noveltoon logo noveltoon
Mark Cardinal (Cardinal Bastards Series 7)

Chapter 16

Ch. 17 / 26 Apr 09, 2022

16

“M AGTATATLONG linggo ka nang nakaempake, kailan daw ba kayo kukunin ni Mark?”

Kung bakit hindi naging maganda ang dating ng tanong na iyon ng ina kay Maristel. Ano ba ang pakialam nito? Siya rin ang napahiya sa sariling naisip. Nagagalit lang siya dahil wala siyang maisagot. Hindi rin niya alam. Huli silang nag-usap ni Mark nang nagdaang gabi. Ang sabi nito, may inaayos pa raw sa lilipatan nila. Pero walang excitement ang boses nito.

May nagbago. Malaki. Hindi niya alam kung ano dahil ayaw sabihin ni Mark, pero may hinala siya. Si Faith, kung sino man ang babaeng iyon. Parang iba si Mark sa pakikiharap sa kanya. Kahit sa phone lang sila nag-uusap, nararamdaman iyon ni Maristel. Wala ang dating saya, ang pananabik. Kung noon, kahit nakikita sila ng mundo bilang mag-asawa, hindi pa rin kumukupas ang kilig. Ngayon, nawala iyon. Madalas, ang mga bata ang kinukumusta nito at hindi siya pinapakilig, hindi hinaharot; mga bagay na madalas nitong gawin noon kahit sa phone. Kahit nga sa madaling-araw, nagte-text ito ng mga “I love you” at “Pakakasalan kita.”

Ilang ulit na bang nag-propose si Mark? Hindi na mabilang ni Maristel. At masaya sila sa lahat ng proposal na iyon. Kung ano-ano ang itinatali nito sa kanyang daliri kapalit ng singsing na hindi pa nila mabili. Naroon ang pisi, abaka, foil ng chocolate, at kung ano-ano pa. Kahit may anak na sila, may dating pa rin ang proposal. Ngayon, wala nang bakas ang lalaking propose nang propose kahit sinabi na niyang oo, magpapakasal siya rito sa lahat ng simbahan, sa lahat ng lugar, sa lahat ng oras. Oo at oo ang kanyang isasagot sa bawat “Will you marry me?” nitong tanong.

`Wag kang masyadong praning. Baka naman nanay na naman n’on ang pinoproblema. Alam mo naman ang kalidad ng nanay niya, talagang mapapaluha ka sa ngitngit. Siyempre, adjustment. Baka kaya hindi pa kayo nadadala sa Maynila, may bagong pakulo na naman ang biyenan mong hilaw. Baka ayaw na lang sabihin sa `yo ni Mark dahil ayaw kang bigyan ng problema. Relax lang. Walang dahilan para mag-alala sa ngayon.

Madaling isipin, mahirap gawin. Napabuntong-hininga si Maristel at hindi na lang pinansin ang sinabi ng ina. Nagluto siya ng sinigang na baboy at nagsimula nang ilagay iyon sa mga plastic mayamaya. Alas-diyes pasado ng umaga, handa na ang mga paninda niyang pampananghalian. Karga niya ang anak sa silong. Napalagyan na niya ng silong ang puwesto sa unahan ng dating sari-sari store. Kasya roon ang ilang upuan at mesa. Minsan, may mga kumakain din doon pero kadalasan, balot-balot ang sistema.

May suot siyang snugglies at doon nakapasok si Kiko para magagamit niya ang mga kamay sa pag-aasikaso sa mga namimili. Kung minsan, inilalabas din niya ang crib nito kapag marami talagang tao. Sa tanghaling iyon, kaunti lang ang kanyang iniluto, dalawang putahe lang. Araw ng Sabado at kapag ganoon, bihira ang namimili ng pananghalian.

Matapos ang tanghalian, tinimplahan na ni Maristel ang goto na binabantayan ng ina sa kusina. Para siyang aligaga na hindi maintindihan. Inaasahan din niya ang tawag ni Mark, pero hindi iyon dumating. Sa merienda, halos parang robot ang kanyang kilos. Nakapagligpit na siya nang tumawag si Mark. Nabigla siya nang sabihin nitong nasa biyahe na raw pauwing Tarlac. Mapapangiti sana siya kung hindi lang halata sa boses nito ang problema.

Kabado siyang naghintay. Dumating si Mark pasado alas-sais ng gabi. Nang magtama ang kanilang mga mata, nahulaan na agad ni Maristel na may masamang balita.

“Ano’ng nangyari?” tanong niya agad.

“Puwede ba tayong mag-usap?”

Agad siyang tumango. Ibinigay niya si Kiko kay Tiyang Lita. Tumuloy sila ni Mark sa likod-bahay. Naghintay lang siya sa sasabihin nito.

Isang malalim na buntong-hininga ang pinakawalan nito bago nagsalita. “May kasalanan ako sa `yo.”

Diyos ko. `Eto na. “A-ano?”

“Made-delay ang pagluwas ninyo ng mga bata sa Manila. May napasok akong gulo na hindi ko maayos-ayos sa ngayon.”

“Anong gulo?”

Bumuntong-hininga uli si Mark, saka naupo sa tabi ni Maristel. Nakapuwesto sila sa plastic na garden set. Ipinatong ng lalaki ang mga siko sa tuhod, naihilamos ang mga kamay sa mukha. “May nakilala kasi akong babae. Kasamahan ko sa trabaho. Iniwasan ko siya noong una, pero aminado akong masaya siyang kasama, mahirap na hindi pansinin, lalo na at magka-team kami.”

Nag-unahan na sa pagtulo ang mga luha ni Maristel. Hindi niya maintindihan kung bakit nangyayari ang ganoon. Paano iyon nangyari? Hindi si Mark ang tipo ng lalaking gagawa ng ganoong kalokohan. Hindi mangyayari ang ganoon sa kanila. Sa ibang mga tao lang nangyayari ang ganoon. Hindi sa kanila. Hinding-hindi puwedeng mangyari sa kanila.

“Minsan lumabas kaming lahat. Team building. Kung naaalala mo, sa Zambales `yon. Tatlong araw. Nalasing kami pareho. Wala namang nangyari, pero muntik na.”

“Muntik na?” Napahagulhol na siya. “Ano’ng ibig mong sabihing muntik na?”

Matagal bago ito nakasagot. “Hindi umabot sa ganoon.”

“Pero may halikan? May hawakan? May—”

“Importante pa ba `yon?”

Pinagmasdan ni Maristel si Mark at sa pagtingin pa lang sa mga mata nito, nahulaan na rin niya ang sagot. Napakasakit. “Paano mo nagawa ito, Mark?”

Napaluha na rin ito, nakahawak ang mga kamay sa ulo. “I was lonely.”

“Lonely? Kami ng mga anak mo, hindi lonely na wala ang padre de pamilya sa piling namin?! Ang kapal ng mukha mo! Para sabihin mong nalulungkot ka? Sino ang nagpilit mamasukan sa Maynila? Sabi mo para sa atin, pero ito ba ang para sa atin?”

Hindi ito nagsalita, umalog lang ang mga balikat sa pag-iyak.

Galit si Maristel. “Dinala mo siya sa bahay ng nanay ko, hindi ba?”

“No. She went there on her own. Walang nangyari sa amin, Maristel, please, maniwala ka.”

“Nakipaghiwalay ka na ba sa kanya?”

“Wala akong hihiwalayan dahil malinaw naman sa kanya at sa akin na walang kami. I was just tempted.”

“Ano’ng katwiran `yan? Habang naghihintay kami ng mga anak mo, nakikipaghalikan ka sa ibang babae at sasabihin mong natukso ka lang? Ako, hindi ba ako natutuksong gawin ang mga ginagawa ko noon? Gumala, magbuhay-dalaga? Akala ko naiintindihan mo ang ibig sabihin ng sakripisyo. Siguro talagang hindi ka pa mature. Napunta ka lang sa Maynila, natukso ka na.”

Mahina ang boses nito nang magsalita. “It was nice to feel less pressure but it was an illusion, of course. I know what I want and I want you and our family.”

Masakit. Masakit marinig ang totoo. Sa probinsiya, damang-dama nito ang pressure kaya natukso nang “makawala.” Normal iyon. Pero hindi iyon inasahan ni Maristel dahil hindi niya inakala na tulad ng iba si Mark. Masyado niya itong itinaas sa pedestal, tiningala, inisip na iba sa ibang mga lalaki. Na hinding-hindi ito matutukso, na palagi nitong maiisip ang sitwasyon nila.

“N-nasaan siya ngayon?”

“Iyon ang problema. Pinaalis siya sa kanila dahil akala may relasyon kami. May mga anak na rin siya. Nakikitira siya sa biyenan niya. Wala siyang mapupuntahan sa ngayon. Taga-Cebu sila, walang-wala rin. Siguro, isa sa mga dahilan kaya napalapit ako sa kanya dahil pareho kaming may mga anak, may responsibilidad. Umuwi ako para sabihin sa `yo na tutulungan ko lang siya. Alam kong magagalit ka, alam kong maghihinala ka, pero ano rin ang gagawin ko kung napahamak iyong tao dahil sa akin? How can I possibly let her and her children live in the streets?”

Ganoon na lang ang pagkabigla ni Maristel. “N-nasa apartment mo sila?”

“Yes, but only temporarily. Naka-leave siya hanggang hindi nakakakita ng yaya at bahay. I could’ve helped her with a house, but I don’t have any extra money. Binigyan lang ako ni Mama ng allowance. Ayokong manghiram.”

“Anong klase ka?” tanong ni Maristel. Parang hindi na niya kilala ang asawa. “Anong klase ka, Mark?”

“I’m sorry, Maristel, but please, try to understand.”

“Intindihin na una mo pang ibinahay ang mag-iinang `yon?! Umalis ka na.”

“Maristel, please.”

“Umalis ka na!”

“Pag-usapan natin ito.”

“Umalis ka na!” singhal niya.

Tumayo si Mark. “Babalik ako. I will be the best husband to you and a father to our children. I am very sorry this happened.”

“Ang kapal ng mukha mo. Umalis ka na.”

Pinagmasdan siya nito. Sinalubong niya ang mga mata nito. Parang isa nang estranghero sa kanya si Mark. Hindi na niya ito kilala. Hindi ito ang Mark na minahal niya at ama ng kanyang mga anak.

“I’m only human. Napagod ako, Maristel. Napagod, nakakita ng taong palabiro. Umiwas ako, nagkaproblema. Pero hindi ibig sabihing magpapadaig tayo sa problema. Nagsisisi akong nangyari ito. Pero maniwala ka, walang nangyari sa amin. It’s not what it seems like and you need to believe me.”

“Napagod ka… Napagod ka at naging makasarili. Pagod na rin ako, Mark. Hindi naging madali ang buhay natin, pero hindi iyon dahilan para gawin mo ang lahat ng ginawa mo. Lahat naman ng tao napapagod. Pero bakit ang dali mong kinalimutan ang dahilan kung bakit ka nagpapagod?”

“I’m very sorry.” Tumulo ang mga luha nito. “Aayusin ko ito.”

Hindi na nagsalita si Maristel. Umalis na si Mark. Napahagulhol na lang siya sa mga palad. Mayamaya, lumapit sa kanya ang panganay na anak at hinawakan ang kanyang kamay. “Mama, bakit ka cry?”

Niyakap niya si Kate, umaasang makakakuha ng tatag sa isang tatlong taong gulang na bata. Magkakahalo ang kanyang emosyon. Mayamaya, nakita ni Maristel ang ina, karga ang kanyang bunso. Gusto niya itong bulyawan, gustong sisihin. Gusto niyang magwala. Kung hindi dahil dito, hindi sana napagod si Mark. Si Guada, gusto niyang singhalan. Kung hindi nila ito iginapang ni Mark sa pag-aaral, hindi sana napagod si Mark. Ang mga responsibilidad na para sa kanyang ina, para sa kanyang kuya, pinasan ni Mark lahat nang walang salita, walang reklamo. Mula sa mga ulap, bumaba ito at naglakad sa putikan. Tuwing makakaahon na at malilinis ang mga paa, ang mga tuhod, ang mga hita na bumaon na rin sa putik, darating ang kapamilya niya at itutulak na naman ito pabalik. Napagod si Mark. Nagsawa. May tao bang hindi magsasawa sa problema? May tao bang hindi malalasing sa isang bagong mundo kung saan may isang bagong babaeng hindi siguro nagbibigay rito ng mga problema na tulad ng mga problemang bigay ng pamilya ni Maristel?

Nakatagpo si Mark ng isla sa gitna ng putikan at natuksong pumunta roon, kahit panandalian lang. Panandaliang ginhawa dahil pagod na ito. Nananakit na ang katawan, gusto na sigurong sumuko at ilubog na lang ang sarili sa kumunoy.

Pero hindi nito naisip na dalawa sila sa putikan na iyon; dalawa silang nahihirapan na sa pagpipilit umahon. Hindi naisip na sa islang gusto nitong puntahan, maiiwan siya kahit nangako itong hindi siya iiwan. Masakit. Hindi matanggap ni Maristel. Nagagalit siya sa sitwasyon, nagagalit kay Mark, nagagalit sa mga taong nakapaligid sa kanya. Nagagalit din siya sa sarili. Nagkulang ba siya? Masyado ba siyang nagbigay sa pamilya?

Hindi niya alam. Sa ngayon, wala siyang ibang maramdaman kundi ang sakit sa dibdib.

“Ano’ng nangyari?” tanong ng kanyang ina.

Pinili niyang huwag sumagot.

KUNG ang pride lang ni Maristel ang masusunod, hindi niya tatanggapin ang padalang pera ni Mark. Linggo-linggo, nagpapadala ito ng pera. Malaking halaga, sobra sa pangangailangan nilang mag-iina, pero hindi sila nagkakausap. Tuwing tumatawag, ang panganay nilang anak ang kinakausap. Hindi rin nagtatagal ang usapan ng dalawa dahil busy si Mark. Kung saan ito busy, hindi na nagtanong pa si Maristel. Ayaw na niyang makausap ang lalaki. Masama pa rin ang kanyang loob. Habang lumilipas ang mga araw, lalo niyang nare-realize na galit siya. Galit siya kay Mark.

Kasabay ng galit ay ang pagsuko. Nawalan siya ng lakas na makisama sa biyenang hilaw, sakali man. Tuwing iniisip niya kung ano ang magiging buhay nilang mag-iina sa Maynila, at tuwing maiisip niyang kakailanganin niyang magsakripisyo para makisama sa mama ni Mark, nawawalan siya ng gana. Bakit siya magsasakripisyo pa kung si Mark nga, hindi iyon napanindigan? Doon na lang siya sa kanila. At least doon, sama lang ng loob ang dala niya sa dibdib at hindi na kailanganing lunukin ang pride para lang matuwa ang mama ni Mark na siyang magbibigay sa kanila ng sustento.

Bakit ang daming pag-a-adjust sa part niya? Bakit hindi ang mga ito ang mag-adjust ngayon sa kanya? Wala siyang gana makisama. Responsibilidad ni Mark ang mga anak kaya sustentuhan nito. Gagawa si Maristel ng paraan sa sarili niya. Kumikita siya. Oo at hindi malaki, pero sa ngayon, sasapat pa naman. Kung patuloy na magpapadala si Mark, makakaipon siya. Hindi niya kailangang isakripisyo ang kahit na ano. Pagod na rin siya.

Hindi siya tinanggap ng mama ni Mark, bakit siya pa ang makikisama rito?

Siguro, naghahari sa kanyang dibdib ang galit. Sa ngayon, wala siyang maramdamang lakas para sabihin sa sarili na magbigay. Kung hihilingin man ni Mark, sasabihin niyang pagod siya. Na napagod din siya, tulad nito.

Matamlay si Maristel sa araw-araw. Ni hindi naman niya sigurado kung iluluwas pa sila ni Mark dahil hindi na nito nabanggit. Ayaw na niyang makarinig ng update. Ni hindi niya alam kung ano ba ang kanyang magiging reaksiyon sakaling sabihin ni Mark na handa na ang lilipatan nila. Ayaw niyang tumira doon. Wala siyang makakasama roon na kakampi at mawawalan pa siya ng kabuhayan.

“Maristel,” sabi ng kanyang ina, hawak ang phone. “Kausapin mo si Mark.”

Umiling siya at tumayo. Labag sa loob niyang kausapin ang lalaki. Hindi pa siya handa at hindi alam kung magiging handa kahit kailan. Paano ba kakausapin ang isang taong sa pakiramdam mo, hindi mo na kilala.

“Kausapin mo na nang maayos na kung ano ang maaayos at matapos na kung matatapos,” giit ng kanyang ina.

Napabuntong-hininga si Maristel at inabot ang phone.

Nagsalita ang lalaki. “Maristel?”

“May sasabihin ka?” malamig niyang tanong.

Bumuntong-hininga ito. “Gusto ko sana na dito na kayo ng mga bata, kasama ko.”

“Pasensiya na, pero ayokong tumira diyan.”

“We talked about this.”

“Noon. Noong bago ang lahat ng gulo. Ayoko ring ako ang haharap sa mama mo. Wala kaming dapat pag-usapan. Ayaw niya sa akin, walang problema.”

“She needs to meet the kids.”

“Pumunta kayo dito. Siguro deserving din naman ako na puntahan niya at siguro dapat niyang makilala ang pamilya ko. Unless gusto niyang ang nanay at mga kapatid ko pa ang pumunta sa partido ng lalaki para magpakilala?”

“Maristel, nakikiusap ako. Sana mapatawad mo ako.”

“Ititira mo kami sa apartment mo diyan matapos mong itira iyong babae mo?”

“Hindi ko siya babae.”

“Ayokong tumira diyan. Sa katunayan, ayoko nang makisama sa `yo.”

Natahimik si Mark sa kabilang linya at napakatagal bago nagsalita uli. “`Wag kang magpadalos-dalos, Maristel. Buhay ng pamilya natin ito.”

“Mismo. `Wag magpadalos-dalos.”

“Will you ever forgive me?”

“Pagdating ng panahon, siguro. Pero sa ngayon, ayoko na.”

“You can’t give up on us so easy.”

“Hindi ako ang unang napagod.”

“I will do everything to make it up to you. I want our family back. I want you back.”

“Pasensiya na, pero hindi ko alam kung mangyayari pa `yan.” Nang mga sandaling iyon, iyon mismo ang nararamdaman ni Maristel. Wala siyang ganang ayusin ang pagsasama nila dahil pakiramdam niya, magtitiis siya sa isang bagay na hindi niya kayang tanggapin.

“I know it will happen.”

Hindi siya umimik agad. “Hindi ako luluwas at hindi kami titira sa apartment mo.”

“It’s all right. Tama ka naman. I will do something about it.”

Tinapos na ni Maristel ang tawag. Hindi niya alam kung ano ang iisipin, pero malinaw na ayaw niyang gawin ang gusto ni Mark nang ganoon na lang. Hindi niya alam kung darating ang panahon na gugustuhin niyang gawin. Pinagmasdan niya ang mga anak. Palaging sinasabi ni Kate na nami-miss nito ang ama. Noon, madalas sabihin ni Maristel sa panganay na kailangan nilang tanggapin na nagtatrabaho si Mark para sa kanila. Ngayon, tuwing sasabihin nito iyon, gusto niyang sabihin na baka lalo na ngayon. Ewan. Parang nag-iba na ang sitwasyon at hindi na maibabalik pa.

“Ano’ng napag-usapan ninyo?” tanong ng kanyang ina. “Naayos ba?”

“Wala na pong aayusin, Tiyang.”