6
“A NG SWEET naman ng boyfriend mo. Kung ganyan ba naman ang asawa ko, talagang hindi ko mumurahin kahit uminom.”
Ang lakas ng tawa ni Maristel sa comment ni Ate Gladys, isa sa mga kasamahan niya sa opisina. Lahat nakakapansin kay Mark. Nakita na ang lalaki ng mga katrabaho niyang nasa opisina. Natuwa rin dito ang lahat dahil nang huli siyang dalawin bago magpunta sa Nueva Ecija, nagpa-deliver pa ng pizza para sa lahat. Hindi naman sila marami sa opisina, pero na-appreciate iyon ng mga ito, lalo na at gutom na rin. Madalas sabihin sa kanya ng mga kasamahan na ang guwapo raw ni Mark, isang bagay na nginingitian niya dahil totoo. Guwapo ang kanyang boyfriend. Walang makakapagsabing hindi.
“Mabait siya, Ate.”
“Mabait nga! Guwapo na, mabait, de-kotse. Kung ganyan ba naman ang pinili ko noong kabataan ko, hindi sana ako luhaan.”
Nalungkot din si Maristel kahit paano para kay Ate Gladys, pero masaya para sa sarili na nakahanap siya ng isang tulad ni Mark. Wala siyang makitang kapintasan nito. Parang lahat na lang, positive. Masaya ang mood niya. Kahit siguro sinong babae ang padalhan ng bulaklak ng boyfriend, gaganda rin ang mood. Ganoon ang ginagawa ni Mark sa kanya. Kahit ano pa ang kanyang mood, kapag nag-message na ito, napapangiti na siya. Palagi nitong alam kung ano ang sasabihin para mapagaan ang kanyang loob. Tulad na lang noong araw na magkita sila ng totoong ina. Nangyari ang pinapangambahan niyang mangyari. Nangutang na naman ito at kahit isang libo lang ang sobrang pera ni Maristel, naipahiram niya. Ang hirap kasi nitong tanggihan. Hindi niya alam. Kung ibang tao siguro, hindi na lang ito papansinin. Iniwan siya nito, hindi itinuring na anak. Pero hindi matiis ni Maristel.
“Cheer up. It’s gonna get better.” Iyon ang sinabi ni Mark. Napakasimple, pero iba ang epekto kay Maristel. Kung iba ang nagsabi, baka lalo siyang malungkot at maawa pa sa sarili. Pero iba si Mark. Magandang nasa buhay niya ito. Malaking tulong sa kanya.
Naging busy na siya buong araw at nang makauwi, may nakitang missed call. Akala niya si Mark, pero ibang number ang naka-register sa phone. Hindi niya pinansin ang tawag at kabado rin. Baka ang nanay niya iyon at may kailangan na naman. Naligo siya at naghanda nang i-text si Mark nang mag-ring na naman ang phone. Ang numero kanina ang nasa screen. Sinagot niya agad ang tawag.
“Hello?”
Boses ng isang babae ang nasa kabilang linya. “Is this Maristel?”
“Ito nga. Sino po sila?”
“This is Tracy, Mark’s girlfriend.”
Natigilan si Maristel. Matagal bago siya nakapagsalita uli. “Ano’ng sabi mo?”
“Girlfriend niya ako. Ikaw `yong babaeng ka-chat niya, `di ba? Gusto ko lang sanang itanong kung niligawan ka niya. I’m sick and tired of all his lies.”
“Paano mo nakuha ang number ko?”
“Importante pa ba `yon? Please, pakisagot ang tanong ko. Nilagawan ka ba niya?”
Hindi alam ni Maristel kung ano ang isasagot. Maniniwala ba siyang girlfriend ni Mark ang babae? Hindi ang isang tulad ni Mark ang magsisinungaling. Parang nahulaan ng babae ang iniisip niya dahil sinabi nito, “I got your phone number from his phone. We have a long-distance relationship. I went to the States after high school, though we both went to La Salle.”
“K-kailan pa kayo?”
“We’ve been together since our third year in high school. I had to leave the country to study abroad for college. I left last year. Nandito ako ngayon sa Nueva Ecija. It’s a short break because school is not over yet. I will be back in the States in two days. Nakita ko sa phone niya ang text messages ninyo.”
“Last year?” Iyon ang tumatak sa isip ni Maristel. Dahil ba masyadong masakit ang mga unang sinabi ng babae? Siguro. “Graduating ka na rin?”
“Graduating? No. Of course not. Second year ako sa susunod na school year.”
“Hindi kayo magka-batch?”
“Why the hell are we even talking about that? Magka-batch nga kami. Ano ba ang hindi mo naiintindihan? Tinatanong kita kung boyfriend mo ang boyfriend ko. Please, help me out here. Kung ganoon, makikipag-break na ako. Hindi ako martir. It’s too hard to talk day after day, and finding out he’s fooling around.”
“S-sabi niya sa akin graduating na siya.”
Matagal bago nakapagsalita ang babae. “Really? How old do you think he is?”
“Twenty-one, tulad ko.”
“Shit.” Bumuntong-hininga ang babae. “He’s nineteen. If he lied about his age, he probably lied about a lot of things like having a girlfriend, right? Hindi niya sinabi na may girlfriend na siya at matagal na kami.”
“O-oo.” Nagsimulang manikip ang lalamunan at dibdib ni Maristel. Ano ang nangyayari? Hindi niya inaasahan at sana matigil na kung isang biro lang iyon. Pero bakit naman magbibiro ang isang taong noon lang niya nakausap?
“So kayo?” tanong uli ng babae.
“O-oo.”
“So dalawa tayong naloko. Shit. I should’ve known. I’m sorry about this. I have to go. If you’re still interested in him, he’s all yours. I’m not having this. Thanks for the information.” Nawala na ang babae sa linya.
Noon pinakawalan ni Maristel ang mga luha. Kahit sinasabi ng isang bahagi ng kanyang isip na hindi totoo ang lahat, hindi niya magawang maniwala na hindi totoo ang mga sinabi ni Tracy.
Noon niya naisip na sa kabila ng madalas sabihin sa sarili na kilalang-kilala na niya si Mark, nagkakamali siya. Kung nagsinungaling sa edad, ano pa ang hindi nito sinabi sa kanya? Talaga bang taga-Quezon City ang lalaki? Talaga bang birthday ng lolo nito o gawa-gawa lang iyon?
Walang paraan para malaman ni Maristel. Kung hindi tumawag ang Tracy na iyon, hindi niya malalaman. Alangan namang magsinungaling ang babae tungkol sa edad ni Mark. Parang walang sense. Kung ang purpose ng babae na sabihin lang sa kanya ang tungkol dito at kay Mark, hindi na kailangang gumawa ng kuwento tungkol sa edad ng lalaki.
Nineteen years old. Para sa kanya, ang bata-bata pa nito, kahit dalawang taon lang naman ang pagitan nila. Teenager pa!
Hindi alam ni Maristel kung gaano siya katagal umiyak. Tumahan lang siya nang humapdi na ang mga mata at maisip na may pasok pa siya kinabukasan.
Hindi tumawag si Mark hanggang makapasok siya sa opisina. Tumawag ito nang makabalik na uli siya sa bahay.
“How are you?” tanong ng lalaki.
“Tumawag sa akin si Tracy,” sagot niya.
“I know.”
“Magpapaliwanag ka ba?” Mainit na agad ang ulo ni Maristel.
“I would like to apologize. I handled the situation terribly. Gusto ko naman sanang sabihin sa `yo, pero hindi ko nagawa. Sa umpisa, ang gusto ko lang naman makakuwentuhan ka. It’s the Internet, I was playing around. But things got a bit more complicated when I found myself liking you more and more everyday. Gusto kong sabihin, pero naisip kong baka mainis ka sa akin. And then I found myself falling in love with you more and more. Natakot ako.”
“Na-in love ka sa akin, pero may girlfriend ka?” Napaiyak na siya. “Sinungaling ka!”
“I’m very sorry. It’s not what it seems. I used to love Tracy, but the distance made it impossible for us. Siguro, matagal na ring nabawasan ang feelings ko sa kanya, hindi ko alam. Anyway, I found you and it’s you I want now. Only you.”
“Sinungaling.” Tinapos ni Maristel ang tawag at in-off ang phone. Wala siyang balak makinig sa malabnaw na paliwanag ni Mark. Niloko siya nito sa loob nang ilang buwan at ngayon, sasabihing siya ang mahal? Baka iyon din mismo ang sinabi nito kay Tracy. Hindi rin papayag si Maristel na siya ang sasalo sa isang manloloko.
Gigil na gigil siya, at napaiyak na naman. Matindi ang lungkot na naramdaman niya at literal na masakit ang kanyang dibdib. Halos wala siyang tulog at pabiling-biling sa higaan. Hindi siya nakatiis at binuksan ang phone. Pero walang text message ang lalaki. Naisip niya, siguro sa ganoon na lang sila magtatapos. Dapat ba siyang umasang maiiba ang sitwasyon? Baka ganoon ang dapat asahan sa mga relasyong tulad ng sa kanila—nagsimula nang hindi nila kilala ang isa’t isa.
Lumipas ang ilang araw na wala silang ugnayan. Habang lumilipas ang mga araw, lalong nagagalit si Maristel. Kung totoo sa loob ni Mark ang pagso-sorry, gagawa at gagawa ito ng paraan. Siguro, ginusto lang talaga nitong bolahin na naman siya. At kung sakaling nagpabola siya, tatakbo ang mga araw na sila uli habang may relasyon din ito at si Tracy. Baka nabola na ni Mark ang babae kaya hindi na siya pinagkaabalahan pang bolahin. Madali nga naman para sa lalaki na makakita ng iba.
Nang araw na iyon ng Sabado, inimbitahan sila ng isang kasamahan sa trabaho—si Kuya Badong—dahil birthday ng anak. Ayaw sanang sumama ni Maristel, pero sinabi ng mga katrabaho niya na masyado siyang nagpapakalungkot. Alam ng mga ito na hindi na niya “boyfriend” si Mark. Mahirap na hindi mapansin ng lahat dahil wala nang dumarating na regalo at hindi na rin siya madalas may kausap sa phone.
Malayo ang birthday party, sa Cogeo. Ni hindi pa siya nakakarating doon. Sumabay na lang siya sa mga kasamahan at namasahe papunta sa bahay. Simple lang iyon, nasa isang subdivision. Proud si Kuya Badong sa bahay na dugo at pawis daw nito. Naisip ni Maristel, kukuha rin siguro siya ng hulugang bahay pagdating ng panahon. Iyon lang, kung hindi siya makakahanap ng mas magandang trabaho, magiging tulad siya ni Kuya Badong na kahit may bahay, nangungupahan dahil sa layo. Wala nang mura malapit sa opisina. Wala rin siyang balak na magtagal doon.
Ang hirap kapag iniisip niya kung saan papunta ang kanyang buhay. Mag-aaral o magtatrabaho? Parang mahirap pagsabayin.
“O, malungkot si Tetet, pakantahin na `yan!” sabi ni Kuya Badong. Nakainom na ito, tulad ng ibang mga kasamahan nila.
Inabot naman ni Maristel ang mic. Hindi niya aatrasan ang kantahan. Hindi pa nagtagal, bumibirit na siya ng mga kanta ni Regine Velasquez. Nagpalakpakan ang lahat nang matapos siya sa kantang “Dadalhin.” Feel na feel niya dahil parang kuwento nila iyon ni Mark. Wala mang eksaktong pangako ang lalaki, marami namang mga plano na akala niya totoo, pero hindi naman pala.
Mayamaya, inabutan na siya ng tagay, pero tumanggi siya, hanggang sa ang asawa ni Kuya Badong na ang nagyaya sa kanya. Hindi raw puwedeng para sa mga lalaki lang ang inuman. Hindi niya nagawang tumanggi. Nag-e-enjoy siya sa inuman nila ng mga kaibigan nito sa likod-bahay kaya hindi niya namalayang umalis na ang ibang mga kasamahan at ang ilang technician na lang ang mga naiwan. Alas-nuwebe ng gabi, siya na lang ang babaeng tagaopisina sa bahay, kahit marami pa namang mga babaeng kaibigan ang asawa ni Kuya Badong na nandoon pa rin.
Hindi uminom nang marami si Maristel dahil alam niyang uuwi pa siya. Nagpahinga lang siya sandali at nagpaalam na rin. Kainitan pa lang ng kasayahan, pero kailangan na niyang umalis. Malayo pa ang kanyang uuwian. Sumakay siya ng tricycle palabas ng subdivision at saka sumakay ng jeep. Ipinikit niya saglit ang mga mata at nakatulog. Nang maalimpungatan, nagsisibabaan na ang lahat ng pasahero. Kinabahan siya nang mapansing wala na ang kanyang bag. Kinapa niya ang bulsa. Nandoon pa ang cell phone, pero wala na talaga ang kanyang bag!
“Manong, nasaan ang bag ko?” tanong niya sa driver, kabado.
“Ha? Anong bag? Ewan ko.”
“Nakatulog lang po ako at ngayon wala na ang bag ko!”
“Aba, hindi ko alam. Mahaba ang biyahe. Dito na lang ako. Mag-report ka na lang sa pulis.”
“Pero, manong, paano ako makakauwi?”
“Aba, ewan ko sa `yo. Baka style mo lang `yan. Hindi kita bibigyan ng pera. Bumaba ka na.”
Bumaba si Maristel. Nasa Cubao na siya. Nasa nawawalang bag ang kanyang ID at wallet na naglalaman ng five hundred pesos. Maliit na halaga sa iba, pero pamasahe niya iyon pauwi. Gustong mag-report ni Maristel sa pulis, pero hindi rin niya alam kung saan nandoon ang headquarters. Wala siyang alam masyado sa Maynila.
Nag-compose siya ng text message para sa isang kasamahan sa trabaho, pero hindi na ma-send ang text—wala na siyang load! Noon biglang nag-ring ang phone niya. Si Mark. Sa pagka-stress, sinagot niya ang tawag, umaasang makakahingi ng tulong. Hindi sanay sa ganoong sitwasyon si Maristel at natatakot siya. Kung magta-taxi siya pauwi, paano siya makakasigurong may pera ang mga kasamahan niya sa apartment? Ang kasera nila, wala rin at nasa probinsiya, bukas pa babalik. Wala siyang pera sa apartment kundi baryang tigpipiso. Baka ni hindi iyon umabot ng isandaan.
“Hello?”
“I miss you.”
“Nasaan ka?”
“Nasa apartment. Are you all right? You sound funny.”
“Nasa Cubao ako, nanakawan ng bag. Nandoon ang wallet ko.”
“I will pick you up.”
Hindi na tumanggi si Maristel at parang nabunutan ng tinik sa dibdib.