noveltoon logo noveltoon
Mark Cardinal (Cardinal Bastards Series 7)

Chapter 11

Ch. 12 / 26 Apr 09, 2022

11

K AHIT ilang ulit ipinaliwanag ni Maristel sa kanyang ina at mga kapatid na hindi niya ka-live-in si Mark, hindi naniniwala ang mga ito, kahit pa nga tanggap ng lahat ang sitwasyon. Binigyan siya ng beinte mil ng ina para sa sari-sari store. Ang mga kapatid ng asawa ng kanyang kuya ang nagtulong-tulong para gawin ang tindahan. Tumulong din si Mark sa mga ito.

Sila ni Mark ang naglista ng mga bibilihin. May ipon si Mark, kahit hindi malaki. Pero para kay Maristel, malaki na rin ang treinta mil na ambag nito. Sa puhunan nilang dalawa, napuno ang tindahan. Lahat, mayroon silang paninda, kasama na ang ilang tangke ng LPG. Mula bigas, uling, tuyo, karaniwang pansahog sa ulam, soft drink, load at sigarilyo.

Hindi pa rin kumbinsido si Maristel na hindi na patatawarin si Mark ng mama nito. Nagkataon lang sigurong talagang matigas ang puso ng babae, pero maano ba at mare-realize din nito ang pagkakamali. Sa ngayon, masaya sila ni Mark sa buhay. Walang reklamo ang lalaki sa hatian nila ng trabahong-bahay at tindahan. Masipag itong mag-inventory at maglista ng mga bibilhin pa nilang paninda sa susunod.

Marami naman silang customer, pero tama si Mark sa sinabing hindi ang sari-sari store ang magpapayaman sa kanila. Kailangan daw nilang ipunin ang kita at mag-isip ng isang bagong negosyo. Aabutin daw sila ng pagtanda at hindi aasenso sa sari-sari store. Madalas itong nakikita ni Maristel na tumitingin sa diyaryong Buy and Sell . Marami itong nakukuhang business idea sa babasahing iyon. Nakikinig lang siya sa mga sinasabi nito at naniniwalang kaya nilang umasenso.

Mabait din si Mark. Hindi inasahan ni Maristel ang magiging malaking problema sa pagbubukas nila ng sari-sari store at iyon ang hindi matanggihang pautang. Nangunguna roon si Kuya Arnel at ang pamilya nito. Gusto niyang tumanggi at noong una, sinabi mismo sa kapatid na nakakahiya kay Mark, pero si Mark mismo ang nagsabi sa kanyang walang problema rito. Ang kaso, hinala ni Maristel, hingi at hindi utang ang gusto ng kuya niya. Hindi pa naman dumadating ang araw ng singilan, pero naghahanda na rin siya ng pambayad doon mula sa naitatabing pera.

“Mukhang nagpaplano ka na namang yumaman, ah?” biro niya. Naabutan niya si Mark sa tindahan na nagkukuwenta ng kung ano. Marami itong mga notebook na madalas sinusulatan ng kung ano-ano, mga idea daw na baka malimutan nito ang mga importanteng detalye.

“Naisip ko kasi kung maganda bang negosyo ang RTW. Nabanggit mo kahapon na marunong kang manahi.”

Bigla siyang natawa. “Marunong, pero hindi magaling. Sa H.E. namin noon, sewing ang itinuro sa amin kaya marunong akong gumamit ng makina. Hindi naman ako puwedeng mag-RTW na ganoon lang ang alam.”

“Puwede ka namang mag-enroll.”

“Sino’ng magbabantay dito?”

“Ehem-ehem.”

Napahalakhak si Maristel. “Ewan ko sa `yo.”

Nagseryoso ang lalaki. “I’m serious though. Hindi naman ikaw ang aasahang manahi, pero kung sakali, alam natin ang pasikot-sikot kaya hindi tayo maloloko. Tumingin ako dito ng mga materyales at kung magkano ang bentahan. Malaki rin ang kita.” Ipinakita nito ang computation. “Bakit hindi mo subukang mag-aral?”

“Saka na. Kapag nakaipon na tayo.”

Hindi na iyon ipinilit ni Mark. Pinag-aralan ni Maristel ang pagkukuwenta ni Mark. May point ito, as always. Pagdating naman sa negosyo, parang alam na alam na nito ang pasikot-sikot. Siguro nga, may mga taong talagang para sa pagnenegosyo at si Mark ang halimbawa niyon.

Nagpaalam ang lalaki mayamaya. Ito ang bibili ng bigas na paninda, habang siya naman ang tatao sa tindahan. Lumakad na rin ito. Noon nag-ring ang phone niya. Hindi niya kilala ang number, pero sinagot pa rin iyon.

Walang hello o kahit na anong pagbati ang nasa kabilang linya. “Kung may concern ka sa anak ko, pauuwiin mo na siya rito.”

Hindi na nagtanong si Maristel kung sino ang nasa kabilang linya dahil alam na niya. “Ma’am, ilang ulit ko naman pong sinabi sa kanya na makipag-usap sa inyo, pero hindi po siya nakikinig.”

“Hindi ang makipag-usap sa akin ang gusto ko. Tapos na kami doon. Break up with my son so that he will have no other choice but go back home. Magkano ang kailangan mo para gawin `yan?”

Nainsulto siya sa sinabi ng babae at siguro, nakatulong na sa phone lang sila nag-uusap kaya hindi siya na-intimidate. Nagawa niyang sumagot. “Hindi naman po ako nagpapabayad, Ma’am. Nagpunta po sa akin si Mark dahil wala po siyang ibang mapuntahan at sino po ba ako para hindi tumulong kung kaya ko naman? Nagpapayo po ako sa kanya na ayusin ang relasyon ninyo. Wala po akong ginagawang masama sa inyo para tratuhin ninyo nang ganito at pagsalitaan—”

“Oh, please!” Mukhang lalo itong nagalit. “Stop playing the victim here. Marami nang tulad mo ang nakaharap ko. Alam nating pareho kung ano ang tingin mo sa anak ko at sa isang banda, hindi kita masisisi. Pero anak ko ang pinag-uusapan natin. You have got to be kidding me if you think that I will give him up easily.”

“Wala po akong sinabing isusuko ninyo si Mark sa akin. Hindi po kailangang magkaroon ng sukuan. Mahal ko po ang anak ninyo at mahal din niya ako. Nagmamahalan po kami. Pero kung makakasama po ako—”

“Talagang makakasama ka! Masasayang ang pag-aaral niya dahil kung ikaw din lang naman, hindi na ako magsasayang pa ng pera para pag-aralin ang anak ko. Kaya please, kung totoong may concern ka sa kanya, makipaghiwalay ka na.”

Napaiyak na si Maristel. Pero mukhang lalong ginanahan ang babae at sinamantala iyon.

“Okay lang ba sa `yo na nasasayang ang buhay ng anak ko dahil sa `yo? Kung mahal mo siya, bakit hindi mo gawin ang tama?”

“Matigas po ang puso ninyo,” sabi niya sa pagitan ng paghikbi.

“Talagang kailangang maging matigas ang puso ng ina.”

“Hindi ko po alam ang gagawin ko.”

“Simple. Sabihin mo kay Mark na hiwalay na kayo at umuwi na siya. Kapag nalaman niyang tumawag ako, lalo siyang hindi uuwi. Kaya alam mo na siguro kung ano ang tama mong gawin.” Tinapos na nito ang tawag.

Napahagulhol na siya. Kulang ang sabihing masama ang kanyang loob. Pinilit niyang tumahan dahil kung makikita siya ni Mark, siguradong mahuhulaan nito ang nangyari at lalong lalayo ang loob sa ina. Ang hirap gawin, pero salamat at may mga dumating na mamimili, nakatulong para mabawasan ang impact. Dumating din ang isang kapitbahay na nakipagkuwentuhan. Kahit paano, gumaan ang dibdib ni Maristel.

Bumalik na si Mark mayamaya, sakay ng tricycle. Ito ang nagpasan ng bigas. Iyon ang isa sa mga kahanga-hangang bagay rito—hindi natatakot magtrabaho nang pisikal. Noong una, naisip ni Maristel na mahihirapang mag-adjust ang lalaki, pero maling-mali siya. Bigla tuloy niyang naisip kung talaga kayang mapapabuti si Mark kung babalik sa ina kung mukhang handa naman itong gawin ang lahat para makawala.

Pero kasabay niyon ang tanong kung tama bang nagsasakripisyo ito sa ganoong buhay kung kaya naman nitong makapag-aral. Kung talagang desidido ang ina ni Mark na huwag papag-aralin ang lalaki nang dahil sa kanya, ibig sabihin, talagang wala nang aasahan si Mark sa ina at malamang na hindi nito maipagpapatuloy ang kolehiyo. Second year pa lang ito sa pasukan. Kung sakaling magawan nila ng paraan at makapag-aral ito, siguradong hindi na sa Ateneo.

Ano ba ang iniisip mo? Sa plano mo, dalawa kayo palagi na parang mag-asawa. Hindi tama. Lahat ng tao, iniisip na nagsasama na kayo. Mali.

Napabuntong-hininga si Maristel. Parang nauwi na nga sila sa pagsasama kahit pa nga ilang ulit niyang ipinaliwanag sa lahat na hindi ganoon ang sitwasyon. Pero sa isang banda, hindi importante sa kanya kung ano pa ang iisipin ng mga tao. Hindi naman alam ng mga ito ang sitwasyon.

Napapitlag siya nang halikan ni Mark ang kanyang pisngi. Hindi na siya nag-isip ng pasakalye at sinabi rito, “Ang mas maganda siguro, Mark, umuwi ka na lang sa inyo.”

Halatang nabigla ito. “I don’t understand.”

Nag-iwas siya ng tingin. “Siguro, hindi magiging tayo kahit kailan. Ayaw ko na.”

Parang tumigil ang mga sandali. Tumayo si Maristel at nagpunta sa grills ng tindahan. Hindi niya kayang makita ang reaksiyon ni Mark nang sumulyap siya. Galit ang nakita niya roon. Pero kailangan niyang magsakripisyo. Gustong-gusto niyang makasama si Mark, pero kung mapapasama naman ito, anong klase siyang tao? Inaalis niya rito ang karapatan na makapag-aral, isang bagay na ipaglalaban niyang makuha kung puwede nga lang. Na kay Mark ang lahat ng pagkakataong magkaroon ng buhay na higit sa kung ano ang mayroon siya kaya bakit niya iyon aalisin? Masarap magmahal, pero alam din ni Maristel kung paano ang mabuhay nang walang-wala. Bakit niya gugustuhing danasin ni Mark ang ganoong klaseng buhay na hindi alam kung ano ang mangyayari kinabukasan? Na kapag nagkasakit, magsasangla ng malalaking gamit, ng bahay, ng sasakyan? Hindi nito deserve ang ganoon.

“She called you, didn’t she?” sabi ni Mark mayamaya.

“H-hindi ko alam ang sinasabi mo.”

“Look at me.”

“Umalis ka na. Hindi kita kailangan.” Lumabas ng tindahan si Maristel nang hindi nililingon ang lalaki.

“Maristel, get back here now.” Mariin ang tono ni Mark. Noon lang naringgan ni Maristel ng ganoong salita sa ganoong tono ang lalaki. Parang ama na napundi na sa anak at pinipigil ang galit. “Don’t you turn your back on me like this. I deserve better treatment. Get back here right now.”

May epekto ang boses nito. Napabalik siya sa tindahan. Hindi pa rin niya makuhang tumingin dito. “Mas maganda na ang lahat ng ito, Mark. Hindi mo deserve ang ganitong klaseng buhay. Ayoko na rin naman sa `yo, eh.”

“Look at me.”

“Makinig ka na lang sa sinasabi ko—”

“Look at me and tell me you don’t want me anymore. Look at me.”

Napatingin si Maristel kay Mark, pero hindi nakuhang salubungin ang mga matang iyon. Mga matang gustong makita ni Maristel sa umaga at bago matulog sa gabi. Mga matang nagsasabi sa kanya na kaya nilang gawin ang kahit na ano, basta magkasama sila. “Intindihin mo ang sinasabi ko.”

“Did she or did she not call you? Tell me the truth. I deserve it.”

Napaiyak na siya. “Gusto lang naman niya na mapabuti ka.”

Bigla siya nitong tinakbo at niyakap. “Sshh, sshh, everything is going to be all right. Don’t you worry.”

Tumingin siya rito. “`Wag mong sasabihin sa kanya na sinabi ko sa `yo na tumawag siya. Magagalit siya lalo.”

“My God…” Hinaplos nito ang kanyang pisngi. “You don’t deserve this. No one deserves this. Don’t you worry about it. And please, I apologize for her.”

“A-ano ang gagawin mo? Mas maganda sigurong kausapin mo siya.”

“No. No more. It’s not enough that she disrespected my wishes my whole life, but disrespecting the woman I love is not something I will tolerate. She needs to learn parenting. She should’ve taken the chance to have two children, but instead she chose to lose the only one.”

“Matigas ang puso mo.”

“Mas matigas ang puso niya.”

Hindi nakaimik si Maristel. Sa huli, sinabi niya, “Ito lang ang kaya ko—”

“`Wag mong isipin na may hinihingi ako kundi pagmamahal mo lang. Ikaw, kung ano ka, wala na akong hinihiling pang iba.”

“YEAH, Mark, I want to, but I don’t have the cash.”

Napahiya si Mark sa sagot ng “best friend” niyang si Sam. Hindi rin siya naniniwala na walang maipapahiram na pera ang lalaki dahil alam niyang sunod ito sa luho sa magulang. Kahit anong oras gustuhing magpunta sa ibang bansa para mamasyal, nagagawa nito. He had three cars, all luxury. Walang fixed allowance si Sam dahil kahit anong oras nitong gustong may bilhin, magwi-withdraw lang sa bangko, kung saan dumederetso ang share nito sa kompanya ng pamilya.

And yet he was saying no to a loan. Ni hindi masasabing malaking halaga ang hinihiram ni Mark. One hundred fifty thousand. Barya iyon kay Sam. Pero naintindihan din niya na kasama si Sam sa mga taong kontrolado ng kanyang ina sa kanyang buhay. Ngayon niya lalong nare-realize na lahat ng taong involved sa kanya, kontrolado ng kanyang ina. Kapag may bago siyang kaibigan, kinikilala nito at pinapalayo siya sa mga hindi nito gusto. Ang natira na lang sa mga kaibigan niya ay iyong mga kakilala rin nito ang magulang. Pakiramdam ni Mark, ang tagal niyang naging robot at ngayon lang nakikita na sa mga nagdaang taon, may nakapasak palang “baterya” sa kanyang likod. He was not living his life, his mother was doing it for him.

“Did she tell you not to lend me any money?” direkta na niyang tanong.

“I don’t understand, Mark.”

“Oh, come on. You and I both know you have millions just sitting in the bank. I will pay you with interest, but you refuse to lend me scraps.”

“Come on, man.” Halata sa boses ni Sam ang pagkailang. “I don’t want to get in between you and your mother. My mom advised me to stay away also. Isa pa, pare, ano ba’ng ginagawa mo diyan? Ni hindi ka na nag-enroll. Humabol ka sa second term. Balita ko, babae lang ang dahilan kaya ka nandiyan. Marami dito niyan. `Wag mong sirain ang buhay mo, pare.”

“Hinding-hindi ko ipagpapalit ang mahirap na buhay ko dito sa buhay na alam mo diyan, pare. For the first time in my life, I’m living my own life, my own way. I don’t see it as a bad thing.”

“Oh, come on!” Hatalang hindi naniniwala si Sam. “Labanan lang ng pride `yan sa inyo ng mama mo. Umuwi ka na. One-fifty K, that’s nothing and you know it. Ngayon nanghihiram ka sa akin?”

“Just because I thought you were my friend and you’d understand. I was wrong.”

“Enough drama. Get your ass back here and have as many women as you wish. It’s all about playing the game well. Don’t get sucked into it.”

Nagpaalam na si Mark. Malinaw na hindi sila magkakaintindihan. Napalingon siya sa bukana ng tindahan na halos ubos na ang laman nang dumating ang kapatid ni Maristel.

“Kuya,” sabi niya.

“Pasensiya na, ha, Mark? Alam kong malaki ang nawala sa inyo ni Maristel dahil sa pamilya ko. Heto.” Inabutan siya nito ng dalawang libong piso. “Iyan lang ang nakayanan ko ngayon, pasensiya ka na.”

Ngumiti siya. “Salamat, Kuya.”

“`Wag kang mag-alala, gagawa ako ng paraan.”

Tumango na lang si Mark. Hindi niya makuhang magalit kay Kuya Arnel. Hindi siya nito niloko. Wala itong naging masamang intensiyon. Nagkataon lang na nagkasunod-sunod ang problema nito—nakaaksidente ng isang bagong sasakyan, nagkasakit ang dalawang anak, at sa huli ay nagkatrangkaso rin. Kung siya ang nalagay sa katulad na sitwasyon, mangangailangan din siya ng tulong.

Dumating na rin si Maristel mayamaya. Galing ito sa Maynila at may iniutos ang ina. Ngumiti sa kanya ang babae kahit nararamdaman niyang hindi ito masaya. Ilang ulit na nitong sinabi na hiyang-hiya ito sa kanya, pero wala rin namang magawa. Kahit ilang ulit sinabi ni Mark na hindi dapat ito mag-alala sa kanya, parang walang epekto. Iyon ang ayaw niya sa sitwasyon—na parang iba pa rin siya.

Sa isang banda, hindi niya masisi si Maristel. Siguro, may gusto rin itong patunayan sa kanya, kahit wala.

He knew that in her mind, she was struggling to make something out of what they had, but was finding herself failing from her family’s misfortunes. Hindi rin nito sinadya ang lahat at alam ni Mark na nahihirapan si Maristel na pagdugtungin ang dalawang mundo na kailangan nitong balansehin sa kanya.

“Kumusta ang biyahe?” tanong niya.

“Okay lang. Medyo pagod. Kumain ka na?”

“Nagluto na ako.”

“Naku, si Guada talaga!” Mukhang uminit ang ulo ni Maristel. “Sinabi ko na sa kanya kanina na siya ang magluto.”

“Hindi ako para pagsilbihan dito. `Wag mo nang pagalitan dahil sinabi ko naman sa kanya na ako na ang magluluto.”

“Pero bakit? Hindi ka marunong magluto.”

“Among other things…” Napabuga ng hangin si Mark. Ngayon siya naiinis na hindi man lang niya alam gawin ang basic chores. Ni hindi siya marunong maglaba. Pakiramdam niya, lampa siya. He was a spoiled rich kid who did not know the basic things in life. Sinanay siya ng ina na may gagawa ng lahat para sa kanya. Bago siya sumabak sa ganoong mundo, naisip niyang gaano ba kadali ang gawaing-bahay para hindi niya kayanin agad? How wrong was he.

Hindi rin nakatulong na palaging inaako ni Maristel ang mga gawaing-bahay at naiinis kapag ipinipilit niyang siya na ang gagawa. Walang problema sa kanya ang masugatan o magalusan. Lalaki siya at parang badge of honor ang bawat sugat at pilat sa kanyang katawan. The only scar he had was the one from his accident. Ni minsan, hindi niya inakalang ikahihiyang wala siyang sugat sa katawan, pero ganoon ang nangyayari tuwing maghuhubad siya ng T-shirt sa inuman, tulad ni Kuya Arnel at mga bayaw nito, at tutuksuhin siyang “kutis-dalaga” raw. It was highly sexist, but he was learning to adapt somehow.

Sa lahat ng iyon, isa lang ang sigurado ni Mark—gusto pa rin niya si Maristel at sa bawat araw na lumilipas, lalo siyang napapamahal dito. Everything about her he loved. She made him want to become a better person. Hindi siya nagsisisi na umalis sa kanila. Truth be told, he seldom missed his mother. Siguro, may galit pa rin sa kanyang puso dahil naging napakatigas nito para panindigan ang isang malaking kamalian. How could she even think that judging a person based on her fianncial status is a right thing? Ni hindi nito binigyan ng pagkakataon si Maristel at si Maristel pa ang nahihiya rito. Life was not fair. Life could be shit sometimes.

Pero mas pinili ni Mark na maging positibo. Maristel made him feel positive all the time. Parang kaya niyang gawin ang lahat basta magkasama sila. Walang problemang malaki. Ang iniiwasan lang nila sa ngayon ay ang magbuntis ito. She was taking pills.

Siguro nga, aksidente ang naging pagsasama nila, pero wala siyang balak baguhin ang lahat sa pagdating ng panahon. He would always choose her. Always. Gusto sana niyang magpakasal sila, pero hindi pa puwede. She deserved a big wedding, and an accepting in-law. Oo at baka hindi na dumating pa ang pagkakataong iyon, pero sana. Umaasa pa rin naman siya.

Higit sa lahat, gusto ni Mark na walang peke sa kasal nila. Sa edad niya, bawal pa siyang ikasal nang walang parental consent. Sure, he could forge that, but why would he? But he would marry her one day. Sa araw na iyon, masasabi nila sa lahat na napatunayan nilang matatag sila kahit bata pa nang bumuo ng relasyon.

Isa sa pinakamalaking problema niya ang edad. Hindi siya qualified para sa mga office job sa Tarlac. Iniisip niya kung mag-a-apply sa Maynila, pero may mga kompanya rin na hindi tumatanggap ng kagaya ng kanyang edad. Bukod doon, ayaw niyang mapalayo kay Maristel sa ngayon. Somehow, he thought it was more important to build a life with her. Oo, kasama roon ang pinansiyal na aspeto, pero naniniwala si Mark na makakagawa siya ng paraan. He still had a watch anyway. Hindi malaking halaga, pero puwedeng isangla o ibenta na ayaw sana niyang gawin dahil regalo iyon sa kanya, pero kailangan sa ganoong sitwasyon. He had many more at home, but brought with him just one. Kung nalaman lang niya noon na ganoon ang mangyayari, sana nadala na niya lahat. Tag Heuer ang kanyang relo. Ang mga mamahalin ang naiwan sa bahay, pero puwede niyang isangla ang dalang relo.

“Kumain ka na?” tanong ni Maristel.

“Hinihintay kita.”

“Kain na tayo.”

Nagpunta na sila sa komedor. Si Maristel ang naghain at sabay na nilang pinagtiyagaan ang monggong may tinapa. Sa lahat ng gawaing-bahay, ang pagluluto ang paboritong gawin ni Mark, kahit hindi siya masyadong marunong. How he disliked washing clothes. Hindi na rin gusto ni Maristel na gawin niya ang paglalaba dahil nagsusugat ang kanyang mga kamay hanggang braso at binti. Paano, basang-basa siya kapag naglalaba mula ulo hanggang paa. Dalawang beses lang siya umulit at ilang araw na nanghapdi ang balat.

Hindi na rin uli niya sinubukang gawin ang pagpaplantsa dahil nang minsan niyang akuin ang pagpaplantsa ng uniform ni Guada, nagkatawanan lang sila nang magkaroon ng tatlong extra na guhit sa manggas ang uniform. Sa paglilinis naman, toka ni Guada ang main house, habang sila ni Maristel sa extension. Madali lang gawin dahil malinis sa bahay sina Maristel at Guada. Natuto na rin si Mark na ligpitin ang mga pinaggamitan niya. Madaling gawin iyon, lalo na at nakakahiyang magkalat dahil masinop ang magkapatid.

Matapos kumain, siya na ang nag-volunteer na maghugas nang tawagin si Maristel ng kuya nito. Wala na palang dishwashing soap kaya pumunta siya sa tindahan, para lang matigilan nang marinig ang usapan ng dalawa.

“Hindi ka pinahiram?” sabi ni Kuya Arnel. “Kahit singko mil?”

“Wala, Kuya, eh. Wala daw,” sagot ni Maristel.

“Hindi ko alam kay Tiyang kung bakit ganyan. Ang ipinang-enroll ni Guada, hindi naman galing sa kanya. Galing din sa akin `yon. Galing sa pinagbentahan ng lupa. Palagi namang ganyan ang nanay mo. Palaging sinasabing siya ang sagot sa ganito at ganyan, pero palagi namang hanggang salita lang.”

“Alam ko, Kuya.”

“Saan niya dinala ang pera?”

“Hindi ko rin alam, Kuya. Mukhang nagpaparinig pa ngang babawiin ang beinte mil na ipinangsimula namin ng tindahan, eh.”

“Ang tindi talaga ni Tiyang. Kung itong pangako niya kay Guada hindi natupad, paano pa ang pangakong ikaw naman daw ang isusunod na pag-aralin kapag nakapagtapos si Guada? Duda akong makaka-enroll itong si Guada sa pasukan. Walang-wala rin ako. Ayoko namang isangla ang jeep at iyon lang ang pinagkakakitaan ko. Malaki pa nga utang ko sa inyong mag-asawa.”

“Gagawan ko ng paraan, Kuya. Papasok na lang uli ako ng trabaho.”

“Eh, ang asawa mo?”

“Gagawa kami ng paraan, Kuya.”

“Sige. Pagtulungan na lang natin.”

Bumalik na si Mark sa kusina, mabigat ang loob. Ibebenta niya ang relo bukas. Kailangang gumawa ng paraan. If only he could give the world to Maristel, he would. If only his friends would lend him money. If only his parents would give him money… But they all turned their backs on him. Wala na siyang maaasahan sa ngayon kundi ang sarili. Sabi nga ng marami, kapag mayroon ka, marami kang kaibigan, pero kapag wala, nag-iisa ka sa mundo. He felt that way now. Noon, marami siyang kaibigan, pero wala ni isa ang nagpahiram ngayon. Maraming excuse, maraming alibi. May isa na nagsabing pahihiramin siya ng sampung libo galing sa allowance nito, pero huwag nang makarating sa mama niya. Tatanggapin na sana iyon ni Mark, pero sa huli, nagbago ang isip ng “kaibigan” niya. He heard the bastard bought a new phone instead. Isang kaibigan lang ang alam niyang may hawak nang malaking pera, ang iba ay asa rin sa magulang. It was hard. Life was tough. But it would make him grow stronger. It would not kill him, would it?