17
“P UWEDE ba tayong mag-usap?”
Tumango si Maristel sa mama ni Mark. Wala siyang kaba na makita ito. Nagkaroon siya ng lakas ng loob, ng kumpiyansa sa sarili. Siguro kumuha siya ng tatag sa mga anak at sa mga karanasan niya sa loob ng ilang taon, at sa katotohanang ayaw na niyang magtangkang pasayahin ang ibang ayaw naman sa kanya.
Tumuloy siya sa bahay. Hindi iyon ang unang pagkikita nila. Isinama ni Mark ang ina may tatlong buwan na ang nakararaan para makilala ang mga apo, maging ang kanyang pamilya. Mukhang hindi naman mapagmataas ang babae. Siguro, ayaw ring mawalan ng access sa mga apo. O baka na-realize ang mga pagkakamali. Ano man ang dahilan, wala na siyang pakialam.
Kumuha siya ng maiinom. Nagpasalamat ang babae, saka sinabi, “Ayoko sanang makialam sa inyo ni Mark. Sinabi ko sarili ko na hindi na ako makikialam pa. But my son is very stubborn. Ang sabi niya, aayusin niya ang samahan ninyo.”
Sumusubok si Mark. Nagpapadala ito ng mga bulaklak kay Maristel noong una, pero tinigilan na nang makita sigurong hindi niya iyon itinabi tulad noon. Noong nakaraan kasing nagpunta ito sa bahay, nakita nito ang mga padalang bulaklak sa basurahan. Ang totoo, hindi niya magawang itapon ang mga iyon, pero nagkataon na inilagay niya sa ref ang mga bulaklak para hindi agad malanta at si Guada naman, naglagay ng isda sa ref at nadaganan ang mga bulaklak ng lansa at katas ng isda kaya itinapon nito. Dumating na si Mark bago pa niya nakuha sa basurahan. Itinatabi niya ang mga bulaklak at pinapatuyo. Nakasanayan na niyang gawin iyon noon pa man.
“May aayusin pa ba?” mahinahong tanong ng ina ni Mark.
Hindi nakasagot si Maristel. Hindi niya alam. May mga oras na parang gusto niyang kalimutan na ang lahat, may mga oras na galit pa rin siya.
“Kasi nakakuha siya ng online preliminary exams at pumasa sa Amerika. Ayaw niyang pumunta hangga’t hindi daw niya naaayos ang gulo ninyo. Makikiusap sana ako sa `yo na kung wala namang aayusin, tapatin mo na siya. In fact…” Humugot ng hininga ang babae. “I know you will not like what I will say, but in my honest opinion, it will be best to let him have a great education this time, Maristel. Para din naman sa mga bata ito. Kung noon, wala kayong iniisip na mga bata, ngayon siguro dapat ninyong tandaan na pagdating ng panahon, mag-aaral ang mga `yan, maraming magiging pangangailangan. They would need a properly educated father.”
Mabilis para sa kanyang maintindihan ang gusto nitong mangyari. At oo, pamilyar sa kanya ang hiling ng babae dahil nahiling na nito noon. Wala na siyang makapang pagkabigla.
Tumango siya. “Naiintindihan ko po.”
“Good. I will leave now. I hope this doesn’t strain our relationship. After all, you are now a part of the family, Maristel.”
Tumango lang siya. Tao siyang kinausap, tao niyang tatanggapin ang mga salita nito. Nang makaalis ang babae, tahimik lang siya. Hindi niya alam kung ano ang magiging reaksiyon. Nang dumating ang Sabado, dumalaw si Mark, may dalang mga pasalubong tulad noon.
Pinagmasdan ni Maristel ang lalaki, matagal. Kung mahal pa niya ito, malinaw ang sagot—oo. Mahal na mahal. Ang nagbago siguro, ang pagtitiwala. Hindi niya alam kung kaya pang ibalik ang nakaraan at kung sakali man, wala siyang ideya kung kailan kusang darating sa kanya ang pagtanggap uli rito.
Ibibitin ba niya ang edukasyon nito sa Amerika dahil lang hindi niya alam kung mapapatawad niya ito o hindi? Hindi siya ganoon kalupit.
“Mark, puwede ba kitang makausap?”
“Sure.” Tumango ito.
Nagpunta sila sa likod-bahay. Parang may bakanteng space sa puso ni Maristel. Kasabay niyon, malinaw ang kanyang isip, ang pinakamalinaw na naging estado niyon mula nang maghiwalay sila.
“Mark, alam kong gusto mong mabuo uli ang pamilya natin, pero sa ngayon, sa palagay ko walang pag-asa.”
“Did I ruin it completely?”
Bumuntong-hininga siya. “Hindi ko alam. Pero ang alam ko, may nagugustuhan na akong iba.”
Halatang nabigla si Mark. Namutla ang mukha nito, tumaas-baba ang Adam’s apple. “W-what?”
“Narinig mo ang sinabi ko.”
“You’re only saying that to hurt me.”
“Hindi ko kailangang mag-imbento kung `yan ang gusto kong gawin. May… may nakilala ako.”
“Saan? Do you even know this man?”
“Oo. Kaklase ko noong high school. May reunion kami noong nakaraang linggo.” Hindi alam ni Maristel na magaling pala siyang tumahi ng kuwento base sa totoong mga pangyayari. Inimbitahan siya ng isang kaklase noong high school sa reunion noong nakaraang linggo, pero hindi siya pumunta.
“I don’t believe it.”
“Wala akong magagawa kung ayaw mong maniwala.”
“You just can’t throw what we have away.”
“Hindi ako ang nagtapon.”
“I didn’t throw it away. I made a mistake. I’m sorry.”
“Tinatanggap ko naman ang sorry mo, pero ibang usapan kung maibabalik pa ang noon. Wala nang babalikan. Gusto ko si Francis.” Sana hindi hanapin ni Mark sa kanya ang lalaki dahil ang kaklase niyang si Francis na crush niya noong first year high school, matagal nang nasa ibang bansa. “Lumalabas-labas kami.”
“It’s not too late—”
“May nangyari na sa amin.”
Nagsalit-salit ang reaksiyon sa mukha ni Mark, hanggang sa sabihin nito, “It wasn’t me who ruined this relationship. It was you. I may have started to create cracks in it, but you sent it crashing down, breaking it into a million pieces.”
“Sira na nang makilala ko si Francis.”
Hindi ito umimik at pinagmasdan si Maristel. Sa huli, parang nagdidisgustong tumalikod na ito nang walang salita. Sumunod siya sa sala. Hinalikan ni Mark ang mga anak, niyakap nang mahigpit. Sa sandaling iyon, gustong sabihin ni Maristel na nagsisinungaling lang siya, pero hindi niya matagpuan ang boses.
Tumingin uli sa kanya si Mark. Basa ang mga mata nito. Wala na itong sinabing kahit na ano at umalis na.
“Saan punta Papa, Mama?” tanong ni Kate.
“Sa Amerika.”
“Sama ako, Mama.”
“Hindi, anak. Lilipad ang papa mo. At hahayaan natin siyang lumipad nang mataas.”
“ANO PO ito?” nagtatakang tanong ni Maristel sa ina nang abutan siya ng isang sobre. Pera ang laman niyon.
“Naibenta ng Tiyong Fides mo ang kalahati ng lupain nila doon kaya may para sa `yo.”
Nabigla siya. Wala na siyang kahit na anong inaasahan sa ina. Wala na siyang kahit na anong inaasahan sa kahit na sino. Naisip niya noon pa na kapag umasa siya, siya rin naman ang madi-disappoint. Ilang ulit na ba siyang umasa sa iba at siya rin ang nasaktan?
“Bakit po?” tanong niya.
“Kailangan ninyong mag-iina.” Naupo ito sa kanyang tabi. “Gusto ko rin sanang ibenta itong bahay. Nakausap ko na ang kuya mo.”
Lumabas din ang totoo. Binilang niya ang laman ng sobre. Treinta mil. Treinta mil kapalit ng pagpapaalis sa kanilang mag-iina sa bahay, sa panahon kung kailan kailangan nila ng matutuluyan dahil parang hindi na magsusustento pa si Mark.
Nasa Amerika na ang lalaki. Bago umalis, binigyan siya nito ng pera. Ipinadala lang iyon sa driver. Ngayon, tatlong buwan na, hindi pa nasundan ang sustento. Hindi niya alam kung may darating pa. Tinitipid niyang mabuti ang pera at lalong pinagsisikapang kumita sa kanyang karinderya.
“Nandito po ang kabuhayan ko,” sabi ni Maristel.
“Puwede ka namang magtayo ng puwesto sa labas.”
“Pero saan po kami titira kung ibebenta itong bahay?”
“Puwede namang palagyan ng extension iyong naitayong bahay ng kuya mo. Ang usapan naman namin, mag-aambag kami pareho sa makukuhang pera para magkaroon kayo ng titirhan ng mga bata. Si Guada naman, hindi magiging problema dahil luluwas na rin ng Maynila.”
Kung noon siguro, napaiyak na si Maristel. Pero parang namanhid na ang kanyang puso. Ano pa ba ang aasahan niya sa ina? Ni hindi sumagi sa isip nitong ang babata pa ng mga apo. Hindi niya alam kung ano ang gagawin.
“May buyer na po ba?”
“Maraming umaawit dito noon pa. Nakausap ko noong isang araw iyong isa. Nagmamadali ngang magbayad.”
“So pansamantala, saan po kami titira?”
“Palilipatin ng kuya mo si Bot-bot habang ginagawa ang titirahan ninyong mag-iina.”
Lumubog ang puso ni Maristel. Ni walang kisame ang kuwarto ni Bot-bot. Sakitin ang panganay niya. Napakainit doon at napakaliit. Huwag pang sabihing sa tingin pa lang, mukhang pagkadumi-dumi na ng loob. Baka isang oras pa lang ni Kate doon, hindi na makahinga dahil sa pag-atake ng hika.
“Bukas po kailangan na naming umalis agad?”
“Hindi naman. Hindi pa naman magkakabayaran agad. Isang buwan sigurong tatakbo ang usapan bago magkabayaran.”
Tumango na lang si Maristel. May isang buwan siya para ayusin ang buhay na biglang nagulo at wala siyang magagawa.
Kinabukasan din naghanap siya ng ibang paupahang bahay sa kanila. Noon siya nakatanggap ng tawag mula sa biyenang hilaw.
“Maristel, I have the children’s allowance here. But I have a condition. Gusto ko sanang lumipat kayo ng mga bata malapit dito sa bahay para accessible kapag emergency. Hikain si Kate at ayokong malayo kayo sa ospital.”
Gusto niyang tumanggi, gustong sabihing ayaw niya. Pero naalala niya ang halaga ng unang bigay ni Mark at kailangang-kailangan niya talaga para sa mga bata. “Sige po. Hahanap po ako ng matutuluyan na malapit-lapit sa inyo.”
“Very well.”
Lumuwas sa Maynila si Maristel at iniwan ang mga bata kay Tiyang Lita. Tumuloy siya sa dating tinuluyan ni Mark, ang bahay ng kanyang ina roon. Marumi ang bahay, pero may mga bakas pa ni Mark—tulad ng ilang mga gamit at ilang mga damit na malinis na nakasalansan sa isang bahagi.
Napahagulhol siya bigla. Mula nang umalis si Mark, hindi na uli tumawag.
Dinala niya ang mga damit sa kuwartong tinulugan nito noon. Nandoon din ang isang maliit na radyo. Ni wala itong TV. Ilang taon itong nagtiyaga sa radyo lang. Maraming mga libro na alam niyang si Mark din ang may-ari, lahat halos may pricetag na may tatak na “Booksale.”
Kumuha ng isang libro si Maristel at binuklat, para makita ang isang nakatuping papel sa loob. Binuksan niya iyon at nabigla nang makitang sulat pala nito iyon. Malinaw ang sulat-kamay ni Mark, hindi kasimpino ng sa babae pero malinis at aral.
Kung alam mo lang, Maristel, na miss na miss na kita. Ang dami kong naiisip ngayong umaga, kahit medyo pagod. Kauuwi ko lang galing sa trabaho. Gusto ko ng tuyo, pero tinatamad akong magluto. Miss ko na rin ang luto mo.
Naiisip ko, maganda siguro kung kapag four years old na si Kate, maipasok natin siya yearly sa summer school o workshop. Pag-iipunan ko `yon. Kahit paano, hindi na kasimbigat ng noon ang gastusin. Kahit paano, nagpa-pass na ang problema sa atin. May itinatabi ako para sa future. Hindi ko lang alam kung hindi mahuhugot kapag kailangan.
I get very frustrated every once in a while. Ang layo sa akin ng mag-iina ko. My level of respect for overseas workers just climbed up an even higher notch in the scale. I don’t know how long I can do this, live too far away from you and the kids. Kung minsan parang mababaliw na ako sa lungkot dito. Araw-araw akong excited para sa dalawang araw lang na makakasama ko kayo twice a month. It’s not fair. It’s too harsh a punishment for someone with the only intention of providing for his family.
But this is life, Maristel. At kahit maulit pa ang lahat, ikaw at ikaw pa rin ang pipiliin ko. Mahal na mahal kita.
Napaiyak na naman siya. Inisa-isa niya ang mga libro at nakita ang napakaraming sulat at notes. May maiiksi, may ilang mahahaba. May mga isinulat nang paspasan, parang reminder lang, at may halatang nakatulugan at hindi na naituloy tapusin. Sa kung saan-saang papel nakasulat ang mga iyon. Mula yellow pad hanggang sa label ng de-lata.
“Mark…” naibulong niya, umiiyak pa rin. May petsa ang mga sulat at ang huli ang nakapagpahagulhol sa kanya nang husto.
Maristel, magagalit ka sa akin. Magagalit ka nang todo. May kasalanan ako sa `yo. Si Faith. Matagal ko na siyang kasama sa trabaho, pero nitong huli, naging close kami. Mula noong nakita ko sila ng mga anak niya sa mall. Halos kasing-edad ni Kate ang bunso niya. Nagkausap kami. Walang malisya sa akin. Kuwentuhang magulang. Pero iba ang naramdaman niya. Sinabi niya sa akin noong minsang magkakasama kaming team sa night out. Nailang ako sa kanya pagkatapos n’on, pero parang okay naman sa kanya, parang bale-wala. Sinabi kong walang ibig sabihin sa akin. Sa isip-isip ko, wala siyang binatbat sa misis ko.
Pero habang tumatagal, parang hinahanap ko rin ang kuwentuhan namin. Noong minsan, natakot ako dahil habang kumakain ako ng hapunan naisip kong mas masaya siguro kung kasama ko siya para may makakuwentuhan man lang. Ang hirap mag-isa dito. Walang kasama, walang kausap.
Hindi ko na lang pinansin ang naisip ko. Normal lang siguro. Iniwasan ko siya, at sinabi ko rin na huwag nang magpunta dito. Twice na siyang nagpunta dito, eh. Tuwing may problema siya noong kinakasama niyang nasa Greece, dito nagpupunta. Wala rin kasing ibang kamag-anak dito, nasa probinsiya lahat.
Kauuwi ko lang galing Zambales. Maristel, magagalit ka sa akin, alam ko. Kinakabahan ako, natatakot, pero alam kong kailangan kong sabihin sa `yo. Hindi magiging fair kung hindi. Maristel, muntik nang may nangyari sa amin. Lasing ako, lasing din siya. It will never be an excuse. Binabangungot ako nang gising kapag naaalala ko na muntik nang natuloy. I’m just grateful I remembered you at that time. Iyong boses mo, parang nag-echo sa tainga ko. Kahit pabiro, iyong ilang ulit mong habilin noon na `wag na `wag akong magkakamali.
I am so ashamed of myself. Maristel, kinakabahan ako. Sana magawa mo akong patawarin. Mahal na mahal pa rin kita. Ikaw at ikaw pa rin ang pipiliin ko, dito, sa ibang buhay, sa kabilang buhay, sa lahat. Ikaw at ikaw lang.
Lalong lumakas ang hagulhol ni Maristel. Parang blade sa puso niya ang bawat salita. Pero wala na si Mark. Itinaboy na niya. Naging matigas ang kanyang puso, sa kabila ng lahat. Nahirapan siyang tanggapin ang lahat, lumabas ang insecurities niyang matagal nang pinaglalabanan. Huli na ba?
Bigla niyang kinuha ang phone at tinawagan ang lalaki. Overseas call, salamat at may load ang phone niya. Babae ang sumagot ng phone, halatang nagising lang sa tawag base sa boses.
“Who is this?” Mukhang Amerikana ang babae.
“Good morning. May I speak with Mark please?”
“He’s sleeping. Who is this? Are you his relative?”
“N-no. And you?”
“His girlfriend. What’s your name?”
Tinapos na ni Maristel ang tawag nang hindi sumasagot. Inakala niyang kokontakin siya ni Mark, pero hindi iyon dumating...