12
N AGHIHILIK si Mark sa kama at noon lang nakita ni Maristel na humihilik ang lalaki. Awang-awa siya. Magang-maga ang mga braso nito at naninikip ang dibdib kanina. Isinama ito ng bayaw ni Kuya Arnel na si Bot-bot sa isang raket na hindi sanay si Mark na gawin. Nag-overtime ang mga ito sa isang pagawaan ng T-shirt na napapanahon sa eleksiyon. Isang mabilisang trabaho na halos walang pahinga, pero malaki ang bayad. Dahil doon, hayun ngayon si Mark. Naisip ni Maristel na kung nakikita lang si Mark ng ina, malamang na mamura siya.
Hindi na siya nagtangka pang sawayin ang lalaki sa tigas ng ulo.Lagi niya itong pinagsasabihan sa lahat ng pagtatangka nitong magtrabaho ng todo. Pero kahit ano pa ang kanyang sabihin, gagawin at gagawin pa rin nito. Nagsawa na rin siya sa pagsasabing kahit anong oras gustong bumalik ni Mark sa ina, gawin nito at hindi sasama ang kanyang loob. Tinigilan niya ang pagsasabi niyon dahil parang ito ang sumasama ang loob sa tuwina.
Madalas, ang reklamo ng lalaki ay nasasaktan daw kapag naririnig na itinataboy niya. Kaya hindi na ipinilit pa ni Maristel. Alam niyang malinaw kay Mark na hindi niya gustong mahirapan ito kung para lang din sa kanya. Higit pa sa sapat ang mga ginawa nito para patunayang mahal siya. Ilang lalaki ba sa mundo ang kayang gawin ang sakripisyo ni Mark? Sa palagay niya nag-iisa ito, kung hindi man isa sa iilan.
Magsisinungaling siya kapag sinabi niyang nagkulang si Mark na patunayan ang pagmamahal. Alam niyang masuwerte siya. At iyon ding ang sinasabi ng mga tao dahil nakikita ng mga ito kung gaano kasipag si Mark. Totoo naman iyon.
Wala nang hahanapin pa si Maristel sa lalaki. Unti-unti, natututo na rin siyang tanggapin na magiging habang-buhay ang buhay na iyon na binubuo nilang magkasama. Natuto siyang ilagay sa isip na walang dito, walang kanya. Madalas nitong sabihin na “We’re in this together.”
Tama si Mark. Walang balak si Maristel na iwan ang lalaki, kahit pa nga totoo ang kanyang sinabi na hindi niya ito pipigilan sakaling magbago ang isip sa kanilang relasyon. Sino ba siya na walang kayang ialok kundi isang buhay na sa palagay niya ay hindi nito deserve?
Tumingin siya sa relo. Alas-singko nang madaling-araw.
Nakatulog na si Maristel kaninang alas-dos kahit wala pa si Mark sa kanyang tabi. Ibig sabihin, kauuwi-uwi lang nito ngayon at hindi na siya ginising. Naligo lang at tumabi na sa kanya dahil mamasa-masa pa ang buhok. Kaya siguro hindi siya ginising dahil alam na pagagalitan lang niya ito dahil walang takot sa pasma.
Marahan niyang hinalikan ang pisngi ni Mark at bumangon. Nabigla siya nang pumaikot sa kanya ang braso nitong halata ang pamamaga. Tatlong araw nang namamaga ang mga braso nito sa pagsi-silkscreen.
“Stay here with me,” bulong ng lalaki.
“Ah, naku, tumigil ka,” sabi niya. “Stay with you? Magpahinga ka kaya. Hindi `yang may sakit ka na, stay-stay ka pa diyan.”
“Hmm. Just a bit more,” reklamo nito.
Hindi na lang muna umalis si Maristel sa tabi ni Mark, tutal hindi naman madalas maglambing ang loko. Masarap sa pakiramdam na nasa tabi lang siya ng lalaki at nakasiksik. Kung minsan nahihiling niya na sana magkaroon sila ng sandaling walang ibang iniisip kundi ang isa’t isa. Walang nakabinbin na problema, walang mga kailangang asikasuhin. Tulad noon.
Isang buhay kung saan pareho silang kulubot na ay magkasama pa rin, iyon ang gusto niya para sa kanila. Naniniwala siyang dumating ang araw na iyon, nalagpasan na nila ang lahat ng problema ngayon. Kung tutuusin, wala namang problema sa pagitan nilang dalawa. Dala ng ibang tao ang mga problema—financial at ang mama ni Mark.
Sa panahong malagpasan nila ang lahat ng problema, malaking tanong kung nalagpasan kaya nila iyon nang sila lang o darating ba ang panahon na tatanggapin siya ng mama nito? Tinanggap na rin ni Maristel na malaki ang posibilidad na kahit kailan, hindi siya magagawang tanggapin ng mama ni Mark. Hindi naging mahirap para sa kanya na isipin ang isang buhay kung saan hindi kasama ang mama ni Mark dahil na rin sa sinabi ng lalaki na hindi nito bibigyan ng pagkakataon ang isang bagay na mali na maghari sa buhay nila. Sa isang banda, naiintindihan niya iyon. Ayaw rin niyang magkaroon ng relasyon sa isang tao na ayaw sa kanya. Ayaw niyang ipilit ang sarili. Hindi rin siguro kakayanin ni Maristel kung habang-buhay niyang ipipilit ang sarili sa mama ni Mark. Ginawa lang niya noon na makiusap dahil kay Mark. Siyempre, iba ang magulang. Alam niya iyon. Alam na alam niya iyon.
“Siya, matulog na,” sabi niya nang makitang nakangiti si Mark habang nakatingin sa kanya.
“Kiss me.”
Hinalikan ito ni Maristel sa pisngi. Nakita na naman niya ang pamamaga ng braso nito. Kahit hindi naman masyadong malaki, nababahala na siya. “Ayaw mo ba talagang magpatingin sa doktor?”
Umungol si Mark, halatang nagrereklamo. “So many questions. Too early. My brain hasn’t had any time to warm up yet. Stay with me. Just stay with me. Be here.”
Nanatili siya sa tabi nito. Parang mahihirapan din siya sakaling mawala sa piling niya si Mark. Iyon na ang kanilang buhay ngayon.
Pinagmasdan ni Maristel ang lalaki nang makatulog na. Guwapo pa rin ito at hindi siguro iyon kukupas kahit kailan. Mayamaya, maingat siyang tumayo at lumabas na ng silid.
Simula na ng araw niya. Nagluto na siya—spaghetti na ketchup at corned beef ang sauce, sopas, champorado, at pancit. Nagtabi siya ng para kay Mark, saka inayos ang mesa sa labas ng dating tindahan na wala nang laman ngayon maliban sa soft drinks at yelo. Unti-unti, gusto ni Maristel na punuin uli ang tindahan. Naubos ang laman niyon dahil sa laki ng gastos ng pamilya. Nakapagpa-enroll si Guada at ngayon, malapit na namang matapos ang sem. At least, may dalawang buwan sila para gumawa ng paraan na makaipon ng pampa-enroll nito sa susunod na taon. Isang taon na lang at kung pababayaan, mas sayang ang tatlong taong iginapang nito sa college. Malaking ginhawa kapag nakapagtapos si Guada. Nangako rin itong tutulungan siya kapag nakatapos na.
Walang madama si Maristel kay Mark kundi pagmamahal at pasasalamat nang ibenta nito ang relo na ipinangsimula ng isa sanang magandang negosyo, pero dahil kailangan ni Guada ng pampa-enroll, nawala na naman ang puhunan. Doon din nila kinuha ang pang-araw-araw na pangangailangan. Kaya hayun sila ngayon, pilit na pinagkakasya ang natirang pera sa pang-araw-araw na gastusin.
Alas-siyete ng umaga, nangangalahati na ang mga paninda niya. Marami ang nagre-request na magtinda rin siya ng ulam na puwedeng pambaon ng mga pumapasok sa pabrika. Kulang pa ang puhunan, pero susubukan niya. Pumasok siya sa loob ng bahay at inihanda ang gamot ni Mark. Ginising niya ito.
“O, gumising ka saglit. Inumin mo ang gamot.”
Umungol ito, saka bumangon nang bahagya at isinubo ang gamot at uminom ng tubig. Nakapikit na ngumiti ito at hinalikan ang kanyang pisngi, saka bumalik na sa pagtulog. Napapangiti si Maristel nang bumalik sa tindahan. Alas-diyes, hinuhugasan na niya ang mga kaldero. Kahit naubos ang paninda, hindi ganoon kalaki ang kita sa apat na kalderong pagkain, pero puwede na para makapagdagdag siya ng ulam bukas. Sapat na siguro ang kikitain niya sa mga susunod na araw para sa gastusin nila, pambaon ni Guada, at pambayad ng kuryente.
Mayamaya, nasa kusina na si Mark. Ngiting-ngiti.
“O, nakangiti ka pa? Namamaga pa nga ang braso mo,” umingos na sabi ni Maristel.
“Lumiit na.” Itinaas nito ang braso. Malaki ang ipinagbago ng katawan ni Mark mula nang tumira sa kanila. Kung noon may kaunti pang baby fats, ngayon maskulado na. Nakangiti pa rin ito nang kunin sa bulsa ang pera at ibigay sa kanya.
“Ano `to?” Inabot niya iyon at binilang. Limang libong piso. May humaplos na init sa kanyang puso. Mukhang tuwang-tuwa si Mark sa halagang iyon, samantalang dati, kumakain sila sa mamahaling restaurant at halos umabot na rin sa ganoong halaga ang binabayaran nito.
“Tatlong gabi lang, limang libo. Hindi na masama. Kaya `wag mong ipilit na mas bagay sa akin ang office job. Saang office job nagbibigay ng ganyan sa loob ng ilang araw lang?”
“Hindi ka rin bibigyan ng office job ng namamagang braso,” katwiran ni Maristel.
“Sus, ito? Wala `to. Kita mo, halos wala na. Ganito lang talaga. Hindi lang sanay. Mefenamic acid lang ang katapat. Nagkaroon pa ako ng muscle. O, ang ganda ng biceps ko. Lalo ka na namang mai-in love sa akin niyan.”
Bigla tuloy natawa si Maristel. Hinalikan siya ni Mark sa pisngi at pumuwesto na sa hapag. Parang pati ang pagkain nito nag-iba na, hindi na tulad noon na wika nga, “kaing mahinhin.” Ngayon, kaunti na lang parang si Kuya Arnel na kung umubos ng kanin. Palibhasa, napapasama si Mark sa mga kapatid ni Ate Dadang kaya ang mga nakukuhang trabaho, lamang sa pisikal.
“May tatrabahuhin kami. Pakyawan din. Kabilang kandidato naman.” Ngiting-ngiti si Mark na parang madaling gawin ang mag-silkscreen ng libong T-shirt at daang-libong poster. Marami raw at talagang sagaran ang trabaho dahil paspasan ang kontrata. Trabahong eleksiyon.
“Kaya mo pa ba?” tanong niya.
“Masyado mo akong minamaliit. Ako nga ang pinakamalaking pumakyaw doon, eh. Sina Bot-bot, naka-four thousand lang, ako five. Kaya nga gusto ako ni Mrs. Ting, eh. Mas malaki ang job order sa Lunes kaya mas mahaba-habang trabaho. Mas malaki ang kita, Maristel, kaya makakapagsimula uli tayo.”
Kung puwede lang umiyak, ginawa na siguro ni Maristel. Madalas niyang pinipigil ang sarili at iniisip na kailangan niyang masanay. Kailangang ihiwalay niya si Mark na nakilala noon sa Mark na kasama niya ngayon dahil dalawang magkaibang mundo ang ginalawan ng dalawang Mark na iyon. Kung tanggap ng lalaki ang ganoong klaseng buhay, bakit hindi niya tatanggapin. Isa pa, kung tuuusin, kung lumaki si Mark sa mundo ni Maristel, hindi siya makakaramdam ng awa rito. At siguro, awa rin ang huling gusto ni Mark na maramdaman niya para dito.
“Maganda,” sabi niya. “Bukas, magluluto ako ng ulam. Dalawa. Marami ding nagre-request sa akin ng ulam. Doon pa daw kasi sila bumibili sa Ilaya. Iyong mga magulang na nag-oopisina, bumibili na lang ng ulam para sa mga maiiwan sa bahay. Gusto nila ang luto ko.”
“Meron bang ayaw sa luto mo? Siyempre, masarap yata ang luto ng asawa ko.”
Napahagikgik na si Maristel. Siguro, marami ang magsasabing bata pa sila para sa ganoong buhay at totoo iyon. Hindi siguro sa probinsiya, pero sa siyudad, lalabas na may gatas pa sila sa labi at para silang nagbabahay-bahayan. Pero wala siyang sandaling pinagsisihan. Ang gusto lang ni Maristel, makalagpas na sila sa lahat ng iyon. Kung puwede lang na i-fast forward ang kanilang buhay, ginawa na niya. Gusto rin niyang makita kung saan sila dadalhin ng buhay, five o ten years from now.
“Ano’ng gusto mong hapunan?” tanong niya.
“Kakakain lang ng tanghalian, hapunan na agad? Talagang pinapataba mo ako,” sabi ni Mark.
“Huuu, alam ko namang kaing-piyon ka na rin ngayon.”
Ang lakas ng tawa nito. “Nag-aalala nga ako, baka lumaki rin ang tiyan ko. Tingnan mo si Kuya.” Inginuso nito ang kanyang kapatid na tanaw mula sa bintana at kasalukuyang naglilinis ng jeep.
“Kahit naman ano’ng size mo, pogi ka pa rin.”
“Naks naman!” Naglalambing si Mark, hinalikan sa pisngi si Maristel. “`Yan ang gusto ko sa asawa ko, eh, poging-pogi sa akin.”
“Uhm, baka mamaya lumaki naman ang ulo mo. Saka teka, iyang sina Bot-bot, alam ko kung ano ang karakas ng mga `yan. Pero tandaan mo, silang dalawa binata, ha? Sinasabi ko sa `yo.”
“Bakit, ako ba hindi binata?” tanong ni Mark, nanlalaki ang mga mata.
Napairap bigla si Maristel. “Tigil-tigilan mo ako sa mga joke mong ganyan, Mark, ha? Hindi ako natutuwa.”
Ang lakas ng tawa nito. “Huu, ang asawa ko naman, hindi na mabiro. Asawa nga kita, eh. Pakakasalan kita, `di ba? Umoo ka na. Pero sige, itatanong ko uli.” Inabot nito ang isang rubber band na nasa sabitan sa lababo. Nilapitan siya nito, inabot ang kanyang kamay.
Ngiting-ngiti ang loko at natawa na siya. Hindi iyon ang unang pagkakataon na ginawa nito iyon.
“Maristel, sunshine of my life, the one I want to grow old with, will you marry me?”
Umarte siyang parang na-shock kahit may dalawampung ulit na yatang nag-propose ang lalaki gamit ang kung ano-anong bagay bilang singsing, kahit iisa ang dialogue. Para siyang nanalo sa Miss Universe sa pagtutop ng bibig.
“OMG! Yes! Yes, I will marry you!”
“I’m a very lucky man indeed.”
Tatlong ulit na pinaikot-ikot ni Mark ang rubber band hanggang sa lumiit iyon, sapat ang sukat para kumasya sa daliri ni Maristel. “Woo-hoo!” sigaw ng lalaki, tumakbo paikot-ikot sa bahay nang nakataas ang mga kamay. “Magpapakasal na kami!” Dumungaw ito sa bintana. “Magpapakasal na kami, Kuya!”
Tumawa lang si Kuya Arnel. Sanay na ito. Sa may dalawampung ulit na proposal, halos lahat, nasaksihan nito.
“Para kang sira!” sabi ni Maristel, tawa nang tawa. “Ligawan mo muna ako.”
“Ligawan? Ang tagal nga kitang niligawan, eh.”
“Ligaw na ba `yon? Pa-pizza-pizza, ATC-ATC?”
“Aba, nagrereklamo ka na ngayon, samantalang dati, ayaw mo ng masyadong effort.”
“Hmp, hindi ka pa nga puwedeng magpakasal, propose ka nang propose.” Umirap siya. “May gatas ka pa sa labi.” Isang bagay na totoo. Kailangan pa nila ng consent ng magulang ni Mark. Ganoon din siya, pero wala na siyang magulang.
“Pakakasalan kita pagdating ng panahon,” seryosong sabi ni Mark.
“Paano kung bawiin ko?”
“Imposible.”
“At bakit?”
“Ikaw na mismo ang nagsabi, ang pogi-pogi ko kahit anong size pa ako. Meron ba namang babae na tatanggi sa akin? Ikaw din, sige ka. Ikaw na mismo ang nagsabi na maraming kilala sina Bot-bot—”
“Tumigil ka!” Dinutdot ito ni Maristel sa mga labi, pabiro. “Kapag may naging babae kang iba, alam mo kung saan kita puputulan.”
“Saan?”
“Alam mo na kung saan.”
“Saan nga?”
“Diyan.” Itinuro niya ang pagitan ng mga hita nito.
“Sige nga, hawakan mo nga.”
Napahalakhak si Maristel. “Ayoko nga. Baka magalit.”
“Kung talagang matapang ka, hawakan mo.”
Tawa siya nang tawa. “Baka kapag hinawakan ko `yan, bigla kang matulala. Kilalang-kilala kita, Mark. Kapag hinahawakan ko `yan, natatahimik ka.”
“Patunayan mo munang matapang ka. Puro threat ka naman.”
Hindi umatras sa hamon si Maristel. Hinawakan niya roon si Mark. Pero hindi nawala ang ngiti sa mukha nito kahit pa nga nagkaroon ng reaksiyon ang hawak-hawak niya.
“Ano, hanggang diyan na lang ba?” tukso nito. “Hindi `yan kalamay. Kung hawakan mo naman, parang may hawak kang kalamay. Dapat may gentle strokes,” pagmamaldito nito.
“Gentle strokes kahit parang kalamay? Kaya nga ganito ang hawak ko kasi parang kalamay,” biro niya kahit alam nila parehong hindi iyon totoo. May reaksiyon na ang pabida. Iyon lang, hindi pa todo.
“Tuma-timing lang `yan. Konting hagod pa daw.”
Napahalakhak si Maristel. “Bruho ka, Mark, hindi ka bagay magsalita tulad nina Bot-bot, ha? Ayoko. Ayoko. `Wag mo silang gayahin, ha?”
Natawa ito. “All right then, how do you want me to speak? Will it turn you on if I spoke this way? If I ask you to gently stroke it?”
“Alam mo, `wag mo akong masyadong Inglesin, natu-turn on ako, eh.”
“If my words turn you on, baby, I can speak all day. But I hope it doesn’t come to that because there are more interesting things we can do. I prefer to let our bodies talk instead. Will that be okay?”
Magkakasunod ang naging paglunok ni Maristel. Alam na alam talaga ni Mark kung paano siya tuksuhin.
“You were asking me earlier what I wanted for dinner. Why don’t you ask me what I want for dessert for lunch?”
“Ano?”
Hinalikan siya nito sa mga labi bilang sagot, saka siya hinila papunta sa kanilang silid. Naalala niyang namamaga pa ang mga braso nito.
“Naku, Mark, tumigil ka nga. Namamaga pa ang mga braso mo, eh.”
“Who told you I’m gonna use my arms?”
“Kahit na. Kailangan mong magpahinga. Baka mamaya magkalagnat ka pa. Sa isang araw na natin gawin ito.”
“No. You will be the cure to this. You have always been the cure.”
“Ang drama mo! Puwede bang gawin natin `yon nang hindi ka masyadong kumikilos? Ikaw pa?”
“Well, if you’re not very tired then maybe I’ll ask you to take control.”
Napangiti si Maristel, pero nabura iyon nang hinalikan siya ni Mark. Natukso siya sa ideya. Bakit hindi?
Mayamaya, naging abala na siya sa paghalik sa asawa. Nagsimula siya sa mga labi nito, pababa sa leeg at dibdib, at bumaba pa. Naging saksi ang silid sa isang mainit na pagsasanib ng mga katawan, tulad ng ilang ulit na niyong nasaksihan.