13
N APATINGIN si Maristel sa pinagmumulan ng ingay at napalabas ng tindahan nang makita si Mark sakay ng isang tricycle na walang bubong at walang upuan ang sidecar. Iyon ang mga tipo ng tricycle na kinakargahan ng baboy o kalakal.
“Mark, ano `yan?” nagtatakang tanong niya, natatawa.
Ngumiti ang lalaki. “Rush sale. Kinuha ko na. Naalala mo noong nakaraang eleksiyon? `Yong kumuha ng job order sa eleksiyon? May-ari siya ng mga puwesto sa palengke. Isinama niya ako kanina sa bulungan at nakilala ko ang mga suki niya doon, mga mangingisda. Malaki ang kikitain natin dito.”
“Saan mo nakuha `yang tricycle?”
“Noong nakaraang linggo ko pa ito nadadaanan diyan sa may bayan. May karatulang for sale kaya dinaanan ko. Nagkasundo naman kami ng may-ari. So, binyagan na natin ito. Ide-date kita.”
Ang lakas ng tawa ni Maristel. “Diyan mo ako isasakay?”
“Aba, mapili ka na ngayon, ha?”
Napahalakhak na naman siya. “Hindi naman. Pero sige! Game! Maliligo lang ako.” Nagmamadali na siyang nagpunta sa banyo. Nami-miss na rin niya ang pagde-date nila. Noon, madalas niyang maisip na parang nauna ang dusa kaysa sa saya sa relasyon nila. Pero ngayon, may natatanawan silang pag-asa. Talagang mabait ang Diyos at maparaan si Mark. Walang duda sa isip ni Maristel na aasenso sila at mas mabilis kaysa sa inaasahan ng lahat.
Hindi naman siguro masama ang mag-date sila paminsan-minsan. At kung gusto siya nitong isakay sa kargahan ng baboy, walang problema! Pantalong maong at blouse ang tinernuhan niya ng simpleng sandals. Naroon na rin si Mark nang lumabas siya, bagong ligo. Nilagyan nito ng upuan sa sidecar ang tricycle. Nandoon din ang basket na madalas niyang gamitin kapag kaunti lang ang bibilhin sa palengke.
“Talagang diyan mo ako pasasakayin sa sidecar?!” natatawang tanong niya.
“Ang prinsesa, nakasakay sa sidecar.” Inalalayan siya nitong makasakay roon. Bangkito ang kanyang uupuan, mababa at may sandalan. “May merienda diyan. Siyempre, mawawalan ba ng in-house music?” Itinuro nito ang transistor radio na nakatali ng alambre sa sidecar. Tawa siya nang tawa. Inabutan siya nito ng payong.
“May in house music, walang bubong?”
“Aba, talagang mareklamo ka na ngayon, ah?”
Hindi na maubos ang halakhak ni Maristel. Hindi na niya ginamit ang payong. Inusisa niya ang laman ng basket. Mukhang pinagplanuhan ni Mark ang lakad nila. Marami itong naka-pack na pagkain, pero hindi siya ang nagluto, mukhang binili sa labas. Lutong ulam ang mga iyon, may burger din at mga sitsirya. May nakasiksik na plastic sa ilalim ng bangkito na nang usisain niya, nakitang blanket ang laman. Mukhang magpi-picnic sila.
“Saan ang destinasyon natin?”
“Sit back and relax. The pilot will take care of you.” Binuksan ni Mark ang transistor radio. Ang problema, luma na iyon, panahon pa ng tatay ni Maristel. AM station ang nasasagap na malakas na signal. Nagkataong hingian ng payo ang programa.
Nagsalita ang host ng programa. “Ang liham sa atin ngayong araw ng Linggo ay mula sa isang Miss Samar. ‘Dear Dr. Pag-ibig. Magandang araw sa `yo.”
“That’s tacky as hell,” nakangiwing sabi ni Mark.
Natawa na naman si Maristel. “Sshh! Pakinggan natin. Mukhang dibdiban ang mga payo nitong si Dr. Pag-ibig.”
Patuloy sa pagda-drive ng motor si Mark, habang nilakasan naman ng bahagya ni Maristel ang radyo. Patuloy na nagsasalita si Dr. Pag-ibig. “‘Dr. Pag-ibig, ang kuwento ko ay parang telenovela. Nagmahal ako ng isang lalaking mayaman at ayaw sa akin ng magulang niya dahil mahirap lang ako.’”
“That really happens in real life? Nah,” komento ni Mark, ngumiti sa kanya.
Napangiti rin siya, lalong naging interesado sa programa.
“‘Nakilala ko si Ralph noong namamasukan ako sa isang restaurant na pag-aari ng mga magulang niya. Half-Chinese siya, nag-aaral sa magandang eskuwelahan. Ako naman ay hindi nakapagtapos dahil po sa financial problems. Noong una, hindi ko inakala na magkakagusto sa akin si Ralph kahit crush ko na siya noon pa. Pinag-uusapan siya ng mga kasamahan ko sa trabaho dahil guwapo at mukhang mahiyain. Isang gabi, naiwan ako sa restaurant dahil walang dumadaang sasakyan. Pauwi na rin siya noon at sinabing ihahatid na lang daw niya ako. Gabi na at babae ako kaya delikado daw sa daan. Kinilig ako, Dr. Pag-ibig, pero hindi ko inakala na magkakatotoo ang mga pangarap kong magkasama kami.’”
May madramang music na umere. Napaungol sa protesta si Mark. “Ano ba namang storytelling `yan, may intermission pa.”
“May sponsors, siyempre.”
Nagkatawanan na naman sila. Inabot ni Mark ang kamay ni Maristel at pinisil. Masarap ang biyahe nila, komportable si Maristel sa upuan, mataas ang araw pero natatakpan ng mga ulap kaya hindi mainit, bukod pa sa malilim ang daan na tinatahak ng tricycle dahil maraming puno sa kaliwa at kanan ng daan. Nahuhulaan na niyang papunta sila sa “Dating Manggahan,” ang lupaing takbuhan niya noon, pag-aari ng isang pamilyang matagal nang umalis ng bansa. Minsan nang naitanong ni Mark sa kanya kung ibinibenta ba ang lupain at maganda raw sana kung mabibili nila. Na parang may pambili sila. Pero sanay na siya sa mga ganoong pangarap ng lalaki at para sa kanya, hindi rin nakakatawa dahil alam niyang pagdating ng araw, makukuha nila ang lahat ng gusto nito. Ganoon kalaki ang tiwala niya rito. Alam niyang ganoon din ang tiwala nito sa kanya.
Nakarating na sila sa Dating Manggahan bago nagsalita uli si Dr. Pag-ibig. May bahagi ng bakod na sira at puwedeng makapasok sa loob ng lupain mula roon. Inilatag na ni Mark ang blanket sa ilalim ng isang punong mangga na hitik sa bunga. Mamaya, marami rin silang maiuuwi. Kahit tutol si Mark na kunin at ibenta nila ang mga mangga roon, gagawin ni Maristel. Wala namang ibang nakikinabang at nahuhulog lang sa lupa. Hindi na pinagkakaabalahan ng mga tao sa kanila. Wala na ring katiwala ang lupain.
Sa radyo, nagbabasa pa rin ng sulat ang host. “‘Dr. Pag-ibig, naging kami ni Ralph. Sa simula, itinago namin ang relasyon sa parents niya, pero nahuli rin kami na magkasama at napilitan kaming aminin na matagal nang kami. Mahigit isang taon, Dr. Pag-ibig, na nagtago kami sa takot na mapaglayo ng mga magulang niya. Nagkatotoo ang hinala namin. Kinausap kami ng mga magulang niya at sinabihang kailangan naming maghiwalay. Ang sakit, Dr. Pag-ibig, dahil nagmamahalan kami.’”
Tumugtog ang isang madramang music. Napasimangot si Mark. “Ano ba namang radio program `yan?”
Ang lakas ng tawa ni Maristel. “Gusto mo nang malaman kung ano ang mangyayari, `no? Ano sa palagay mo?”
“I don’t know. It’s probably scripted so maybe it has a happy ending.”
“Paano magiging happy ending kung nanghihingi nga ng payo?”
“You have a point. Come.” Inalalayan siya nitong makababa ng tricycle. Pumuwesto na sila sa ilalim ng punong mangga. Ibinalumbon nito ang isang jacket para gawin niyang unan. Hinawakan nito ang kanyang kamay at pinisil, bago hinalikan.
“‘Dr. Pag-ibig, tinangka kong lumayo kay Ralph.’” Nagsasalita uli ang host sa radyo. “‘Pinapili ako ng mama niya kung itatakwil daw siya o ako. Pinili kong lumayo. Pero nagkikita pa rin kami. Mahirap tanggihan kapag nagyayaya siya na makipagkita sa akin. Hanggang sa isang araw, sinabi na lang niya na pupunta na raw siya sa Beijing dahil nandoon ang pakakasalan niya. Ang sakit, Dr. Pag-ibig, na nauwi rin pala kami sa hiwalayan. Three years na siyang kasal ngayon sa ibang babae, pero tuwing uuwi siya sa Pilipinas, gusto pa rin niyang makipagkita.’”
“What a douchebag,” komento ni Mark.
“Tama ka,” sang-ayon ni Maristel. “Ang asshole lang n’ong Ralph. Tanga rin naman itong si Miss Samar. Alam na nga niyang may asawa, nakikipagkita pa rin siya. Hindi naman siya pinipilit. Siya naman ang nakikipagtagpo.”
“I don’t understand that Ralph.”
Bago pa nila mapag-usapan ang dalawang bida sa kuwento, nagsalita na uli si Dr. Pag-ibig. “‘Isang araw, nahuli kami ng asawa niya, Dr. Pag-ibig, at iyon ang naging dahilan kaya hindi na siya nagpakita uli sa akin, kahit pa may nabuo sa aming relasyon. One year old na ang anak namin, Dr. Pag-ibig, at walang suporta mula sa kanya. Mahal ko pa rin siya, Dr. Pag-ibig, pero hindi ako mamamalimos ng sustento, kahit nahihirapan na ako. Alam niya naman na nabuntis ako, pero hindi siya nagbigay ng tulong. Sa totoo lang, kung minsan gusto ko siyang tawagan, kumustahin, dahil may mga araw na parang mababaliw na ako sa lungkot dahil miss na miss ko na siya. Gusto kong makilala siya ng anak namin. Ano ang gagawin ko, Dr. Pag-ibig?’”
“Idemanda mo!” sabi ni Maristel.
“What a terrible story! It’s not even a love story. It’s a legal issue,” reklamo ni Mark. “I will never understand why women can’t see just how terrible some men are. Naisip pa niyang mahal pa rin niya iyong Ralph kahit inabandona na silang mag-ina. How can someone keep on loving someone as terrible as that?”
“Nabubulag daw ang mga tao dahil sa pag-ibig.”
At mukhang iyon din ang opinyon ni Dr. Pag-ibig. “Alam mo, Miss Samar, kung minsan nahihirapan tayong makita ang isang malaking katotohanan dahil tinatakpan ng pagmamahal ang paningin natin. Hindi kita masisi na nagmahal ka. Masarap magmahal. Pero may mga pagkakataong kailangan mong isipin kung makakabuti pa ba sa `yo ang pagmamahal na ito o hindi na. Sa kaso mo, Miss Samar, sa palagay ko, malinaw na hindi nakakabuti ang pagmamahal mo sa kanya, lalo na para sa anak ninyo. Mali ang dahilan mo kung bakit gusto mong tawagan si Ralph. Dapat mo siyang tawagan dahil kailangan niyang magbigay ng sustento sa anak ninyo, hindi dahil miss na miss mo na siya. Ang dating sa akin, parang kung sakaling babalik siya sa Pilipinas at yayain kang makipag-date, papayag ka naman. Tandaan mong minsan kang nagkamali at hindi ikaw ang pinili niya. May sarili na siyang pamilya sa ngayon at tinalikuran kayong mag-ina. Para dito, kailangan niyang managot. Sumangguni ka sa mga abogado para sa legal na aksiyon. Samantala, sa personal na aspeto, kailangan mo nang mag-move on. Maraming iba diyan, mga lalaking nakahihigit kay Ralph at mamahalin kayong mag-ina nang buong puso. Para sa `yo, isang kanta ni Zsa Zsa Padilla…”
Pumailanlang ang intro ng “Hiram.” Napatingin si Maristel kay Mark. “Agree ako kay Dr. Pag-ibig. May pagkatanga din itong si Miss Samar.”
“I hate to say it, but yes. But it’s Ralph that pisses me off.” Mukhang naiirita nga si Mark. “Nagkamali siya, pero hindi niya itinama. His child is his responsibility.”
“Iyon na nga. Ito namang si Miss Samar, gusto pang unahin ang sarili kaysa sa anak. Oo, naiisip niyang ayaw niyang magmukhang kawawa ang bata. Pero gusto niyang tawagan `yong Ralph dahil lang nami-miss niya. Parang hoping pa siya na magkakaroon uli ng sila.”
“Some people never learn.”
Ang tagal nilang pinag-usapan ng dalawang taong ni hindi nila kilala at hindi nila sigurado kung totoo nga ba o gawa lang ng imagination ng kung sinong scriptwriter. Mayamaya, pareho silang natahimik, hanggang sa pisilin ni Mark ang kanyang kamay. “Maristel, can I ask you something?”
“Ano `yon?” Ngumiti siya, tumagilid ng higa.
“Nagsisisi ka ba na nakilala mo ako?”
Nabigla si Maristel. Noon lang niya iyon narinig kay Mark. Marami itong mga tanong paminsan-minsan, pero malayo sa ganoon. “Ano naman ang pumasok sa isip mo at naitanong mo `yan? Mukhang bang nagsisisi ako?”
“No, but sometimes I think about it and I wonder. Minsan naiisip kong parang pinilit kitang magsama tayo. Hindi normal ang proseso.”
“Pinilit? Bakit, tinutukan mo ba ako ng baril? Ng patalim? Hindi ko naaalalang tinutukan mo ako ng kahit na ano, maliban sa bird mo.”
Ngumiti ang lalaki, pero nagseryoso rin agad. “Napilitan. Parang ganoon minsan ang naiisip ko. Hindi naman natin napag-usapan ang pagsasama, parang nauwi na lang tayo dito dahil wala akong mapuntahan. You felt responsible somehow and took me in. Kahit puwede mong sabihing wala akong lulugaran sa bahay mo, kahit puwede mong sabihing ayaw mo. Wala akong pupuntahan kaya tinanggap mo ako. And everyone sort of just came up with the idea that we are already living together, that you are my common law wife and I, your common law husband. Kahit ang totoo, hindi tayo aware na nagdesisyon tayong magsama. Most people would talk about living together, not just live together because one party doesn’t have a place to stay in.”
“Nonsense.” Umingos siya. “Sa palagay mo ba, kung ayaw ko, hindi ko sasabihin sa `yo at hindi kita palalayasin? `Wag mong isipin `yan. Ikaw nga ang madalas kong naiisip kung baka nagsisisi ka na nakilala mo ako at ngayon, damay ka na sa problema ng pamilya ko. Parang palaging ikaw ang nagsa-suffer tuwing may problema kami.”
“Never.”
“Masaya akong magkasama tayo, Mark.” Pareho silang humiga at tumigin sa mga dahon ng punong mangga. “Palagi kong naiisip ang mga pangarap natin at alam kong isang araw, makukuha natin lahat `yon.”
“Mabibili natin itong lupa na `to,” sabi nito. “I never really thought you’d like being a homemaker, but I see now that you enjoy it.”
“Oo nga, eh. Ang corny ko, `no? Pero gusto ko rin talaga na magtanim-tanim, ganoon. Luto-luto. Gusto ko rin mag-aral mag-bake. Gusto kong ako ang tatahi ng mga kurtina sa bahay.”
“Anong bahay ang gusto mo?”
“`Yong sakto lang ang laki ng bahay, pero malaki ang space sa paligid. Para may lugar akong puwedeng gawing garden.”
“May playground para sa mga bata.”
“Oo. Gusto kong meron silang swing, see-saw, saka iyong mga baras para doon sila maglalambitin hanggang gusto nila. Iyong may bakod ang bahay para kahit iwan mo doon sa playground ang mga bata, hindi ka mag-aalala. So habang naglalaro sila, puwede akong mag-bake-bake.”
“I want a dog as well.”
“Ako din. Pero ayaw ko ng mga pa-cute na aso. Gusto ko iyong malaki na hindi masyadong mabalahibo. O kung maliit, gusto ko `yong asong maliksi at hindi pa-cute masyado. Ayaw ko ng mga nilalagyan ng mga ribbon-ribbon. Gusto ko `yong makikipaghabulan sa mga bata para kapag nagsawa maglambaras, may taya sa habulan. O, di nakapag-multitask ako.”
Ang lakas ng tawa ni Mark. “Ikaw naman. Siyempre sa panahon na `yon, marami din tayong kasambahay.”
“So, magbubuhay-reyna ako, ganoon ba?”
“If you want.”
“Ayoko na pati ako may assistant.”
Natawa uli ang lalaki. “That’s my mother. She never left the house without one.”
“Paano kung mag-a-abroad siya?”
“Kasama ang assistant.”
“Wow. Ipasok mo nga ako.”
Ang lakas ng tawanan nila. Bumangon si Maristel mayamaya at inihain na ang baon nilang pagkain. Nabili raw ni Mark ang lahat sa palengke. Natututo na itong kumain ng mga putaheng hindi pa nito natikman noon at duda siya kung kahit kailan naihain dito ng ina, tulad ng sinigang na tuyo, maliliit na isdang pangat, ginataan o sinabawang papaya o saluyot, at iba pang mga simpleng pagkaing nakukuha sa bakuran nila. Noong una, napatitig lang ito sa ginataang papaya at saka napangiti, sinabing hindi nito alam na lehitimong ulam daw pala iyon. Alam ni Maristel, pinilit lang ni Mark na tanggapin na puwede iyong ulamin dahil hindi nito alam. Pero nang matikman, hinanap-hanap naman, kahit kaunting bagoong alamang ang sahog.
Pangat na baby galunggong na nakabalot sa dahon ng saging ang binili nito sa palengke. Mayroon ding monggo. May kaldereta at inihaw na liempo. Nagkamay sila. May dala rin itong tubig na ginamit nilang panghugas ng mga kamay. Parang nahawa na rin yata sa “pangmahirap” na taste niya ang taste ni Mark. Ni hindi nila nagalaw masyado ang mga karne, pero simot na simot ang pangat at monggo.
Ang lakas ng tawa ni Maristel. “Ano ang sasabihin ng mga sosyal mong friends? From caviar to pangat ka na ngayon?”
“I don’t care. Ang sarap kaya ng pangat.” Sinipsip ni Mark ang ulo ng isda, isang bagay na napapangiwi pa ito noon kapag nakikitang ginagawa ni Kuya Arnel. Ngayon, agawan sila sa ulo ng isda.
Tawa nang tawa si Maristel. Nagligpit na sila, nagsabon ng mga kamay, nag-alcohol. Time for dessert. Inginuso niya ang mangga sa puno.
“Baka sumakit ang tiyan natin. Hindi atin `yan,” sabi ni Mark.
“Sus. Wala namang may-ari.”
“Wrong. May may-ari, hindi lang kinukuha.”
“So? Mas gusto ba ng mangga na ang pinaghirapan niya buong buhay niya, mauuwi lang na pataba sa lupa o mas gugustuhin niyang maging makabuluhan ang buhay niya at maging lamang-tiyan ng maganda at guwapo? Mga kaibigan, itanong natin kay mangga.” Lumapit si Maristel sa puno, sumampa sa isang sanga at inabot ang isang manggang hinog. Hinog sa puno. Siguradong napakatamis niyon. “Mangga, sa isang tell-all interview, sabihin mo sa akin, kung maglalabas ako ng isang mahiwagang salamin at makikita mo dito ang iyong sarili bilang isang pagkaganda-gandang mangga na nanganganib mauwing pataba ng lupa, ano ang gagawin mo? A, pipiliing malaglag o B, pipiliing makapagbigay ng saya?”
Tawa nang tawa si Mark. “Paano, ayaw sumagot?”
“Sshh,” sabi ni Maristel. “Ano `yon, mangga? Hindi mo lang gustong kainin kita, kundi lahat ng tropa mo din at dapat iuwi namin kayo pare ibenta sa iba at magbigay saya? Of course. Sino ba naman ako para hindi ka pagbigyan?”
“Maristel!”
Tawa siya nang tawa matapos belatan si Mark. Sa huli, wala na ring nagawa ang lalaki kundi tulungan siyang pitasin ang mga bunga. Halos mapuno nila ang sidecar sa dami ng mangga. Magkakatabi ang mga puno at totoo ang sinabi niyang masasayang lang ang lahat ng iyon.
“Are we really gonna sell stolen mangoes?” tanong nito, nakangiwi.
“Hindi stolen kung walang may-ari.”
“Merong may-ari!”
“Wala, nasa Amerika. So, sayang lang.”
Mukhang hindi pa rin kumbinsido si Mark, pero hindi na tumutol pa. Nauwi sila sa harutan mayamaya habang nakahiga sa blanket.
“Maristel, may sasabihin sana ako sa `yo, eh. `Wag kang magagalit.”
Kinabahan siya bigla. “Ano `yon?”
“Gusto ko sanang pumasada sa gabi.”
Halos mapanganga siya sa pagkabigla. Halatang mukhang guilty si Mark. Malamang, noon pa nito naplano iyon. Wala siyang mahanap na sabihin dahil hindi niya kaya ang ganoong balita.
“`Wag ka nang magalit. Payagan mo ako.”
“Payagan? Payagan?!”
“Eh, kasi wala namang naglalabas ng jeep ni Kuya sa gabi at may lisensiya naman ako, kaya naisip kong bakit sasayangin ko ang jeep kung puwede namang magamit sa gabi?”
“Diyos ko.” Napahawak si Maristel sa ulo. Hindi niya matanggap. Hindi niya kaya na si Mark, handang mamasada. “Bakit ba gusto mong mamasada, eh, meron naman tayong pera kahit paano?”
“Oo, pero kapag nag-enroll na si Guada, paano na? Isa pa, hindi ba plano nating palagyan ng dibisyon ang bahay para maparentahan din?”
“Pero hindi tama ito.”
Ngumiti ito. “Hindi ko ikamamatay.”
Bigla niya itong niyakap. “Nakakainis ka!”
Hinaplos nito ang kanyang likod. “Kaunting tiis, makakaraos tayo. Mas malaki ang kikitain ko dito kaysa mag-call center ako, kung tutuusin. Isa pa, ayokong mapalayo sa `yo.” Ikinulong nito sa mga palad ang kanyang mukha. “Naiintindihan mo ba ang mga pangarap ko para sa ating dalawa?”
Tumango si Maristel, naluluha. “Salamat sa lahat, Mark.”
“No. Thank you for making me strive to be the best I can be. I love you and I have planned my life with you. Itaga mo sa bato, gagawin ko ang lahat para sa ating dalawa, Maristel.”