4
“N AGMAMADALI ka? Baka puwede mo naman akong hintayin, Tetet.”
Napaungol si Maristel sa sinabi ng technician, si Kuya Badong. “Tetet” ang palayaw niya sa opisina. Siya ang itinuturing na bunso ng lahat. Dalawa ang asawa ni Kuya Badong, lima ang anak sa una, dalawa sa pangalawa. Parang gusto niyang mapaiyak. Magkikita sila ni Mark sa ATC at isang linggo niya iyong pinaghandaan. Ilang araw siyang nagbilin sa mga kasamahan sa trabaho na sa araw na iyon ng Sabado, hindi siya puwedeng mag-OT. Hindi ba marunong makisama ang mga ito?
“Kuya, ilang araw ko na rin namang sinabi na maaga akong uuwi ngayon. May importante kasi akong lakad, eh.”
“Alam ko naman, kaso lang kasi nagtagal ako sa pag-aayos nitong sa Polaris, eh. Iyong panganay ko kasi nasa ospital, alam mo naman. Makikiusap sana ako sa `yo, Tetet. Mga alas-tres, nandiyan na ako. Saglit na lang naman ito.”
“Sige, Kuya.” Tinapos na niya ang tawag, saka tinext si Mark. Tumawag agad ito sa kanya. “Pasensiya na, Mark, mga four pa pala ako malilibre. Kasi kailangan ko pang hintayin si Kuya Badong. Pasensiya ka na, ha? Hindi ko naman kasi matiis. Nasa ospital ang anak niya. Kung hindi ko maihabol sa cut off ngayong araw, hindi papasok sa Lunes ang komisyon niya.”
“You’re too kind.”
“Hindi naman. Naisip ko lang, paano kung sa akin nangyari. Sorry na, ha? Babawi na lang ako sa `yo. Treat ko mamaya.” Napangiti siya. May extra siyang pera. Inabutan siya ng five hundred noong isang araw dahil inabot na siya ng halos hatinggabi sa paghihintay sa isang technician. Malaking trabaho at malaki ang komisyon. Nabiyayaan siya ng limang daan.
Tumawa si Mark. “It’s fine. Minsan lang gusto kitang pagalitan dahil ang sipag-sipag mo.”
“Walang kaso. Hindi ka pa naman yata nakakaalis, `di ba? Mamaya ka na umalis sa inyo.”
Tinapos niya ang tawag nang mag-ring ang phone sa opisina. Mayamaya, nag-ring uli ang cell phone niya at nakita sa screen ang pangalan ng ina. Ng totoong ina. Sinagot niya iyon.
“Tiyang?” Hindi na siguro mababago ang tawag ni Maristel dito kahit alam na niya ang totoo at kahit alam na nitong alam niya ang totoo.
Nang malaman ni Tiyang Lita na alam na niya ang totoo, wala namang nagbago sa kanilang samahan. Ni hindi ito nag-abalang magpaliwanag. Parang bale-wala lang. Parang isang ordinaryong pangyayari lang ang lahat.
“Anak,” sabi nito. Noon pa, iyon na ang tawag sa kanya ni Tiyang Lita. Pero sa salita lang naman. “Gusto ko sanang makausap ka bukas. Dadalawin ka namin ng Tiyong Fides mo.” Ang kinakasama ang tinukoy nito. “Tiyong” ang tawag niya rito dahil ayaw nito ng tiyang. Matagal na ring nagsasama ang dalawa.
“Bukas po?”
“Oo, anak. Kung puwede ka.”
“Sige po. Nasa bahay lang naman ako bukas.” Parang nanghina siya. Ang totoo, ayaw sana niyang magpunta ang ina. Huli silang nagkita noong kalilipat pa lang niya sa Las Pi ñ as. Nag-check in siya sa isang motel nang dalawang araw, habang tinitingnan ang mga bahay na nakontak bago umalis ng probinsiya.
Akala ni Maristel, tutulungan siya ng ina, pero sa huli, naghinga pa ng problema sa kanya. Sa huli, naipahiram niya rin dito ang ipon. At mukhang hindi na magbabayad. Ang sabi ni Tiyang Lita, dalawang linggo lang daw, isasauli na ang pera. Tipid na tipid siya dahil walang panrenta. Pero hindi na nito ibinalik ang pera. Sana, hindi na lang ito mangungutang.
Nagpaalam na rin si Tiyang Lita. Walang maramdaman si Maristel kundi panghihina. Mabuti pa noon, kahit paano, may amor siya rito. Pero mula nang malamang ito ang kanyang tunay na ina, parang naging ilag siya. Nailang. Ni hindi niya alam kung ano ang damdamin nito para sa kanya. Naaalala ba nito ang masamang pangyayari kapag nakikita siya? O talagang kinalimutan nang anak siya?
Inabala niya ang sarili sa pag-aasikaso ng mga trabahong pang-Lunes. Mayamaya, pumasok sa opisina ang guwardiya. “Tetet, may bisita ka sa labas. Mark daw ang pangalan. Patutuluyin ko ba? Nag-iisa ka rito.”
“Oo. Kaibigan ko. Paki, manong.” Bigla siyang napangiti. Ang sweet talaga ni Mark. Siguro, on the way na ito nang magkausap sila kanina at hindi na lang sinabi para ma-surprise siya. Mahilig naman itong mang-surprise. Kung minsan, bigla na lang dumarating sa apartment kahit gabi na. Basta alam nitong hindi pa siya kumakain at ginabi na sa trabaho, darating ito na may dalang pagkain.
Thoughtful si Mark at feel na feel ni Maristel na parang mahal talaga siya nito, kahit pa nga hindi pa nagtatapat. Alam na niya ang gagawin kapag nagtapat ang lalaki. Hindi na kailangan pang magpatagal. Mahal niya si Mark at tanggap siya nito—na hindi siya nagmula sa magandang pamilya, na hindi siya mayaman, na hindi pa siya nakakapagtapos ng pag-aaral. Dahil din sa lalaki, natuto siyang mangarap nang mas mataas. Mataas kasi ang mga pangarap nito. Naniniwala si Maristel na kaunting tiyaga lang, makukuha rin niya ang lahat ng iyon.
Inspirasyon niya si Mark at ganoon din naman daw siya rito. Hindi na niya naiisip ang mga problema sa pamilya dahil sa lalaki. Naisip niyang tama ang madalas nitong sabihin na lahat ng tao may problema, nagkataon lang na iba-iba iyon. Sa huli, nasa tao na kung paano aayusin ang problema—kung magpapakain doon o gagawa ng paraan para tanggapin o kaya ayusin iyon.
Wala namang aayusin sa problema ni Maristel. Hindi naman masasabing problema. Isang reality lang na kailangang tanggapin, ganoon kasimple. Nagkataon lang na naging komplikado ang mga emosyon dahil hindi maiiwasan, dahil pamilya. Kahit naman si Mark, hindi rin buo ang pamilya. Nabanggit nito na may ibang pamilya ang ama, pero positibo sa buhay ang lalaki. At nakakahawa iyon.
Kumbaga sa gray, naging pula ngayon ang mundo ni Maristel. Pula na may dilaw, asul, pink, green, lahat na ng kulay.
“Good afternoon,” nakangiting bati ng lalaki.
Natunaw na agad ang kanyang puso. Sino ba naman ang hindi matutunaw ang lahat-lahat kung ganoon ang mukhang babati?
“Ikaw talaga. Hindi mo man lang tinext na on the way ka na.”
“Para makonsiyensiya ka at hindi na naman mapakali?”
Nakagat ni Maristel ang labi. Lumapit sa kanya si Mark, may dalang bulaklak. Ganoon na lang ang bilis ng tibok ng kanyang puso. Kung ang gustong mangyari ni Mark ay kiligin siya, puwes, nagtagumpay ito. With flying colors. Palagi siya nitong pinapakilig.
“Bakit may ganito?” tanong niya.
“Masama ba?”
“Thank you, ha? Parang gusto ko nang isiping may gusto ka sa akin.”
“Hindi pa ba halata?”
Biglang nag-init ang mukha ni Maristel kahit alam na niyang ganoon nga ang feelings ni Mark. Pinaupo niya ang lalaki sa couch at itinabi ang mga papeles na kailangang tapusin. Sa Lunes na lang. Makakapag-enjoy naman silang dalawa kahit na naghihintay lang doon. Tumawag ito sa pizza delivery. Nang dumating iyon, naglabas siya ng pang-ambag, pero tumawa lang ito.
“No need.”
“Pero…” Madalas niyang maisip na kahit mayaman, estudyante pa rin ang lalaki. Mayroon pa ring mga pangangailangan, lalo sa eskuwelahan. Siya naman, nakakapag-ipon-ipon na dahil nagpang-abot na ang kanyang sahod sa petsa ng pagbabayad ng renta. Wala na rin siyang balak pautangin ang ina kung gipit na naman ito sa pera. Sabagay, wala rin naman siyang malaking pera dahil hindi pa sahod. “Estudyante ka. Graduating pa. Siguradong malaki ang gastos mo.”
“It’s okay, Maristel.”
Hindi na siya nagreklamo. Kumain sila ng pizza at nagkuwentuhan. Marami na siyang alam kay Mark. May mga namanang negosyo sa probinsiya ang nanay nito at may mga negosyo rin ang mga ito sa Maynila. Marami ring kapatid sa labas si Mark. Lumalabas na maraming naging babae ang ama nito at wala raw pinakasalan kahit isa.
Hindi maganda ang naging impresyon ni Maristel sa ama ni Mark nang malaman niya iyon, pero parang kakaiba dahil parang kung pagbabasehan ang reaksiyon ni Mark, lumalabas na wala itong sama ng loob. Mabait daw ang ama nito. Siguro, talagang iba-iba lang ang lebel ng pagtanggap ng isang tao sa iba, lalo na sa mga magulang.
“Nami-miss kita,” sabi nito mayamaya. “Next week kasi, uuwi ako sa probinsiya.” Taga-Nueva Ecija ang lalaki. “Sabay kami ni Mama. Birthday ni Lolo. Sem break kaya dalawang linggo ako doon.”
“Sus, dalawang linggo lang, eh.”
“So you’re not gonna miss me?”
“Mami-miss kita, siyempre.” Napayuko si Maristel. Kailangan pa bang itanong iyon? Sa loob ng nakalipas na tatlong linggo, madalas silang magkita. Hindi puwedeng lumipas ang tatlong araw na hindi siya dinadalaw ng lalaki. Kaya siguro nahulog lalo ang loob niya. Pinapatunayan ni Mark na kahit malayo ang Quezon City, walang problema rito basta makita lang siya. Kung ang nanay nga niya, hindi siya madalaw kahit taga-Pasay lang at mas malapit sa kanya.
“Kung puwede lang, isasama na kita doon.”
“Para kang sira. Ano naman ang gagawin ko doon? Boyfriend ba kita?”
“Hindi pa ba?”
Nabigla si Maristel. Boyfriend na ba niya ang lalaki? “Ha?”
Biglang tumawa si Mark. “Kung makakalusot lang naman.” Kumindat ito.
Lintik, kilig na kilig naman siya. Magtapat ka na. Sasagutin naman kita, eh. Hindi na ako magpapakipot. Sige na, magtapat ka na, please. Nae-excite na akong maging girlfriend mo! Kung puwede lang sabihin ni Maristel ang lahat ng iyon, malamang na kanina pa niya ginawa. Gabi-gabi siyang nangangarap nang gising. Nakakatulog siyang iyon pa rin ang laman ng kanyang isip. Kaya nagigising siyang nakangiti. Siguro nga, hindi tamang mainip siya. Saglit pa lang naman silang nagkakasama, pero pakiramdam niya, matagal na silang magkakilala.
Bigla, nabuhay sa isip niya ang ideya ng isang soul mate. Soul mates siguro sila kaya ganoon ang pakiramdam niya sa lalaki, parang hindi pa man, nababasa na nito ang kanyang isip at ganoon din siya rito.
“Ano ang madalas mong gawin sa probinsiya?” tanong niya.
“Marami. Masaya rin naman doon. Nagtatanim ng palay at gulay, nag-aalaga ng mga hayop. I like horses in particular.”
“Asus. Tigilan mo ako. Ikaw, nagtatanim? Aber, anong hayop ang inaalagaan mo?”
“Lahat. Wala kang bilib sa akin?”
“Wala talaga.”
Tumawa si Mark. “You’re right though. I just basically look. But horses I can take care of. Sa pananim naman, noong bata ako nakikipaglaro ako sa mga magsasaka, pero pinapagalitan lang ako. Nanggugulo daw ako. Bakit ba hindi makalusot ang mga boladas ko sa `yo?”
“Dahil hindi kita ma-imagine na nagtatanim ng palay.”
“Marunong ako. I mean, I know the concept and I’ve tried it. Hindi nga lang ako mabilis.”
Mahirap talagang ma-imagine si Mark na nagtatrabaho bilang magsasaka, pero madali kapag iisipin ni Maristel na nakasakay ito sa isang kabayo, parang isang haciendero na tulad sa TV. At siya ang simpleng babae na naglalakad sa pilapil, may bilao sa ulo, at crush ng anak ng mga magsasaka, pero sa mayamang haciendero nagkagusto.
Naks!
“It will be so boring there this time since you won’t be there.”
Ang sweet talaga ni Mark. Hindi makahirit si Maristel kapag ganoon ang lalaki dahil nawawalan siya ng boses. Parang gusto lang niya itong yakapin. Hindi pa niya nararamdaman ang ganoon noon, kahit sa kanyang ex. Ang suwerte niya, iyon ang kanyang pakiramdam. Minsan, naiisip ni Maristel na baka too good to be true ang lahat, pero sa isang banda, naiisip din niyang hindi naman siguro. Baka sakaling naawa na sa kanya ang langit kaya binigyan siya ng isang tulad ni Mark para makatulong sa kanya.
Kumain na sila ng pizza. Panay ang ngitian nila. Natutukso na siyang sabihin ditong magtapat na, pero siyempre, hindi niya magawa. Para silang mga batang naglaro ng tic-tac-toe matapos kumain at nang magsawa, nagpitik-bulag. Tawanan sila nang tawanan, kahit wala namang nakakatawa. Mayamaya, dumating na si Kuya Badong, may dalang pasalubong na pichi-pichi, ganoon na lang ang pasasalamat na naghintay siya. Nang mai-file na ang komisyon nito, umalis na rin sila ni Mark.
“Where to?” tanong ng lalaki.
“Ewan ko. Ikaw?”
“Wanna watch a movie?”
“Ayoko. Hindi ko feel.”
“Fine. Ano ang gusto mong gawin?”
“Makipagkuwentuhan.”
“We can do that. I want that, too.”
Kung puwede lang na hindi na sila matigil sa kuwentuhan. Kaya nilang pag-usapan ang kahit na anong topic. Matalino ang mga opinyon ni Mark at sa totoo lang, parang lamang na lamang ang maturity nito sa kanya kahit magkasing-edad lang sila. Siguro dahil mas marami itong alam pagdating sa mga makabuluhang opinyon, current events, at iba pang bagay. Gustong-gusto rin ni Maristel kapag nakikita itong tutok na tutok ang atensiyon sa kanyang sinasabi. Pakiramdam niya, importante ang kanyang mga opinyon. Wala pang nakapagbigay sa kanya ng ganoong pakiramdam.
Nagpunta sila sa isang restaurant. Dessert ang kanilang in-order. Ipinakuwento niya rito ang tungkol sa probinsiya, kung ano ang nangyayari kapag birthday ng lolo nito—lolo sa pinsan ng ina at nakalakihan nang lolo dahil hindi na nito naabutan ang ama ng ina—kung anong klaseng selebrasyon ang mayroon ang pamilya.
“Everyone is invited. Taon-taon `yan. Dating politiko si Lolo kaya kahit hindi mag-imbita, may nagpupunta. May isang birthday si Lolo na hindi nag-imbita, hindi naghanda, iyon lang para sa pamilya. Pero ang dami pa ring dumating kaya napilitan silang magluto at pinabalik na lang ang mga tao sa gabi.”
Natawa si Maristel. “Ganoon naman talaga sa probinsiya. Kahit sa amin. Simpleng tao lang kami, pero kapag piyesta, kahit wala kang handa, dadayuhin ka rin ng mga kakilala. Kaya kahit walang balak maghanda, napipilitan na rin sila. Kadalasan, spaghetti at puto lang, ayos na. Ako ang madalas magluto ng spaghetti.”
“Oh, really? Ibig sabihin magaling kang magluto?”
“Puwede na. Wala kasi kaming kusinera, hindi katulad ng iba diyan.”
Natawa si Mark. “Wala akong kusinera sa apartment.”
“Pero may supply ka naman ng pagkain.”
“My mother is caring that way. Nagtatampo kapag sinasabi kong `wag nang magpadala ng pagkain.”
Kung minsan, gusto niyang mainggit kay Mark. Kung ano ang totoo niyang ina, kabaligtaran ang mama ng lalaki. Parang ang bait-bait kung kuwento ni Mark ang pagbabasehan.
“Ang bait-bait ng mama mo, `no?”
Nagkibit-balikat ito. “She can be very strict.”
“Strict pa ba `yan na meron kang sariling sasakyan at hawak mo ang oras mo?”
“Sure, but… I’ve always wanted to be a doctor.”
“Ayaw niyang maging doktor ka?”
“No.” Ngumiti ito, ngiting parang hindi umabot sa mga mata. “She said it’s gonna be a bad decision.”
“Ngayon lang ako nakarinig ng isang magulang na nagsabing hindi magandang desisyon ang maging doktor ang anak.”
“I guess she makes sense, in a way. Nag-iisa akong anak, walang mamahala sa negosyo. If I become a doctor, it would mean that the businesses my grandfather left my mother might end up in someone else’s hands. It’s not something that my mother is willing to do. It makes sense somehow.”
Siguro, para sa isang pamilya na katulad ng kay Mark, mas mabuti nga ang mga ganoong klase ng desisyon. Lumaki kasi si Maristel sa paniniwala na ang kumita ng pera at ang makatulong agad sa pamilya ang mahalaga sa buhay. Kung siguro may pera sila at matalino siya, malamang na matutuwa ang lahat kung magiging doktor siya. Pero hindi niya iyon gusto. Kahit noong bata siya, hindi niya pinangarap na maging doktor.
“Pero masuwerte ka pa rin, nakakapag-aral ka. `Wag kang ma-bitter, wala kang K.”
Tumawa na naman ang lalaki. “Right. How about you? Ano ang gusto mo noon?”
“Noon? Alam mo, hindi ako lumaki na iniisip kung ano ang gusto kong maging o kung ano ang kukunin kong course. Sa amin, ang isip namin, nakatuon sa kung paano kami agad kikita pagka-graduate. Noon, ang sabi ni Tatay mag-nursing daw ako, pero hindi rin nila kaya ang budget kaya nag-Education na lang muna ako.”
“But do you like Nursing?”
Nagkibit-balikat si Maristel. “Hindi ko naiisip kung gusto ko ba o hindi. Ang naiisip ko lang, pagka-graduate ko makakapag-abroad ako. Actually, naisip ko din na maganda ang mag-caregiver para makapag-abroad, pero sinabi ni Tatay na kung malaki ang placement fee, hindi rin magagawan ng paraan.” Hindi na siya nakakaramdam pa ng hiya kay Mark. Hindi naman niya itinatago ang totoo—na hindi siya mayaman at tanggap iyon ng lalaki.
Bahagya siyang napapitlag nang abutin nito ang kanyang kamay. Ngumiti ito. “I like how honest you are to me, Maristel.”
Napayuko siya. “Actually, may mga bagay ka pang hindi alam sa akin.”
“Like?”
Nagkibit-balikat siya. “Mga sekreto ng pamilya ko.”
“Tell me, if you’re comfortable enough.”
Napatitig siya rito, saka sinabi, “H-hindi ko kilala ang totoo kong tatay. Hindi si Nanay ang totoo kong nanay, kundi si Tiyang.”
Kumunot ang noo ni Mark. “I don’t understand.”
“May masamang nangyari sa kanya noong dalaga pa. Ako ang bunga. Itinago nila sa akin. Kailan ko lang din nalaman, kaya ginusto kong umalis doon. Hindi ko siguro sinabi agad sa `yo dahil baka maisip mong…” Nagkibit-balikat siya. “Baka isipin mong tulad ako ng totoo kong tatay.”
“Never.” Hinalikan nito ang kamay niya. “In fact, I like you even more. I think I’ve fallen in love with you, Maristel. It would be an honor to be your boyfriend… kung okay lang sa `yo.”
Bigla siyang napangiti. “Talaga?”
“Yes.”
“Oo. O-oo, Mark. Gusto kong maging boyfriend ka. I love you din.” Napayuko si Maristel, nag-iinit ang mukha. Ganoon na lang ang lakas ng kabog ng kanyang dibdib. Boyfriend na niya si Mark. Tinandaan niya ang petsa. Iyon ang anniversary nila...