noveltoon logo noveltoon
One Night with the Billionaire (Filipino)

Chapter 30

Ch. 31 / 33 May 10, 2025

"MANANG, ano ho ba 'yang niluluto niyo?" natutop ni Willa ang bibig nang may maamoy na masangsang.

"Danggit. Hindi ba't request mo ito, kaya nga ako bumili kahapon," tugon ng kasambahay.

Parang biglang sumipa ang sikmura ni Willa.

"H-huwag niyo na po munang iluto," aniyang mabilis na natakpan ng kamay ang bibig.

"Ha? Aba'y ikaw ang bahala. Ayos ka lamang ba?"

Hindi na nasagot iyon ni Willa nang bumaliktad ang sikmura niya. Tumakbo siya sa pinakalamalapit na lababo at nagsuka. Parang piniga ang lakas niya. Kaagad siyang inabutan ng bimpo ng isang maid.

"Salamat. M-Manang Sol, sa kuwarto lang ho muna ako. Kung puwede huwag muna kayong magprito ng kahit ano." Nasusuka siya sa amoy ng nasusunog na mantika.

Hindi na napansin ni Willa ang nangingiting si Manang Sol nang ihatid siya nito ng tingin. May kutob na ito kung ano ang nangyayari kay Willa. Ilang umaga na kasi nitong napapansin ang pagsusuka ng among babae.

Nanlalambot na nahiga si Willa pagkapasok ng kuwarto. Dahil kasalukuyang ginagawa ang cafe, pansamantala muna siyang nasa bahay. Pero ayon kay Zeke after a week ay fully operational na ulit sila.

Latang-lata ang pakiramdam niya nang ipikit ang mga mata. At marahil ay napaidlip siya. Nang muli niyang imulat ang mga mata ay nagisnan niya ang asawa na marahang hinahagod ang buhok niya.

"Masama ba ang pakiramdam mo?" masuyong tanong nito.

Isang nanlalatang ngiti ang ibinigay niya sa asawa.

"Normal lang ito sa mga katulad ko."

"Normal? You look pale. At sabi ni Sammy nagsusuka ka raw at nagkukulong dito sa kuwarto. Tumatawag ako sa'yo hindi ka naman sumasagot. You had me worried kaya umuwi ako nang maaga."

"Ganito rin naman ako noon kay Samantha."

"Ganito? Ano ba'ng...?" natigilan ito. "Hon, don't tell me...?"

"E, di hindi ko sasabihin."

"You're pregnant?"

Itinikom niyang paloob ang mga labi.

"Hon..."

Itinuro niya rito ang drawer sa tabi ng kanilang kama. Hinila ni Zeke iyon. Nakita ni Willa ang pagliliwanag ng mukha ng asawa nang makita nito ang home pregnancy test stick.

"Is this what I think it is?" excited na tanong nito.

Pigil ang paglawak ng ngiting tumango si Willa.

"Magiging tatay na ulit ako?"

"Opo."

"Oh, God. You don't know how happy you've just made me, hon," para ngang maluha-luha ito nang hagurin ang mukha niya. Kinuha nito ang kanyang kamay at hinalikang isa-isa ang kanyang mga daliri. "I love you. I won't let anything come between us."

"Sabi nila, ang mga buntis daw ay emosyonal. Pero bakit baliktad yata? Buntis ka rin ba?"

"Yes, I'm pregnant, too. Dahil magkatuwang nating pagdadaanan ang lahat ng magiging hirap sa pagbubuntis mo. Wala ako sa tabi mo noong ipinagbubuntis mo si Sammy. Pero this time, babawi ako. Pangako 'yan."

Nag-init ang kanyang mga mata sa sinabi ni Zeke. Yumuko ito at hinagkan siya nang magaan sa mga labi.

"I love you. Lagi mo sanang tatandaan 'yan."

"Ako rin. Mahal kita at sana walang magbabago."

Nang banayad siyang yakapin ng asawa ay medyo nagtaka si Willa.

"May problema ba?"

Hindi nalingid sa kanya na parang natigilan ito.

"Zeke."

"Shh, walang problema."

"Sigurado ka?"

"Oo naman. Ako pa ba?"

"Yabang."

Natatawang kinudlitan siya nito ng halik sa mga labi.

"Basta't kapag may problema ka, kahit tagapakinig lang sabihin mo sa akin, ha? Ayaw kong maglilihim ka sa akin."

"Yes, boss."

"Pangako 'yan?"

"Pangako."

AYAW kong maglilihim ka sa akin.

Parang pasimpleng dinagukan si Zeke sa sinabi ni Willa. His wife is pregnant. Balak na talaga niyang sabihin dito ang ipinagtapat sa kanya ni Annika. Pero pagkatapos niyang malaman na nagdadalantao ito ay naduwag siya.

Paano kung bigla na naman itong mag-alsa balutan?

Shit.

Kumplikadong mag-isip ang mga babae. Lalo na siguro ang isang buntis. Matapos nang nalaman niya kay Annika, mas lalo pa niyang hinangaan ang asawa. Kung naiba siguro ito, tuluyan na itong magpapakalubog sa putik pagkatapos ng gabing iyon na nagkakilala sila. Pero hindi, sa halip ay disente itong naghanapbuhay upang maitaguyod ang kanilang anak.

Nakakabilib ang mga babaing katulad nito.

Napahinga siya nang malalim. Habang pinatatagal niya ang pagtatapat dito ay lalong magiging kumplikado ang lahat.

Napapalatak siya. Para silang pinaglalaruan ng tadhana. Ang taong muntikan ng maging sanhi ng kamatayan ng kapatid nito ay kapatid niya pa.

"Zeke."

Nakita ni Zeke ang asawa na nakatayo sa bukas na pinto ng kanyang private den.

"Hon," pasimple niyang itinago ang rock glass ng sinisimsim na alak.

"Nakita ko na. Huwag mo ng itago."

Ipinihit niya ang swivel chair nang lumapit ito sa kanya. Naupo ito sa kanyang kandungan.

"Bakit bumangon ka pa? Bawal na sa'yo ang magpuyat," aniya na marahang hinaplos ang impis pang tiyan ng asawa.

"Nagising akong wala ka. Iyon naman pala 'andito ka lang, naglalasing. May problema ba tayo?"

"Tayo?" may kabang dumunggol sa dibdib niya.

"O, tungkol ito sa kasong isasampa niyo?"

Napahinga siya nang malalim. Marahan niyang kinabig si Willa at isinubsob ang sarili sa dibdib nito.

"Zeke."

"Iuurong na namin ang demanda."

"Ha?" Nagulat ito sa sinabi niya. "Aba'y bakit? Hindi ba't malakas naman 'kamo ang laban niyo?"

Napahigpit ang yakap ni Zeke sa katawan ng asawa.

"Mayro'n kang dapat malaman. Four years ago, aksidenteng nabangga ni Annika si Walter."

Ramdam ni Zeke nang biglang manigas ang asawa sa mga bisig niya.

"S-si Annika?"

"Yes. On behalf of my sister, ako na ang humihingi ng tawad sa mga nangyari. Napakabata niya pa noon kaya ang unang naisip niya ay takasan ang lahat."

Nanatiling tahimik si Willa. Hindi siya relihiyosong tao, pero ng mga sandaling iyon ay halos tawagin ni Zeke ang lahat ng santo sa labis na pag-aalala sa magiging reaksyon ng asawa.

"Ilang taon na si Annika?"

"She just turned nineteen."

Muli ay pumatlang ang katahimikan.

"Honey, say something, please?"

"Nakausap ko kanina si Walter. Tinanong niya ako kung ano raw ang mararamdaman ko kung isang araw ay makaharap ko ang taong nakabangga sa kanya at humingi ng tawad."

"He knew," kaagad na konklusyon ni Zeke.

May hinihintay siyang report kahapon mula sa departamentong pinapasukan ni Walter. Nang ibigay iyon sa kanya ng sekretarya kahapon ang sabi nito ay nakuha lamang nito ang dokumento sa ibabaw ng mesa nito. Hindi ito sigurado kung sino ang naghatid dahil umalis ito saglit.

"Ano ang sagot mo?"

"Hindi madaling magpatawad lalo pa nga at muntikan ng manganib ang buhay ni Walter. Pero kung babalikan ko sa isip ang mga nangyari sa amin noon, isa lang ang masasabi ko. Hinubog ako ng mga pangyayaring iyon upang lalong maging matatag. Hindi ko ito sinasabi sa'yo dahil nagkataong kapatid mo si Annika. Pero katulad ng sinabi mo, napakabata niya pa ng mga panahong 'yon. Madaling nanaig sa kanya ang takot kaya mas pinili niyang takasan ang lahat."

"Actually, Trevor convinced her to forget everything that happened that night. His father was aiming to be reelected as a senator. At hindi nito gustong madawit sa anumang gulo na makakasira sa kanyang ama. He told Annika na kung susuko ito ay bahala ito sa sarili nito."

"Si Trevor din ba ang dahilan kaya iuurong niyo na ang demanda?"

"Iyon ang kundisyon ni Trevor. Kung hindi namin iuurong ang demanda ay ilalabas niya sa media ang video na na-record sa dash cam ng kotse niya nang mangyari ang aksidente."

"Aksidente ang nangyari kay Walter. Pero ang ginawa niyang tangkang panghahalay kay Annika ay maituturing na premeditated."

"Willa," nagtatanong na nag-angat ng tingin si Zeke.

"Sabihin mo kay Annika, kailangan naming mag-usap."

Mahigpit na niyakap ni Zeke ang asawa.

"I love you so much," madamdaming bulong niya sa kabiyak. Walang ideya si Willa kung gaano kalaki ang takot niya sa ipinagtapat dito. At ngayo'y para siyang nabunutan ng malaking tinik sa dibdib.

"At mahal din kita."