NANG magising si Zeke na wala sa tabi niya si Willa ay may panic na umahon sa dibdib niya.
"Willa?" dali-dali siyang bumangon at nagsuot ng robe.
Para siyang nabunutan ng tinik sa dibdib nang makita ang kanyang mag-ina na nakasalampak sa carpet at masayang nagkukulay sa coloring book ni Samantha. Hindi na siya nagpakita sa mga ito at kaagad na bumalik ng kuwarto para maligo.
Aalis siya sa araw na iyon para magtungo sa lab. Ginupitan niya ng kuko si Samantha noong nakaraang araw. Itinabi niya ang isang maliit na piraso kasama na ang kanyang cheek swab. Ipapaulit niya ang DNA test result sa affiliated na ospital sa Infinite Pharmaceuticals.
KUMABOG ang dibdib ni Willa nang makitang pababa ng hagdan ang nakapang-opisinang si Zeke.
"Good morning. Sasaglit lamang ako sa opisina. I'll be home before lunch."
Muntik ng masapo ni Willa ang kanyang dibdib nang tumingin ito sa kanya at ngumiti. Kapag ganito ang mood ng lalaking ito parang nagwawala ang puso niya.
Ngunit pinilit niyang hamigin ang sarili.
"Ahm, k-kakain ka ba? Ipaghahain kita."
Parang mas lalong tumamis ang ngiti nito sa tanong niya.
"Very wifely," lumapit ito at kaagad na inilingkis ang mga braso sa beywang niya. "Your lips will do."
May lumukob na init sa katawan niya nang maglapat ang kanilang mga labi. Amoy na amoy niya ang cologne nito. At gusto niya ang amoy niyon. Kung hindi lamang siya nahihiya baka isiniksik na niya ang ilong sa leeg nito para singhutin ito.
"I'm going now," dumukwang ito at hinagkan sa ibabaw ng ulo si Samantha. "Be good, sweetheart. Mag-aral kang mabuti, okay?"
"Opo, Tatay."
"Bye."
"Ingat po, Tatay."
"Siyempre naman. Para sa aking prinsesa at reyna, mag-iingat ako. See you later."
Tumayo siya at inihatid ito hanggang sa may pinto.
"M-mag-iingat ka," aniya.
Kinabig siya nito sa beywang. Sa mabilis na pagyuko ay muli nitong inangkin ang kanyang mga labi. Akala niya ay simpleng halik lamang ang ibibigay nito sa kanya. Ngunit hindi siya nito tinigilan hangga't hindi niya iniaawang ang bibig.
"Hm," napaungol siya nang ipasok nito ang dila sa pagitan ng kanyang mga ngipin.
At tila hindi pa ito nakuntento roon, hinawakan siya nito sa likuran ng ulo upang hindi siya kaagad makalayo. Napapikit na lang siya at ninamnam ang nakaliliyong dulot ng halik nito.
"Don't tire yourself. Uuwi kaagad ako," may kislap ang mga matang sabi nito saka pinaraan ang hinlalaki sa ibabaw ng kanyang mga labi.
Namumula ang mukhang bahagya niya itong itinulak sa dibdib.
He chuckled. Pilyo siya nitong pinikitan ng isang mata bago lumulan ng kotse.
Nang makaalis na ito ay binalikan niya si Samantha. Gusto niyang samantalahin ang pagkakataong iyon para malaya silang makaalis na mag-ina. Pero may kung ano sa loob niya ang tila piping tumututol.
Magagawa niya bang ipagkait sa kanyang anak ang ginhawang tila nakakasanayan na nito? At paano si Walter? Nang huli silang magkausap na magkapatid ay nabanggit nito sa kanya na binigyan ito ng magandang trabaho ni Zeke sa Infinite Pharmaceuticals. Bukod doon ay may libreng tirahan itong ibinigay sa kanyang kapatid na parehong malapit sa eskuwelahang pinapasukan nito at sa trabaho.
Magagawa niya bang kunin ang lahat ng iyon sa dalawang taong pinaka-importante sa kanya?
Nagtatalo ang damdaming ipinagpatuloy niya ang pagtuturo sa anak. Tantiya niya ay may isang oras ng nakakaalis si Zeke nang i-anunsyo ni Manang Sol na dumating ang ina ng binata. Si Madam Lee.
"Well, well," mataray na bungad kaagad ng babae nang madatnan silang mag-ina sa sala. "Ano pa ang ginagawa niyong mag-ina rito? Ang kapal din naman ng pagmumukha mong ipaako sa anak ko ang bastarda mo, ano?"
Kaagad na tinakpan ni Willa ang mga tenga ng anak.
"Manang, puwede hong pakidala muna sa kuwarto ang bata."
"Opo, Ma'am Willa."
"Uy, Soledad. Diyata at mas kinikilala mo ng amo ang babaing 'yan, ano?"
"Sinusunod ko lang po ang utos ng taong nagpapasuweldo sa akin, Madam Sandra. Si Sir Zeke."
"Hah! Nabibilang na lamang ang araw ng mag-inang 'yan sa pamamahay na ito. Magpapakasal si Zeke sa babaing mas karapat-dapat sa estado ng anak ko. Hindi sa kaparis ng babaing 'yan."
Sa halip na pakinggan ang iba pang sasabihin ni Sandra ay magalang na nagpasintabi si Soledad habang karay-karay ang tila naguguluhan at natatakot na batang si Samantha.
"Kung anumang pang-aalipusta ang sasabihin niyo sa akin ay sabihin niyo na ngayong wala rito ang anak ko."
"Aba, may pangil ka rin pala, ano?"
"Lahat naman ho siguro ng mga nanay ay may pangil. Lalo na kapag ang sangkot ay ang kapakanan ng kanyang anak."
"Mabuti naman at nauunawaan mo ang bagay na 'yan. I don't want you for my son. Hindi kayo bagay. He's an heir to a pharmaceutical empire samantalang ikaw ay isang hamak lamang na tindera ng mga kakanin. Our world is different from yours at natitiyak kong hindi mo kakayaning makisalamuha sa mundong ginagalawan namin."
"At wala akong intensyon na mapabilang sa mundo niyo," tahasan niyang sagot dito.
Nakakapikon. Tinuruan siyang gumalang sa mas nakatatanda. Pero kung ganito namang inaalipusta ang pagkatao niya mula ulo hanggang paa ay hindi naman yata tamang tanggapin niya na lang ang lahat ng sasabihin nito.
"Unang-una sa lahat, hindi ako ang may kagustuhang manatili sa pamamahay na ito kundi ang anak ninyo."
"Dahil pinaniwala mo siya na anak niya ang iyong bastarda."
"Dahan-dahan kayo sa pananalita niyo. Wala kayong ideya sa pinagdaanan ko kaya wala kayong karapatan na tawaging bastarda ang anak ko."
"Bastarda naman talaga ang anak mo, hindi ba? Bastarda. Walang ama. At sinasamantala mo ang kahinaan ng anak ko para ipaako ang batang hindi naman sa kanya."
Mariing kumuyom ang mga kamay ni Willa.
"We already have the DNA test result na nagpapatunay na hindi sa anak ko ang bata. Kaya kung may natitira ka pa maski katiting na kahihiyan sa katawan mo, lumayas ka na sa pamamahay ng anak ko."
Nagtiim ang mga labi ni Willa sa sinabi ng kausap.
"Huwag mo ng hintaying ang mapapangasawa ng anak ko ang magpalayas sa'yo rito. Anytime soon ay pormal na naming ia-anunsyo sa publiko ang nalalapit nilang kasal."
Parang biglang nagsikip ang dibdib niya sa huli nitong sinabi. Ganoon pa man ay pinilit niyang iangat ang kanyang mukha. Hindi niya ipapakita sa ina ni Zeke na durog na durog ang kanyang pagkatao sa mga sinabi nito.
"Huwag po kayong mag-alala, gagawin ko ang sinabi niyo. Hindi niyo na ako kailangang ipagtabuyan."
"Mabuti at hindi pa naman pala ganoon kakapal ang mukha mo."
"Tama na ang pang-iinsulto. Gagawin ko ang sinabi ko."
"Good, very good."
Nang makaalis ang babae ay nag-unahan sa paggulong ang mga butil ng luha sa magkabilang pisngi ni Willa. Ang pagdadalawang-isip niya kanina na umalis ay tila pinagtibay ng katatapos lamang niyang argumento sa ina ni Zeke. Tama naman ito. Hindi siya bagay sa anak nito.
Mabilis niyang pinalis ang luha sa magkabilang pisngi at pilit na hinamig ang sarili bago pinuntahan si Samantha. Buo na ang loob niya. Aalis na silang mag-ina sa lugar na iyon.
"Nanay, umalis na po ba 'yong masungit na Ale?"
Hinagod ni Willa ang pisngi ng anak.
"Oo, anak. Umalis na siya."
"Ah, Ma'am Willa, sinusubukan kong tawagan si Sir Zeke kaya lang mukhang busy ang private line niya. Ibinilin ko na lang sa sekretarya niya na tumawag dito sa bahay kapag natanggap ang mensahe ko."
"Hayaan niyo na ho 'yon, Manang Sol. May masasakyan ho bang traysikel palabas dito sa inyong lugar?"
"Naku, wala hong naliligaw na mga ganoong sasakyan dito. Bukod sa lahat ng naninirahan dito ay mayayaman, mahigpit din ang security rito pagdating sa pagpapapasok ng mga ganoong sasakyan."
"Ganoon po ba? Anak, palit ka ng mas komportableng damit at sapatos," kaagad na inasikaso ni Willa ang pagbibihis ng anak.
"Aalis po tayo, Nanay?"
"Oo."
"Ma'am, huwag po sana kayong magpadalus-dalos ng desisyon. Mag-usap po muna kayo ni Sir. Kahit ano pa ang sinabi ng Mommy niya ay natitiyak kong hindi 'yon papayag na umalis kayong mag-ina sa pamamahay niya."
"Wala ho kaming lugar sa bahay na ito, Manang Sol," hindi niya lang masabi sa kasambahay na sa sandaling magsawa sa kanya ang amo nito, sooner or later ay sa ganoong sitwasyon din naman mapupunta ang lahat.
At hindi na niya hihintaying mangyari pa iyon.
Nang mabihisan ang anak ay pinaghintay niya ito sandali. Nagpalit siya ng flat sandals, simpleng blouse at pantalon. Wala na ang mga dati niyang damit kaya pasensya na lang si Zeke kung isusuot niya ang mga mamahaling damit na binili nito para sa kanya. Kinuha niya ang kanyang pitaka sa master bedroom. Mabuti na lamang at wala pang bawas iyong perang ibinayad sa kanya ni Annika sa cassava cake na binili nito. May magagamit silang mag-ina.
"Nanay, bakit po tayo aalis? Inaway ka ba no'ng masungit na Ale?" tanong ni Samantha nang balikan niya ito at yayain ng palabas.
"Anak, wala munang masyadong tanong, ha? Uuwi na tayo."
"Pero sabi ni Tatay dito na tayo titira."
"Hindi ito ang bahay natin."
"Ma'am, hintayin niyo na po si Sir Zeke at mag-usap kayo. Ako ang mananagot nito kapag hinayaan ko kayong umalis," nag-aalalang sumunod sa kanila ang may-edad na kawaksi.
"Pasensya na ho, Manang. Pero ito ang sa palagay ko ay makabubuti para sa aming mag-ina."
"Ma'am."
Tinangka pa sana siyang pigilan ng ibang mga kasambahay. Ngunit ipinakita niya sa mga ito na buo na ang kanyang desisyon. At tila umaayon naman sa kanya ang pagkakataon. Paglabas nila ay isang taxi ang dumaan sa tapat ng bahay. Hindi na siya nag-isip at mabilis iyong pinara.
"Nanay..."
"Sh, magiging maayos lang tayo, my life. Magtiwala ka lang kay Nanay, ha?" hinagkan ni Willa ang tuktok ng ulo ni Samantha. Nangingilid ang luha nito at halatang labag sa kalooban nito ang naging desisyon niya.
NG mga sandaling iyon ay panauhin ni Zeke sa opisina nito ang bunsong kapatid na si Annika. Dala ng dalaga ang pinagtagpi-tagpi nitong resulta ng DNA test na ipinagawa ni Vincent. Ang orihinal na paternity test result.
"Christ! To think that I almost believed her," reaksyon ng binata nang makita ang papel.
"I don't know what's gotten into her. Kagabi ay narinig ko siyang nakikipag-usap kay Mrs. Evelyn Quirino. I think she's trying to set you up with her daughter."
"No way. Ako lang ang may karapatang magpasya kung sino ang babaing pakakasalan ko."
"I'm happy to hear that. By the way, I missed Sammy. When can I see her?"
"How about we eat lunch together?"
"Perfect."
"I'll call Manang Sol para makapagluto siya ng espesyal na pananghalian."
Pero hustong makonekta ang tawag niya sa kasambahay ay isang masamang balita ang ibinungad nito sa kanya.
"Pinalayas po ng Mommy niyo ang mag-ina niyo, Sir."