7
N ANG magtama ang mga mata nina Maristel ay Mark, parang sinuntok sa sikmura si Maristel sa realisasyon na sa kabila ng lahat, mahal pa rin niya ang lalaki. Kahit niloko siya nito. Na-realize niya na gusto pa rin niya itong makasama, na gusto pa ring makita ang sarili na ito ang inspirasyon sa buhay habang sabay silang umaasenso sa pag-abot ng kanya-kanyang mga pangarap.
Ang problema, hindi niya dapat kalimutan na niloko lang siya nito. Na nagsinungaling ang lalaki at dalawa pala silang girlfriend. Na siya pa ang naging number two nang walang kamalay-malay. Kung nalaman iyon ni Maristel, natural lang na hindi magiging sila. Wala siyang balak na maging number two. Hindi siya makukuntento sa pagiging number two, o kahit na anong number. Dahil kapag may number one, ibig sabihin, may number two. Ayaw niya ng may numero.
“Are you okay?” tanong ni Mark, tulad pa rin ng dati na parang sobra-sobra ang pag-aalala sa kanya, na parang handa siyang ipagtanggol sa lahat. Iyon siguro ang umantig sa puso ni Maristel, dahil iyon ang wala siya mula noon, isang taong magpaparamdam sa kanya na gusto siyang protektahan. Hindi dahil sa mahina siya, kundi dahil mahalaga siya. Iyong kapag nawala siya, may maghahanap sa kanya.
Pero naisip din ni Maristel na kailangan niyang matutong mabuhay nang nag-iisa. Sa mundong iyon, siguradong sa ganoon siya mauuwi. Iyon lang naman ang tama. Maghahanap siya ng inspirasyon sa ibang bagay, o sa mismong buhay niya. Hindi niya kailangan ng isang taong salawahan.
“Oo. Kailangan ko lang makauwi. Kung makakahiram ako kahit two hundred, pamasahe ko pauwi. Babayaran ko sa Lunes. Ide-deposit ko sa bangko mo.” Ayaw man, kailangan niyang humingi ng tulong dito. Hindi siya makakauwi nang walang pera.
“Don’t be silly. I’ll take you home.”
“Hindi na. Masyadong malayo.”
“Nakainom ka ba?”
Parang gustong mapahiya ni Maristel. Amoy na amoy alak ba siya? Siguro, kung naamoy ni Mark kahit hindi naman sila magkalapit masyado.
“Kaunti. Birthday ng anak ng kasamahan ko sa trabaho.”
“Next time, tell me and I will pick you up.”
Hindi na lang siya umimik. Para namang magkabati sila para tawagan niya ito at magpasundo.
Niyaya na siya nito sa sasakyan na nakaparada sa di-kalayuan. Pagsakay roon, agad guminhawa ang kanyang pakiramdam. Wala na ang ingay ng Cubao, ang alinsangan ng panahon. Sumakay na rin ang lalaki sa kabila at pinaandar ang sasakyan.
“How have you been?” tanong nito.
“Ayos lang. Ikaw?”
“Bad. I missed you.”
Napabuntong-hininga si Maristel. “Puwede ba, Mark, tigilan mo na `yan?”
“That’s painful to hear. I was afraid of that. Maybe that’s why I didn’t try to get in touch sooner.”
Naiinis si Maristel sa sarili na hindi niya makita si Mark bilang kontrabida. Ang hirap kapag kaharap niya ang lalaki, natutunaw ang lahat ng kanyang galit.
“Will you ever forgive me?”
“Okay lang, pero tapos na, Mark. Mas matanda ako sa `yo!”
“So?”
“So, hindi tama.”
“It’s not as if you’re thirty and I’m fifteen, come on.”
“Hindi lang `yon. Ginawa mo akong number two.”
Hindi agad nakaimik ang lalaki. “I’m sorry about that.”
“Nagkabalikan na siguro kayo.”
“No. Never again.”
Hindi umimik si Maristel. Hindi niya gusto ang puwedeng puntahan ng usapan. Kung sakali man, ano ang mangyayari? Magiging sila uli? Paano niya masisiguro na wala ng Tracy sa buhay ni Mark? Wala siyang alam masyado sa lalaki. Iyon lang sinasabi nito. Gaya ng malaki ang agwat nila sa buhay na mahirap itanggi.
“Hindi ko inasahan na mamahalin kita,” sabi nito mayamaya, mahina ang boses.
Tumama iyon direkta sa kanyang puso. “Gusto mo lang akong lokohin noong simula?”
“Hindi lokohin, pero parang ganoon na rin siguro. I just wanted some diversion. I was lonely.”
“Wala kang karapatang maging lonely. Nasa `yo ang lahat. Isa pa, ang bata-bata mo pa para mamroblema sa pagiging lonely.”
“So suddenly you speak like you’re much older than me?” Tumawa ito. “Do you actually see me as someone so young now?”
Hindi nagsalita si Maristel dahil matutuwa si Mark sa kanyang sagot. Hindi niya ito makita bilang mas bata sa kanya kahit pa iyon ang totoo. Mas mature ang lalaki, mas maraming alam sa buhay. Iyon ang nagustuhan niya rito, iyong maturity na hindi niya nakita sa iba. Kung minsan, parang mas mature pa nga ito sa kanyang kuya.
“Mahirap ang sitwasyon,” sabi niya.
“Why?”
“Hindi kita kilala.”
“Kung ano ang pagkakakilala mo sa akin, iyon ako. Walang nagbago.”
“Maraming nagbago.”
“Siguro tama ka sa isang banda. I’m sorry. I didn’t mean for things to turn out like this, but they did. It’s too late to go back. Kung maibabalik ko lang, sa simula pa lang sana nakipaghiwalay na ako kay Tracy. Pero naniniwala akong puwede namang bumawi. Don’t you believe in second chances?”
Hindi siya umimik.
“I will make it up to you. I promise.”
May kibot sa puso ni Maristel. Gusto niyang maniwala. Gusto niyang umasa.
NAKAUPO si Maristel sa baitang ng hagdan sa fire exit. Nasa tenth floor siya ng Makati City Hall, um-attend ng mediation. Pina-attend siya ng boss niya. Ang hirap maging all-around sa opisina na kakaunti ang empleyado sa admin. Lahat, sakop niya ang trabaho. Binigyan siya ng pang-taxi ng amo kahapon pa lang, saka ipinaliwanag kung ano ang kaso ng kompanya, at kung ano ang kanyang gagawin. May abogado naman at aabutan lang niya iyon ng bayad. Siya ang representative ng amo dahil may pupuntahan daw sa probinsiya. Gusto ng boss niyang siguruhing hindi ito madadaya ng abogado at ng nagdedemanda sa mediation. Baka raw kasi magkasundo ang dalawa at sa huli, ito ang madaya.
First time ni Maristel um-attend ng ganoong mediation. Nanghiram pa siya ng high heels sa kasama sa apartment, hindi naman pala kailangan ng formal attire. Hindi rin niya inasahan na matagal siyang maghihintay at walang upuan! Lalong hindi niya inasahan na magkakaroon ng aksidente sa daan kanina at para hindi ma-late, naglakad siya nang may dalawang kilometro suot ang sapatos na may mataas na takong. Kaya hayun siya ngayon sa baitang ng hagdan, hindi na makalakad sa sakit ng mga paa. First time niyang nag-heels nang ganoon katagal at ganoon kataas. Pakiramdam niya, may tumubong mga bukol sa kanyang mga talampakan nang maipahinga ang mga iyon pagkatapos ng mediation. At nang ituntong uli, damang-dama niya ang sakit kaya naghanap na siya ng mauupuan. Doon sa fire exit. At least walang tao. Mamaya na siya bababa, marami pang tao at wala na siyang balak isuot ang high heels at baka maisumpa na niya ang mundo.
Nag-ring ang phone niya at nakita sa screen ang pangalan ni Mark. Sinagot niya ang tawag.
“How are you? Maaga ka bang makakauwi ngayon? May I invite you to dinner?”
“Hindi ko alam kung makakauwi ako, Mark. Nandito ako sa Makati ngayon.” Nang itanong nito kung ano ang nangyari ay sinabi niya ang lahat. “Ang sakit-sakit ng paa ko. Hindi man lang nag-volunteer `yong attorney na isabay ako hanggang sa sakayan o hanggang sa bilihan ng tsinelas. Hindi ako makakapaglakad suot ang lecheng sapatos na ito.”
Tumawa ang lalaki. “I’ll pick you up. Malapit na ako. I was on my way to Alabang anyway.”
“Kahit hindi pa ako umoo sa `yo?”
“Well, what made you think I’m going for you?”
Napahiya si Maristel.
Tumawa uli si Mark. “I’m kidding. I’ll be there in a bit.”
Naghintay na nga lang si Maristel. May isa pa ring bahagi ng kanyang isip ang nagsasabing huwag bigyan ng pagkakataon si Mark, pero naisip niyang lahat ng tao, may pagkakataon para mai-redeem ang sarili. Isa pa, mas madaling patawarin ang lalaki kaysa kalimutan. Gusto niya itong makasama at kung nag-sorry, bakit hindi niya patawarin? Kung gusto nitong patunayan na wala na si Tracy sa buhay nito, hindi na siya kokontra.
Makaraan ang kalahating oras, nakita niya si Mark na umaakyat pataas at papunta sa kanya. Napakunot ang kanyang noo. “Bakit hindi ka nag-elevator?”
“Ang haba ng pila, eh.”
Parang ni hindi man lang napagod ang lalaki. Saka niya naalala na hindi man lang siya nakapag-retouch. Pero wala na rin siyang balak mag-retouch. Itim na slacks at blouse na puti ang kanyang suot. May dala pa siyang blazer. Akala niya talaga, kailangang mukha rin siyang abogada kung haharap sa ganoong lugar. Mas mukha pa siyang abogado sa mismong abogado na barong na “gusot mayaman” ang suot at sa nagdedemandang dating empleyado na T-shirt at pantalong maong lang ang suot.
“Magpapaa na lang ako,” sab ni Maristel.
“No.” Lumapit sa kanya si Mark at naupo sa tapat niya. “Sakay na.”
“Ano?”
“Sakay na.”
“Ano ka ba?”
“Just do it!”
“Para kang sira,” sabi ni Maristel, pero kumapit na sa leeg ni Mark nang hawakan ang kanyang mga binti. Tumayo ito, saka pumasok sa building. Nakipila ito sa elevator at pinauna sila nang may magtanong kung bakit siya nakapasan sa lalaki. Nagkakatawanan ang ilang mga taong sakay ng siksikang elevator. Hanggang sa lobby ng city hall, hanggang sa parking lot, nakapasan siya kay Mark. Natatawa siya at ganoon din ang lalaki.
“Para tayong sira. Nakakahiya.”
“Inggit lang sila.”
Tinawid nito ang parking lot. Hindi pala ito nakahanap ng spot doon at sa kabilang kalsada pa nakaparada. Hanggang doon, pinagtitinginan sila ng mga tao. Bitbit ni Maristel ang kanyang mga sapatos sa isang kamay, habang sukbit ang shoulder bag at nasa kabilang braso naman nakasabit ang blazer na hindi niya maisuot sa tindi ng init sa labas ng building.
Sa wakas, nakarating na sila sa sasakyan. Doon siya ibinaba ni Mark at ipinagbukas ng pinto. Agad siyang sumakay sa loob. Nang makasakay si Mark, nililinisan na ni Maristel ang mga paa na dumumi rin sa kayayapak niya kanina pa. May tissue sa loob ng sasakyan at may dala siyang sanitizer.
“Let’s buy you some flip-flops?” sabi ng lalaki.
“Okay lang?”
“Of course.”
“Dusa pala talaga itong high heels. Hindi ko maintindihan kung paano nagagawa ng ibang mga babaeng magsuot nito araw-araw. Siguro kapag sanay ka na at may kalyo ka na sa paa. Pero ang sakit talaga.”
“I heard. Good thing I don’t need to try.”
Napahalakhak si Maristel dahil na-imagine niyang naka-stilettos si Mark. Masagwang tingnan. Hindi bagay dahil lalaking-lalaki ang dating nito. Ngumiti ito, tumingin sa kanyang mukha. Bahagya siyang nailang. “Ano?”
“Nothing. Masaya akong nagkakausap uli tayo tulad nito.”
“Marami ka pang kailangang patunayan.”
“I know.”
Pinaandar na ni Mark ang sasakyan at kahit gusto nitong sa mall magpunta, nang may nadaanan silang tiangge, sinabi ni Maristel na doon na lang sila pumunta. Mukhang hindi pamilyar ang lalaki sa ganoong lugar. Ginamit muna niya ang extra nitong tsinelas kahit ang laki-laki sa kanya. Napakalaking lalaki ni Mark, papasang basketball player. Baka halos six feet na ang lalaki.
Mabilis siyang nakabili ng ordinaryong tsinelas lang. Hindi niya kailangan ng magandang tsinelas dahil hindi niya naman madalas na gamitin at mayroon din siyang sandals na panlakad. Sa bahay lang niya ginagamit ang tsinelas. May kainan sa tiangge at doon niya niyaya ang lalaki, sinabing siya ang taya. Bayad sa pagsundo nito sa kanya sa Cubao noong nakaraan at sa pag-rescue sa kanya mula sa lintek na sapatos na ni hindi sa kanya.
Walang matinong pagkain sa tiangge, tulad ng mga nakasanayan nilang kainin, puro pang-merienda na kutkutin lang. Masaya na si Maristel sa kwek-kwek at fishballs. Mukhang noon lang makakatikim ng kwek-kwek si Mark.
“Aminin mo sa akin, ngayon ka lang titikim niyan, `no? Puro sosyal ang pagkain mo, eh. Puro sa sosyal tayo kumakain.”
“I have to admit I’ve always been curious about these tiny orange eggs.” Bahagya itong napangiwi, pero hindi sa kwek-kwek kundi sa day-old chick o abnoy na kasamang piniprito ng kwek-kwek. “Have you tried that?”
“Oo. Masarap kasi mahirap kainin. Ito na lang kwek-kwek. Siomai, type mo?” tanong niya. Tumango ito at bumili rin siya ng dalawang order ng siomai. “So, bakit hindi ka pa nakakatikim ng kwek-kwek?”
“Wala pang nag-aalok sa akin, pero marami naman akong nakikita niyan. Just the idea that it’s full of food coloring makes me doubt how good it is.” Sumubo ito ng isang buong kwek-kwek na may sawsawan.
“So? Type mo?”
“Lasang itlog.”
Ang lakas ng tawa ni Maristel. “Masarap kapag may sauce, `di ba? Type ko rin kapag balut ang nasa loob, `tapos sukang may pipino ang sawsawan. Wala lang sila, eh. `Yon talaga ang favorite ko. Kumakain ka ba ng balut?”
“No.” Napapailing si Mark habang tawa nang tawa. “I will have to pass on that balut. I tried once though. I couldn’t eat it.”
“Sino naman ang nagpasubok sa `yo?”
“Yaya Maring.”
“May yaya ka noon?”
Tumango ang lalaki. “Napagalitan siya noong sinubukan niya akong pakainin ng balut. Nagalit si Mama. Marumi daw ang balut. Bawal akong kumain n’on, ng sago’t gulaman, ng kahit na anong puwedeng mabili sa labas. Hepatitis, she would always say.”
“Sa mga tulad ko, hindi uso ang hepa. Wala pa akong kilalang na-hepa. Baka immune na kami.”
Nagkuwentuhan sila tungkol sa kung ano-anong street foods, hanggang sa biglang naitanong ni Maristel, “Nasaan na si Tracy ngayon, Mark? Kailan kayo huling nagkausap?” Ayaw sana niyang itanong, pero gusto niyang malaman at dapat malaman.
“She went back to the States and we called it quits.”
Nagpasya siyang maniwala.