9
M ARAHANG ipinatong ni Mark ang bote ng champagne sa tabi ng bathtub, saka kaswal na lumabas ng banyo. Nanliliit sa hiya si Maristel, pero ano ang kanyang magagawa? Ah, siguro kung puwedeng burahin ang memory ng lalaki, ginawa na niya. Sa lahat ng katangahan sa mundo, iyon pa!
Hindi ka kasi sanay sa sosyal na bubble bath kaya `ayan ang napala mo!
Nagbanlaw na siya at isinuot ang damit kanina. Hindi siya makalabas ng banyo. Matagal siyang nakatayo lang doon, may tuwalyang nakabalumbon sa basa niyang buhok.
“Is everything all right?” Boses iyon ni Mark mula sa labas.
“O-oo.” Lumabas na rin si Maristel. Nagtama ang kanilang mga mata. Nagbaba siya ng tingin. Hindi umimik ang lalaki. “Ano ba ang palabas dito sa TV?” tanong niya, pilit iniba ang usapan, pumuwesto sa kama, sumandal sa headboard at inalis ang tuwalya sa ulo.
“I’m watching the news.”
Tumahimik na siya. Pareho silang nanood ng balita. Wala siyang maintindihan sa English format na balita, habang nakatingin lang sa screen si Mark.
Pinagmasdan ni Maristel ang lalaki. Ang guwapo nito. Ang totoo, matagal na niyang iniisip kung ano kaya ang pakiramdam kapag hinalikan siya ni Mark. Siyempre ngayon, naiisip na naman niya ng masyado pa ba itong bata kaya wala pang experience sa halikan? Parang hindi naman ganoon. Sa porma ba nito, wala pang babae sa buhay? Parang imposible. Sa palagay niya, hindi na rin bata si Mark para sa ganoong bagay. Kung ang kuya nga niya maagang nakabuntis. Ilang mga kaklase rin niya noong high school ang nagkaanak pagka-graduate ng high school. Hindi ba, mas modern ang mga tao sa Maynila?
Gusto niyang mapailing nang maintindihan na pinag-iisipan niya ang kissing experience ni Mark. Siya pa talaga ang may gusto. Tumingin uli siya sa lalaki at nakitang nakatingin din ito sa kanya. Nagtama ang kanilang mga mata at parang may pinag-usapan, nang ilapit nito ang mukha, kusang umawang ang kanyang mga labi. Hinalikan siya nito. Para siyang mababaliw na hindi maipaliwanag. Umikot ang mundo. O ang kaluluwa ba niya at nawala sa kanyang katawan?
Hinaplos nito ang kanyang pisngi. “Maristel…”
Naipikit na lang niya ang mga mata at patuloy na hinalikan si Mark. Ang init ng kanyang pakiramdam. Aminado siyang naghihintay ng kasunod na pangyayari. Wala siyang naramdamang kaba, isang bagay na ipagtataka siguro niya mamaya. Pero sa ngayon, walang ibang laman ang kanyang isip kundi ang init.
Marahang bumaba ang kamay nito sa kanyang balikat, bumaba ang mga labi sa kanyang leeg. Parang may kuryenteng tumulay sa ugat niya, pababa sa puson. Mahirap ipaliwanag kahit alam niya kung ano ang ibig sabihin niyon. Gusto niyang ituloy ni Mark ang kanilang sinumulan. Bahala na.
Wala nang salitang namagitan sa dalawang bibig kundi mga halik na lang at mga anas. Sa gabing iyon, ibinigay ni Maristel nang buong-buo ang sarili sa lalaking alam niya sa puso na mahal na mahal niya.
“INENG, ikaw ba si Maristel?”
Napatingin siya sa nagsalita. Isang matandang nakasuot ng uniporme ng isang kasambahay. Nagtaka siya, pero tumango. “Ako nga po, Nanay. Ano po ang atin?”
“Pinapatawag ka ni Ma’am. Nandoon siya sa kotse.” Itinuro nito ang isang SUV.
“Sino’ng Ma’am, Nanay?”
“Iyong mama ni Mark.” Parang nahihiya ang boses ng matanda at hindi rin magawang tumingin sa kanya. “Kuwan, hinihintay ka niya. May sasabihin yata.”
Tumango si Maristel, kahit biglang kinabahan. Walang sinabi si Mark na pupuntahan siya ng mama nito at hindi rin niya alam na alam pala ng babae kung saan siya nagtatrabaho. Ano kaya ang isinadya nito sa kanya? Hindi maganda ang kanyang hinala. Pero naisip din niyang baka naman gusto lang siyang makilala. May tatlong buwan na rin naman silang lumalabas ni Mark at masaya sila. Siyempre, bilang ina, gugustuhin lang ng babae na makilala ang girlfriend ng anak na palaging kasama.
Naglakad siya papunta sa SUV. Sumunod ang unipormadong kasambahay, pero hindi pumasok sa sasakyan. Hindi rin sumakay ang unipormadong driver, pero ipinagbukas siya ng pinto. Gustong malula ni Maristel. Alam niyang mayaman si Mark, pero hindi niya inasahan na may uniform pa ang mga empleyado sa bahay.
Nang makita ang babae sa loob ng sasakyan, hindi na siya nagdalawang-isip na iyon ang mama ni Mark. Aristokrata ang babae, hindi mapagkakamalang mahirap kahit na magsuot ng kupas na daster. Simple lang ang ayos nito—pearls sa magkabilang tainga, bestidang puti, relo, at may mamahaling bag sa kandungan. Maganda ang pangangatawan ng babae. Ito ang tipo ng sosyalerang may edad na nakakahanap ng mga batang mapapangasawa. Napakaganda nito. At mukha ring napakataray.
“Good afternoon, Ma’am.”
“I won’t beat around the bush, Maristel. I hope you won’t mind.”
“Po?”
“Hindi ako magpapaligoy-ligoy dahil wala rin akong oras at hindi ko rin ugaling hindi magsalita nang direkta. I don’t like you for my son. I don’t like you for Mark.”
Natulala si Maristel. Hindi niya alam kung ano ang isasagot at ni hindi matagpuan ang boses na bigla na lang nawala.
“It’s nothing personal. I just think that the two of you will not be good together. You have very different interests and besides, he is very young. I would like to ask you to stay away from him.”
Bigla siyang napaluha sa matinding intimidation at sa kawalan ng masabi. Alam niyang mali ang nangyayari, pero wala siyang maisip ibatong salita sa babae. Bakit parang napakalupit nito? Bakit sinorpresa siya ng babae at parang ngayon, kailangan niyang sabihin na gagawin niya ang gusto nito?
“Do you understand me?”
“M-Ma’am…” nagawang sabihin ni Maristel sa wakas. “Ma’am, mahal ko po si Mark.”
“Oh, please.” Bumuntong-hininga ang babae habang nakataas ang mukha. “My son won’t get a centavo from me if you keep hanging out with him, do you understand?”
Nabigla na naman siya. Akala niya, sa pelikula lang nangyayari ang mga ganoong eksena. At sa pelikula, kung nakukuha ng mga bida na ilabas ang tapang, mahirap palang gawin sa totoong buhay. Talagang nanliliit siya, intimidated. Bigla, pakiramdam niya, isa siyang kontrabida sa buhay nito. Ano ba ang nagawa niyang mali at ayaw nito sa kanya?
“I don’t care what you say or what my son says. It’s a choice between you and his education and our family.”
“Ma’am, hindi po ako masamang tao.” Umiiyak pa rin si Maristel, pero nagawa niyang magsalita. Iyon siguro ang hindi niya matanggap; iyong parang lumalabas na isa siyang salot na hindi dapat mapalapit sa anak nito.
“I don’t care. The two of you are not meant to be together, it’s as simple as that. Now, please get off the car.”
Napilitan si Maristel na bumaba na kahit nakaisip na siya ng iba pang puwedeng sabihin para ipagtanggol ang sarili. Nang makababa, agad na sumakay ang kasambahay at driver. Umandar na ang sasakyan at naiwan siya roon na tuloy-tuloy ang agos ng mga luha. Pumara na lang siya ng taxi at nang makatanggap ng tawag ni Mark, sinabi sa lalaki na masama ang kanyang pakiramdam at gusto niyang magpahinga na. Pinilit niyang itago rito ang paghikbi.
Iyak lang siya nang iyak, shocked pa rin sa nangyari. Hanggang gumabi, hindi niya nagawang makatulog. Kinabukasan, halos wala siyang tulog nang maghandang pumasok sa trabaho. Buong araw na para siyang tinatangay lang ng agos. Bandang tanghali, nag-ring ang phone niya. Si Kuya Arnel ang tumatawag.
“Maristel, umuwi ka. Naaksidente si Tatay, agaw-buhay sa ospital.”
HINDI inasahan ni Maristel na matindi ang pinsalang natamo ng kinilalang ama. Malala ang aksidente, head-on collision. Lalong hindi niya inasahan na kailangan ng pamilyang magdesisyon kung ipagpapatuloy ang life support sa matanda o tatanggalin na, dahil ayon sa mga doktor, wala nang pag-asa. Brain dead na raw ito.
Napakahirap ng desisyong iyon para sa lahat. Pakiramdam ni Maristel, may mabigat na bagay na nakadagan sa kanyang dibdib. Paano nga ba magdedesisyon ang mga mahal sa buhay at pipili sa pagitan ng paghihintay sa isang milagro o makikinig sa siyensiya na sinasabing hindi na magkakamalay ang kanyang ama? Kapag nagpatuloy sa life support ang matanda, malaki ang magagastos sa ospital kahit malaki ang tsansang hindi na ito magkamalay pa.
Para sa isang anak, hindi option na alisin sa life support ang ama. Kung siya ang masusunod, ilalaban pa niya ang ama. Pero nagsalita si Tiya Tess makaraan ang ilang oras na pag-iyak lang nilang lahat sa labas ng silid ng kanyang ama.
“Ano ang desisyon ninyo?”
Hindi alam ni Maristel kung ano ang sasabihin, ni hindi alam kung kasama siya sa mga magdedesisyon. Tumingin siya kay Kuya Arnel. Mukhang hindi rin nito alam kung ano ang sasabihin. Tumingin siya sa kanilang bunso. Umiiyak lang si Guada. Alas-otso na ng gabi, wala pang kumakain sa kanila, at lahat, inaasahang mag-isip at makabuo ng desisyon tungkol sa buhay ng padre de pamilya.
Nagsalita si Kuya Arnel mayamaya. “Bukas na lang tayo magdesisyon. Pag-isipan muna nating mabuti kung ano ang gagawin. Baka magmilagro ang Diyos.”
Sa ospital natulog ang mga kapatid ni Maristel at siya ang pinauwi, kasama ang madrasta, para maghanda ng mga pagkain para bukas. Eksaktong pag-uwi nila nang dumating naman ang kanyang tunay na ina, si Tiyang Lita. Ibinalita nito na hindi makakauwi ang isa pang kapatid. Nagpunta agad ito sa ospital matapos malaman ang sitwasyon.
Sila ng madrasta ang naiwan sa bahay. Hindi na niya pinansin si Tiya Tess at tumuloy sa silid. Nang makarating doon, napaiyak na naman siya. May nakita siyang tawag sa phone, si Mark. Hindi siya nag-abalang padalhan ng text message ang lalaki. Wala siyang oras para sa isa pang bagay na napakasakit sa dibdib.
Hindi na niya namalayan kung anong oras nakatulog, pero nang maalimpungatan, napatingin sa phone at nakitang alas-sais na ng umaga. Bumangon siya, nagluto ng pagkaing dadalhin sa mga kapatid at ina sa ospital, at naligo na rin. Hindi na niya nagawang mag-almusal. Parang isusuka lang niya ang lahat ng iyon. Wala siyang ganang kumain. Lumakad na rin sila ng madrasta.
Sa ospital, halos walang gumalaw ng almusal. Iisa sila ng pakiramdam. Parang may madilim na ulap na bumaba at sumaklob sa kanila.
Si Tiyang Lita ang unang nagsalita. “Baka magawan natin ng paraan na maghintay kahit ilang araw pa. Baka-sakali. May awa ang Diyos. `Wag nating isuko agad.”
Nagsalita si Tiya Tess. “Puwede sigurong isangla ang isa pang jeep para maibayad sa ospital. Baka sakaling tatagal iyon kahit ilang araw. Pero ang sabi ng mga doktor, wala nang pag-asa.”
“Ano ba’ng alam ng mga doktor na `yan?” patuloy ni Tiyang Lita. Noon nakadama ng pagka-proud kahit paano sa tunay na ina si Maristel. “Kahit sinong tao, hindi makakapagsabi kung kailan kukunin ng Diyos ang tao. Kung siya ang nandito at isa sa atin ang nasa puwesto niya, kilala ko ang kapatid ko, hindi niya tayo agad-agad na isusuko.”
Iyon ang nabuong plano. Lumakad sina Tiya Tess at Kuya Arnel para isangla ang jeep na gamit ni Kuya Arnel at para kumuha ng pera sa truck na nakabangga sa kanilang ama. Total wreck ang jeep, kaya hindi na mapapakinabangan. Si Kuya Arnel ang mawawalan ng jeep, pero parang bale-wala rito. Nang magbalik ang dalawa, dala na ang pinagsanglaan ng jeep. Ang may-ari ng truck, nag-abot lang ng limang libong piso. Hindi pa nagkakaaregluhan. Inuna nila ang ama.
Si Maristel ang nagpunta sa cashier at nabigla nang malaman kung magkano ang bayarin. Kulang pa ang pinagsanglaan ng jeep para sa gastos sa ospital. Muling nag-usap ang pamilya at sa huli, ang kuya niya ang nagsalita. “Hanggang bukas. Bigyan natin si Tatay hanggang bukas.”
Pero hindi na sila inabot hanggang kinabukasan dahil pumanaw ang kinilalang ama ni Maristel alas-onse ng gabi. Buong pamilya ang nag-iyakan sa ospital. Halos hindi matanggap ni Maristel na ganoon lang kabilis nawala ang buhay ng ama. Parang napakalupit ng mundo.
Kasama siya ng madrasta sa pakikipag-areglo sa may-ari ng truck. Nakakulong ang driver niyon, at hindi rin naman malaking kompanya ang may-ari kundi isang pribadong tao lang at hindi rin maalwan ang buhay. Nag-iisa ang truck nito na nawasak din sa aksidente. Ni hindi sila nito mabigyan ng pambayad sa burol. Gumawa ng paraan ang kanyang madrasta.
Sa isang punerarya sa bayan ibinurol ang kanyang ama. Pakiramdam ni Maristel, bibigay na ang mga tuhod niya sa pagod sa pag-aasikaso sa lahat. Wala pa siya halos tulog, pero hindi dahil sa dami ng kanyang kailangang gawin kundi mahirap matulog sa ganoong bigat ng pakiramdam.
Madalas, napapaluha na lang siya. Sabihing hindi naging perpekto ang lahat sa samahan nila ng ama, ito pa rin ang nag-alaga sa kanya.
“Magpahinga ka na muna,” sabi sa kanya ni Tiyang Lita. “Ako na ang bahala dito at kahapon ka pa halos walang tulog. Sige na.”
“Makakabayad daw po ba dito sa punerarya?”
“`Wag mo nang isipin `yon. Kami na ang bahala.”
Tumango si Maristel at umuwi sa bahay. Nagpaalam na siya sa pinapasukan at nag-file ng leave. Hindi niya alam kung may babalikan pang trabaho. Pero wala na rin siyang pakialam sa ngayon. Nag-tricycle siya pauwi at nang makarating doon, nabigla nang makita ang sasakyan ni Mark sa tapat ng bahay.
“I was worried about you,” sabi nito. “Walang tao sa bahay ninyo.”
“Bakit nagpunta ka dito?”
“Bakit? Ilang araw na kitang tinatawagan, hindi ka sumasagot.”
“Pagod ako. Namatay ang tatay ko.”
“My God. I’m sorry to hear.”
Biglang napaiyak si Maristel. Niyakap siya ni Mark. Sa mga bisig pa rin nito siya nakakakuha ng lakas. Malinaw pa rin sa isip niya ang paalala ng ina ni Mark at bigla siyang napalayo rito. “Hindi ka dapat nagpunta dito.”
“What’s going on? I mean, aside from the bad news.”
“Wala. Umuwi ka na.”
“Maristel, please don’t do this to me.”
Napahagulhol siya. Ilang araw na siyang walang tulog, ilang araw nang down na down ang pakiramdam. “Kinausap ako ng mama mo. Ang sabi niya, kung hindi tayo maghihiwalay, hindi ka na makakapag-aral. Please, `wag mo akong ilagay sa sitwasyon kung saan makokonsiyensiya pa ako. Masyado na akong maraming problema para dalhin pa ito. Malungkot ako, Mark, para sa ating dalawa. Pero kung magagalit naman ang mama mo sa `yo, okay lang naman sa akin na maghiwalay tayo.”
“Are you really okay with it?”
“Hindi ko alam.” Humahagulhol pa rin siya. “Hindi ko alam. Hindi ko na alam kung ano ang iisipin ko.”
“It’s all right. Sshh, honey, it’s all right.” Niyakap uli siya nito nang mahigpit at dinala sa loob ng bahay. Ikinuha siya nito ng maiinom at dinala sa kanyang silid. “Now, rest. Don’t think about anything. Just close your eyes. Everything will be all right. I will be here for you.”
May magic ang mga salita ni Mark, ang presensiya nito. Ilang araw na ayaw dalawin ng antok si Maristel at kapag napapaidlip, nagigising din agad para sa mga isipin tungkol sa kanyang ama at sa sitwasyon nila ni Mark. Pero nang gabing iyon na nasa tabi niya si Mark, nakatulog siya nang mahimbing at tinanghali pa ng gising kinabukasan. Totoo ang sinabi ng lalaki. Nanatili ito sa kanyang tabi.
“Good morning,” bati nito. “How do you feel?”
“Ayos-ayos na. Hindi ka pa ba uuwi? Ano’ng sabi ng mama mo?”
“Forget it. It’s not important. Wake ng tatay mo. Iyon ang asikasuhin natin ngayon.”
Tumango si Maristel. Wala siyang balak problemahin ang mama ni Mark sa ngayon. Walang tao sa bahay, pero nakita niya ang mga iluluto sa kusina, kasama ang note ng kanyang kapatid. Iluto raw niya ang sopas, hotdog, itlog, at kanin, at dalhin sa punerarya.
Nagsimula na siyang magluto, katulong si Mark. Tahimik lang siya habang naggigisa. Wala siyang maapuhap na sabihin. Hindi niya alam ang tamang sabihin sa pagkakataong iyon.
“Everything will get better,” pangako ni Mark.
Pinili ni Maristel ang maniwala.