noveltoon logo noveltoon
Mark Cardinal (Cardinal Bastards Series 7)

Chapter 14

Ch. 15 / 26 Apr 09, 2022

14

P ANAY ang buntong-hininga ni Maristel habang pinupunasan ang mukha ni Mark. Kinuha niya ang thermometer na nakasuksok sa kilikili nito at binasa. Salamat at bumaba na ang lagnat. Pinagpahinga niya muna ito at hindi na ginising. Baka mamaya, gustuhin na namang maglako ng isda gamit ang tricycle. Alas-tres ng madaling-araw at madalas na ganoong oras ito kung umalis.

Napaiyak siya. Pinigilan niya ang mga sigok at tinakpan ang bibig. Kahit anong pilit, hindi niya magawang tumahan habang pinagmamasdan si Mark. Deserving ba ito sa ganoong sitwasyon dahil lang sa minahal siya? Parang hindi. Damang-dama niya ang pagmamahal na iyon. Parang sobra-sobra at hindi na ito nagtitira ng para sa sarili. Para na lang sa kanya, at sa kanyang pamilya.

Ano ba ang nagawa niya sa mundo para makilala ang isang tulad nito? Naging ganoon ba siya kabuti? Kung minsan, parang hindi niya deserve ang lahat ng iyon. Gustong gawin ni Maristel ang lahat para kay Mark, pero wala siyang magawa. Gusto niyang makitang maalwan sila, pero tuwing malapit na nilang marating ang estado na hindi na sila nagmamadaling kumita ng pera, darating naman ang isang problema. Tulad na lang ngayon.

May pera na sila kahit nakapagpa-enroll na si Guada. Nagawan na rin ng paraan ang bahay para makatanggap sana ng mga uupa. Inaasahan iyon ni Maristel. Pinalipat nila si Guada sa silid na ipinagawa nila sa extension ng bahay para mahati sa apat na kuwarto at mapaupahan ang main house. Malaki-laki rin ang nagastos, pero aabot naman ng walong libo isang buwan ang paupa. Malaking bagay iyon sa kanila dahil doon na kukunin ang baon ni Guada at iba pang gastusin sa pag-aaral. Pero biglang umuwi si Tiyang Lita, kasama si Tiyong Fides at ang ampon ng mga ito. Ni hindi alam ni Maristel na may ampon pala ang dalawa. Nag-ampon pa, sariling anak nga hindi naalagaan. Pamangkin daw iyon ni Tiyong Fides na inabandona ng ina kaya kinupkop ng dalawa may limang buwan na ang nakararaan. Ten years old ang bata, malaking bulas, babae. Ang apat na kuwartong paupahan sana ay naging dalawa na lang. At ang magaling na ina ni Maristel, nakikihati ngayon sa upa. Ibawas na lang daw ang nagastos nila ni Mark sa mga unang upa, pero ang mga susunod kukunin nito ang kalahati.

Paano siya makakatanggi kung ito ang totoong may-ari ng bahay? May bahay naman ang mga ito sa Maynila, pero kailangan daw na lumayo dahil napag-initan ng kung sino ang kinakasamang tomboy. Walang trabaho ang dalawa. Ang kinakasama ng kanyang ina, sa Maynila namamasukan at inatake pa ng high blood noong nakaraang linggo kaya dinala pa nila sa ospital at na-confine nang tatlong araw. Sino ang sumagot ng gastos? Sina Maristel at Mark.

Awang-awa na si Maristel sa asawa. Kumbaga sa isang taong nalulunod, ang tagal na nitong nakalubog sa tubig at tuwing makakaahon, hahampasin ng malaking alon. Nagkasakit na ito. Siguro dala na rin ng matinding stress at sa pagpapagod sa trabaho. Kung makikita si Mark ng ina, siguradong isusumpa si Maristel sa dusang hatid niya at ng kanyang pamilya.

Alas-kuwatro ng umaga, lumabas na siya ng silid at naabutan sina Tiyang Lita at Tiyong Fides sa kusina. Malaking babae si Tiyong Fides, hindi nagpapalda, astang-lalaki. Mabait naman ito, kung tutuusin. Sa pagkakaalam lang ni Maristel, may bisyong tong-its.

“Kumain ka na,” sabi ni Tiyang Lita. “Itong si Fides ang sasama sa `yo sa bulungan.” Hindi niya iyon inasahan. “Ano, huwag mong sabihing hindi ka aangkat ng isda? May sakit si Mark, hindi ba? Ikaw na ang lumarga.”

“Pero ayaw niya, Tiyang.”

“Kuuu, hindi ka naman lumaking sensitive.”

May punto ang kanyang ina. Kumain na nga siya ng almusal at lumakad na sila ni Tiyong Fides mayamaya. Alam ni Maristel kung saan-saan dinadala ni Mark ang mga isda at alam din niya kung sino ang suki nitong mangingisda at tagabulong sa angkatan ng isda. Alas-singko ng umaga, naghahatid na sila ng isda sa mga suki. Inilista niyang lahat iyon dahil tuwing Sabado ang bayad.

Nang matapos, umuwi na siya. Salamat at nakaluto na ang kanyang ina ng paninda niya. Nakakatulong naman ito, kahit paano. Ang kaso, may dagdag itong putahe na ipinapatinda rin sa kanya. Hindi na niya pinansin. Walang problema. Kung para man lang may extra itong kita.

Nagising si Mark nang paubos na ang paninda ni Maristel. Agad siyang ngumiti rito. Pero walang ngiti sa mga labi ng lalaki.

“O, sambakol ang mukha mo?”

“Ang sabi ni Nanay, ikaw daw ang pumunta sa bulungan.”

“Wala namang masama.”

“Trabaho ko `yon, eh.”

“`Wag ka ngang maarte diyan. Hindi naman ako pumalpak.”

“Pero ayokong nagbubuhat-buhat ka.”

“Katulong ko naman si Tiyong Fides.”

“Kahit pa.”

Napabuntong-hininga si Maristel. “`Wag na nating pagtalunan. Kumain ka na muna.”

Tumango lang ito at pumasok na sa bahay. Napaupo siyang bigla nang maramdamang parang umikot ang paligid. Bigla, parang nasusuka siya. Mabilis siyang pumasok sa loob ng bahay at tumuloy sa banyo. Doon niya inilabas ang almusal kanina.

“Buntis ka ba?” tanong ng kanyang ina na nandoon na rin.

“Po?”

“Nagpi-pills ka ba?”

Napahawak si Maristel sa ulo. Hindi siya nag-pills sa buwang iyon dahil nagkamali siya ng bilang sa araw. Naging busy siya na hindi na nabilangan nang tama ang pag-inom ng gamot. Nakita niya si Mark paglingon, titig na titig sa kanya.

“Are you pregnant?” marahan nitong tanong.

“Hindi ko alam.”

Agad siya nitong nilapitan para alalayan, saka inihatid sa silid nila. “Is everything okay?”

“Hindi naman siguro ako buntis, Mark. Ang sabi nila, hindi naman daw agad na nagbubuntis kung nagpi-pills kasi ilang buwan pa bago puwedeng magbuntis kung gumagamit ng pills.”

“There’s only one way to find out. I’ll be back.”

“Saan ka pupunta?”

“Just wait for me.” Ngiting-ngiti ang lalaki, walang pag-aalala o takot sa mukha. Sa katunayan, parang masaya pa nga. Nang magbalik ay may dala nang pregnancy test kit na binili sa botika.

Ginamit agad iyon ni Maristel. Positive.

“So?” tanong ni Mark nang lumabas ng banyo si Maristel.

“Positive.”

“Yesss! Yes! Yes!” Agad lumapit kay Maristel ang lalaki at hinalikan siya sa mga labi na parang hindi problema ang pagdadagdag ng isa pang bibig na pakakainin sa pamilya. “This is the happiest day of my life!”

“Hindi ka ba natatakot?”

“Well, I think the baby is gonna be this small.” Nagmuwestra ito sa mga kamay. “I don’t think it will be scary at all.”

Tinampal niya ito sa balikat. “Alam mo ang ibig kong sabihin.”

“No, I don’t. It’s gonna be a challenge raising a child, but it’s our baby, Maristel.”

“I love you, Mark. Salamat.”

“I love you more. And no, thank you, Maristel.”

“SWEETHEART, itatanong ko kay Doc kung okay lang sa kanyang maging ninang ni Baby pagkapanganak ko.”

“Okay, sweetheart.”

“`Heart, parang ang gusto kong pangalan ng baby, Paris. Ayoko ng Venice.”

“Kahit ano ang gusto mo, sweetheart.”

Pigil-pigil ni Maristel ang pagtawa at nang mapatingin kay Mark, napansin niyang ganoon din ito. Nasa labas sila ng clinic ng OB-GYNE ni Maristel at ang nag-uusap ay ang dalawang parang bagong kasal pa lang kahit mukhang parents na nila. Napakalambing ng dalawa. Parehong mataba at cute ang pareha at nakakaaliw panoorin. Iyon lang, parang nagmumurang kamatis.

“That’s what love can do to you,” bulong ni Mark.

Nang makapasok ang dalawa sa clinic, tinanong ni Maristel ang lalaki. “Bakit ba tayong dalawa, walang endearment?”

“I don’t know. Mas gusto ko namang tawagin kang Maristel.”

“Pero bakit hindi honey o love?”

“Because there is no endearment more special than your name.”

Napairap si Maristel, kasabay ng isang ngiti. Bakit ba palaging ang sweet ng lalaking ito? Mayamaya, lumabas na rin ng clinic ang mag-asawang sweetheart at sila na ni Mark ang pumasok sa loob. Regular na check up lang iyon. Ang sabi ni Maristel kay Mark, sa center na lang siya, pero ayaw nito. Sa private hospital daw siya manganganak. Makakapag-ipon pa sila nang sapat para doon. Kung si Maristel ang papipiliin, gusto niyang sa center na lang manganak. May isang doktor at limang midwife naman ang munispyo para sa mga buntis. Pero ayaw ni Mark nang makita na nito ang center.

“No wife of mine will give birth here. No child of mine will be born here,” sabi nito noon.

Hindi niya ito masisi. Parang isang malaking ward lang ang paanakan, magkakatabi ang mga higaan at ang mga buntis ay halatang wala nang ibang pagpipilian kundi ang manganak sa ganoong lugar.

Normal naman daw at malusog ang baby. Nang matapos ang check up, nakangiti lang si Maristel kay Mark. Para siyang batang dinala nito sa Jollibee. Hindi pa rin nauubos ang kilig niya kay Mark, kahit malaki na ang ipinagbago nito. Sa pisikal lang, kitang-kita na iyon. Nagmukhang mature si Mark. Hindi iyon mapapansin ni Maristel kung hindi kitang-kita ang ebidensiya. Mas naging guwapo si Mark.

Alam niya, maraming mga babae ang nagkakandarapa rito. Ilang ulit niyang tiningnan ang cell phone nito at napapangiti. Maraming mga nagte-text, hindi nito nire-reply, maliban sa ilang konektado sa negosyo. Ang madalas nitong reply, “Itatanong ko sa asawa ko.”

“Kanina ka pa nakangiti,” puna ni Mark.

“Iniisip ko lang kung ano ang ipapangalan sa anak natin. Kung sila, Paris at Venice ang pagpipilian, ano ang sa atin? California o Hong Kong?”

Ang lakas ng tawa nito. “Bangkok.”

“Puwede din. Kok-kok ang palayaw.”

Tawanan sila nang tawanan. Sa huli, wala silang napagkasunduang pangalan. Mula nang malaman ni Maristel na buntis siya, isa lang naman ang talagang gusto niyang itanong kay Mark, pero wala siyang lakas ng loob. Sa pagkakataong iyon, nasabi rin niya ang tanong.

“Kapag nakapanganak ako, dadalaw ba tayo sa inyo?”

“No.” Mabilis ang sagot nito.

“Hindi makikilala ng bata ang lola niya?”

“Why? So that the child would also have to do what the grandmother wishes? No. I won’t subject my child to that kind of life. It’s stressful.”

Tumango na lang si Maristel. Mas kilala ni Mark ang ina. Hindi rin niya inasahan na magtatagal nang ganoon ang lahat, pero tinanggap na niyang hindi na kailanman lalambot ang puso ng ina ng lalaki. Kung may pag-asa pang lumambot, noon pa sana. “Sa papa mo, hindi mo rin ipapakilala?”

“No. I don’t care anymore. Ikaw at ang pamilya mo ang pamilya ko ngayon, mga taong tumanggap sa akin nang buong-buo. No ifs, no buts. Every person deserves to be accepted without conditions.”

“Kumain ka na nga. Pero akin ang balat ng Chiken Joy.” Iyon ang pinaglilihihan ni Maristel. Nakangiting piniraso ni Mark ang balat ng manok at ibinigay sa kanya. Umuwi na rin sila nang matapos kumain. Saglit na natulog si Mark at nang makauwi si Kuya Arnel, si Mark naman ang naglabas ng jeep.

Nilapitan si Maristel ng ina. “Anak, baka may naitatabi ka diyan, uutangin ko muna sana.”

Muntik na siyang mapaungol. “Para po saan?”

“Eh, kasi gusto sana naming magsimula ng negosyo. Wala kasing gumagamit ng tricycle pagkatapos mag-deliver ni Mark ng mga isda at prutas. Naisip ng Tiyong Fides mong bilhin iyong ilang ide-demolish na bahay sa kabilang bayan. Ibebenta niya ang kalakal sa junk shop. Saglit na trabaho lang, pero malaki ang kita. Isang linggo lang, ibabalik na namin ang pera. Sa isang linggo daw kasi ang demolition kaya ngayong linggong ito ang bilihan.”

“Magkano po ba?”

“Kahit treinta lang.”

“Treinta mil?” Nanghina si Maristel. Eksaktong treinta mil ang pera nila ni Mark. Pinagpaguran nila iyon. “Malaki naman po yata masyado.”

“Gusto kasi ng tiyong mong makarami. Kasi triple ang balik halos. Iyong treinta mil, ang balik nubenta. Makakapagsimula kami dito.”

“Sige po, sasabihin ko kay Mark.”

Nagpasalamat ang kanyang ina. Hinintay ni Maristel ang asawa at nang dumating, sinabi ang hiling ng ina. Mabilis na tumango si Mark. Wala raw problema. Ibinigay ni Maristel ang pera sa ina. Pero ang pangako nitong isang linggo, hindi dumating kahit dalawang buwan na ang lumipas. Dahil nagkamali raw ng bahay na pinakyaw si Tiyong Fides at wala halos nakuha at abonado pa sa mga kinuhang kargador.

Manhid na si Maristel. Ang sabi ni Mark, okay lang daw, pero naramdaman niyang sa pagkakataong iyon, talagang bumagsak ang loob nito. Dumarami din araw-araw ang kanilang gastusin. Hindi puwedeng hindi pakainin ang mga bagong dating sa bahay. Paano ba nila matitiis na kumakain sila habang ang tatlo, gutom? Walang trabaho sina Tiyang Lita at Tiyong Fides, at sa paminsan-minsang pagpapadala ng umuupa sa bahay sa Maynila ng pera bilang renta, nauubos pa sa tong-its.

“Maristel,” sabi ni Mark isang gabi. Hawak nito ang dalawang libong pisong kinita sa maghapon. “May papalitang piyesa sa jeep at ako ang sasagot dahil walang pa-boundary si Kuya sa akin. Ang usapan lang namin, kapag may sira, ako ang sasagot. Ito na lang ang pera natin, bukod sa masisingil ko sa Sabado sa isda. Limang libo din `yon. Kung papayagan mo ako, gagamitin ko ang pera para lumuwas. Kanina, nag-Internet ako at gumawa ng resume. Maraming opening sa call center. Ibebenta ko ang tricycle para may pera ka dito. Pero kailangan kong lumuwas, kung hindi walang mangyayari.”

Napaluha siya. “Alam ko.” Kahit hindi nila pag-usapan, pareho nilang alam na parang linta ang kanyang ina at hanggang nakikita na handa si Mark na maglabas ng pera, kukunin at kukunin nito.

“Kung sakaling gumanda-ganda ang sitwasyon, luluwas ka rin. Sa ngayon, ako muna. Itatabi mo ang pinagbentahan ng tricycle para sa panganganak mo. Kukulangin, pero kukunin ko sa susuwelduhin ko.”

“Saan ka tutuloy?”

“Sa bahay ni Nanay. Kinausap ko siya kanina. Ang sabi ko, ako na lang ang uupa sa bahay. Doon sa bahay mismo nila na hindi nila pinaupahan. `Kako ikaltas na lang sa utang nila ang upa. Pumayag naman siya. Tatlong libo ang upa. Sampung buwan akong hindi mangungupahan.”

“Pasensiya ka na sa kanila.” Napahagulhol na si Maristel. Ano ba namang klaseng ina ang mayroon siya? Sa laki ng perhuwisyo, nakuha pang maningil ng tatlong libo kung mismong bahay naman nito na hindi pinapaupahan ang ipapagamit kay Mark.

“It’s okay. Makakabawi ako. Kukunin kita.”

Alam iyon ni Maristel. Hindi man nila pag-usapan, ayaw ni Mark na makasama si Tiyang Lita at hindi ito masisisi ni Maristel. User ang kanyang ina, manggagamit. Siguro hindi nito sinasadya at nakasanayan, nakatanim na sa pag-uugali. Maging siya, ayaw lumaki ang anak sa piling nito.

“Pasensiya ka na, Mark.”

“Nothing to apologize for. I’m the one who needs to apologize. I can’t give you what you deserve.”

“Higit pa sa deserve ko ang ibinigay mo.”

“Nonsense. You deserve the whole world and I can’t give it to you. At least not yet. But I will.”