"BREAKFAST in bed."
Nahapit ni Willa sa dibdib ang kumot nang pumasok ng kuwarto si Zeke dala ang isang breakfast tray. May kasiyahang lumukob sa puso niya sa pagkamaalalahanin nito. Umayos siya ng sandal sa headboard ng kama nang ilapag nito ang tray sa harapan niya.
"Thank you," akmang dadamputin niya ang puswelo ng kape nang matigilan siya. Saglit siyang hindi nakahuma sa makinang na brilyanteng sumalubong sa kanyang mga mata. "Zeke..."
Napaawang ang bibig niya at saglit siyang hindi nakapagsalita.
"Will you marry me? Pinagbigyan ko na ang gusto mo. Sana naman pagbigyan mo na ako. Magpakasal na tayo."
Natutop niya ang bibig nang mapahikbi siya sa emosyon.
"Yes, payag na ako."
Iyon lang at parang mga bumbilyang kumislap ang mga mata nito nang kuhanin ang singsing at isuot sa palasinsingan niya. Naiiyak na sinipat niya iyon sa kanyang daliri. Ang ganda. Hindi niya akalaing isang araw ay makapagsusuot siya ng ganoon kamahal na singsing.
Hinagkan ni Zeke ang likod ng palad niya bago siya marahang inabot at masuyong hinalikan sa mga labi. Pagkatapos ay nakangiti itong lumayo.
"Let's have dinner later. Invite your brother, sabihin mong dito na siya maghapunan mamaya."
"Sige. Tatawagan ko siya."
"Eat your breakfast. Isasabay na kita pagpasok."
"Mapapalayo ka pa."
"I don't mind."
"Sige, ikaw ang bahala."
Muli siya nitong kinintalan ng halik sa labi bago tumayo.
"By the way, 'yong appointment natin sa doktor ay mamaya ng after lunch. Susunduin kita para sabay na rin tayong magtanghalian."
"Isasabay na rin ba natin si Samantha?"
"May seminar na pinuntahan ang asawa ni Dr. Centino. Pero by next week ay available na siya kaya next week na lang natin dalhin sa kanya si Sammy."
Tumango siya.
Pagpasok ni Willa sa Samantha's Sweet Bites ay ang singsing na suot niya ang kaagad na napansin ni Annika.
"Wow, finally," natutuwang sabi nito nang kumpirmahin niyang tinanggap na niya ang marriage proposal ng kapatid nito. "I'm so happy for both of you. Congratulations, Ate Willa."
"Salamat, Annika."
"Uh, alam na rin ba ni... um, ng kapatid mo?"
"Hindi pa. Pero sa bahay siya maghahapunan mamaya. Doon na lang din namin sasabihin sa kanya."
"That's great."
"Maalala ko, hindi pa nga pala kayo pormal na nagkakakilala ni Walter. Parati kayong nagkakasalisi kapag bumibisita siya sa bahay."
"O-oo nga, Ate Willa. Madalas siyang mabanggit ni Sammy kaya curious din akong m-makilala siya nang personal."
"Naku, baka ma-starstruck 'yon kapag nakita ka."
Nag-blush si Annika sa sinabi niya. Natawa si Willa. Mayamaya pa ay naging busy na sila.
PAGDATING ng opisina ay tinawagan ni Zeke ang inang si Sandra.
"By the way, mother, I'm getting married."
"What?! Nasisiraan ka na ba talaga ng bait?"
Parang nakikini-kinita na ni Zeke ang panlalaki ng mga mata nito. Sa lakas din ng boses ng ina ay halos nai-imagine na niya ang paglilitawan ng mga litid nito sa labis na panggigigil.
"No! I will never allow it!"
"I only told you about it because you're still my mother, I thought you ought to know. Nasa hustong gulang na ako at hindi ko kailangan ng permiso niyo para sa desisyong gagawin ko."
"I will talk to your father. Natitiyak kong hindi rin siya makapapayag sa gusto mong mangyari."
"Too late, Mom. Nagkausap na kami ni Daddy. Unlike you, bukas ang puso at isipan niya para sa aking mag-ina. After all, galing din siya sa hirap na kaparis ni Willa."
"Just what the hell do you mean by that?"
"Bye, Mom."
"Zecha—"
Pinatay na niya ang tawag bago pa mabuo ng ina ang buo niyang pangalan. Napailing si Zeke at naupo sa swivel chair niya para umpisahang harapin ang trabahong naghihintay sa kanya.
Nang araw na bilhin niya ang engagement ring na ibinigay niya kay Willa ay masinsinan niyang kinausap ang kanyang ama. Inihanda na rin niya ang sarili para sa negatibong reaksyon nito. Pero hindi iyon nangyari. Hindi importante sa Daddy niya kung hindi man nabibilang sa alta-sosyedad si Willa. Nang sabihin niyang nagluluto lamang ng kakanin ang babaing napili niyang pakasalan ay lalong na-curious ang kanyang ama na makilala ang dalaga. Curious daw itong makilala ang babaing nagpabago ng isip niya tungkol sa matrimonyo.
Mula pagkabata kasi ay bukambibig na niya na hindi siya mag-aasawa. Nag-iwan ng malalim na sugat sa kanyang pagkatao ang nangyari sa pagsasama ng kanyang mga magulang. Pero nang makilala niya si Willa ay naglaho ang lahat ng agam-agam niya. He's willing to take the risk just to be with her.
PARANG tinambol ang puso ni Annika nang mapagbuksan ng pinto si Walter. Ang binata man ay parang natigilan nang makita siya.
"Ah, nagkamali yata ako ng pinuntahang bahay," parang naaasiwa itong napakamot sa batok.
"Tito Walt!"
Bago pa nakasagot si Annika ay sumulpot mula sa likuran niya si Samantha.
"Prinsesa ko," tuwang binuhat ni Walter ang bata nang sabik itong sumalubong sa tiyuhin.
May malambot na emosyong biglang kumalat sa puso ni Annika sa nakita niyang lambing nito sa kanilang pamangkin.
"Ah, tuloy ka," nakuha niyang sabihin nang luwangan ang bukas ng pinto.
"Ako nga pala si Walter," nakuhang sabihin nito nang magpalapag si Samantha.
"K-kilala na kita. Ako naman si Annika, bunsong kapatid ni Kuya Zeke."
"Ikaw pala 'yon. Nice to meet you."
"Likewise," they shook hands.
Hindi niya maipaliwanag ang mabilis na kabog ng kanyang dibdib. Walter is very cute, he looks like a K-pop idol. Pero natitiyak niyang hindi iyon dahil doon. She had seen more good looking guys than him. Ngunit hindi bumilis nang ganoon kabilis ang puso niya.
"Please make yourself at home. Paparating na sina Ate Willa."
"Halika, Tito Walt. Ipapakita ko sa'yo ang mga bago kong laruan."
Parang humihingi ng pahintulot na tumingin ang binata sa kanya.
"Oh, go ahead. I think she missed you."
Ngumiti ito sa kanya bago sumunod kay Samantha. At muli ay parang may pumitlag sa loob ng dibdib niya.
Natutop ni Annika ang magkabilang pisngi nang biglang mag-init ang mga iyon. Nagmamadaling nagtungo ang dalaga sa kusina upang itaboy ang mga nakalilitong damdamin na pinupukaw ng presensya ni Walter.
Isang oras pagkaraan ay dumating ang magkasintahang Zeke at Willa. Bukod sa mga pagkaing ipinaluto ng kanyang hihipagin sa cook ay nagpa-take out din ng pancit at lechon ang mga ito. Meron pang cake. Nang ihanda ang lahat ng pagkain sa mesa ay parang piyesta. At siyempre pa, nang oras na ng hapunan ay kasalo nila si Walter. Masayang ibinalita ng magkasintahan sa oras ng hapunan ang plano ng mga itong pagpapakasal.
"Congratulations. Natutuwa ako para sa inyo, Kuya, Ate."
"Thank you," anang Kuya Zeke niya.
"Will it be a grand wedding, Kuya?" excited na tanong ni Annika. Gusto niyang tumulong sa preparasyon ng kasal ng mga ito.
"Kung ako ang tatanungin, gusto ko ng grand wedding para kay Willa," may ngiting nilingon ng kanyang kapatid ang nobya.
"Then, what's the problem?" takang nagpalipat-lipat ang tingin niya sa mga ito.
"Ah, gusto ko kasi sana na kung magpapakasal kami ng Kuya mo sa simbahan, may approval na ng Mommy niyo. Alam kong imposible pa sa ngayon, pero umaasa akong balang-araw ay ibibigay niya rin ang basbas niya. Pareho na kaming ulila ni Walter at naranasan namin kung gaano kahirap ang mawalan ng mga magulang. Ayaw kong mangyari 'yon sa kapatid mo."
May naramdaman siyang paghanga sa kanyang future sister in-law. Sa kabila ng panlalait dito ng kanilang ina ay nakakabilib na naisip pa nito ang bagay na iyon.
"So, for the time being, magpapakasal muna kami sa huwes. Para siguradong wala na siyang kawala sa akin," pilyong kinindatan ng Kuya Zeke niya ang magiging hipag.
Napangiti na lang siya. Hindi niya inakalang ang may pagka-bohemyo niyang Kuya ay magkakaganoon sa isang babae. Nakita niya kung paano itong halos mabaliw-baliw nang unang makita si Willa. At isa lang siyempre ang impresyon niya, mahal na mahal ito ng kanyang kapatid.
May ngiti pa sa kanyang mga labi nang magtama ang mga mata nila ni Walter. Naaasiwang mabilis siyang nagbaba ng tingin. Hindi naman iyon ang unang pagkakataon na natitigan siya ng isang lalaki nang may paghanga. Pero iba talaga ang epekto sa kanya ng lalaking ito.
Bakit?
BAKIT parang pamilyar ang mukha niya sa akin? iyon naman ang itinatanong ni Walter sa sarili.
Of course hindi niya maitatangging para siyang na-starstruck nang unang beses na makita ito. Who could blame him? She is very beautiful.
Pero pamilyar talaga ang mukha nito sa kanya. Parang nakita na niya ito dati pa. Hindi niya lang matandaan kung saan. Bago kaya ang aksidente? O pagkatapos ng aksidente?