noveltoon logo noveltoon
One Night with the Billionaire (Filipino)

Chapter 26

Ch. 27 / 33 May 10, 2025

BAGAMA'T palagay na ang loob ni Samantha kay Annika, nag-aalala pa rin ang dalaga na baka maghanap sa mga magulang ang pamangkin. Iyon ang unang araw na wala ang bagong kasal na sina Willa at Zeke. At dahil nakatoka sa kanilang dalawa ni Walter ang pagiging guardian sa pamangkin, nagpalitan sila ng numero just in case raw na may emergency ang isa't isa.

Isinama niya ang pamangkin sa Samantha's Sweet Bites. Three times a week ang tutorial nito. Pero dahil magiging full-time siya sa cafe, kinausap niya ang tutor na sa Samantha's Sweet Bites na lamang puntahan ang pamangkin kapag tuturuan. Soundproofed at maluwag ang kanilang pribadong opisina kaya may sapat na espasyo ang mga ito.

Nang dumating na ang tutor ni Samantha ay lumabas muna si Annika sa opisina at tumulong na sa counter. Apat lang ang tauhan nila. Dalawa ang serving staff at dalawa sa kitchen. Kapag naroroon si Willa ay ito kadalasan ang nasa kitchen at siya sa counter.

So far ay busy ang cafe nila. Marami ang pumapasok na kustomer at may ilan na rin silang regulars kahit kabubukas pa lang ng cafe. May ilan na ngang nag-i-inquire kung nagde-deliver daw ba sila. Sinabi na lang niyang wala pa silang staff para roon. Pero nai-note niya iyon sa ilang mga additional services na balak niyang i-discuss sa hipag kapag nakabalik na ito at ang Kuya Zeke niya mula sa honeymoon.

Bandang hapon ay tumunog ang cellphone ni Annika. Nang makita niya kung sino ang message sender ay kaagad na naguhitan ng ngiti ang kanyang mga labi. Si Walter.

Dadaan ako after work para makita c Sam.

Of course. No problem, her reply.

Wala akong sarilng kotse. Ok lng b kng sumabay na rn ako s inyo?

Sure. M sure matutuwa c Sam.

Ok. C u! :)

C ya! :)

Nangingiti pa siya nang muling ibulsa ang cellphone nang sa pag-angat niya ng tingin ay makita ang taong matagal na niyang kinalimutan. Si Trevor Constantinople, her ex-boyfriend.

"Hi, Annie!"

Isang malamyang ngiti ang ibinigay niya rito.

"Hello, Trevor."

"Trevor? You used to call me, Trey. And I've missed that."

"Well, I don't. As you can see, I'm working. I have no time for a friendly chat. Do you want to order or—"

"Baby, bakit mo ako iniwan?" isang seksing babae ang biglang kumawit sa braso nito.

"Because you're pissing me off."

Tinangkang alisin ni Trevor sa braso nito ang kamay ng babae, ngunit hindi nito iyon nagawa. Kapit-tuko. Lihim na napailing si Annika. Hanggang ngayon pala ay hinahabol pa rin ni Bettina si Trevor. Kunsabagay, ano pa nga ba ang bago? Kahit naman noong sila pa ng lalaki patay na patay rito si Bettina. Na base sa kuwento-kuwento sa kanilang barkada ay kinakapatid nito.

"Oh, hello, Annika. Long time no see. Dito ka ba nagta-trabaho?" tila may pang-iinsultong tanong ni Bettina.

"Yes," nakangiting sagot niya. Hindi na niya nilinaw rito na half-owner siya ng cafe. Wala naman kasi siyang pakialam sa iniisip ng mga ito. "So, if you don't mind, kung wala rin lang kayong o-order-in ay mas mabuti sigurong sa labas niyo na lang ituloy ang lover's quarrel niyo. Nakaka-abala kasi kayo sa mga customers namin."

"One box of cassava cake and one cup of strawberry smoothies," sabi ni Trevor.

"One box of cassava cake and one cup of strawberry smoothies. Would that be all, Sir?"

"Add one more cup of lemonade," ani Bettina.

Nang tingnan niya si Trevor ay tila napipilitang tumango ito.

"One cup of lemonade, one cup of strawberry smoothies and one box of cassava cake. For dine in or take out?"

"For take out," mabilis na sagot ni Bettina bago pa man nakasagot si Trevor.

Isang one thousand peso bill ang inilapag ni Trevor sa counter. Propesyunal niyang ginampanan ang kanyang trabaho at trinatong parang mga pangkaraniwang kustomer lamang ang pareha.

"Thank you for coming," aniya nang mai-serve sa mga ito ang order.

"Annie, puwede ba kitang puntahan sa bahay niyo?" ani Trevor na hindi kaagad kinuha ang order.

"Hindi ako tumatanggap ng bisita. Busy ako."

"Kung gano'n ay ihahatid na lamang kita mamaya pag-uwi."

Parang walang narinig na inasikaso niya ang kasunod na kustomer.

"Annie, please? Just let me explain my side."

"There's nothing left to explain, Trevor. Please, nakakaabala ka na."

"Hihintayin na lang kita hanggang sa umuwi ka."

Bago pa siya nakasagot ay tumalikod na ito bitbit ang in-order. Isang matalim na tingin naman ang iniwan sa kanya ni Bettina. Deadma lang siya. Wala na siyang kiber kay Trevor. Kahit isaksak pa ito sa sariling baga ni Bettina ay wala siyang pake.

Sa sumunod na sandali ay naging busy na si Annika. Mabilis niyang naitaboy sa isipan ang katatapos lamang na insidente dahil dumagsa ang kanilang mga kustomer bandang hapon. Ang haba ng pila sa counter.

Nasa panghuling customer na si Annika nang makita niya si Walter na nakatayo malapit sa entrance. Palagay niya ay kanina pa ito roon nakatayo at tahimik lang na nagmamasid sa kanya.

Napansin niya ang ilang kababaihan na malagkit ang tingin dito. Partikular iyong mga kabataan. Well, who could blame them. He looks like a K-pop star, he is very cute. And her heart beats like crazy upon setting her eyes on him.

Naglakad itong palapit sa counter.

"H-hello. Kanina ka pa ba?" she could feel her cheeks burning. And she hopes to God he didn't notice her blush.

"Hindi naman. Kadarating ko pa lang."

"Um, halika. Doon ka na muna sa office. Tapos ng magpa-tutor si Sammy kaya parang naiinip na. Nagsawa na yatang magkulay sa coloring books niya," nilangkapan niya ng tunog ang kanyang ngiti para madisimula ang pamumula ng kanyang mga pisngi.

Mukhang oblivious naman ito sa pinagdadaanan niya kaya nakaligtaan na niya ang kanyang discomfort.

"Hello, angel. Look who's here?"

Kaagad na nagliwanag ang mukha ni Samantha pagkakita sa tiyuhin. "Tito Walt!"

"Prinsesa ko," ibinuka ni Walter ang mga bisig. Mabilis na tumakbo roon si Samantha. "Na-missed mo kaagad si Tito?"

"Oo naman po."

"Okay. Kahit nagseselos ako ay iiwanan ko muna kayo," biro niya.

Paglabas niya ng opisina ay naghanda siya ng isang slice na biko at isang baso ng kape. Siya na rin ang personal na nagdala niyon sa opisina para ibigay kay Walter.

"Salamat," nakangiting sabi nito.

Sumikdo na naman ang puso ni Annika. Hindi niya matandaang naging ganoon ang epekto ng ngiti ni Trevor sa kanya.

"We'll be closing up in an hour, okay? Just wait a while."

"Ayos lang kami. Huwag mo kaming alalahanin," ani Walter.

"Oo nga po, Tita Annika. Wait ka lang namin dito."

"Wait ka lang namin dito," Walter mimicked his niece. Napabungisngis ito.

Nangingiting iniwan ni Annika ang magtiyuhin.

Inasikaso na niya ang mga kailangang gawin. Ten to six ang kanilang opening at closing. Eksaktong walong oras lamang ang trabaho ng kanilang staff. And even before they open their cafe, her brother was very specific that the business will not consume so much of Willa's time. Or hers. Kaya naman ginawa lamang nilang eksaktong walong oras ang kanilang operations.

"It's time," anunsyo ni Annika sa magtiyo nang muling pumasok ng opisina.

"Yehey, uwian na!"

Nagkatawanan sila ni Walter.

"Parang nasa school lang, ah," natatawang wika rito ng binata.

Pinauna na niya ang mga ito sa kotse. May kinuha pa kasi siya sa opisina. Paglabas niya ay hindi niya inaasahang naghihintay si Trevor.

"Annie, let's talk," he insisted.

"Like I told you earlier, wala na tayong pag-uusapan pa, Trevor."

"Meron. Just hear me out, okay?" hinawakan nito ang braso niya.

Ipiniksi niya iyon.

"Bitiwan mo ako."

"Mag-usap lang muna tayo."

"If you want to talk, just talk," binawi niyang pilit ang braso sa mahigpit nitong pagkakahawak. "Wala akong balak sumama sa'yo kahit saan."

"Fuck! What the hell is your problem? Mag-uusap lang naman tayo. Para naman akong may gagawing masama sa'yo, eh."

"Exactly. You already showed me your true colors. Kaya nawala ang tiwala ko sa'yo."

"Is this about that thing again?"

"That thing?" natawa siya nang pasarkastiko sa sinabi nito. "Kung tukuyin mo ang nangyaring 'yon ay parang wala lang, ha? It only proves what kind of a person you are."

"Ano ba ang inaasahan mong gagawin ko? Don't act like you are some kind of a saint, Annie," muli nitong hinablot ang braso niya. "Sasama ka sa akin at makikinig ka sa sasabihin ko."

"Like hell. Bitiwan mo ako!"

"Sino ba ang ipinagmamalaki mo, ha?"

"May problema ba?"

Nagsalubong ang mga kilay ni Trevor nang makita si Walter.

"Who the fuck are you?"

"He's my boyfriend," awtomatiko iyong lumabas sa bibig ni Annika.

Sinamantala niya ang pagkabigla ni Trevor sa sinabi niya. Binawi niya ang braso sa mahigpit na pagkakahawak nito at saka nilapitan si Walter. Dali-dali na niya itong hinila sa kotse.

"Magkikita pa tayo, Annika!"

Hindi na lamang niya pinansin ang sinabi nito. Alam naman niya kung ano ipinagmamalaki ni Trevor, ang re-elected senator nitong ama. Without his father's wealth and influence, Trevor is nothing but an asshole.

"Pasensya ka na, Walter, ha?" hinging-paumanhin niya sa binata nang makalulan sila ng kotse. Nasa unahan ito katabi ng driver at siya naman ay nasa backseat, katabi si Samantha.

"Ayos lang."

Parang nahahapong isinandal ni Annika ang sarili sa upuan nang magsimulang umusad ang sasakyan. Hindi na dapat pang muling magkita sina Trevor at Walter. Sa sandaling magkita ang mga ito ay natitiyak niyang makikilala na ito ni Trevor. And all hell will break loose.