noveltoon logo noveltoon
Mark Cardinal (Cardinal Bastards Series 7)

Chapter 10

Ch. 11 / 26 Apr 09, 2022

10

“M AYAMAN ang boyfriend mo.”

Hindi na lang sinabi ni Maristel sa madrasta na hindi niya boyfriend si Mark. Wala silang napagkasunduan ni Mark. Magulo ang sitwasyon. Ayaw na muna niyang isipin dahil parang mababaliw siya.

“Malaking tulong siya sa atin,” patuloy ni Tiya Tess.

Tumango lang si Maristel. Alam niyang nagbigay ng abuloy si Mark. Sinabi nito sa kanya at tumanggi siya noong una. Pero nang sabihin nitong hindi iyon para sa kanya, hindi na niya nagawang tumanggi. Ano ang karapatan niyang tanggihan ang isang bagay na hindi naman para sa kanya? Bukod doon, kailangang-kailangan nila ng tulong. Nahihiya siya kaya sinabi niyang iabot na lang sa kanyang kapatid ang lahat ng tulong. Hindi niya alam kung magkano ang ibinigay nito, pero malaki siguro dahil nakabayad sila sa punerarya.

“`Wag mo nang pakawalan `yan.”

Hindi siya umimik kahit nakaramdam ng inis. Sa ganoong sitwasyon, pera pa rin ang naisip ni Tiya Tess. Kunsabagay, nailibing na ang kanyang ama at naghihintay na lang ngayon na pag-usapan ang hatian sa ari-arian. Nasa bahay silang lahat, habang si Mark ay babalik daw sa kanila sa weekend.

Nakabalik na rin pareho sa Maynila ang mga anak ni Tiya Tess. Nasa sala si Tiyang Lita at ang kinakasama nito, kasama silang magkakapatid, at si Tiya Tess. Noon tumawag ang kanyang tiyuhin na nakikihati pa rin kahit ibinenta na ang share sa mga kapatid. Talagang masama rin ang ugali ng lalaki at parang hindi man lang apektado sa kamatayan sa pamilya at ang sabi sa loudspeaker, “So paano ang lupa?”

Si Tiyang Lita ang sumagot. “Wala ka nang karapatan sa lupa. Maghabol ka sa korte hanggang gusto mo. Nasa akin ang ebidensiya ng lahat ng ibinayad sa `yo. Kahit kailan, wala kang respeto. Kamamatay pa lang ng kapatid mo, nakikihati ka agad ng parteng bayad na sa `yo noon pa!”

Sa galit ni Tiyang Lita, halos maibato nito ang cell phone. Tinapos nito ang tawag at humarap sa lahat. “Dapat pag-usapan na ang hatian sa lupa. Habang tumatagal, lalong nagkakainteres ang mga tao.”

Mukhang iyon din ang hinihintay ni Kuya Arnel. “Kailangan ko rin, Tiyang. Naisangla ko ang jeep, wala akong mapagkukunan. Ilan na ang anak ko.”

“Sa dalawa lang naman ang hati nito.” Tumingin si Tiyang Lita kay Tiya Tess. “Pasensiya ka na, pero sinabi sa akin ni Igme noon pa na hindi ninyo ipinasa sa munisipyo ang marriage contract. Iyan din yata ang kasunduan ninyong dalawa gawa ng manahan ng ari-arian. Mayroon ka rin at ayaw mong magkaroon ng gulo kung ano man ang mangyari. Ganoon din naman siya.”

“Malaki ang paluwal ko,” sabi ni Tiya Tess, nakataas ang ulo. “Paano na `yon?”

“May listahan ka ba?”

Inilabas ni Tiya Tess ang isang notebook. Hindi na nakisali si Maristel sa usapan. Ang mga ito na ang nagkasundo-sundo. Babayaran ang paluwal ni Tiya Tess na hindi pala talaga kasal sa kanyang kinilalang ama. Ang kanyang ina at kuya, nagkasundong ibenta ang kalahati ng lupa at paghatian. Hahatiin din ang kalahati pang lupaing matitira, ganoon din ang bahay.

Kinausap si Maristel ni Tiyang Lita nang matapos ang diskusyon. “`Wag ka nang bumalik sa Maynila. Alam kong masama ang loob mo sa asawa ng tatay mo kaya ka umalis, pero aalis na siya rito sa bahay.”

“Wala po akong trabaho dito, Tiyang.” Nakakailang na iyon pa rin ang tawag niya rito.

“Bibigyan kita ng puhunan sa pagbebentahan ng lupa. Ikaw na ang bahalang magpalago. Alam mo, iyang kuya mo, waldas sa pera at tulad ng tatay mo, masyadong mabait. Baka kalaunan, iyong pamilya na ng asawa ng kuya mo ang may-ari nitong lupa, kaya kailangang nandito ka. Ikaw lang ang maaasahan ko dito. Kailangan ka rin ni Guada. Magtulungan tayo, anak, at ngayong wala na ang tatay mo, hindi magandang maiwan si Guada na nag-iisa dito. Hindi naman `yan masusubaybayan ng kuya mo. Kailangan din makapagtapos ng pag-aaral. Pagkatapos niya, ikaw naman ang mag-aaral. Medyo matagal, pero maano ba’t lilipas din ang dalawang taon. Isa lang ang kaya kong pag-aralin sa ngayon. Malaki ang utang na loob ko sa ama mo. Alam mo `yan.”

Ang problema, Tiyang, ako ang palaging nasasakripisyo, sa isip-isip ni Maristel, pero hindi na lang umimik. Wala naman siyang magagawa, makakasakit pa siya ng loob. Isa pa, tama ito. Sino ang mag-aasikaso kay Guada kung wala siya? Siya na lang ang aasahan nito sa ngayon. Ang kuya niya, may sarili nang buhay at marami ring problemang pinansiyal. Makakapag-abot-abot siguro ito kay Guada, pero imposibleng makapagtustos kahit na mabenta pa ang lupa. Siyempre, ipambibili nito iyon ng jeep. Ang kailangan niyang gawin, makaisip ng paraan para mapalago ang perang ibibigay ni Tiyang Lita.

“Sige po,” sabi niya, walang ibang pagpipilian.

Tumawag siya sa opisina at sinabi ang sitwasyon. Naghanda na rin siyang lumuwas para kunin ang mga gamit sa apartment. Nagawa niya ang lahat sa loob ng dalawang araw. Nagkita pa sila ni Mark at nag-dinner. Mukhang ang lungkot-lungkot nito. Napaiyak na siya nang sabihin nito, “Ang layo-layo ng Tarlac, Maristel. Hindi ko kayang mag-uwian.”

“May phone naman. Isa pa, ayaw naman sa akin ng mama mo. Mag-aaway lang kayong dalawa dahil sa akin. Mas mabuti pa nga itong ganito.”

“No. I don’t care about her bigotry. It must stop.”

Parang pareho sila ng pakiramdam na parang magtatapos na ang mundo. Pero kailangan niyang aminin na iba ang sitwasyon ngayon. Hindi na sila puwedeng magkita madalas at kung magkakahiwalay sila, paano pa? Sabagay, iyon naman din ang dapat. Ayaw niyang dahil sa kanya, magkaaway pa ito at ang ina.

“Tanggapin na lang siguro natin na talagang hindi uubra, Mark.”

“Just because she said so?”

“Ang magulang, eh, magulang. Mama mo siya, Mark.”

“Pero mali siya. Wala siyang dahilan para sabihin na hindi puwedeng maging tayo. It doesn’t make any sense.”

“Para sa kanya, may sense. Alam natin `yon pareho. Iba ako, iba ka. Siguro, naiisip lang niya na kung sakali man, katulad din ninyo ang gusto niyang girlfriend mo—mayaman, may pinag-aralan. Hindi ako `yon, Mark. Mag-aaway lang kayo. Mape-pressure ka, mape-pressure ako. Sa huli, baka tayo lang ang mag-away.”

“It’s unfair. You are the best thing that came my way. You have got to be insane to even consider that I will let you go.”

Napaiyak na naman si Maristel. Mananalo ba siya sa mama ni Mark? O baka si Mark mismo, hindi rin makatagal sa sitwasyon. Bata pa sila, marami pang pagdadaanan at hindi magiging madali ang lahat lalo na kung may isang ina na tumututol at mapapalayo rin siya sa lalaki.

“Tingnan na lang natin,” sabi niya. “Kailangan ko na ring umuwi.”

Gusto siyang ihatid ni Mark, pero nagkataon na may kamag-anak itong may birthday at ganoong mainit na sa ina, ang sumunod muna ang pinakamaganda nitong gawin. Kaya ni Maristel na umuwing mag-isa at sa palagay niya, mas magiging madrama pa kung ihahatid siya nito.

Naghiwalay na sila. Ang bigat ng kanyang pakiramdam. Hindi niya alam kung ano ang mas masakit—iyong maghiwalay ang dalawang taong hindi nag-aaway, o ang maghiwalay ang dalawa dahil sa away.

Parang lalong humaba ang biyahe at nang makauwi sa bahay, wala siyang madama kahit ibinalita ni Tiya Tess na naihanap na raw nito ng buyer ang lupa. Mukhang gustong-gusto na nitong makuha ang paluwal.

Tahimik lang siyang pumasok sa silid at nahiga. Pakiramdam ni Maristel, may nagbago sa kanyang buhay. At hindi na iyon maibabalik pa.

NAKANGITI si Maristel hanggang sa pagluluto ng hapunan. Sumaglit si Mark sa Tarlac, kahit may finals ito sa linggong iyon. Hindi raw nito kayang hindi siya puntahan at makita. Sa isang banda, masaya siya, pero nag-aalala rin. Pero malayo siya sa Maynila, malayo sa mama ni Mark. Kahit paano, nakaluwag iyon sa kanyang dibdib na hindi siya agad matutunton ng babae.

“Masaya ka, Ate,” puna ni Guada. Finals na rin nito sa linggong iyon. Dalawang taon na lang at makakapagtapos na ito. Siya naman ang mag-aaral. Pero hindi dahil sa iyon ang sinabi ni Tiyang Lita, kundi dahil iyon talaga ang kanyang plano ano man ang mangyari. “Mukhang mabait si Kuya Mark.”

“Mabait siya talaga.”

“Mayaman pa.”

“Hindi importante sa akin `yon.”

“Sa panahon ngayon, Ate, dapat iniisip na rin `yon. Tingnan mo si Kuya, hind inisip `yon. O, ano siya ngayon?”

“Naniniwala akong mas importante pa rin ang love.”

“Basta ako, ayoko ng mahirap. Gusto ko iyong parang si Kuya Mark. Wala ba siyang kapatid? Baka puwede sa akin.”

Inirapan lang ni Maristel ang bunsong kapatid. Naghain na siya nang makapagluto at inilista ang mga bibilhin para sa planong sari-sari store. Iyon ang gusto ng kanyang ina na itayo. Nag-iisa ang malapit na sari-sari store sa area na iyon at kulang-kulang palagi ang paninda.

“Kailan ang bakasyon nina Kuya Mark, Ate?” tanong ni Guada.

“Last day na raw niya bukas, eh,” sagot ni Maristel.

“So mapapadalas ang dalaw niya?”

“Sana. Hindi ko sure.”

Nanghaba ang nguso nito sa pag-“asus.” Pero iyon ang totoo. Parang wala nang kasiguruhan ang relasyon nila ni Mark. Mahirap din para sa kanya na umasa na magiging okay ang lahat. Mas gusto ni Maristel iyong hindi niya niloloko ang sarili. Kung bakit kasi hindi siya naging mayaman. O mas tama sigurong itanong kung bakit naging matapobre ang mama ni Mark. Hindi man lang siya nito binigyan ng pagkakataong ipakita na hindi siya masamang tao.

Tumawag si Mark alas-tres ng hapon nang araw ng finals nito at sinabing mukhang wala itong problema sa grades kaya tutuloy na sa Tarlac.

“Nasisiraan ka na yata ng ulo,” sabi ni Maristel kahit nakangiti. Ang totoo, miss na miss na niya si Mark. Kahit malayo, hindi niya ito pipigilang pumunta. “Ang layo-layo ng Tarlac.”

“Wala akong pakialam. Gusto kitang makita. I miss you.”

“I miss you, too.”

Naghintay na nga siya rito. Halos papagabi na nang makarating ang lalaki, may pasalubong na cake at iba pang mga grocery. May bigay itong mga gamit at imported na chocolates kahit sa pamilya ni Kuya Arnel. Kahit yata paulit-ulit sabihin ni Maristel kay Mark na huwag nang mag-abala, hindi ito magsasawang magdala ng pasalubong.

Ang tagal nilang nagkuwentuhan at doon na naghapunan ang lalaki. Alas-diyes nang magpaalam ito.

“Gabi na. Umaga ka na lang umuwi. Delikado na sa biyahe. Anong oras ka pa makakabalik ng Maynila?” sabi ni Maristel.

“Basta tabi tayo, wala kang maririnig na reklamo sa akin.”

Biglang nag-init ang kanyang mukha. Na-miss na rin niya na magkasama sila sa ganoong paraan, pero hindi pa ganoon kakapal ang kanyang mukha para hilingin iyon. Siyempre, dalagang Pilipina pa rin siya.

Maagang nagkulong sa kuwarto si Guada kaya halos solo nila ang bahay. Kung tutuusin, palagi namang solo ni Maristel ang isang bahagi ng bahay. Hindi siya lumipat sa main house at nanatili sa extension. Sabay silang naligo ni Mark at doon pa lang, naging mainit na agad ang tagpo. Nagpatuloy sila sa silid at nakatulog siyang nakayakap dito.

Alas-otso ng umaga, kasabay pa nilang kumain ng almusal ang lalaki at hindi pa sana uuwi kung hindi lang nakatanggap ng tawag mula sa ina. Nagpaalam ito, pero nangakong babalik sa Tarlac para magbakasyon. Hindi ito tumawag sa kanya nang gumabi, nagpadala lang ng simpleng text nang makauwi na. Nag-alala siya, pero inisip na baka pagod lang ang lalaki sa biyahe.

Naalimpungatan si Maristel alas-kuwatro nang madaling-araw sa tawag ni Mark. “O, napatawag ka? Okay ka lang ba?” nag-aalala niyang tanong.

“I’m free.”

“Ano?”

“I’m free, but with nowhere to go. Do you mind if I crash at your place? Nandito ako sa terminal ng bus. Nakabili na ako ng ticket papunta diyan.”

“Bus?” Napabangon na si Maristel. “Ano’ng sinasabi mo, Mark? Anong free? Anong bus sa ganitong oras ng madaling-araw?”

“Nag-away kami ni Mama, pinaalis niya ako. Babalik din daw ako kapag natauhan na ako. I was trying to talk to her all night, trying to explain things to her, but she just wouldn’t listen. So I tried calling my father and as they say, ‘shit hit the fan.’ Napasama pa ang lahat.”

“Diyos ko.”

“It’s all right. If she can’t even give the woman whom I love a chance, and if my father is too cowardly to take over, then to hell with it, I don’t care. I don’t give a rat’s ass. Pinag-aawayan nila kung paano ang tamang pagpapalaki sa anak, dalawang parehong walang alam sa pagpapamilya? Nah, I won’t try to convince them to understand. They never will. And begging my mother to understand will not be something I will do again. Convincing my father he can help me without him insisting it will make my mother more angry is also a feat in futility. Two adults, both immature.”

“Nabibigla ka lang, Mark.”

“I’m mad at them. Kahit kailan naman, hindi nakialam nang totoo si Papa. I never really expected anything from him. What can a son expect from a father who sired almost a hundred bastards?”

“A hundred?” Nabigla si Maristel. Noon lang niya iyon nalaman.

“Yeah. No wonder my mother never wanted me to have his surname. I thought for once he can be there for me, really be there for me. But no. He said my mother has a way of disciplining me and he doesn’t want to interfere. Mag-aaway lang daw silang dalawa.”

“Nasa istasyon ka ng bus ngayon?”

“Oo. Wala akong mapupuntahan. Tatanggapin mo ba ako?”

“Ano bang tanong `yan? Oo naman. Pero nakita mo na ang bahay namin, walang aircon, hindi sosyal—”

“Ikaw ang pupuntahan ko diyan. Puwede akong tumuloy sa kaibigan ko, pero pupunta at pupunta ako sa `yo dahil hindi ko kayang tiisin na hindi ka makita, Maristel. Para akong mababaliw.”

“Ano pa’ng hinihintay mo? Sakay na ng bus. Hihintayin kita.”

“Mahal kita.”

“Mahal din kita.”

Naghintay si Maristel. Alas-otso pasado, dumating si Mark. Wala na ang magara nitong kotse at sakay ng isang tricycle. Hindi niya alam kung matutuwa o magagalit o maaawa. Halatang wala pang tulog ang lalaki base sa pangingitim ng paligid ng mga mata. Maliit lang ang dala nitong bag. May kirot siyang naramdaman sa dibdib. Gusto ring itanong ni Maristel kung naiintindihan ba ni Mark ang simpleng katotohanang ipinagpalit nito ang buhay para sa kanya. Siguro, sa ngayon hindi pa masyadong malinaw rito. Baka nabibigla ito, nadadala ng damdamin. Baka dumating ang oras na maisip ng lalaki kung gaano kalaki ang ipinagpalit nito para sa kanya. Sakaling dumating ang puntong iyon at umalis si Mark, sino siya para pigilan ito?

“Well…” sabi ng lalaki, nakatingin kay Maristel, may tipid na ngiti sa mukha. “Well, here I am. Poor as a church mouse and with no place to go.”

“Meron. Dito. Tuloy ka,” sabi ni Maristel, napapaluha. Hindi deserve ni Mark ang maitakwil nang dahil sa kanya, pero ano ang kanyang magagawa?

Tumuloy na ito sa loob ng bahay at bago pa siya makapagtanong, hinalikan na siya sa mga labi.

“Mark…”

“That was worth it. If for that alone, I will do it again.”

“Para kang sira.”

“It’s true.”

“Dahil sa akin, napalayas ka tuloy. Ang gusto ko, ayusin mo, Mark.”

“Walang aayusin kung sarado ang isip ng ibang tao. My life is mine. It’s about time I take control of it.”

Ano ang masasabi niya tungkol doon? Napabuntong-hininga siya. Kung minsan, mahirap magpalaki ng magulang. “Kumain ka na ba?”

Umiling ang lalaki. Niyaya niya ito sa kusina at naghain. Simpleng adobong manok at ginisang sitaw ang pagkain. Maganang-magana si Mark. “I was thinking, since you are gonna start a business maybe it can be a partnership.”

“Walang problema sa akin.”

“I will start my life here, if you don’t mind. Puwede bang magrenta sa bahay mo?”

Bigla siyang natawa. “Sasabihin ko kay Kuya na ikaw ang bagong tenant ko.”

“I’m not even kidding around.”

“Sshh. Kain nang kain.”

Sumunod ito. Duda si Maristel kung magtatagal doon si Mark. Hindi siya naniniwalang kaya itong tiisin ng ina. Nag-iisa itong anak. Nabigla lang ang mama nito at malamang, bukas-makalawa, tumatawag na ang babae at nagso-sorry. Sana ganoon ang mangyari. Sana matanggap ng ina ni Mark na kailangan din siya nitong kilalanin bago husgahan. At kung sakaling hindi iyon mangyari, bukas ang bahay na iyon para kay Mark.