KINABUKASAN ay bumuhos ang malakas na ulan. Minabuti ni Annika na iwanan na lamang si Samantha sa bahay. Nag-aalala siyang baka magkasakit pa ito kung isasama niya sa cafe. Mabuti na lamang at walang pasok si Walter, ito na ang nagprisintang mag-aalaga kay Samantha habang nasa cafe siya. Wala ring tutorial sa araw na iyon ang bata.
Halos buong araw na umulan. At dahil na rin siguro sa masamang panahon kung kaya't matumal ang benta nila nang araw na iyon. Bago dumating ang oras ng closing ay nagtext si Walter.
Pauwi k n b?
Napangiti siya.
Jst abwt.
Ppnta ako jan. Susunduin kta.
Pano c Sammy?
Sndali lng nmn. Nanonood xa ng tv.
Up 2 u.
Quarter to six ay sinabi ni Annika sa kanyang staff na magsasara na sila. Wala na rin naman kasing masyadong pumapasok na kustomer. Wala rin siyang dalang sasakyan dahil ang balak niya talaga ay magpasundo na lamang sa driver.
"Teka..." dapat pala ay sinabihan na lamang niya itong magpahatid sa driver.
Hindi siya sigurado kung marunong itong magmaneho. Kung marunong sana ito ay puwede nitong hiramin ang isang sasakyan sa bahay ng kapatid niya.
Habang naghihintay kay Walter ay ipinasya ni Annika na manatili muna sa loob ng opisina. Ang kanyang mga tauhan ay pinauna na niya. Sana lang ay hindi maipit ng trapik si Walter, saloob-loob niya. Maghapon pa namang umulan. At karamihan ng kalyeng madadaanan papunta sa cafe ay bahain.
Nang may marinig siyang kaluskos mula sa labas ng opisina ay naisip niyang dumating na siguro si Walter. Nakahanda na ang ngiti niya nang bumukas ang pinto. Ngiting kaagad nabura nang ma-realized niya kung sino ang dumating.
"Trevor."
"This time ay hindi mo na ako maiiwasan."
Sa kung anong dahilan ay may takot siyang biglang naramdaman. Inilapat nito ang pinto sabay diin ng lock. Hindi siya nagpakita ng takot. Ngunit sa totoo lang ay parang biglang nanginig ang mga binti niya. May nakita siyang kakaibang kislap sa mga mata nito na nagdulot ng takot sa kanyang dibdib.
"What d-do you think you're doing? If you just want to talk, let's talk. P-pero hindi rito, sa labas."
Habang sinasabi iyon ay palihim na kinapa ng dalaga ang cellphone sa kanyang bag. Nakasukbit na ang shoulder bag niya dahil ini-expect niyang anumang oras ay darating na ang kanyang sundo.
"Ang lakas ng ulan sa labas. Bakit naman lalabas pa tayo? Your office looks nice and comfy. We can have some fun and talk later."
"Fun?"
"Oh, you know. Ituloy natin ang dapat ay gagawin natin nang araw na iyon na papunta sana tayo sa pad ko."
"I am no longer interested," nakapa ni Annika ang fountain pen sa loob ng kanyang bag. Mahigpit niyang hinawakan iyon thinking her life depended on it.
"You're just saying that now. Pero mamaya lang ay iba na ang lalabas sa bibig mo."
Lumapit ito sa mesa kung saan siya nakaupo. Mabilis siyang tumayo upang makaiwas dito. Kailangan niyang makarating sa pinto. Nag-ikutan sila sa mesa na parang nagpapatintero. Ang mahuli ay taya. Pero alam niyang kapag nahuli siya nito ay katapusan niya na.
"Please, Trevor. Whatever you're planning, don't do it. I won't forgive you."
"I don't care. I just want to have you back."
"What else do you want me for? Mayroon ka ng Bettina."
"She's a nuisance. Besides, nagkausap na ang mga magulang natin. My father agreed to it, and so does your Mom."
"S-si Mommy?"
"Yes. She told me to do what I gotta do to get you back."
"T-that's not true," parang biglang nagtubig ang mga mata ni Annika.
Ano ang karapatan ng kanyang ina na panghimasukan ang buhay niya?
Sa minsang pagkalingat niya ay bigla siyang nasunggaban ni Trevor.
"Let me go!"
Hinila siya nito at pinaghahalikan. Pero dahil panay ang ilag at piglas niya, kung saan-saan lang dumadapo ang bibig ni Trevor.
"I said, let go, you pig!" kinuha niya ang fountain pen at isinaksak sa braso nito.
"You, bitch!" galit na umigkas ang kamay ni Trevor at sinampal siya.
Bumiling ang mukha ni Annika at halos mahilo-hilo siyang bumagsak sa sahig. Hindi pa niya naranasang mapagbuhatan ng kamay ng na kahit sino sa kanyang pamilya.
Hinugot ni Trevor ang fountain pen na nakabaon sa braso nito. Sinamantala ni Annika ang pagkakataong 'yon at gumapang patungo sa pinto. Nagawang pihitin ng dalaga ang lock at papalabas na sana ng pinto nang biglang hatakin ni Trevor ang kanyang buhok.
"And where do you think you're going, bitch?" buong puwersa siya nitong hinatak at itinulak sa sofa.
The breath almost knocked out of her when her back hit the leather seat. Nakita niya ang masaganang pagtulo ng dugo sa braso ni Trevor ngunit parang hindi nito pansin iyon. He started unbuckling his belt. At habang ginagawa iyon ay panay ang mura nito sa kanya. She's terrified. Pero pinilit niyang paglabanan ang nararamdamang takot. She needs to fight back to remain in one piece.
Inabangan niya ang muling paglapit ni Trevor. When he was about to get on top of her, she kicked him hard between his legs. Namimilipit itong bumagsak sa sahig. Sa pagitan ng panginginig ng mga binti ay mabilis niyang tinakbo ang pinto. Makakalabas na sana siya nang hagipin nito ang isa niyang binti at mahigpit na hawakan.
"You can't get away from me, Annie. Pagbabayaran mo ang ginawa mo sa akin!"
"No! Let go. Help! Tulungan niyo ako!" itinaas niya ang paa at pinagsisipa sa mukha si Trevor. Wala siyang pakialam kahit magkabangas-bangas pa ang ipinagmamalaki nitong mukha.
"Bitch!" tanging iyon ang nasabi ni Trevor nang makawala sa kamay nito ang binti ni Annika. "I will fucking get you for this! Mark my words!"
Pero hindi na niya ito pinansin at tuloy-tuloy siyang tumakbo.
"Ay!"
"Annika?"
Nang magtaas siya ng tingin at makita kung sino ang nakabangga niya ay parang bigla siyang nanghina.
"Walter," her eyes welled with tears.
Walang salitang maingat siya nitong inalalayang pasakay sa kotse. Nang maiupo siya sa passenger seat ay kaagad itong lumigid sa driver seat. Parang late reaction ang nangyari sa kanya nang masaganang bumalong ang kanyang mga luha. Iyak lang siya nang iyak hanggang sa makarating sila sa bahay.
AWANG-AWA si Walter kay Annika. Putok ang labi nito at halos umalsa ang kaliwang bahagi ng mukha kung saan nakabakas pa ang kamay ng taong nanakit dito. Nang makarating sa bahay ay kaagad itong inasikaso ng matandang kasambahay na si Manang Sol. Inutusan naman ni Walter ang driver na saglitin ang cafe.
Hindi niya sana gustong abalahin sa honeymoon nito ang kapatid at ang bayaw na si Zeke. Pero hindi niya puwedeng itago rito ang nangyari. Natitiyak niyang magagalit ang bayaw sa kanya kung hindi niya sasabihin dito ang insidenteng iyon.
"Walter?"
"K-Kuya, may nangyari kay Annika. Hindi ko alam kung ano ang gagawin ko."
"Ano ang nangyari? Linawin mo."
"Tinangka siyang halayin no'ng anak ni Senator Constantinople."
"Son of a bitch! Ngayon din ay uuwi kami."
Napabuga ng hangin sa bibig si Walter matapos mawala sa kabilang linya ang kausap. Parang nakikita na niya kung ano ang mangyayari.
Nang makita niyang lumabas mula sa silid ni Annika si Manang Sol ay napatayo siya sa kinauupuan.
"Kumusta na ho si Annika."
"Hayun, iyak nang iyak," parang naaawang sabi nito. "Mabuti na lang at hindi siya tuluyang nahalay ng hayop na 'yon. Sabi ko na nga ba at walang mabuting gagawin ang ganoong klase ng pagmumukha."
"Nakausap ko na ho si Kuya Zeke. Uuwi raw po sila kaagad."
"Naku, pihadong maghahalo ang balat sa tinalupan. Mahal na mahal ni Zeke 'yang si Annika. Halos siya na ang naging tatay ng batang 'yan, eh."
Mauunawaan niya kung gustuhin mang patayin ni Zeke si Trevor sa mga oras na iyon. At tutulungan pa niya ito. Kung hindi niya lamang inaalala ang kalagayan ni Annika kanina ay haharapin niya ang gagong 'yon. Pero sa nakita niyang tila shock sa mukha nito ay minabuti niyang iuwi na lamang ang dalaga.
Mabuti na lamang at tulog na si Samantha nang dumating sila. Natitiyak niyang mag-aalala rin ito sa sinapit ng tiyahin.
"Ah, Manang. Puwede ho bang ipaghanda niyo ng pagkain si Annika?"
"Makakakain kaya siya pagkatapos ng nangyari?"
"Susubukan ko hong pilitin siyang kumain."
"Sige."
"Pakisamahan na rin ho ng ice pack o cold compress."
Nakangiting tumango ang kasambahay.
Nang maihanda ni Manang Sol ang pagkain sa tray ay kumatok si Walter sa silid ni Annika.
"Bukas 'yan," mahinang tugon mula sa loob ng silid.
Pinihit ni Walter ang seradura at pumasok sa loob. Nakita niya itong nakaupo sa ibabaw ng kama. Yakap nito ang magkabilang binti habang nakapatong sa ibabaw ng tuhod ang mukha. Her hair was tied in a messy bun.
Ipinatong niya sa ibabaw ng kama ang tray ng pagkain at naupo sa gilid niyon.
"I'm not hungry."
"Baka mamaya makaramdam ka ng gutom. Iiwanan ko na lang dito."
Nakita niyang kumibot ang mga labi nito na parang may gustong sabihin. Pero biglang nangatal iyon hanggang sa tumulo ang masaganang luha sa magkabilang pisngi ni Annika.
Pakiramdam ni Walter ay nadurog ang puso niya sa pag-iyak nito. Kinuha niya ang cold compress at nilapitan ang dalaga. Nakasuot ito ng pajama. Pero dahil yakap-yakap nito ang mga binti, bahagyang umangat ang laylayan ng pajama nito kung kaya't nakita niyang may pasa rin ito sa binti.
"Masakit ba?"
Sinundan nito ng tingin ang tinitingnan niya. Dahan-dahan nitong iniunat ang kanang binti. Pagkuwa'y tumango.
"Medyo."
"Lalagyan ko nito," itinaas niya ang hawak.
Muli ay tumango ito.
Pumuwesto si Walter sa may paanan ng dalaga at inilapat ang cold compress sa bahaging may pasa sa binti nito. Nang mapatingin siya sa mukha nito ay may umahong poot sa kanyang dibdib. Gusto niyang pagsisihan na hindi siya pumasok sa cafe para naiganti niya man lang kahit kaunti si Annika.
"I'm okay."
"Ano bang okay? Huwag mo nga akong lokohin. Baka ngayon hindi mo pa masyadong nararamdaman ang sakit. Pero bukas sigurado ako, daig mo pa ang nasuntok ni Gayweather."
"Gayweather?"
"Oo, Gayweather. Dahil sa opinyon ko, bakla lang ang nananakit ng babae. Kaya siya si Gayweather."
Natawa ito. Ngunit bigla ring natutop ang bibig nang siguro'y makaramdam ng sakit.
"Tsk. Higa ka kaya, para 'yang pisngi mo naman ang malagyan ko nito."
Hindi niya ini-expect na susunod ito. Humiga ito at tumagilid sa kanan para iharap sa kanya ang kaliwa nitong mukha.
Napahinga siya nang malalim saka banayad na idinampi sa pisngi nito ang cold compress.
"Walter."
"Hmm?"
"Do you have a girlfriend?"
Patlang.
"Wala."
"I'm glad."
"Ha?"
"Kasi wala rin akong boyfriend."
"Ah."
"Will you be my boyfriend?"