NAPAKURAP-KURAP si Willa nang imulat ang mga mata. Hindi pa nakuntento, bahagya niyang kinusot ang mga mata para tiyaking hindi siya nagkakamali sa kanyang nakikita. Si Zeke, nakaupo sa may paanan niya. Nang iikot niya ang kanyang tingin ay nagulat siya nang ma-realized na wala na siya sa bahay nina Olivia. O panaginip niya lamang ba ang lahat ng nangyari kahapon? Dahil paanong naroroon na naman siya sa bahay ni Zeke at nakahiga sa malaking kama nito?
"How do you feel? Hindi ka ba nahihilo?"
Nahihilo? Takang napatutok ang mga mata niya rito.
"I drugged you. Alam ko kasing kapag nagising ka ay hindi ka sasama nang maayos pauwi kaya pinaamoy kita ng pampatulog."
Napaawang ang bibig niya sa pagkagulat. Hindi niya alam kung ano ang iisipin sa lalaking ito.
"Nasaan si Samantha?"
"Sleeping comfortably in her own bed," nagtiim ang mga labi nito at nakita niya ang pagkislot ng panga sa sumunod nitong sinabi. "Don't you ever do that again. Ang matulog sa ibang bahay lalo at may kasama kayong lalaki. What if something happened to you and our daughter?"
"Mabuting tao ang asawa ni Olivia. Hindi niya kami gagawan ng masama."
"Right. Ganyan din ang akala ng seventy five percent ng mga kababaihang naging biktima ng rape."
Napasinghap si Willa sa sinabi nito.
"Mabigat na akusasyon 'yang sinasabi mo, alam mo ba 'yon? Matinong lalaki si Ramon."
"Matino? He was ogling your breasts while I was carrying you out of their house."
Napatiim ang mga labi niya sa sinabi nito. Sasabihin niya sanang baka nagkamali lamang ito ng tingin. Medyo banlag kasi ang mga mata ni Ramon. At kung hindi pagmamasdang mabuti kung saan ito nakatingin ay mapag-iisipan talaga ito ng masama. Pero hindi na lamang niya iyon sinabi kay Zeke dahil nakikita naman niya kung gaano ito kagalit.
Bumangon na siya para bumaba sana ng kama. Pero naudlot iyon sa sumunod nitong sinabi.
"Let's get married tomorrow."
Saglit siyang tila na-freeze.
"Hindi solusyon sa lahat ng bagay ang kasal," malamig niyang sagot sa sinabi nito.
"Huwag mong intindihin si Mommy. Hindi siya ang pakikisamahan mo kundi ako. Besides, hindi mo naman siya madalas na makikita. Hindi kita pipiliting sumama sa mga family gatherings na naroroon siya. Ikaw, ako, at si Samantha lamang ang mahalaga."
"Paano mong naisip na ang Mommy mo ang problema? Hindi man lang ba nagdaan sa isip mo na baka ayaw ko talagang magpakasal sa'yo?"
Nakita niya nang matigilan ito sa kanyang sinabi.
"At isa pa, nakita mo na ang resulta ng DNA test na ipinagawa ng kapatid mo. Lumalabas doon na hindi mo anak si Samantha. At 'yon din ang paniniwala mo, di ba? Kaya mo nga ako pinuwersa nang gabing 'yon, naaalala mo?"
Tingin ni Willa ay biglang tinakasan ng kulay ang mukha ni Zeke sa sinabi niya. May nagdaang guilt sa mukha nito.
"I'm sorry."
Hindi niya inaasahan ang pagpapakumbaba nito. O ang paghingi ng tawad. And normally, iyong iba kapag humihingi ng tawad ay may karugtong na excuse para sa kanilang sarili. Pero hindi nito ginawa ang alinman sa mga iyon. He's sorry. Simple at may kababaang-loob.
"Mom faked the DNA test result. Hawak ko ang original. Anak ko si Samantha. At nakahanda akong gawin ang lahat para may kalakhang buong pamilya ang ating anak."
Sa lahat ng sinabi nito ay iyong huli lamang ang tumatak sa isipan niya. Na gagawin nito ang lahat para may kalakhang buong pamilya ang kanilang anak. Ibig bang sabihin niyon ay nakahanda rin itong isakripisyo ang sariling damdamin para kay Samantha?
"Liligawan kita."
Pakiramdam niya ay lumaktaw ang pintig ng kanyang puso.
"Liligawan kita hanggang sa mapatawad mo ako at pumayag kang magpakasal sa akin."
Nagbibiro ba ito?
"I mean it."
"Gusto kong magtrabaho. Gusto kong bigyan mo ako ng kalayaang kumita ng sarili kong pera."
"What?"
"Kung sincere ka na makuha ang tiwala ko at kapatawaran para magpakasal sa'yo, hahayaan mo akong maging malaya at gawin ang bagay na makakapagpasaya sa akin."
Halatang tutol ito pero sa huli ay wala itong nagawa kundi ang tumango.
"At meron pang isa."
"What else?"
"No sex."
Isang malutong na mura ang biglang lumabas sa bibig nito.
"No fucking way!"
"Kung gano'n ay iba na lang ang alukin mo ng kasal. Dahil hinding-hindi ako magpapakasal sa'yo."
"Fuck!"
"At puwede bang tumigil ka sa kamumura mo?"
"Kasama rin ba 'yan sa mga kundisyones mo?" sarkastikong tanong nito. "Ano pa?"
Tumiim ang kanyang mga labi.
"Kung ayaw mo, hindi naman kita pinipilit," sikmat niyang sagot dito.
"Hindi mo ba ako narinig? Gusto kong magkaroon ng kumpletong pamilya ang anak natin. And unlike you, nakahanda akong isantabi ang lahat para mangyari 'yon."
Unlike you? Kulang na lang ay tahasan nitong sabihin na makasarili siya. Ganoon nga ba ang ginagawa niya, nagiging makasarili siya? Gusto niya lang namang ipakita rito na hindi siya mahina kaparis ng iniisip nito o ng matapobre nitong ina. Na kaya niyang tumayo sa sarili niyang mga paa na hindi umaasa kahit kanino. Ayaw niyang ang buhay niya ay maging isang tipikal na Cinderella. From rags to riches. Na kaya lamang nakaahon sa kahirapan ay dahil nakakuha ng isang mayamang prinsipe.
"Bukas ay magpasa ka ng resume. Titingnan ko kung saan ka puwede sa opisina."
"Hindi ka ba nakikinig? Gusto ko ng kalayaan, iyong hindi umaasa sa'yo. Maghahanap ako ng mapagkakakitaan ko sa sarili kong paraan."
Narinig niya ang mahina nitong pagmumura. Gustong-gusto na niyang tampalin ang bibig nito. Pagkuwa'y napahilamos ito ng mukha na parang nagtitimpi lamang ng inis.
"Fine. Gawin mo ang gusto mo. Pero may kundisyon din ako."
Gusto niya sana itong talampakin na wala itong karapatang humingi ng kundisyon. Ganoon pa man ay nakinig na lang siya.
"Bawal kang magpaligaw o mag-entertain ng kahit na sinong lalaki. Nagkakaintindihan ba tayo?"
"Hindi mo ako kailangang pagsabihan tungkol d'yan. Kahit naman dati pa ay hindi talaga ako tumatanggap ng manliligaw," mariin niyang sagot.
"Mabuti."
At dahil umaga na, ipinasya ni Willa na bumangon na at maghilamos. Papasok na siya ng banyo nang maisip niyang lingunin si Zeke. Pahingalay itong nakasandal sa upuan habang hinahagod ng kamay ang magkabilang sentido.
Natulog na kaya ito? Inawat niya ang sarili na magtanong. Baka ma-misinterpret pa nito at isiping nag-aalala siya.
Hindi nga ba? tila tuksong ukilkil ng isang munting tinig.
Napaingos siya sa hangin saka pumasok ng banyo.
NO sex.
Fuck. Hindi kaya ako tuluyang maging rapist nito? saloob-loob ni Zeke.
Nang iuwi niya ito kagabi na himbing na himbing ay hindi birong pagtitimpi sa sarili ang kanyang ginawa upang hindi ito pakialaman. At kahit malakas ang aircon ay tinagaktakan pa rin siya ng ga-munggong pawis matapos itong palitan ng pantulog.
Ang sinabi niya rito tungkol sa asawa ng kaibigan nito ay totoo. Lalaki rin siya. At hindi niya gusto ang malagkit na tinging ipinupukol nito kay Willa. Mabuti na lamang at napilit niya si Walter na sabihin sa kanya ang pagtawag ng kapatid. Ibinigay nito sa kanya ang numero ng cellphone na ginamit ni Willa. Mula roon ay siya na ang nakipag-ugnayan sa may-ari ng cellphone na ginamit nito. At dahil mahusay siyang makipag-negotiate, nadaan niya sa pangungumbinsi ang babae na nakilala niyang si Olivia, na sabihin sa kanya kung nasaan ang kanyang mag-ina. And as the saying goes, the rest was history.
At dahil alam niyang likas na may katigasan ang ulo ni Willa, naghanda na siya ng pampatulog para hindi na ito makapalag pa. Of course, isinama niya si Walter sa pagsundo sa kanyang mag-ina para maging madali ang lahat.
Ang problema niya lang ngayon ay kung paano niya ba ito susuyuin sa mabilis na paraan. Hindi siya makakatiis na katabi ito sa pagtulog nang walang nangyayari.
Muli siyang napamura nang malutong.