noveltoon logo noveltoon
Mark Cardinal (Cardinal Bastards Series 7)

Chapter 3

Ch. 4 / 26 Apr 09, 2022

3

“N AGKATRABAHO ka nga, sinolo mo naman ang biyaya, ano? `Di mo man lang naiisip abutan ang ama mo, pero panay imported ang pagkain mo, ano? Sarap ng buhay.”

Napikon si Maristel sa sinabi ng madrasta. Ni hindi ito madalas magpunta sa likod-bahay pero parang intensiyon nito ngayong “bisitahin” siya. Nakapamili siya ng kaunting pagkain, mga de-lata, at isang corned beef na imported. Medyo mahal, pero na-miss niya kasi ang lasa niyon kaya binili niya kanina sa grocery. Nag-abot naman siya noong nakaraang linggo ng ilang daan para sa tubig at kuryente sa extension. Hindi niya puwedeng sagutin sa ngayon ang kuryente dahil kailangan niyang mag-ipon. Hindi naman kalakihan ang kanyang sahod. Isa pa, kakasya na rin para maipambayad sa water bill ang iniabot niya.

Ano pa ba ang gusto ni Tiya Tess? Hindi na nga siya nakikikain, hindi na nanghihingi ng pera, nag-abot na rin naman. Kailangan pa ba niyang magbigay ng malaki kung hindi niya naman kaya? Isa pa, priority niya ang makaipon. Gusto pa rin niyang umalis ng bahay na iyon. Ang problema, kapag naiisip niyang kung luluwas siyang bitin ang pera, baka dumating ang panahong uuwi siya nang walang napala. Lalong magsasalita si Tiya Tess na sampid siya sa pamilya. Hinding-hindi iyon mapapayagan ni Maristel. Magtitiis na lang muna siya sa extension, hanggang sa makaipon nang malaki-laki para siguradong may pangsustento siya sa sarili kahit anim na buwan. Malaki-laking pera para sa kanyang kakarampot ang sahod. Baka abutin siya ng pitong buwan para sa ganoong plano.

Ngayon pa lang, inip na inip na siya. Ayaw na niyang makita ang pagmumukha ng madrasta. Naitanong niya sa sarili kung ano kaya ang problema nito at ayaw siyang tantanan?

“Gusto ninyo ng corned beef?” tanong niya. “Sa inyo na lang po ito, kung gusto ninyo.” Gusto ni Maristel na mapahiya ang babae. Akala mo isang patay-gutom kung punahin ang pagkain niya. Ano ba ang ikinasosyal ng isang lata ng imported na corned beef at ilang piraso ng instant noodles? Bakit big deal na big deal dito?

“Ang punto ko, nakakabili ka ng luho, pero hindi mo madagdagan ang abot sa ama mo. Siya ang nagpalaki sa `yo.”

“Alam ko. Pero alam niya naman na maliit ang sahod ko. Kayo lang naman ang nagsasabing kailangan kong mag-abot na parang milyonarya ako. Sa RTW sa palengke ako nagtatrabaho, Tiyang, hindi sa kung saang bonggang kompanya.”

“Sumasagot ka pa.”

Hindi na lang siya umimik. Ang hirap sa madrasta, ayaw siyang pagsalitain, pero sige nang sige ang bibig na parang may malaking utang-na-loob siya rito. Kung tutuusin, ito ang nakakapagpahirap sa kanyang ama. Ang mga anak nitong may mga trabaho nga, pero hingi pa rin nang hingi.

Padabog na umalis ang babae. Inabala na lang ni Maristel ang sarili sa pagte-text kay Mark. Kausap niya araw-araw ang lalaki at kung minsan, sinasabi niyang wala siyang pang-load at pinapadalhan siya nito. Kadalasan, nahihiya na siya, pero ano ang kanyang magagawa kung nagpapadala ito agad ng load basta hindi siya nakaka-reply?

Para silang MU na hindi niya maintindihan. Hindi pa naman siya nagkaka-MU. Parang wala rin lang ang boyfriend niya noong first year college. Hindi siya mahilig sa mga ganoong boyfriend-boyfriend. Noong una lang siguro, noong hindi pa siya nakakaranas magkaroon ng boyfriend. Pero nang maranasan na niya, parang hindi naman kawalan kung mayroon man o wala. Isa pa, puro away naman sila ng ex niya. Ngayon, naiisip ni Maristel na gusto niyang maging boyfriend si Mark dahil ibang-iba ang lalaki.

Seloso, tatanga-tanga, at babaero pa ang kanyang ex. Si Mark, maalalahanin, matalino, may future. Ang problema, walang self-esteem si Maristel. Siguro dahil bata pa lang siya, alam na niyang walang espesyal sa kanya. Hindi siya tulad ni Guada na matalino. Hindi siya tulad ni Kuya Arnel na madiskarte raw, tulad ng kanilang ama.

Hindi na lang niya pinansin ang nararamdamang lungkot. Makakaraos din siya. Ano na lang ba ang ilang buwan? Darating at darating ang araw na makakaraos siya. Hindi puwedeng hindi.

Simple lang ang bagong trabaho ni Maristel—clerk sa isang computer service center. Hindi kalakihan ang sahod, pero malapit sa paupahang kuwarto kaya malaki ang matitipid sa pamasahe. Sa Alabang ang kanilang opisina. Nasa Las Piñas ang nakita niyang paupahan. Isang sakay lang siya ng jeep mula bahay hanggang opisina. Tatlo silang clerk. Tagasagot ng tawag at tagapasa ng repair order sa scheduler ang kanyang trabaho.

Mataas ng singkuwenta pesos sa minimum wage ng Maynila ang sahod. Ayos na rin, kahit pa nga trabahong pandalawang tao pala ang magiging trabaho niya. Ikalawang linggo pa lang, pero pakiramdam niya isang taon na siya roon. Kakilala na niya ang lahat ng technician at pati ang may-ari. Hindi puwedeng hindi dahil maliit lang ang kompanya at sa dami ng gagawin, lahat ng tao, nakausap na niya. Kung minsan, katulong din siya ng scheduler sa pag-organize ng pagse-service ng mga technician. Hawak nila ang mga na-install-an ng mga nagbebenta ng computer system sa buong Alabang-Cavite-Makati area.

Wala na halos oras para sa sarili si Maristel kaya hindi na siya nakakapag-chat. Madalas, tinatawagan siya ni Mark at nag-aalala ito sa kanyang kalusugan. Alas-otso ng umaga ang pasok niya at kung minsan, nasa opisina pa siya kahit alas-nuwebe na ng gabi. Hanggang gabi kasi may mga technician pa rin na dumarating at kailangan din niyang i-file ang report ng mga ito. Kung minsan, hindi niya maipagpabukas ang filing dahil kapag inabot ng bukas, automatic ding delayed ng isang araw ang commission ng mga ito. Mahirap tumanggi sa pakiusap ng mga technician dahil marami sa mga ito ang pamilyadong tao at inihahabol din ang trabaho nang may maipanggastos. Alam ni Maristel kung paano maging walang-wala kaya hirap siyang tumanggi sa pakiusap.

Kapag Sabado, half-day lang siya dapat, pero madalas na inaabot siya ng alas-singko ng hapon. Kapag Linggo, sarado ang opisina at nauubos ang kanyang oras sa pagtulog. Madalas na itanong ni Mark kung worth it daw ba ang overtime niya. May bayad ang OT, pero sagad sa beinte pesos kada oras. Hindi naman talaga worth it, pero puwede na rin. Hindi siguro iyon maiintindihan ni Mark dahil may kaya ito sa buhay.

Nang mag-ring ang phone, agad iyong sinagot ni Maristel. Si Mark. Nasa labas siya ng opisina, nag-aabang ng jeep pauwi. “Hello?”

“Wala ka pa sa bahay, `no?” tanong nito, malamang na narinig ang tunog ng mga sasakyan sa kalsada.

“Ang galing mong manghula. Puwede ka nang kumuha ng puwesto sa Quiapo.”

“Not funny. It’s very late.”

“Ayos lang. Nasanay naman ako agad. Isa pa, kahit naman sa amin, mga ganitong oras din ako umuuwi.”

“Do you miss your family?”

“Ayos lang.” Hindi sinabi ni Maristel ang tungkol sa kanyang magulong pamilya. Bukod sa masyadong mahabang kuwento, hindi rin tamang sabihin sa isang taong hindi pa niya nakikita nang personal. Ang alam lang ni Mark, hindi niya kasundo ang madrasta.

Nang umalis siya sa kanila, sinabi ni Tiya Tess na baka maganda raw na paupahan na lang ang kuwarto niya. Hindi siya pumayag siyempre at nagtalo na naman sila.

“Can we meet tomorrow?” biglang sabi ni Mark.

Natawa si Maristel. “Hindi puwede.”

“Sige na nga. Ingat sa biyahe, ha?”

“Opo. May jeep na.” Nagpaalam na siya at ibinulsa ang phone.

Napapangiti pa rin siya pagsakay sa jeep. Nang makauwi sa apartment, pumasok siya agad sa kuwarto. May sarili siyang kuwarto roon, kahit pa nga napakaliit. Maliit na kuwarto na hinati sa dalawa ng isang dibisyon, pero sakto sa sahod niya. Walang ibang paupahang abot-kaya na hindi na sasakay pa ng tricycle bago marating.

Ibinagsak niya ang katawan sa kama at kahit plano pang maligo bago matulog, nagising na lang siya sa alarm ng cell phone. Araw-araw, automatic nang naka-set iyon dahil madalas siyang nakakatulog na lang bigla sa pagod. Mabilis siyang bumangon at automatic ang kanyang kilos. Kinuha niya ang tuwalyang nakasabit sa likod ng pinto, saka lumabas at nauna sa banyo. Kailangan niyang agahan nang fifteen minutes ang gising dahil naka-schedule ang paggamit ng banyo sa umaga.

Nang makaligo, lumabas na siya ng bahay at bumili ng almusal sa labas, kung saan nakapuwesto ang mesa ng may-ari ng bahay. May tinda itong almusal. Sopas at tinapay ang kinain niya, saka nagsepilyo. Mabilis siyang nagligpit ng kuwarto, saka nagbihis at naglakad na papunta sa kalsada. Nakasakay siya agad ng jeep. Maluwag ang kalsada dahil araw ng Sabado.

Nakarating agad sa opisina si Maristel. Busy na agad doon. Milagro, walang technician na nagpapahintay niya kaya alas-dose pa lang, nakapag-time out na siya. Nakatanggap siya ng tawag mula kay Mark.

“Papunta akong ATC. Baka naman puwedeng mag-meet tayo?” bungad nito.

Natawa siya. “Hindi puwede.”

“Magkikita ba tayo kahit kailan?”

Natigilan siya. “Ewan ko.”

“Then what are we doing?”

“Nag-uusap. Magkaibigan.”

“All right.” Halatang malungkot ang lalaki.

Nakonsiyensiya si Maristel. Sa tagal nilang nag-uusap, wala pala silang pupuntahan dahil lang sa ayaw niyang magkikita kahit si Mark na ang pupunta sa Alabang mula Quezon City. Inaasahan ba niyang hindi na sila magkikita kahit kailan dahil lang naduduwag siya? In the first place, kaya siya naduduwag ay dahil baka hindi na siya nito kausapin kapag nakita na sila. Pero sa ginagawa niya, mas nakakahiya siyang lumalabas.

“S-sige, magkita tayo. Mamaya. Ngayon. Sa Alabang Town Center.” Bigla siyang nagdesisyon. Kung wala, wala. Bakit kailangang patagalin? Paano kung pinatagal niya at sa huli, ma-in love siya rito, pero wala siyang balak makipagkita? Para siyang tanga.

“Are you sure?”

“Oo. Mga anong oras ka puwede?”

“I’m near ATC.”

“Sige, mga one?”

“All right.” Halata ang kasiyahan sa boses ni Mark.

Nagpaalam na si Maristel, kahit pa gusto na niyang ipaalam na iba ang kanyang hitsura sa personal. Nahihiya siya. Magulat na kung magugulat ang lalaki. Bahala na. Kumbaga sa Band-Aid, alisin na agad para kahit masaktan, one time lang.

Mabilis siyang nakasakay sa jeep at nakarating sa ATC. Alas-dose y medya pa lang. Nagpunta siya sa ladies room at nag-retouch ng makeup. Nag-apply at nag-blend ng lipstick sa pisngi para medyo may blusher. Naka-ponytail ang buhok niyang mahirap i-manage. Simpleng blouse, jeans, at sneakers ang kanyang suot at ordinaryo rin lang ang bag.

Nakatanggap siya ng text message mula kay Mark. Kabado ako. I’m wearing a green shirt. I’ll be waiting outside Coffee Bean. See you.

Kung kabado ang lalaki, ano pa siya?

Lalong hindi mapakali si Maristel. Nagpunta na siya sa activity center kung saan nandoon ang coffee shop. Hindi muna siya lumapit at tumanaw muna mula sa malayo. Kitang-kita niya naman ang mga tao mula labas ng coffee shop at ganoon na lang ang kanyang pagkadismaya nang makitang nag-iisa lang ang naka-green doon. Matingkad na green, neon. At ang pangit ng hitsura ng lalaki. Hindi lang basta pangit, kundi thirty-five years old na siguro! Akala ba niya, graduating ng college? Bakit mukhang graduating sa ikaapat na masteral? Hindi rin ito mukhang taga-Ateneo. Kunsabagay, ano ba ang dapat na hitsura ng isang taga-Ateneo? Mali rin siguro siya sa pag-iisip na basta taga-university ay guwapo na. Pero kalabisan bang isipin niyang hindi mukhang may asawa at limang anak na ang lalaki?

Nabuwisit siya, pero kasabay niyon, nakahinga rin nang maluwag. At least, hindi siya nakalapit sa lalaki. At least, may pagkakataon pa siyang mag-backout!

Tumalikod na si Maristel nang may tumawag sa kanyang pangalan. Natigilan siya. Kilala niya ang boses na iyon, pero noon lang niya narinig sa personal. Sa phone lang niya madalas marinig ang magandang boses na iyon.

Napalingon siya sa kaliwa at nakita ang isang lalaking naka-navy green. At guwapo. Guwapo sa salitang guwapo. Natigilan siya at napalingon sa likuran. Baka hindi siya ang tinawag nito.

“Maristel?” ulit ng lalaki, nakatingin sa kanya.

“O-oo. M-Mark?”

“Yes.” Ngumiti ang lalaki; ngiting nagsasabing hindi ito nainis na iba ang hitsura niya sa picture.

Nakahinga nang maluwag si Maristel, kasabay ng matinding kaba. Bakit parang napakaguwapo naman ni Mark? Ano ba naman ang naiisip niya at sala siya sa init, sala sa lamig? Kapag hindi guwapo, ayaw niya at kapag hindi pangit, ayaw rin niya?

Agad na lumapit ang lalaki, inilahad ang kamay. “Finally.”

Napatingin siya sa lalaking naka-green sa coffee shop.

Tumawa si Mark. “Kaya ka ba aalis?”

Nag-init ang mukha ni Maristel, pero natawa na rin. “Medyo. Ang sabi mo kasi naka-green at nandoon ka sa harap ng coffee shop.”

“Naglalakad pa lang ako papunta diyan. Mabuti nakita kita. I’m so happy to finally meet you.”

“A-ako din.” Hindi siya makatingin dito. Hindi naman masasabing hindi siya sanay sa tao, pero sa sandaling iyon, parang hindi siya talaga sanay humarap sa kahit na sino. Hindi siya mapakali na hindi niya maipaliwanag. Halos manginig din siya sa matinding kaba. Ganoon ang epekto ni Mark sa kanya. Parang hindi kaswal ang mga usapan nila sa chat o phone.

“Are you all right?”

“Ha?” Napatingin si Maristel sa lalaki, pero nagbaba rin agad ng mga mata. “O-oo. Okay naman.”

“Relax.”

Napahiya siya. Halata na hindi siya mapakali. Kung puwede lang, tatakpan niya ang mukha. Naiinis na siya sa sarili. Bigla, parang ibang tao ang sumanib sa kanya—isang mahiyaing pipi.

“May I invite you for a cup of coffee?”

Tumango si Maristel. Kahit gusto niyang magsalita, parang nawalan na talaga siya ng kakayahang iparinig sa iba ang sariling boses. Samantalang noon, kapag may chance, hinding-hindi siya tatangging kumanta sa videoke. Proud siya sa boses at mahilig kumanta.

Tahimik lang siyang sumabay ng lakad kay Mark. Gusto na niyang mag-comment tungkol sa kawalan nito ng comment sa kanyang hitsura, o sa pagkakaiba niyon sa picture at sa personal, pero pinigilan niya ang sarili.

Pumila sila nang makapasok sa coffee shop. Sa totoo lang, hiling ni Maristel na sana manlibre si Mark. Mahal sa coffee shop na iyon at kahit may extra na pera, inilalaan niya iyon sa renta dahil mauuna ang bayaran ng renta kaysa sa sahod. Muntik nang nawala sa isip niya ang tungkol doon.

“Would you like something to drink?”

“Hindi na. Okay pa ako.”

Hindi nagkomento ang lalaki, pero sinabi sa cashier na dalawang kape raw, saka um-order din ng cake. Sakto, gutom na siya. Ang tanong, magagawa ba niyang makakain sa harap ni Mark? Parang hindi.

Niyaya siya nitong maupo malapit sa counter. Tahimik pa rin siya. Ipinaghila siya nito ng upuan. Gentleman ang lalaki. Matangkad, mestizo, matangos ang ilong, maganda ang mga labi, makinis ang kutis. Matalino pa. Mabait pa. Mukhang galante rin. Baka naman mabait lang talaga kaya hindi na nag-comment pa sa picture niya. Baka rin mabait lang talaga kaya ganoon, pero bukas o baka mamaya lang, hindi na siya i-text. Hindi niya alam. Mamaya pa niya malalaman.

“You’re awfully quiet. Is there anything wrong?”

“H-ha? Wala. W-wala naman.”

“Hindi ka ganito katahimik sa chat at sa phone.”

“Alam ko.” Napayuko na naman si Maristel, gusto nang iumpog ang ulo sa pader at baka sakaling maalog at makaisip siya ng magandang sabihin. Nablangko siya.

“Hey. Hey, look at me.”

Napatingin siya kay Mark. “Pasensiya ka na. Nahihiya ako. B-buti wala kang comment sa hitsura ko.”

“I wanted to say something about it, but I don’t want you to think I’m being too forward.”

Inihanda ni Maristel ang sarili. “Sabihin mo na.”

“Well, you look different in person.”

Patay. “Oo. Kasi ginandahan ko ang picture. Siyempre, presentation ba. Importante `yon, `di ba?”

“I just think it’s not fair though.”

Aray. “Sorry.”

Tumawa si Mark. “Sorry that you look so much better in person?”

“Ha?”

“Mas maganda na rin na hindi ko nakita agad kasi baka mahiya ako.”

Ano ang pinagsasasabi nito?! “Ano ba ang sinasabi mo diyan? Ang daya nga ng picture ko. Maganda ako sa picture na `yon.”

“Cute sa picture, maganda sa personal. You look so much better in person. Sa picture kasi parang hindi defined ang features mo. Anyway, I hope you don’t mind me saying that you are very beautiful and I’m lucky to be having coffee with someone like you.”

Halos mapanganga si Maristel. Ngiting-ngiti si Mark, walang senyales na nambobola. Parang sinilaban si Maristel sa pag-iinit ng mukha. Totoo ba ang nangyayari?!

“Binobola mo ako,” sabi niya, napairap.

“What?”

“Binobola mo lang yata ako.”

“Of course not!”

Siya sige. Maganda kung maganda. Magrereklamo pa ba siya?