22
E XCITED si Kate nang umuwi mula sa school. May fund raising ang PTA at iniimbitahan doon ang mga magulang ng mga bata. Preferred daw kung parehong magulang ang dadalo. Kaya pala excited si Kate. Bihira na ngang um-attend noon si Maristel, ngayon ay dalawang magulang ang kailangan at mukhang may meaning kay Kate ang okasyon.
“Hindi ba puwedeng ako na lang ang a-attend? Hindi natin alam kung puwede ang papa mo,” sabi ni Maristel.
“Natanong ko na si Papa, Mama, a-attend siya.”
“Bakit parang ang saya-saya mo? Ano’ng meron?”
“Wala. Masaya lang ako, `Ma.” Ngumiti nang pagkatamis-tamis si Kate, saka umakyat na sa kuwarto.
Napatingin si Maristel kay Jing nang biglang tumawa ang babae. “Anong alam mo dito?”
“Wala,” sagot nito, pero nakangisi.
“Ano nga?”
“Wala nga, Ate. Ikaw naman. Masyado kang paranoid.”
Hindi mapakali si Maristel. Alam niyang mayroon. Hindi naman aarte nang ganoon si Jing kung wala lang. Kinulit niya ito.
“Eh, si Kate parang gustong maging kayo uli ni Sir Mark,” sa huli ay sabi ni Jing.
“Sinabi niya sa `yo?”
“Oo. Ang sabi niya, bagay na bagay daw kayo.”
Napabuntong-hininga si Maristel. “Lumalaki na talaga si Kate. May alam na sa mga ganyang bagay.”
“Diyos ko, Ate.” Napahawak sa dibdib ang babae. “Ang mga eight years old ngayon, utak-dalaga na. May mga crush na nga. O, saan ka? Saka hindi na uso ang tulad noon na mga love letter-love letter. Ang uso ngayon, mga Facebook-Facebook na.”
“Kaya nga bawal siyang mag-Facebook.”
“Mabuti na nga rin lang, Ate. Iba na talaga ang mga bata ngayon. Pero hindi ibig sabihin na walang muwang ang mga eight years old. Iyon ngang dating kapitbahay natin, iyong anak na seven, may nililigawan na. Imagine, wala pang regla may nanliligaw na.”
Natawa siya. “Parang hindi ko kaya kapag darating ang oras na magsasabi si Kate na may gusto siya sa kung sino.”
“Mukha namang mataas ang standards, Ate. Noong minsan, ang sabi, ayaw daw niya ng basta-basta na crush. Wala pa namang sinasabing crush sa akin, pero binanggit nga na sana daw, magkabalikan kayo ni Sir Mark. Hindi mo naman masisisi `yong bata na mangarap. Isa pa, alam ko namang nangangarap ka rin. Hindi ko nga alam sa `yo kung bakit pinayagan mo si Sir Mark na kumuha pa ng ibang bahay.”
“Siyempre, hindi rin naman tamang nandito siya.”
“Masyado ka namang pa-dalagang Pilipina.”
“Wala ba akong karapatan?”
“Sabi ko nga. Ang akin lang, may dalawa na kayong anak, eh, bakit hindi pa gawing tatlo nang matapos na ang usapan?” Humagikgik ito.
“Parang alam na alam mo. Ni wala ka pa nga yatang first kiss.”
“Ako pa? Hindi lang first kiss, Ate. Pero mataas ang standards ko. Pero ikaw ang pinag-uusapan natin. Nakikita ko naman na may feelings ka pa rin kay Sir Mark, so bakit nag-iinarte ka ngayon?”
Napaingos si Maristel, kahit natatawa. “`Wag kang mag-isip ng ganyan at `wag mo na ring i-encourage si Kate. May girlfriend si Mark sa Amerika.”
Daig pa ni Jing ang natuklaw ng ahas. Ilang segundo itong nakatingin lang sa kanya.
Natawa siya sa reaksiyon nito kahit may mapait na panlasa sa kanya ang sinabi. “Ano ang nakakabigla doon? Anong inaasahan mo, perfect at happy ending? Naku, tigil-tigilan mo na kasi ang pagma-marathon ng mga Koreanovela diyan sa Internet.” Iyon ang bisyo nito.
“Na-sad ako. Ang hard.”
Umiling na lang si Maristel, kahit ang totoo, dama niya ang sinabi ni Jing. Wala naman siyang magagawa. Alangan namang sabihin niya kay Mark na makipaghiwalay sa girlfriend at subukan uli nila? Wala na silang susubukan. Matagal na silang natapos. Kahit umasa pa si Jing, kahit umasa pa si Kate. Hiling lang niya, sana huwag masaktan ang kanyang panganay. Mabait ito. Mabait ang kanyang mga anak, kahit pa nga makulit si Kiko. Wala siyang ibang mahihiling. Kapag nakikita niya ang ibang mga bata, nagpapasalamat siya sa Diyos na may disiplina ang mga anak. Iyon lang, isa sa mga hindi niya maibibigay sa panganay ay ang ganoong hiling nito. Kunsabagay, talagang bata pa si Kate at hindi pa alam kung ano ang totoong gusto. Hindi pa rin nito naiintindihan na kung minsan, may mga taong talagang hindi nagkakatuluyan at sila ni Mark ang perpektong halimbawa niyon.
“Baka naman chika lang ni Sir Mark `yon.”
“Bakit naman siya mangchichika.”
“Tulad ng kung bakit ka nangchika na boyfriend mo si Kuya Toper.”
Nabigla siya. “Ano `kamo?”
“Tinanong ko kaya si Sir Mark at sinabi niyang may boyfriend ka daw, si Kuya Toper. Muntik ko nang sabihin na hindi mo `yon boyfriend, kaso lang naisip kong diskarte mo `yan, Ate. Mali-mali man ang diskarte mo, sino ba ako para makialam. Alam mo, Ate, dapat hindi mo siya itinutulak palayo. Dapat ine-encourage mo. Dapat ipinapakita mo na dapat na maging kayo para sa mga bata.”
Napabuga ng hangin si Maristel. “Ikaw yata ang nagbibigay ng kung ano-anong idea kay Kate, eh.”
“Hindi, ah. Siya nga ang nagbigay sa akin ng idea. Ako naman, eh, miron lang. Team Marimark kami ng mga bata. Wala namang yatang team Maripher.”
Natawa tuloy siya. May pa-team-team pang nalalaman si Jing. Napailing na lang siya. May fans pala siya at may mga love team pa.
Nagluto na lang ng hapunan si Maristel. Mamayang gabi, mananahi siguro siya. At least, hindi na siya nagmamadaling maka-quota ng tahi. Pero tatapusin niya ang mga order. Hindi na nga lang siya tatanggap muna.
Nang gumabi, nagsimula na siyang manahi. Hindi rin naman siya dadalawin ng antok. Sana naroon si Mark, pero nakalipat na ito at every other day na lang kung dumalaw kapag may inaasikaso sa trabaho. Kapag wala, halos araw-araw na nandoon. Si Christopher naman, parang dumistansiya na rin sa kanya mula nang mag-outing. Tinanong nito kung may damdamin pa siya kay Mark at sinagot niya nang makatotohanan—na hindi niya alam. Hindi man eksaktong iyon ang kanyang nararamdaman, totoong hindi niya alam kung ano ang nararamdaman dahil parang mali. Magmula noon, hindi na tumatawag ang lalaki at hindi na nagpaparamdam.
Mayamaya, nag-ring ang kanyang phone. Si Mark ang nasa kabilang linya. Kinakabahan si Maristel nang sagutin iyon. Parang nagbalik ang dati, excited siya na parang kabado kapag tumatawag ito.
“Mark, napatawag ka.”
“Ano’ng ginagawa mo?”
“Nananahi.”
“Marami kang tinatahi?”
“Tapos na. Bukas na `yong iba.” Pumuwesto siya sa kama. “Ikaw, ano’ng ginagawa mo?”
“Nananahi din.”
Ang lakas ng tawa niya. “Napatawag ka?”
“Nabanggit ba sa `yo ni Kate ang PTA program?”
“Hindi, eh. May kasama bang program?”
“Oo. May parang couple’s game. May premyo, may entrance fee din. I think the PTA wants to build a new locker room this coming school year. Are we joining?”
“Magkano ang entrance fee?”
Sinabi ni Mark at napasipol si Maristel. “Hindi na siguro.”
“It might be fun and it will be for the school anyway.”
“Ang mahal-mahal na nga ng tuition, bakit kailangan pa ng mga ganitong pautot?”
Ang lakas ng tawa ni Mark. “I don’t know. Let’s just try.”
“Ikaw ang bahala.”
“How are the kids?”
Kung saan-saan napunta ang usapan nila. Masaya si Maristel na magaan ang itinakbo ng usapan. Marami siyang gustong malaman, partikular sa love life ni Mark, pero sa huli, nanatili siyang tahimik tungkol doon. Alas-dose na ng hatinggabi nang magpaalam ang lalaki.
“Sweet dreams, Maristel.”
Natulog siyang nakangiti, kahit ilang ulit na sinabi sa sarili na huwag na siyang umasa.
SOSYAL na dress at magandang sapatos ang isinuot ni Maristel sa event ng school. Gabi iyon at gaganapin sa isang event venue. Sawa na siyang maloka sa maraming pauso ng mayayamang magulang. Iyon siguro ang isa sa mga dahilan kung bakit kapag sa tingin niya hindi naman importante ang meeting ng PTA, hindi na siya uma-attend. Ilang ulit na rin kasi siyang um-attend na halos kalahating oras lang naman ang dapat pag-usapan ay inaabot ng apat na oras sa dami ng mga kuwentuhang hindi siya maka-relate. Hindi rin naman ganoon kaimportante ang pinag-uusapan at kadalasan puwede nang idaan na lang sa sulat. Naisip niya, siguro ginagawang excuse ng ibang magulang ang meeting para na rin makipagsosyalan sa ibang mga sosyal na magulang. Parang networking na rin sa iba. Halos lahat naman ng mga ito, may business sa isa’t isa. Ang mga tulad niyang hindi sosyal, hindi ginaganahan sa ganoong mga meeting.
“Are you all right?” tanong ni Mark.
“Oo. Hindi ko lang maisip kung anong game ba `yong sasalihan. Ang laki-laki ng fee, `tapos wala man lang sinabing rules kundi question and answer na by couple. Mark, kabado ako. Hindi ako magaling sa mga trivia. Kung mabilis pa ang kailangang pagsagot, baka mapahiya pa tayo. Nagbasa-basa naman ako, pero laos ako sa history at literature. Ikaw ba?”
Ang lakas ng tawa nito. Nahampas niya ito sa braso, kasabay ng pag-irap. Totoo lang naman ang sinabi niya. Kung parang sa Who Wants to be a Millionaire ang mga tanong, malamang na hindi siya makasagot. Nag-review si Maristel, pero hindi naman niya maitodo dahil may ginagawa rin siya. Paano kung ang mga makalaban nila, iyong mga may PhD o iyong matatalino? Lagot na.
“Relax. It doesn’t matter if we don’t win.”
“Naku, ihanda mo na at hindi tayo mananalo kung mga ganyan-ganyan.” Pero kung bakit gusto naman niyang manalo. Hindi siya naging competitive kahit kailan. Kunsabagay, hindi pa naman siya nakakasali sa mga ganoong klase ng kompetisyon. Nakaka-stress pala.
Maraminang tao pagpasok nila sa venue. May special na mesa para sa mga kasali. Pasimpleng tiningnan ni Maristel ang mga kalaban, saka siniko nang bahagya si Mark. “Iyong mag-asawang nakasalamin, mukhang tagilid tayo. Pero doon sa dalawang nasa bandang kanan nila, mukhang mga hindi palabasa. Baka sakaling manalo tayo diyan.”
Tawa nang tawa ang lalaki. Mayamaya pa, tinawag na ang mga kasali sa laro. Ipinaliwanag ng host kung saan mapupunta ang perang malilikom sa contest, saka sinabi ang mechanics. Kailangan palang magtugma ang mga sagot ng mag-asawa. Sampu lahat ang kalahok. Family trip sa isang exclusive resort ang premyo, two nights and three days.
May sampung love seat sa stage. Pumuwesto na sila roon. Kabado si Maristel at nahiling na sana hindi masyadong mahirap ang mga tanong. Personal naman pala ang mga tanong kaya bale-wala ang pagre-review niya ng trivia.
“Wives, prepare your pens. Question number one for the ladies. Complete the sentence: When I wake up in the middle of the night, I usually stroke my husband’s blank with my blank. Ten seconds, go!”
Naghiwayan ang mga tao. Mukhang naughty ang naghanda ng contest na iyon, pero okay lang dahil wala namang mga bata at mukhang game ang mga magulang. Naisip ni Maristel na gamitin na lang ang mga pangyayari noon dahil wala namang ganoon sa pagitan nila ni Mark ngayon.
Sinagot niya ang dalawang blank ng “hair” at “hands.” Nang i-reveal na ang mga sagot, isang pares lang ang na-eliminate. Tama ang sagot niya, tugma sa sagot ni Mark. Nagkatinginan sila. May humaplos sa kanyang puso dahil naaalala pa nito.
“Question number two for the gentlemen. What were your words when you proposed?”
Natigilan si Maristel. Hindi yata sila bagay sa contest kung magkakaroon ng tanong tungkol sa kasal dahil hindi sila kasal. Pero dahil proposal ang tanong, sinagot niya iyon. Mukhang mae-eliminate sila. Natatandaan pa niya ang lahat. Ang tanong ay kung natatandaan ni Mark.
“Contestants, reveal your answers.”
Itinaas niya ang writing board: Mariste l, sunshine of my life, the one I want to grow old with, will you marry me?
Kung kailan niya naisulat ang lahat ng iyon, saka siya napahiya sa sarili, ganoon din kay Mark. Baka naman sabihin nitong saulado pa rin niya iyon hanggang ngayon. Pero paano niyang hindi masasaulo kung hindi lang miminsang nag-propose ang lalaki? Maraming ulit nag-propose at kahit iba-iba ang ginamit na singsing, iisa lang ang dialogue.
Parang ayaw na niyang itaas ang kanyang sagot.
Isa-isa nang itinaas ng mga kalahok ang board. Nagkatawanan ang lahat dahil may ibang napakalayo ng sagot sa isa’t isa na nasabi ng asawang babae kung ilan daw ba ang babaeng nakatanggap ng proposal mula rito at mukhang nalito na. Tawanan nang tawanan ang mga tao, lalo na at ang ibang contestant ay may mga edad na rin dahil kasali ang mga magulang ng mga high school student sa palaro.
Nang si Maristel na ang hiningan ng sagot, alanganin niyang itinaas ang board. Napatingin siya agad sa board ni Mark at nakahinga nang maluwag. Tugmang-tugma ang sagot nila. Nilapitan sila ng host na mukhang nagkainteres sa kanilang sagot.
“Ang sweet naman ng proposal ni Sir, Ma’am. May kilig pa rin ba?”
Naghiyawan ang mga tao. Masaya ang laro kaya kahit hindi sila mga celebrity, nagkakatawanan ang lahat at interesado sa palabas. Tumango na lang siya para hindi na magtagal sa tanong ang host.
Pero si Mark naman ang tinanong nito. “Sir, naaalala po ba ninyo kung saan at kailan kayo nag-propose?”
“Of course. I proposed several times.”
“Several? Interesting. Tumanggi po ba si Ma’am noong una?”
Nagtawanan ang audience. Tumawa rin si Mark dahil kuwela ang host. “No, she said yes at every proposal.”
“So nalimutan lang ninyo ang ibang proposal kaya nag-propose kayo nang paulit-ulit?” giit ng host na ikinatawa ng audience.
“We were both too young to get married back then. Life was hard. I didn’t have any money to buy her a good ring. So I’d propose to her every time I can using just about any material I can find that may look like a ring.”
Nag-“awww” ang mga babae na nanonood. Kahit si Maristel, parang gustong kiligin kung hindi lang para siyang hindi makahinga sa kaba at sarisaring emosyon. Parang kahit sinong babae naman, kikiligin kay Mark. Hindi pa rin kumukupas ang kaguwapuhan nito. Ang totoo, parang lalo pa itong naging guwapo ngayon. Walang panama ang mga artista. Kunsabagay, bakit magtataka pa ang mga tao kung anak ito ng isang kilalang playboy. Pero malayo si Mark sa pagiging tulad ng ama. Oo, may nangyaring hindi masasabing maganda noon, pero kumpara kay Dante Cardinal, malayong-malayo si Mark. Hindi ito “nagbukas ng franchise” sa bawat lugar na madaanan.
Tatlong pares na lang ang natira sa contest at kasama sina Maristel at Mark doon. Mas mahirap daw ngayon ang tanong. Lightning round. Pinasagot muna ang mga babae habang may intermission number, at nang matapos iyon, ang mga lalaki naman ang tinawag sa gitna. Kailangang five points and bawat isang tanong at kapag medyo malapit sa sagot, bibigyan ng judge ng three points. Nakakuha ng fifteen points ang unang pares, twenty ang ikalawa.
Nagsimula na ang lightning round. Nakaharap si Mark sa audience, habang si Maristel naman ay nakaupo sa love seat sa likuran nito. May hindi-kalakihang LED screen kung saan makikita ang guwapong mukha ni Mark. Hawak ng host ang listahan ng mga tanong at nagsimula na ito para sa twenty-second round.
“What would your wife say is her favorite part of your body?”
Mula sa screen, nakita ni Maristel na ngumisi si Mark, at natawa ang audience, pero ang sinagot nito ay, “My face.”
“What was your first big purchase as husband and wife?”
Bigla itong tumawa, “A tricycle.”
Napangiti si Maristel. Ten points na sila. Ang audience naman, parang na-curious. Nang mapatingin siya kahit sa love seat na katabi ng kanya, nakita niya ang kuryosidad sa mukha ng mag-asawang naroon. Mayaman ang mga ito, at malamang na kilala ang pamilya ni Mark, dahil ganoon naman sa school na iyon at ilang ulit nabanggit ni Kate sa kanya na kilala ng mama ng kaklase nito ang mama ni Mark, o kung hindi man ay si Mark mismo.
“What was your most memorable date?” tanong ng host.
“Tough. Too many.” Mark gave an abrupt “hmm” before saying, “I’d say June seventeen, two thousand and five.”
Nakagat ni Maristel ang ibabang labi. Parang gusto niyang mapaluha at bago pa niya mamalayan, tumutulo na ang kanyang mga luha. Nalunod siya sa emosyon.
“What was the food on your first date?”
Ngumiti si Mark. “Cold latte and German chocolate cake.”
“Final question, what was she wearing on your first date?”
“She was wearing a white blouse, a pair of jeans, and a pair of sandals. The most beautiful woman I have ever seen.”
“Ma’am, please come over with your board, please,” sabi ng host.
Sinalubong si Maristel ni Mark, iniabot sa kanya ang panyo nito. “Are you all right?”
Tumango siya. “Na-stress lang ako kaya ako napapaluha.”
Umalog nang bahagya ang mga balikat nito. “Did I get everything right?”
Bago pa siya makasagot, sinabi na ng host na ipakita ni Maristel ang sagot na ginawa niya. Inisa-isa iyon ng host at bago pa man ito matapos, nagpalakpakan na ang lahat. Twenty-five points sila. Nagtanong ang host tungkol sa mga sagot nila. Si Mark ang nagpaliwanag.
Ang unang tanong ay kung bakit daw face. Ang sagot ni Mark, “I think that question is for her. I used to just hear her say it all the time. Pogi siguro kasi ako.”
Tumawa ang mga manonood. Itinapat ng host kay Maristel ang mic. Napilitan siyang sumagot, “I think that’s self-explanatory.”
May uproar sa audience, lalo na sa mga misis. Sa ikalawang tanong naman, ang sagot ni Mark, “Like I said, we were very young at the time, sort of rebels. We bought the tricycle for business. I sold a lot of items using that.”
“You sold a lot of items?” tanong ng host.
“Yes. Fish, fruits, you name it. Fun times.”
Tutok ang audience. Sino ang mag-aakala ng ganoon sa isang tulad ni Mark? Yes, this man who was on top of the world used to ride an old tricycle to sell everything he could to provide for her and their family.
“And the memorable date?”
“It was the first time we explored.”
Nag-init ang mukha ni Maristel, habang ang audience naman ay nagkaingay. Naitakip ni Maristel ang kamay sa mukha, kahit natatawa. Hindi naman nakakahiya, kung tutuusin. May mga anak sila ni Mark, alangan namang nag-immaculate conception siya.
“Ma’am, for the final question, do you remember what Sir Mark was wearing on your first date?”
“He was wearing a pair of jeans, a green shirt, and a pair of sneakers.”
“Congratulations to our lovely, lovely couple.” Inanunsiyo na ang premyo, saka sinabing tuloy-tuloy ang party hanggang mamaya. Maraming bumabati kina Maristel at Mark. Maraming mga magulang ang kilala ni Mark at ipinakilala rin sa kanya ang iba sa mga iyon na mga kaklase nito noon, kung hindi man ay kaibigan ng pamilya.
Mayamaya, itinanong ni Mark kung gusto na niyang umuwi, na sinagot naman ni Maristel ng tango. Hindi siya komportable sa mga ganoong okasyon.
“I’m glad you still remember everything,” sabi nito nang nasa sasakyan na sila.
“Imposibleng malimutan.”