18
Present
I NAAYOS ni Maristel ang mga gamit sa nilipatang bahay. Malaki ang pagkakaiba niyon sa mga bahay na natirhan niya buong buhay. Maalwan, presko, maganda. Inisip niyang baka masanay doon, naisip niya. Pero dahil sa sinabi ni Mark na hindi sila basta paaalisin doon, nakampante siya kahit paano. Isa pa, kailan ba siya natakot sa hirap? O ang mas magandang tanong, kailan ba naging madali ang kanyang buhay?
Nagsimula siyang iayos sa shelf ang mga libro, kabilang ang isang yearbook. Kakukuha din lang niya niyon. College yearbook. Ang sarap sa pakiramdam na makita iyon. Kung ang ibang tao halos walang pakialam sa mga souvenir ng pag-aaral, siya naman may pagmamalaki tuwing makikita iyon. Simbolo iyon ng kanyang pagsisikap.
Nang umalis sila ng Tarlac na mag-iina at lumipat sa Maynila, saka niya natuklasan na hindi na pala katulad ng noon ang allowance na matatanggap nilang mag-iina. Mabilis dumating sa kanya ang realisasyon na baka dumating ang araw na siya na lang ang bubuhay sa mga anak at hindi niya kayang buhayin ang mga bata nang wala siyang siguradong trabaho. Nag-enroll siya sa isang public school kasabay ng paghahanap-buhay. Kumuha siya ng mag-aalaga sa mga bata.
Kulang kay Maristel ang beinte-kuwatro oras noong mga panahong iyon. Lahat ng puwedeng pagkakitaan, pinapasok niya. Hindi rin siya nakapag-full load dahil na rin mas mahalaga pa rin ang kumita. Noong mga panahong iyon, hindi pa malaki masyado ang gastos dahil hindi pa nag-aaral ang mga bata. Kahit paano, nakakapagtabi siya na nagamit niya sa pagpapatuloy ng pag-aaral. May pera din mula sa kuwarto nila sa probinsiya na pinaupahan ni Kuya Arnel bilang tulong sa kanila.
Nang magsimulang mag-aral ang mga bata, nahirapan siya at sa huli nga, lumipat na sila ng mas maliit na bahay. Noon, kahit alam ni Maristel na hindi makakaganda sa mga bata na kahit weekends hindi niya halos nakakasama ang mga ito ay wala siyang choice. Kahit pa nga kapag kaya ay isinasama niya ang isa sa mga anak sa pagtatrabaho. Namamakyaw siya noon ng mga pahulugang gamit sa Divisoria at pinapautang sa mga kapitbahay. Nagpapautang din siya ng bigas at tocino na siya mismo ang gumawa. Pati pagma-manicure, pedicure, at paggugupit, pinatulan niya. Nang makuha ang makina ng ina, nanahi siya ng mga basahan, kurtina, punda, at iba pa. Hindi siya puwedeng mabakante.
Ang bahay ng kanyang ina sa Maynila ay naibenta na rin nito. Kahit kailan, hindi niya naisipang doon tumira dahil malayo sa bahay ng ina ni Mark. Kahit paano, kampante naman siya sa sistemang malapit sila rito at madaling matatawagan sakaling may emergency. Kahit pa nga sa makailang pagpapaospital ni Kate dahil sa pagsumpong ng hika, hindi niya tinawagan ang matanda.
Ngayon, habang pinagmamasdan ang nilipatang bahay, aminado siyang gumaan ang pakiramdam kahit paano. Malaking kabawasan sa bigat na dala niya ang monthly bills. Hindi na niya kailangan pang mag-sideline nang todo at makakasama niya ang mga anak. Iyon ang matagal na niyang gustong mangyari, ang magkaroon ng mas mahabang oras para sa mga bata.
“Mama!” sabi ni Kiko na pumasok sa silid.
“O, masayang-masaya ka?”
Kulang na lang ay lumundag ito. Hinawakan ang kanyang kamay at hinila siya palabas. “May sorpresa si Papa sa `yo po!”
Nagtatakang sumama siya pababa ng bahay. Tumuloy sila sa labas ng bahay at nakita niya roon si Mark, sa likod ng isang bagong-bagong kotse. Nakasakay sa kotse si Kate. “Mama, try mo na!”
“Ano…?” Napatingin si Maristel kay Mark.
“It’s yours. Happy birthday.”
“Ano?” Nalilito pa rin si Maristel. Sa susunod na linggo pa ang birthday niya at kahit pa, bakit siya reregaluhan ni Mark ng sasakyan?
“It’s yours. Dati tinuruan kitang mag-drive. May lisensiya ka, `di ba?”
Napatango siya. May lisensiya siya dahil kailangan niya ng ID. Matagal na siyang hindi nagda-drive, pero marunong nga siya. Bata pa lang, tinuruan na rin siya ng kanyang ama at noon sa Tarlac, tinuruan din siya ni Mark kahit marunong na siya. Refresher course daw.
“Bakit mo ako bibigyan ng kotse?” tanong niya.
“Just so you can go wherever you want. Mahirap din kasing makakuha ng masasakyan papasok dito sa subdivision.”
“Pero hindi ko naman kailangan. Sanay ako. May mga pumapasada naman sa labas.”
“I insist.”
Lumapit si Maristel sa kotse. Naisip niyang baka pahiram sa kanya. Pero nakita niya ang mga dokumento at sa kanya nakapangalan iyon. “H-hindi ko ito matatanggap.”
“I don’t understand. You need a car. Paano kung may emergency sa gabi?”
Ano pa ang masasabi niya roon? Tama naman si Mark. Tumango na lang siya. “Pero puwede na siguro kahit pahiramin mo na lang ako ng kotse na on stand by diyan sa garahe—”
“I insist.”
Hindi alam ni Maristel kung ano ang sasabihin. Hinila na siya ni Kiko papasok sa sasakyan. Napilitan siyang sumakay doon. Malaki ang driveway at doon niya minaneho ang sasakyan. Hindi pa rin niya nakakalimutan kung paano magmaneho. Ang sabi ni Mark, kailangan niyang magsanay uli at pasasamahan daw siya sa driver ng pamilya. Isang bagay na hindi tinanggihan ni Maristel dahil kailangan din niyang magsanay sa pagmamaneho sa Maynila bago isakay sa kotse ang mga anak.
Mayamaya, ipinarada na niya iyon at pinapasok sa bahay ang mga bata. Merienda na. Kanina pa naglalaro ang mga ito. Hula niya, sa unang buwan nila sa bahay, papayat ang magkapatid sa kakalaro. Si Kate ang inaalala ni Maristel, pero malaki ang kanyang hinala na magiging mas maganda ang kalusugan nito. Kung may isa siyang ipu-push, iyon ay ang immunotheraphy ng panganay.
“Kate, hindi puwede ang babad sa laro, ha?” sabi niya habang kumakain sila. Nagluto siya ng simpleng pancit at puto. Naghain na ang maid. Tatlo ang kasambahay, na sa palagay niya, sobra at hindi naman kailangan. Pero ano ang kanyang magagawa kung sa ganoong mga bagay, si Mark ang may karapatang magdesisyon? Ayaw daw nitong hindi masyadong malinis ang bahay at maraming kailangang i-maintain. Aminado siyang sa ganoon kalaking bahay, hindi uubra ang kasambahay niya na ang mga bata naman talaga ang mas inaasikaso.
“Hindi, `Ma. Kaunti lang,” sabi ni Kate.
“Good. Mark, gusto ko sanang simulan ni Kate ang immunotherapy.”
“Of course. I don’t understand why you didn’t ask before. I was asking Mama why the kids don’t have health cards. It’s insane. I apologize for that. Their cards will arrive soon.”
Para siyang nabunutan ng tinik. “Salamat.”
“You should have told me before. I apologize. I didn’t know Mama didn’t give them that. I told her before.”
Tumango na lang si Maristel. Malaki ang hinala niyang wala namang totoong concern sa mga apo ang mama ni Mark. O kung mayroon man, gusto ng matanda na dadaan dito ang lahat. Ayaw niyang may ganoon kalaking control ang matanda sa buhay nilang mag-iina. Hindi lalaking katulad ni Mark ang kanyang mga anak. Magkakaroon ang mga ito ng kalayaang gawin ang gusto, iyon ang pangako ni Maristel noon pa man.
“Do you have plans for today?” tanong ni Mark.
Bigla, gusto niyang matawa. Wala siyang plano. Kung hindi sila lumipat, malamang na nananahi siya ng punda, pero nagdesisyon siyang ipagpaliban muna iyon. “Wala akong gagawin ngayong araw.”
“Yay!” halos sabay na sabi nina Kate at Kiko.
“Talaga, `Ma? Hindi ka pupuntang Divisoria? Hindi ka mananahi? Hindi ka gagawang tocino?” sunod-sunod na tanong ni Kate, nanlalaki pa ang mga mata.
“Hindi.” Natawa rin si Maristel.
Nang mapatingin kay Mark, napansin niyang nakakunot ang noo nito. “Why did you have to do all that?”
May iba pa bang dahilan kundi para kumita? gustong sabihin ni Maristel, pero pinigil niya ang sarili. Hindi sa harap ng mga bata. Nagdesisyon din siyang maging alerto sa mga sinasabi sa harap ng mga anak. Ang problema nila ni Mark, dapat na manatiling sa kanila lang. Hanggang maaari, ayaw niyang maramdaman iyon ng mga bata kahit katiting lang.
“Mama, gusto kong hapunan chicken,” sabi ni Kiko. “Puwede?”
“Of course.” Si Mark ang sumagot.
Tumango na lang si Maristel sa anak. Sa isang banda, masaya siyang hindi na niya kailangang mag-imbento ng kuwento sa mga anak kung bakit masama ang manok kapag madalas kainin, o kaya ang hotdog—kahit pa ang “madalas” ay twice a month. Istrikto siya sa budget dahil kailangan at gusto rin niyang masanay ang mga bata na kumain ng isda at gulay.
“Ikaw, Kate, ano ang gusto mong hapunan?” tanong ni Mark. “Ang bilis-bilis mong tumangkad, anak.”
“Kasi po mahilig ako sa vegetables, Papa. Ang sabi ni Mama, kailangan kaming kumain ng vegetables.”
“Ano’ng paborito mong vegetables?” nakangiting tanong ni Mark.
“Lahat po. Mama, gusto ko pong kangkong mamaya.”
“Sige, anak.” Ngumiti si Maristel sa panganay. Walang problema kahit ano pa ang kainin ng mga ito. Hindi niya aalisin sa diet ng mga bata ang isda at gulay, pero magpapasok siya ng mga masasarap na pagkain ngayong magkakaroon na siguro sila ng malaking budget para doon.
Maghapon na naglalaro ang mag-aama, habang si Maristel ay dumistansiya muna. May pader pa rin sa pagitan nila ni Mark at hindi niya alam kung matitibag pa iyon, lalo na at babalik na sa Amerika ang lalaki sa isang linggo. Siguro, magtatagal uli ito roon nang ilang buwan o baka taon.
Alas-singko, nagluto na siya ng hapunan. Fried chicken para kay Kiko, adobong kangkong para kay Kate, at pangat na isda para sa kanya .
Huu, para sa `yo ang pinangat na ayungin? O hindi mo malimutan na paborito `yan ni Mark kaya kanina sa palengke, halos pakyawin mo ang isda?
Napabuntong-hininga siya. Bakit nga ba gusto niyang ipatikim uli iyon kay Mark? Ano ba ang malay niya kung gusto pa rin nito ng ganoon? Siyempre, nagbabago rin ang taste ng tao. Umaasa ba siyang maaalala nito ang nakaraan?
Gustong mainis ni Maristel sa sarili na imbes na pakawalan ang mga alaala biglang gusto niya iyong panghawakan. Kahit pa nga ilang taon silang binale-wala ni Mark.
Naisip niya noon, handa siyang sumubok uli. Kaya nga niya tinawagan si Mark. Spur of the moment siguro. Dahil hindi rin niya gugustuhing itigil na naman nito ang pagtupad sa pangarap para sa kanya. Ang gusto lang siguro niya, malaman nitong wala nang bigat sa kanyang loob at nagsinungaling siya nang sabihing mayroon siyang iba. Pero nawalan din siya ng lakas ng loob nang hindi na tumawag ang lalaki, kahit pa nga alam naman nito ang number niya. Una, may girlfriend na rin si Mark. Naalala rin niya na sumuko ito, napagod. Siguro, mas nanaig ang sitwasyon sa Amerika na maalwan at may bagong girlfriend. Bakit ito babalik sa kanya at sa miserable niyang buhay na hindi naman nagbago? Iyon lang, hindi niya inasahan na hindi ito magiging galante sa pagbibigay ng sustento. Tama lang naman. Hati sila sa gastos. Pero naisip lang ni Maristel na maano ba kung sana dagdagan nito. Hanggang dumating na lang siya sa punto na naisip niyang ganoon talaga ang buhay. Ilang mga ina ba ang nagrereklamo sa maliit na padala ng ama sa anak at ilang ama na rin ang nagsabing dapat hati ang mga ito sa gastos?
Kaya nagtataka ngayon si Maristel kung bakit parang biglang ang daming gustong ibigay ni Mark sa kanila. Noon lang ba na-realize ng lalaki na ordinaryong buhay lang ang kayang ibigay ng sustentong ibinibigay nito? Alam naman nitong hindi siya mayaman? Kung siya lang ang masusunod, siyempre gusto niyang mabigyan ng mas marangya-rangyang buhay ang mga anak, pero dahil wala, ang sinusubukan na lang niyang gawin ay huwag ipahalata sa mga bata na mahirap ang buhay nila. Salamat pa rin sa mga bigay ng mama ni Mark, kahit paano, napapakinabangan iyon ng mga bata. Kahit kailan, hindi nagkulang ang mga ito sa gamit sa eskuwela.
Nang sumapit ang hapunan, magkakasalo sila sa hapag. Maganang kumain ang mga bata hanggang sa magtanong si Kiko, “Mama, puwede pong kumuha pa ng chicken?”
“Oo, anak.” Si Maristel na ang naglagay ng isa pang hita ng manok sa pinggan nito. Bihira silang mag-ulam ng marami. Kapag manok, kadalasang ang isang buo, good for two meals na dahil may kasama namang ibang ulam na pandagdag ng nutrisyon—gisadong gulay o itlog, kung minsan ay sinigang na maraming gulay kahit tuyo ang “karne”.
“Mama, puwede din ako?” tanong ni Kate.
Tumango siya. Napatingin siya kay Mark nang kumalansing ang kubyertos nito na nabitiwan pala. Bakas sa mukha ng lalaki ang pagkabigla. Wala itong kahit na anong sinabi at mukhang hindi nagustuhan ang luto niya dahil hindi nito halos nagalaw. Baka nga nag-iba na ng taste si Mark. Dati, sarap na sarap ito sa simpleng putaheng inihahanda niya, pero ngayon, hindi na halos magalaw.
Nang matapos ang hapunan, pinagpunas na niya ang mga bata at sinabihang matulog na. Lumabas siya ng silid ng mga ito at naabutan niya sa kusina si Mark. Nakapuwesto sa counter at umiinom ng beer.
Hindi ito lumingon sa kanya nang magtanong, “I’m just very curious to know why my children would ask you if they can have more food.”
Parang gustong mapahiya ni Maristel, pero agad ding nakadama ng inis. “Simple ang buhay namin. Hindi kami maluho, kahit sa pagkain.”
“Hindi maluho o hindi na halos kumakain?” Nabahiran ng galit ang boses ni Mark. “They were asking if they can have more food like it would matter greatly if they ate a little bit more, for God’s sake!”
“Ulam ang itinanong nila, hindi pagkain. Hindi kami nauubusan ng pagkain, kahit hindi sa lahat ng oras masarap ang ulam. `Wag kang umasta na parang pinagkaitan ko ang mga bata. Hindi ko gusto ang tono mo.”
“At hindi ko gusto na kapirasong manok, nagtatanong ang anak ko kung puwede pa siyang kumain!”
“Hindi kami nabuhay na sagana, ano ang inaasahan mo?”
“Where the hell did you really take all the money?”
“Upa ng bahay, monthly bills, service ng mga bata, baon… Gusto mo ng listahan?” Nilagpasan ni Maristel si Mark at tumuloy sa ref para kumuha ng tubig.
“I gave you money. May allowance kayo buwan-buwan. May gamit ang mga bata. Ang gastos sa eskuwelahan, sagot ko din. Bakit nagkaganito?”
“Sampung libo buwan-buwan ang ipinapadala mo, labas ang matrikula ng mga bata at gamit.”
“I don’t understand.”
“Ano ang hindi mo maintindihan? Na ang sampung libo mo, hindi isang milyon? Hindi ako mayaman para pagkasyahin ang suweldo ko at kita sa sideline para sa ibang mga pangangailangan. Halos pambayad lang ng renta ang allowance na sinasabi mo. Kaya kami lumipat ng bahay. `Wag mong isumbat ang bigay mo. Salamat sa suporta, pero `wag mo sanang isiping kayang magbuhay-prinsipe at prinsesa ng mga bata dahil nakilala mo akong ganito lang ang kayang ibigay. Hindi ako nagkulang. Hindi nagutom ang mga anak mo. Kung tinuruan ko silang bumagay sa budget ng nanay nila, wala akong nakikitang masama.”
“You’re lying.”
“Saan? At bakit ako magsisinungaling?”
“I gave you more than that. So much more than that.”
“Walang nakarating sa akin.”
“Bullshit. I bet you spent everything on other people. Ganoon ang buhay natin sa probinsiya noon, siguro hanggang ngayon.”
“Nasa Tacloban na si Tiyang. Nag-abroad ang asawa ni Kuya. Nag-abroad ang asawa ni Guada. Mas maalwan silang lahat kaysa sa akin. At kahit hindi pa, hindi ko isasakripisyo ang pangangailangan ng mga anak ko para sa kanila. Bago ka magsalita, magtanong ka muna.”
Iniwan na ni Maristel sa kusina si Mark, tumuloy sa kanyang silid, humihingal sa tindi ng tensiyon. Gusto niyang mapaiyak, pero walang luhang dumating.