nag-iinuman. Sinabi niya lamang sa driver na harmless ang mga ito upang hindi mag-alala sa kanya. Pero ang totoo ay natatakot din siya. Lalo na iyong mga lalaking kung makatingin sa kanya ay para na siyang hinuhubaran.

"Miss, saan ang punta mo?"

"D-diyan lang po," natatakot niyang tugon bago dire-diretsong lumakad.

"Samahan na kita," wika no'ng isa na tumayo para sumabay sa kanya.

Napahigpit ang hawak niya sa kanyang sling bag at lalo pang tinulinan ang lakad.

"Uy, Miss."

Dinig niya ang paghabol nito mula sa kanyang likuran. Parang tinambol ang dibdib niya sa kaba.

"Jepoy, ano ang problema?"

Muntik ng mabangga si Annika nang biglang sumulpot sa unahan niya si Walter.

"Uy, Boss Pogi. Bisita mo ba 'yan?"

Nang tingnan ni Walter si Annika ay parang napapasong napayuko ang dalaga.

"Pasensya na Boss Pogi. Ihahatid ko sana kaso mukhang natakot. Tagay ka muna."

"Dito ka lang," ani Walter kay Annika.

Nang mag-angat ng tingin si Annika ay naglalakad na papunta sa umpukan ng mga tambay si Walter. Nakipaghuntahan ito saglit sa mga lalaking nag-iinuman at nakitagay. Pagkuwa'y naglakad na itong pabalik sa kanya.

Napayuko na naman si Annika. Nagulat na lang siya nang abutin ni Walter ang braso niya at hilahin siyang papalayo roon. Binitiwan lang siya nito nang nasa harapan na sila ng bahay nito.

"Ano ba kasi ang ginagawa mo rito? Gusto mo bang tuluyang ma-rape?"

"G-gusto lang naman k-kitang makausap."

"Ano pa ba ang kailangan nating pag-usapan? Nadisgrasya mo ako four years ago at tinakbuhan. Napilitang magbenta ng katawan ang Ate ko para maisalba ako. Hindi birong kahihiyan at tsismis ang pinagdaanan ng kapatid ko nang bigla na lang lomobo ang kanyang tiyan. Pero alam mo kung ano ang pinakamalupit, iyong halos dinudugo pa siya pero pinipilit niyang maghanap-buhay para lang may maipangtawid kami sa araw-araw. Tapos ano? Ini-expect mo bang kapag humingi ka ngayon ng sorry ay magiging maayos na ang lahat?"

Napahikbi si Annika. "I'm sorry. I am so sorry."

"Umuwi ka na," parang pagod na sabi ni Walter pagkaraan ng ilang saglit na katahimikan.

Ngunit hindi tuminag si Annika sa kinatatayuan.

Napapabuntong-hiningang tumalikod na si Walter at pumasok sa loob ng bahay. Naiwan si Annika na panay ang tulo ng luha.