noveltoon logo noveltoon
One Night with the Billionaire (Filipino)

Chapter 20

Ch. 21 / 33 May 10, 2025

"MA'AM Willa, special delivery."

Pinigil ni Willa sa paglawak ang isang ngiti nang makita ang bouquet ng red roses na dala-dala ni Manang Sol. Tinotoo ni Zeke ang sabi nitong panliligaw sa kanya. Limang araw na ang nakakaraan magmula nang iuwi sila nitong mag-ina mula sa bahay ni Olivia. At sa limang araw na nakaraan ay dalawang beses na rin siyang nakakatanggap ng bouquet ng mga pulang rosas. Kung araw-araw siya nitong padadalhan ng bulaklak, may palagay siyang malapit ng magmukhang flower shop ang buong bahay.

Binasa niya ang card na kalakip ng rosas.

Honey,

I'll pick you up before seven. Have dinner with me tonight.

Zeke

May naramdaman siyang excitement sa idea na makikipag-date siya rito. Kaya lang ay parang hindi naman niya maatim na iwan ang kanilang anak sa mga kasambahay tapos silang dalawa ay nasa labas at naghahapunan.

Iniisip niya pa lamang ang bagay na iyon nang may mag-buzzer sa labas ng bahay. Mayamaya ay nakita niyang kasunod ng kasambahay si Annika.

"Tita Annika!" tuwang sumalubong kaagad dito si Samantha.

"Hello, angel!" masayang nagyakap ang dalawa.

Mula nang mangyari iyong insidente ng paglalayas nilang mag-ina ay may dalawang beses ng napadalaw si Annika sa kanila. Humingi rin ito ng dispensa sa ginawa ng ina. Sa ikalawang beses na pagdalaw nito ay namasyal sila at nag-shopping. Minus si Zeke pero may kabuntot silang dalawang bodyguards sa takot yata nito na muli silang maglayas na mag-ina.

"Hi, Ate Will. Makiki-sleepover ako tonight para samahan si Sammy habang nagdi-date kayo ni Kuya."

May bahid-panunukso ang boses nito na ikinapula ng magkabila niyang pisngi.

"Salamat."

"Puwede rin kitang tulungang pumili ng damit na isusuot mo kung nahihirapan kang pumili."

Napaisip siya. "Oo nga pala. Wala akong idea kung saan kami magdi-dinner kaya hindi ko alam kung ano ang dapat kong isuot."

"Don't worry, Ate Will. Leave everything to me," parang nai-excite na sabi nito.

Alas singko pa lamang ay pinagbabad na siya ni Annika sa bath tub. Para raw paglabas niya ng banyo ay naggo-glow ang kanyang balat. Nakasunod lang siya sa bawat instructions nito dahil wala naman siyang alam sa pagpapaganda.

Maganda lang talaga ako, natatawang naisip niya.

Matapos niyang maligo ay ito na rin ang nag-ayos ng kanyang buhok at makeup.

"Wow, ang ganda-ganda niyo po, Nanay."

Natawa si Willa sa reaksyon ng anak. Pero siya man ay nagulat at namangha sa kanyang transformation matapos siyang maayusan ni Annika at makapagbihis ng damit na napili nito. Ang sosyal-sosyal ng dating niya. Kung titingnan siya sa mga sandaling iyon ay walang mag-aakala na tindera lamang siya ng kakanin.

Lihim siyang napailing sa naisip. Sa nakalipas na ilang araw ay naiisip niya pa rin ang mga insultong binitiwan ng Mommy ni Zeke. At dahil doon, lalo siyang nagiging pursigido na magsumikap na mapaunlad ang sarili.

"By the way, Ate Willa. I heard you want to work. May proposal sana ako, eh. If you're interested," ani Annika.

"Anong proposal?"

"Since, mahusay ka sa pagluluto at ako naman, gusto kong magsimula ng maliit na business. Naisip ko, bakit kaya hindi tayo mag-partner? I have funds to start a small business pero wala akong kakayahan na katulad mo para mag-umpisa ng isang negosyo."

"Inutusan ka ba ni Zeke para—"

"Oh, no. Honest to God he doesn't even have a clue to what I was thinking when he mentioned it to me. May pagka-chauvinist kasi 'yon si Kuya. Naniniwala siyang ang mga babae ay hindi nagta-trabaho at dapat na nasa bahay lang at nag-iintindi ng mga pangangailangan ng kanyang asawa at mga anak."

Napangiti siya sa description ni Annika sa panganay na kapatid.

"Interesado ako. Pag-usapan natin 'yan sa ibang araw."

"Great."

Quarter to seven ay dumating si Zeke para sunduin siya. Saglit siya nitong hinayon ng tingin mula ulo hanggang paa. Nakagat ni Willa ang loob ng kanyang pisngi habang hinihintay ang verdict nito sa ayos niya.

Pangit ba? nag-aalalang naisaloob niya nang may ilang sandaling kumunot ang noo nito.

"Bumalik ka sa loob at magpalit ka ng damit," parang bad trip na sabi nito.

"Ano?" halos sabay pang reaksyon nila ni Annika.

"I don't remember buying that dress for you," sabi nito.

"Binili namin ito ni Annika noong mag-shopping kami," aniya.

"Then take it off and change. Gabi na at malamig sa lugar na pupuntahan natin. Litaw na litaw ang mga punong-braso mo."

"Kuya, you're being irrational. Kung nag-aalala kang malamigan si Ate Willa, eh, di yakapin mo."

Pinandilatan ng mga mata ni Willa si Annika. Natawa lang ang huli saka siya pinikitan ng isang mata.

Parang saglit namang pinag-isipan ni Zeke ang suggestion ng kapatid saka siya muling pinasadahan ng tingin. Lihim na napailing si Willa.

"Kukuha na lang ako ng alampay," aniya na pumihit na sanang pabalik ng bahay para kunin ang shawl na nakatabi sa kanyang closet.

"No, don't bother," mabilis na nahagip ni Zeke ang kanyang kamay. "Mali-late na tayo sa reservation natin."

"Have a wonderful time, guys," ani Annika.

Ipinagbukas siya ng pinto ni Zeke. Bago ito lumulan sa driver seat ay nilapitan muna nito ang anak at hinagkan.

"Sleep early and don't wait for Nanay and Tatay, okay?"

"Aprub, Tatay."

Nakangiting lumulan na ng kotse si Zeke. Bago paandarin ang kotse ay lumingon pa muna ito sa kanya at bahagyang dumukwang upang tiyaking nakakabit na ang seat belt niya.

"A-ayos na," halos kapusin ng paghingang sabi niya rito.

Ang lapit-lapit kasi nito at halos magsanib na ang kanilang mga hininga.

"Sinisiguro ko lang. Better safe than sorry."

Iningusan ito ni Willa.

"Para-paraan ka lang, eh," nakalabing sabi niya rito.

"And I am not going to deny it," wika nitong bumaba ang tingin sa kanyang mga labi.

Napalunok siya sa mainit na tinging ibinigay nito sa kanya. At nang humaplos ang mainit nitong hininga sa bibig niya ay parang biglang nangulila ang mga labi niya na matikmang muli ang halik nito.

Tumupad ito sa usapang hindi siya gagalawin hangga't hindi pa siya nito napapasagot. Gayunma'y alam niyang hindi birong pagtitiis ang ginagawa nito sa tuwing matutulog na silang magkatabi sa kama. Ayaw naman nitong bumukod siya ng higa dahil lalo lamang daw itong mahihirapang makatulog. Kaya ang siste, may mga oras na nagkukulong ito sa banyo. Nang minsang tanungin niya ito kung masama ang tiyan ay isang blangkong tingin lamang ang ibinigay nito sa kanya.

Nang umayos ito ng upo at paandarin ang sasakyan ay isang pagkalalim-lalim na paghinga ang hinugot nito. Pagkaraan naman ng mahigit kalahating oras ay narating nila ang restaurant na pakay. Hindi na nagtanong si Willa kung nasaang lugar sila. Pero gusto niya roon. Mukhang exclusive at kubli sa maingay na aktibidad ng lungsod. At totoo ang sabi ni Zeke, medyo malamig nga ang lugar. Para silang nasa isang nature's park. Sa background ay may naririnig siyang mahinang lagaslas ng tubig habang may malamyos na tugtog sa paligid.

Inihatid sila ng headwaiter sa pandalawahang mesa na naka-reserba para sa kanila.

"Would you like to take your order now, Sir?"

"Yes."

Kaagad silang binigyan ng menu book ng tagasilbi.

Pinasadahan ng tingin ni Willa ang mga pagkaing nakasulat sa menu. May ilang pamilyar na putahe sa kanya roon pero hindi pa niya natitikman kaya gusto niyang subukan. Mahilig din siyang kumain dahil nga sa hilig niya sa pagluluto. Pero dahil kakanin ang madaling mabenta sa kanilang lugar, doon siya nagpokus.

Nang makaalis ang waiter ay napansin ni Willa na salubong na salubong ang kilay ng kanyang kasama.

"May problema ba?" tanong niya.

"Meron. But I'll take good care of it. Wait here, hindi ako magtatagal."

Bago pa siya naka-oo ay tumayo na ito.

Isini-serve na ng isang waitress ang pagkain nila nang bumalik si Zeke. May dala itong jacket na kaagad ibinalabal sa mga balikat niya bago naupo.

"Salamat." Medyo nilalamig na nga siya.

Naisip ni Willa na sa susunod na magsusuot siya ng damit na kaparis ng suot niya ay magdadala na siya ng shawl. Medyo exposed kasi ang mga balikat niya at mga punong-braso sa suot na damit. Malambot ang tela niyon na medyo hakab sa pangangatawan ang tabas at ang tirante ay gold chain.

"Let's eat," sabi nito.

Natakam siya sa steak na nakahain sa kanyang harapan. Ang bango ng aroma. Sinimulan niyang hiwa-hiwain ang karne. Nang makita ni Zeke na nahihirapan siyang i-slice iyon ay kinuha nito ang kanyang plato at ito na ang naghiwa para sa kanya.

"Thank you."

Maya'tmaya itong naka-assist sa kanya. Kulang na lang ay subuan siya. At hindi niya itatangging kinikilig siya sa lahat ng iyon. Nang ipagsalin siya nito ng wine ay hindi siya tumanggi. Nakakatuwa ring maka-experience ng mga bagay na dati ay sa telebisyon niya lamang nakikita.

"More wine?"

"Lalasingin mo ba ako?"

"Bakit ko naman gagawin 'yon?" inosente ang mukhang tanong nito.

"Dahil balak mong mag-take advantage."

"I'm a gentleman, honey."

"Talaga?" hindi niya na lang binanggit dito na sa mga gabing akala nito ay tulog na tulog na siya ay pasimple itong humahaplos sa kanyang katawan.

Ganoon pa man ay hindi siya tumutol. Hanggang sa makatatlong salin din ito ng alak sa kanyang goblet. Hindi naman daw iyon nakalalasing. Pero nang lumabas sila ng restaurant ay medyo lightheaded na siya. Hinayaan niya na lang si Zeke na alalayan siya pasakay ng kotse.

Akala niya ay uuwi na sila. Pero meron pa itong pinagdalhan sa kanyang espesyal na lugar. Kung anu-ano pa ang naglarong eksena sa utak niya nang ihimpil nito ang kotse sa isang medyo madilim na park. Nang patayin nito ang makina ng kotse at bahagyang i-recline ang upuan niya at magdilim ang loob ng sasakyan ay natigilan siya.

"Zeke, may usapan ta—" ang anumang sasabihin niya ay nahinto nang biglang sumabog sa papawirin ang makulay na fireworks! "Wow."

Marahil ay tumagal din iyon ng bente minutos. Napakaganda. At parang nakadagdag pa sa attraction niyon ang matataas na building na malapit sa pinangyayarihan ng fireworks display.

"You like it?" ani Zeke.

Hindi niya namalayang magkahawak pala ang mga kamay nila kung hindi pa ito nagtanong.

"Oo. Ang ganda."

"Nalaman ko lang kanina na may gaganaping fireworks display sa Quattro Assi Casino. Naisip kong dumaan dito para makita mo."

Napangiti siya. Parang iyon ang naging pinaka-highlight ng date nila.