noveltoon logo noveltoon
Mark Cardinal (Cardinal Bastards Series 7)

Chapter 20

Ch. 21 / 26 Apr 09, 2022

20

N APATINGIN si Maristel sa kasambahay niyang si Jing na biglang tumawa. Ilang taon na rin niyang kasama ang babae. Tahimik lang ito, mabait, maaasahan, at mapagkakatiwalaan. Tinaasan na niya ang suweldo nito ngayong nakakaluwag-luwag na kahit paano.

“Ano’ng nangyari?” nagtataka niyang tanong.

“Ate, ngayon lang kita nakitang hindi mapakali. Kanina ka pa nakatitig sa makeup mo.” Tumawa na naman ito.

Nag-init ang mukha ni Maristel. Nagsasalansan ng mga damit sa aparador si Jing. Hindi niya napansin na kanina pa roon ang kasambahay at naaliw siguro sa pagtingin sa kanya. Ngayon, nagagawa na niyang hindi makihati ng trabaho rito at naging maalwan din ang trabaho nito sa tulong ng iba pang mga kasambahay. Hindi lang ito nakakatiis na hindi tumulong kung minsan kaya hayun, nagsasalansan pa rin ng mga damit.

“Tingnan mo na nga lang ang mga bata.”

“Naglalaro. Akin na, tutulungan kitang mag-makeup.”

“Marunong ka ba?” Bahagyang umirap si Maristel. Kahit nag-aral siyang maggupit at mag-manicure-pedi cure sa isang one-day seminar na libre, hindi kasama roon ang paglalagay ng makeup. Talagang gupit lang at paglilinis ng kuko.

“Oo, `no! Alam mo namang `yan lang ang bisyo ko.”

Totoo iyon. Dalaga si Jing, wala ring pamilya na sinusuportahan mula nang mapagtapos ang kapatid ng vocational course. Iyon siguro ang dahilan kung bakit hindi na rin ito naghanap ng ibang mapapasukan kahit pa nga matagal niyang hindi nataasan ang suweldo at nade-delay pa ng isa o dalawang linggo kung minsan. Para sa kanya, pamilya na si Jing. Kung magtutuloy-tuloy ang magandang estado nila, naisip niyang puwede siguro nitong ituloy ang pag-aaral.

“Para naman kasing magiging OA kung maglalagay pa ako nitong mascara.”

“Eh, bakit ka bumili?”

Napahiya si Maristel. Hindi lang mascara ang kanyang binili kundi foundation, lipstick, eyeliner, eye shadow, at pang-contour, kahit hindi naman niya alam kung paano iyon gamitin. Kagabi, nanood siya ng mga video tutorial at naisip na hindi naman pala mahirap. Pero nang subukan na niya, nagmukha naman siyang magsasagala. Paano, pahid siya nang pahid hanggang sa pumantay, pero parang kahit kailan, hindi naman yata papantay. Nakailang hilamos na rin siya.

“Natiyempuhan ko lang naman na sale.” Totoo rin iyon, sinuwerte lang siya dahil sale. Pero nagpunta naman talaga siya sa mall para bumili ng makeup. Five hundred lang ang budget niya na nauwi sa dalawang libo. Naiinis siya sa sarili na napagastos, pero nandoon na at sayang naman kung hindi magagamit.

“Ang cheap mo talaga, Ate,” natatawa pa ring sabi ni Jing. “Hindi ka man lang bumili ng mga Mac. Mayaman ka na, baka nakakalimutan mo.”

“Naku, tumigil ka nga. Nanghihinayang nga ako sa pera. Hindi naman natin alam kung hanggang kailan ito, eh.” Napabuntong-hininga siya.

“Feeling ko naman magiging okay na ang lahat. O, pikit.”

Sumunod si Maristel. Tumingin siya sa salamin nang matapos si Jing. “Ah, naku, para naman akong pupunta sa party.”

“Hindi ka lang sanay. Ganyan ang uso ngayon. Kahit sa mall lang pupunta.”

Hindi sigurado roon si Maristel. Kahit kailan talaga, hindi siya natutong mag-makeup. Kahit hindi siya mukhang magsasagala ngayon pero hindi siya komportable. Pakiramdam niya, kitang-kita iyon.

“Nakita ko sa YouTube, iyong natural look makeup ba?” sabi niya.

Tumawa na naman si Jing. “Si Ate, parang nagiging pabebe .”

Napahiya si Maristel. Paano ba niya ipapaliwanag na gusto niyang tumulad sa mga nakikitang babae na sosyal ang dating at naka-makeup? Kahapon nga, dumaan pa sa isip niya ang magpakulay ng buhok, kung hindi lang siya napahiya sa sarili. Hindi niya naman iyon gagawin para sa sarili, kundi gusto lang niyang ipakita kay Mark na hindi na siya tulad ng dati.

Naisip niyang mali, dahil bakit gugustuhin niyang makita siya nito sa ganoong paraan? Hindi naman siya ganoon. Hindi siya kahit kailan magiging sosyal. Bukod doon, ano pa ba ang pakialam niya sa magiging opinyon ni Mark sa kanya?

“May feelings ka pa kay Sir Mark, `no, Ate?” biglang sabi ni Jing.

Nag-init ang buong mukha ni Maristel. Ganoon talaga ka-honest sa kanya ang babae kung magsalita. “Ano ka ba? Wala, `no.”

“Ngayon ang uwi niya kaya naman nagpapaganda ka nang husto. ‘Muling ibalik ang kahapon’ ang drama mo.”

“Hindi , `no. Tumigil ka nga.” Napatingin siya sa pinto. “Baka mamaya marinig ka.”

“Nino?”

“Ng mga alaga mo! Hay naku, noong isang araw nga kinukulit ako ni Kate, wala naman akong maisagot.” Napahawak sa ulo si Maristel. Hindi pa nagtanong ang kanyang mga anak tungkol sa ama ng mga ito noon. Ngayon lang. Hindi alam ng dalawa kung bakit sila nagkahiwalay. Ni parang hindi nga alam ng mga ito na hiwalay na sila. Basta ang alam lang ng mga bata, nasa ibang bansa ang ama at doon nagtatrabaho. Hindi nagpakilala si Mark ng girlfriend sa dalawa at ang pakilala niya naman kay Christopher ay kaibigan, na totoo rin naman. Iyon lang, kung iba ang magtatanong, malamang na sabihin niyang manliligaw si Christopher. Iyon siguro ang isa sa mga dahilan kung bakit hindi rin siya makapagdesisyon, bukod sa wala siyang makapang romantic feelings para sa lalaki.

“Maghihilamos na ako. Parang hindi naman maganda na ganito kakapal ang makeup ko,” reklamo niya.

“Ang ganda mo nga, Ate. `Wag kang plastic, aminin mo na.”

Noon may kumatok sa pinto at sumilip ang isang kasambahay. May bisita raw, si Christopher. Bumaba siya at hinarap ang lalaki na mukhang nasiyahan sa ayos niya.

“Ang ganda mo lalo ngayon, Maristel.”

Natawa siya. “Ngayon ko lang sinubukan.”

“Bagay sa `yo.”

“Salamat. Napadalaw ka?”

“Matagal na rin tayong hindi nakakapamasyal. Baka lang `kako gusto mong lumabas kasama ang mga bata.”

“Naku, hindi ako puwede ngayon.” Minsan pa lang naman sila nakalabas na kasama ang mga bata. Ang ilang pagde-date nila, hindi masasabing date talaga dahil kadalasang magkasama lang sila sa kung saang mall para mamili. Dalawang ulit pang wala siyang intensiyong mag-grocery, pero nauwi rin doon. Mabait si Christopher. Kahit hindi ito ang priority ni Maristel, parang walang kaso rito. Ramdam din niya na totoo ang concern nito sa kanyang mga anak, hindi tulad ng ibang mga nagpapalipad-hangin na parang ang gusto lang ay “mapaligaya” siya sa kama, na parang iyon na ang pinakamahalagang bagay sa kanya por que wala na siyang kinakasama o asawa.

“May lakad ka ba?”

Nahiya siyang sabihing wala dahil naka-makeup siya. “Lalabas sana kami ng mga bata saglit, eh. Diyan lang sa grocery.”

“Sasamahan ko na kayo,” pagboboluntaryo ni Christopher.

Muntik nang mapangiwi si Maristel. Pasimple niyang tiningnan ang relo. Masyado pa namang maaga at mahabang oras pa ang hihintayin bago dumating si Mark. Nasa ere pa ito ngayon at mamaya pang alas-sais lalapag ang eroplanong sinakyan. Alas-dos pasado pa lang.

Nagpatulong siya kay Jing na bihisan ang mga bata at lumakad na nga sila kasama si Christopher.

Kahit may grocery pa sa bahay, napabili na rin siya ng ilang items. Gusto niyang umuwi agad, pero nagyaya si Kiko na kumain dahil gutom na raw ito. Minsan lang niya madala ang mga anak sa labas kaya kapag ganoong may budget, hirap siyang tumanggi.

May humaplos na kasiyahan sa kanya nang makita ang mga bata na excited kumain sa labas. Naisip niya ngayon na talagang malaki ang utang niya sa mga anak. Dadalas siguro ang paglabas-labas nila. Isa pa niyang pangarap ang mag-outing dahil wala pa halos napupuntahan ang mga bata.

“Hindi maselan sa pagkain ang mga anak mo,” komento ni Christopher.

“Oo. May alam ka bang malapit-lapit lang na beach? Gusto kong dalhin itong dalawa sa beach. Kung sana nasa Tarlac pa kami, may ilog naman doon. Hindi pa nakakapag-ilog itong dalawang ito, hindi tulad ko noong bata.”

Maraming nabanggit ang lalaki na mga beach resort na puwede nilang puntahan. Gusto na namang mapangiwi ni Maristel dahil hindi naman kasali sa plano si Christopher. Kung bakit ba kasi niya nabanggit, tuloy, nakakahiya naman ngayon na sabihing sila lang at hindi ito invited.

“Kung gusto mo, next weekend magpunta tayo sa Calatagan. Malapit-lapit lang `yon at maganda naman doon. White sand naman ang beach.”

“Beach, Mama?” sabi ni Kiko. “Dagat po?”

“Oo.” Nakangiting tumango si Christopher. “Gusto ninyong mag-beach?”

“Gusto po!” agad na sagot ng dalawang bata.

Pagtingin ni Maristel kay Kate, nakita niyang nakatingin din ito sa kanya, parang naghihintay na pumayag siya. Paano niya masisisi ang mga bata kung ang huling punta nila sa beach, matagal na panahon na at kahit pangit ang beach ay tuwang-tuwa ang magkapatid. Tulad ng ibang mga bata, mahilig sa tubig ang dalawa.

“Oo, sige. Sa susunod na Sabado, magbi-beach tayo,” sabi ni Maristel.

Halos hindi na agad mapakali sina Kate at Kiko. Hindi na maubos ang kuwento ni Kiko tungkol sa kaunting naaalala nito sa beach. Four years old ito nang huling makapag-beach, pero naaalala pa rin iyon. Noon lang din naging matigas ang ulo nito at ayaw umahon kahit gabi na at nanginginig na ang mga labi. Ganoon na lang din ang iyak ni Kiko nang umalis na sila sa beach na akala mo mawawalay sa magulang.

Nangako si Maristel sa sarili na marami pang mga ganoong out of town na magaganap sa mga susunod na araw. Kailangan niyang mag-ipon, pero ngayon, nakikita niyang kailangan din niyang alagaan ang bonding sa mga anak. Bihira silang magkaroon ng ganoon noon at ngayon siya lalong nakokonsiyensiya. Kulang na kulang ang oras niya sa mga ito, kahit pa nga sa iisang bahay sila nakatira. Hindi magiging luho ang mga ganoong paglabas-labas nila. Kailangan iyon.

Parang hindi mauubusan ng energy ang dalawang bata. Mayamaya, humiling si Kiko na bumili ng goggles at salbabida. Natawa tuloy si Maristel. “Sa susunod na anak. `Wag kang mag-alala, meron kang magagamit sa Sabado. Anong oras na, kailangan na nating umuwi.” Kailangan niyang mag-retouch siguro. Siyempre, kailangan din niyang isuot ang bagong bestida na binili.

Buwisit. Kapag nakita ni Jing na bumili rin ako ng bagong bestida, manunukso na naman ang isang `yon , sa isip-isip niya. Pero naisip niya kahapon na bumili rin ng damit para sa sarili. Parang hindi na kasi bagay sa bagong bahay nila ang mga damit niyang puro kupas. Kahit ang kanyang pambahay, parang hindi na bagay roon. Pero hindi pa sa ngayon at hindi pa niya kayang gumastos nang todo para sa mga ganoong damit. Bumili siya ng telang tatahiin at gagawing maxi dress. Tipid na, tamang-tama pa sa kanya ang sukat. Isa pa, kung bibili siya ng mga sobrang gagandang dress, wala naman siyang paggagamitan. Magmumukha naman siyang tanga kung nasa bahay lang, pang-party ang kanyang suot. Kung minsan lang, masarap isipin na para siyang iyong mga Cinderella sa pelikula, iyong mga nakita ng Prince Charming na kakaiba ang ayos at maiisip ng prinisipe na ang ganda pala niya.

Napailing na lang siya sa itinatakbo ng isip. Wala na siyang bilib sa mga ganoong klaseng pananaw sa buhay—na kailangan ng awakening ng isang tao para lang makita ang ganda ng isang babae, pero parang gusto pa rin niya kung involved si Mark. Pero Prince Charming? Kailan pa? Hindi ba at inisip niyang napakalaki ng pagkukulang nito at hindi na papasa pa sa kanyang standards?

Nahirapan si Maristel na patuloy na isipin ang mga pagkukulang ni Mark dahil naging palaisipan sa kanya ang sinabi nitong isang misunderstanding ang lahat, kasabay ng pagsasabi ng lalaki na hindi na uuwi sa ina. Ayaw niyang gumawa ng kuwento sa isip, pero pakiramdam niya, nagkaroon ng kung anong gulo dahil sa sustento. Hindi niya sigurado, pero base sa pagkakakilala niya kay Mark, mukhang tama iyon. Ang Mark nitong nakaraang ilang taon ay hindi tulad ng Mark na nakilala niya noon.

Pero hindi rin ang Mark na nakilala mo at minahal ang Mark na nagkaroon ng Faith, hindi ba? paalala niya sa sarili. Napabuntong-hininga na lang siya habang sakay ng kotse ni Christopher. Parang napahiya rin siya sa sarili. Kasama niya ang manliligaw pero ang ex ang laman ng kanyang isip. Ganda ko masyado , sa isip-isip niya.

Nang makabalik sa bahay, nagulat si Maristel nang maabutan na roon si Mark. Parang wala naman itong reaksiyon pagkakita kay Christopher. Ipinakilala niya sa isa’t isa ang dalawa. Inilahad ni Christopher ang kamay kay Mark, na agad namang tinanggap ni Mark. Nagpaalam na rin si Christopher. Napatingin si Maristel kay Mark.

“M-maaga ka yata?” Hindi man lang ako nakapag-retouch.

“Yes, I took an ealier flight.”

Nailang si Maristel dahil titig na titig sa kanya si Mark. Mabuti na lang at nagbida na agad si Kiko. Maaasahan talaga ang bata na basagin ang lahat ng pader. Napakabibo nito at nakakatuwang pakinggan ang mga kuwento. Sa tingin ni Maristel, pagdating ng araw, magiging life of the party ito, iyong tipo ng kaibigan na kapag hindi kasama ng barkada ay kulang.

“Ibibili akong salbabida ni Mama, Papa,” pagbibida nito, may kasamang pagmumuwestra na parang hindi alam ni Mark kung ano ang salbabida. “Malaki `yon, ilalagay dito, parang bilbil.” Tumawa ito.

Natawa si Maristel. “Panay bida. Halika at papalitan muna kita ng T-shirt. Kate, ikaw din.” Nakaugalian na niya ang ganoon sa mga bata. Una, si Kate lang dahil kaunting basa ng likod, puwedeng sumpungin ng hika. Kalaunan, idinamay na niya si Kiko para makasiguro. Pagdating sa kalusugan ng mga bata, hindi siya puwedeng magbaka-sakali.

“Ako na, Ate,” sabi ni Jing.

Kahit gustong magreklamo ni Maristel dahil plano rin niyang mag-retouch, hindi na niya nagawa. Naiwan siya sa sala kasama si Mark.

“So how have you and kids been?” tanong ng lalaki.

“Ayos naman. Ikaw?”

“I’m okay. Listen, I want to apologize for the past years. There has been a terrible misunderstanding.”

“Misunderstanding?”

Iniabot nito sa kanya ang dalawang passbook. Nagtatakang binuksan niya ang mga iyon at nabigla nang makita na nakapangalan sa mga bata at napakalaki ng halaga. Muntik na siyang mapaupo sa sofa. Ilang milyon ang halagang laman ng mga iyon.

Nagpaliwanag si Mark. “I thought my mother was sending the full amount to you and the kids, but she put the money in their accounts instead.”

Hindi na naging mahirap para kay Maristel na intindihin iyon. Bigla, parang may humaplos na init sa kanyang puso. Para sa mga taong inisip niyang hindi naging mahalaga kay Mark ang kanilang mga anak, para sa mga taong naisip niyang kahit hati sila sa gastos, hindi pa rin dapat ganoon ang nangyari dahil mas maalwan ito. Sinong magulang ba ang gustong tipirin ang anak nang ganoon kung mayroon naman?

“K-kaya ba hindi ka uuwi sa inyo?” tanong niya.

Tumango si Mark. “She never changed and I guess she never will. It’s painful to think about, but this time she has to prove herself. Really prove herself.”

“A-ang papa mo?”

“He doesn’t know. Hindi ko na rin sasabihin. Anyway, my mother alienated him from the kids as well. Nakausap ko si Kuya, ilang ulit palang sinabi ni Papa na dadalaw sa mga bata, pero tulad sa akin, marami na namang rules si Mama.”

“Dumalaw siya noon sa amin. Once. Tuwang-tuwa ang mga bata sa kanya. Nagpa-picture pa ako.” Napangiti si Maristel, bahagyang napahiya. “Taon-taon din, imbitado kami sa birthday niya. Kapag Pasko, ganoon din at palaging may padalang mga regalo. Iyon lang, hindi kami pumupunta sa party kasi nakahiyaan din.”

“Mama found out my father went here and told him to stop. He shouldn’t have. But that is my father’s weakness, his fear of offending my mother any further. My mother made him feel so guilty about her, about me, and made him believe that he was belittling her even more whenever he tries to do what he can for me. Nitong mga huling ilang taon din, talagang naging masasakitin na rin. Besides, with that big a kin, and with knowing that I am taking care of my family, he probably felt there was no problem.”

“Wala din namang naging problema,” sabi ni Maristel.

Tumingin sa kanya si Mark, matindi ang emosyon sa mga mata. “Pero meron, Maristel. Meron.”

“Okay lang naman kaming mag-iina.”

“I didn’t work long hours to come home to this.” Bumuntong-hininga ito. Parang gustong yakapin ni Maristel ang lalaki, pero alam niyang hindi iyon magiging tama. Hindi na lang siya umimik. Mayamaya, tumingin ito sa kanya, “You look very pretty today. Is he your boyfriend?”

Nabigla si Maristel sa tanong dahil hindi niya iyon inaasahan. Hindi niya alam kung ano ang isasagot.

“Is he a kind man?”

“Y-yes.” Iyon ang totoo. Mabait si Christopher.

“Does he love and accept my children?”

“O-oo.”

“You deserve to be happy, Maristel.”

“Lahat naman ng tao deserving doon.”

“Maybe.”

“M-may girlfriend ka ba?”

“Yes.”

Hindi inasahan ni Maristel ang matinding hapdi sa dibdib. Hindi siya makahagilap ng kahit na anong salita para man lang maibsan ang tensiyon.

Nagsalita uli si Mark. “The kids seem to like him.”

“Mabait siya sa mga bata.”

“Are you going to the beach next weekend? Iyon ang sabi ni Kiko.”

“Oo.” Gustong itama ni Maristel si Mark, na hindi niya boyfriend si Christopher, pero hindi niya magawa. Bigla rin, parang gusto niyang maging boyfriend na nga si Chrsitopher. Bakit si Mark lang ang may karapatan na magkaroon ng iba?

Alam niyang ang babaw at para siyang bata, pero bigla, parang gusto niyang umiyak. Parang sa isang teenager na nasaktan ang inisyal niyang reaksiyon at gustong ipakita na siya rin, mayroon nang iba.

“I need to rest for a bit. Do you mind?”

“Oo, kailangan mong magpahinga. Mahaba ang biyahe.”

Tumango si Mark at umakyat na. Naitanong ni Maristel sa sarili kung paano nga ba ang mag-move on.