noveltoon logo noveltoon
One Night with the Billionaire (Filipino)

Chapter 18

Ch. 19 / 33 May 10, 2025

SA halip na tumuloy sa kanilang bahay ay naisipan ni Willa na dumaan sa dati nilang kapitbahay na si Olivia. Ang huling balita niya rito ay magtatayo ito ng kantina. Baka maka-ekstra siya rito ng pagluluto habang wala pa siyang tiyak na mapagkakakitaan. 'Yong puwesto niya kasi sa simbahan, balita ni Walter ay pinuwestuhan na ng iba. Ang siste mo, kakanin din ang paninda. Alangan namang bumalik pa siya roon at magtinda ulit ng ganoon.

"Willa, mabuti naman at nadalaw ka," natutuwang salubong sa kanya ni Olivia.

Mula sa kanya ay lumipat ang tingin nito kay Samantha.

"'Yan na ba ang anak mo? Ang laki na, ah. At ang ganda. Pero parang hindi mo masyadong kamukha. Siguro sa tatay kumuha, ano?"

Lihim na napailing si Willa. Bukod sa pagiging magkapitbahay nila dati ay kababata niya rin ito at madalas na kalaro sa piko. At kahit matagal-tagal na rin silang hindi nagkikita ay wala pa rin itong pagbabago. Ito pa rin ang madaldal at walang preno ang bibig niyang kababata.

"Kumusta?" pinatuloy sila nito sa loob ng bahay. "Pasensya ka na rito sa bahay ko at medyo makalat. Alam mo na kapag may tsikiting, parang walang kalinisan sa loob ng bahay. Kaliligpit mo pa lang may makikita ka na namang kalat."

Ngumiti lang siya. Sinipat niya ang mukha ng kanyang anak. Mula nang bumaba sila ng taxi ay wala na itong kibo.

Kaagad silang ipinaghanda ng miryenda ni Olivia. Cake at pineapple juice. Hindi pa sila nanananghalian kaya naisip ni Willa na siguro ay gutom na ito kaya mukhang wala sa mood.

"Kain na, 'nak. Chocolate cake, o. Di ba paborito mo 'yan."

Umiling lang ito, bahagyang nakalabi.

"May sumpong?" natatawang komento ni Olivia.

"Pasensya ka na," napapahiyang hingi niya ng dispensa sa kababata.

"Wala 'yon. Normal lang sa mga bata ang magtantrums paminsan-minsan. Pareho sila ng panganay ko. Maiba ako, bakit napasagsag ka? O dinadalaw mo lang ba talaga ako?"

"A-ang totoo ay nagbabakasakali lang ako kung puwede mo akong kuning tagaluto sa kantinang binuksan mo."

"A, 'yon ba? Ikaw talaga ang gusto kong kuning tagaluto dahil subok ko naman na ang kalibre mo sa pangungusina. Kaso, pumasok sa eksena ang biyenan ko. Siya ngayon ang nangangasiwa sa kusina ng kantina."

Biglang nanlumo si Willa. Mukhang mabibigo pa ang lakad niya.

"Pero kung interesado ka, ipapakilala kita sa kanya. Hindi 'yon marunong magluto ng kakanin, eh. Marami ang naghahanap sa amin ng miryendang kakanin kaya kung magkakaayos, ikaw ang ipi-prisinta kong magluto ng mga kakanin para sa hapon."

"Ikaw ang bahala," lihim na napagkrus ni Willa ang mga daliri.

Nang araw ring iyon ay ipinakilala nga siya ni Olivia sa biyenan nito. Parang diskumpiyado ang may-edad na babae nang hagurin siya ng tingin.

"Talaga bang marunong magluto 'yang kaibigan mo?"

"Oo naman, 'Ma. Nakapag-college pa nga kamo 'yan kaya marami siyang alam sa tamang paghahanda ng mga lulutuin."

"Nakapag-college naman pala, eh. Bakit nagluluto ng kakanin? At porke ba nakapag-college, maalam na sa kusina? Para mo na ring sinabi na wala akong alam sa pangungusina dahil hindi man lang ako nakatapak ng hayskul?"

"'Ma, hindi naman po 'yon ang ibig kong sabihin. Naisip ko lang po kasi dagdag-kita rin sa atin kung magdadagdag tayo ng mga kakanin para roon sa mga estudyante at mga napapadaang kustomer na hindi gustong kumain ng kanin at ulam."

"Dagdag-kita? E, saan mo kukunin ang ipapasuweldo riyan sa kaibigan mo? Iyon ba ang dagdag-kita?"

Palihim na kinalabit ni Willa si Olivia. Nauunawaan niya na. Sa hindi diretsahang salita, hindi siya welcome sa biyenan ng kaibigan kaya hindi na niya dapat pang ipagpilitan ang sarili roon.

"Ayos lang, Olivia. Maghahanap na lang ulit ako ng mapupuwestuhan ng kakanin sa lugar namin."

"Pasensya ka na, ha? Akala ko ako ang may-ari ng kantinang ito, eh. Pero lumalabas yatang salimpusa na lang ako sa mga desisyon," sarkastikong sabi ni Olivia sa mahinang tinig.

Nang lumingon ang biyenan nito sa kanila ay bahagyang inilayo ni Willa ang kaibigan. Minsan na nga lang siyang dumalaw, gulo pa ang dinala niya.

"Hindi na rin kami magtatagal," aniya rito.

"Ano ba ang sinasabi mo riyan? Sa bahay na kayo matulog na mag-ina. Dalawang oras pa ang ibibiyahe niyo. Bukas ng umaga na lang kayo umuwi para makapagkumustahan man lang tayo nang matagal-tagal. Kuwentuhan mo ako kung ano na ang nangyari sa buhay mo magmula nang umalis kayong magkapatid doon sa atin."

Tipid na napangiti na lamang si Willa. Nang balingan niya ng tingin ang anak ay ganoon pa rin ang mood nito. Magmula nang umalis sila sa bahay ni Zeke hanggang sa maghapong iyon na nakalipas ay pansinin-dili siya nito.

Ibig mang mapikon sa ipinakikitang attitude ng anak ay nagtimpi na lamang siya. Mukhang sa maikling panahon na nakasama nito ang ama ay napalapit na kaagad ang loob nito kay Zeke. At kahit hindi dapat ay may naramdaman siyang pagseselos. Palibhasa ay nasanay na siyang siya lamang at si Walter ang iniikutan ng mundo ng kanyang anak. Nakakapanibagong ngayon ay may kahati na siya sa pagmamahal nito.

PAKIRAMDAM ni Zeke ay masisiraan na siya ng bait sa pag-aalala. Dalawang beses na siyang nakabalik sa tinitirhan nina Willa ngunit wala roon ang kanyang mag-ina. Lahat ng puwede nilang pagtanungan ay natanong na rin nila ngunit walang nakakita sa mga ito na bumalik ng bahay.

"Fuck!" Iritadong nahampas niya ang manibela. Muli niyang tinawagan si Walter. "Tumawag na ba ang kapatid mo?"

"Hindi pa. Nag-aalala na nga rin ako, Kuya. Wala naman silang ibang puwedeng puntahan."

"Shit," tulirong umibis siya ng kotse. "Kapag tumawag siya, kahit anong oras tawagan mo ako, okay?"

"Okay."

Napabuga siya ng hangin. Gabi na. Saan posibleng magpalipas ng oras ang kanyang mag-ina. Ayon kay Walter ay wala silang kakilalang ibang kamag-anak. Pareho ring laki sa lungsod ang magkapatid kaya walang probinsyang mapupuntahan ang mga ito.

Oh, God. Where are you, Willa, Sammy? Mariin niyang napisil ang likuran ng batok.

Hindi niya alam kung may pera ito. O kung meron man ay natitiyak niyang hindi iyon masyadong makasasapat sa pangangailangan ng mga ito. Binigyan niya ng credit card at ATM si Willa, pero iniwan nito ang mga iyon kasama na ang binili niyang bagong cellphone.

God damn it, parang binabayo ang dibdib niya sa labis na pag-aalala.

Nang maalala niya kung sino ang responsable sa lahat ng iyon ay may umahong galit sa kanyang dibdib. Tinawagan niya ang ina.

"Zeke, mabuti naman at naalala mo pa akong tawagan."

"And this will probably the last that I will call you, Mother. Kapag may nangyaring masama sa mag-ina ko, tinitiyak ko sa inyong mawawalan kayo ng isang anak."

"Zechariah!"

Mabilis ng tinapos ni Zeke ang tawag at hindi na ito hinintay pang magsalita. Nang tumawag ito sa kanya ay ni-reject niya ang tawag nito. Muli siyang lumulan sa kanyang kotse. Hindi niya alam kung saan pa hahanapin ang kanyang mag-ina. Isang pangalan ang bigla niyang naalala. Si Paige.

Naisip niyang tawagan ito. Pero sa huling sandali ay nagbago ang kanyang isip. Mas mabuti siguro kung puntahan na lamang niya ito nang personal. Dahil kung tama ang hula niya na ito ang tinakbuhan ni Willa, posibleng itanggi nito na naroroon ang kanyang mag-ina.

Mabilis niyang pinatakbo ang kanyang sasakyan. Malakas ang kabog ng dibdib niya. Sana tama ang hula niya na naroroon si Willa at ang kanilang anak.

MATAPOS maghapunan ay naalala ni Willa na tawagan ang kapatid. Natitiyak niyang mag-aalala ito kapag nalaman nitong umalis silang mag-ina sa poder ni Zeke. At dahil wala namang landline sina Olivia, naisip niyang makigamit sandali ng cellphone nito.

Nang araw na ipamili silang mag-ina ni Zeke ay binilhan din siya nito ng mamahaling cellphone. Pero dahil ayaw niyang magdala ng kahit na ano mula rito—maliban sa suot nilang mag-ina, dahil alangan namang maglakad sila nang hubo't hubad—hindi niya dinala ang cellphone. O kahit ang credit card at ATM na ibinigay nito.

"Walter?"

"Ate, nasaan kayo? Kanina pa namin kayo hinahanap. Ano ba ang nangyari?"

"Walter, kasama mo ba si Zeke?"

"Hindi. Magkahiwalay kaming naghahanap sa inyo ni Samantha. Nasaan ba kayo? Sabihin mo sa akin ngayon at pupuntahan ko kayong dalawa."

"Ayos lang kami. Kailangan ko lang munang mag-isip. Uuwi rin kami ni Samantha bukas."

"Ate, may problema ba? Sabihin mo sa akin. Nag-away ba kayo ni Kuya Zeke?"

Kuya Zeke. Hindi niya maiwasang punahin ang paraan nito ng pagtukoy sa una. Mukhang tulad ng anak niya ay nakuha na rin ni Zeke ang loob ng kapatid niya.

"Sa palagay ko ay hindi kami bagay sa isa't isa. Kailangan ko ng panahon para pag-isipan ang sitwasyon naming dalawa."

"Paano si Samantha?"

"Wala namang problema sa akin kung mag-aalok siya ng suporta. Pero sa ngayon ay hanggang doon na lang muna siguro."

"Ate..."

"Sige na. Nakitawag lang ako para ipaalam sa'yo na ayos lang kaming mag-ina. Nakakahiya naman sa may-ari ng cellphone at baka maubos ko na ang load."

"Nasaan si Samantha? Safe ba ang tinutulugan niyo?"

"Oo naman, naririto siya sa tabi ko. Ayos lang kami. Huwag kang mag-alala. Sige na. Tatawagan na lang ulit kita."

"Sige. Mag-iingat kayo."

"Ikaw rin."

MATAPOS ang tawag ay saglit na pinag-isipan ni Walter ang sinabi ng kapatid.

"Sa palagay ko ay hindi kami bagay sa isa't isa. Kailangan ko ng panahon para pag-isipan ang sitwasyon naming dalawa."

Nakiskis niya ang likuran ng kanyang ulo.

Aish.

Higit sa anupaman, naaawa siya sa kanyang pamangkin. Gusto niya itong lumaki sa isang kumpletong pamilya. May ama at ina. At bagaman pareho silang masikap na magkapatid, alam niyang mas madali para kay Zeke na ibigay ang lahat ng pangangailangan nito.

Nakuskos niya ng mga daliri ang tuktok ng kanyang ulo.

Nang tumunog ang kanyang cellphone ay kamuntik na niyang mabitiwan iyon.

"Kuya Zeke."

"Tumawag na ba si Willa?"

"Um..."