noveltoon logo noveltoon
Kapeng Barako At Krema (Kristine Series 14)

Chapter 6

Ch. 6 / 24 Nov 28, 2025

T ANGHALI na nang magising si Jade dahil sa pagkapuyat. Kagabi pag-uwi niya’y nasa mansiyon na si Auntie Jewel niya. Zandro was there too. At alas-dose na halos ng hatinggabi nang umalis ang mga tiyuhin at tiyahin matapos ang maraming habilin.

Ngayong umaga’y tinawagan siya ni Bernard na huwag na munang pumasok. Subalit nagpilit ang dalaga. Maraming trabaho sa opisina kaya kahit pasado alas-onse na nang tanghali’y gumayak pa rin siyang papasok.

Nagulat pa si Jade nang paglabas niya sa garahe’y naroon na ang lalaki. Nakasandal sa hood ng Alfa Romeo niya. In his old faded jeans.

Ang gray shirts nitong nakapaloob sa maong ay nakabalandra ang tatak na US AIR FORCE.

Napahinto siya sandali sa paghakbang. More or less ay nahuhulaan na niya kung bakit ito naroroon. At nag-aalma ang loob ng dalaga.

“Good morning,” she greeted politely.

“`Morning,” ganting-bati ni Kurt sa simpleng magalang ding tono.

Hinagod ng tingin ang dalaga. Very chic in yellow tailored suit and high heeled shoes. May silk scarf sa leeg in coordinate colors na nag-accentuate sa damit niya.

She looked like as if she came straight out from the pages of a Vogue.

“We haven’t been properly introduced. I’m Kurt,” pakilala nito at itinaas ang kamay sa kanya.

Matagal na tinitigan ni Jade ang kamay nito. May pakiramdam siyang kapag hinawakan niya iyo’y tila hahawak siya sa ulo ng leon. Na sasakmalin ang kamay niya anumang sandali.

Silly thought.

Ibinigay niya ang sariling kamay at naramdaman ang magaspang nitong palad. It was a firm shake at agad ding pinakawalan ni Kurt.

“What are you doing here?” walang emosyong tanong niya. Sinisikap alisin sa isip ang tila pagkapaso ng palad.

Sinuyod ng tingin ang kabuuan ng lalaki. The typical hunk, tulad ng una niyang assessment dito. Hindi kasingguwapo ng kakambal at mga pinsan. But definitely has his own brand of attraction.

A lethal one for that matter.

“Couldn’t you guess?” ganting-tanong nito.

Nang mag-akma siyang buksan ang pinto ng sports car ay naunahan siya ni Kurt at maagap nitong binuksan ang pinto para sa kanya.

“Thank you,” usal niya. Ipinasok sa loob ang shoulder bag at ang attaché case at saka muling tumuwid at hinarap ang lalaki. “I hate bodyguards.” h indi tumataas ang boses niya. She was stating a fact.

Kurt caught a wiff of her perfume. Subtle and very expensive. Just like the damn woman who is both subtle and expensive. Inaasahan nitong magagalit si Jade pagkakita sa kanya.

Nagbabala na si Bernard Fortalejo kahapon na hindi gugustuhin ni Jade na binabantayan. And he was expecting a tirade. Pero sa halip isang mahinahong babae ang humarap dito at malamig na sinasabi ang inaasahan na nito. Bagaman ang mga mata’y nagbabadya ng bagyo.

“Just as I hate other people to drive for me,” dugtong ni Jade.

“Your uncle paid me an enormous amount of money para protektahan ka,” he said in equal tone.

Iyon ang kauna-unahang pagkakataon na nakita nito ang dalaga nang malapitan. Dalawang dangkal lang humigit-kumulang ang pagitan nila. In broad daylight. And the wench is undoubtedly beautiful.

Oh, alam niyang maganda si Jade. Two-and-a-half years ago, she was a beauty. Last night, sa harap ng mga pulis, while he discreetly watched from a distance, nagulat siyang makitang muli ang dalaga.

Nag-mature ito sa nakalipas na dalawang taon at kalahati. Poised and composed. He couldn’t help admiring this woman. Buo ang loob kung ang pagbabasehan ay ang sinasabi nito kung paano naiiwas ang sarili sa mga would-be kidnapper. Kung ibang babae iyon ay malamang na na-kidnap na.

She wasn’t even hysterical na normal lang sa isang tao kapag nahaharap sa panganib. At lalo na sa isang babaeng mula pagkapanganak ay nahihiga na sa salapi.

Natuunan din niya ng pansin ang Smith and Wesson na nasa ibabaw ng mesa at wala sa loob na nilalaro-laro ni Jade habang kinakausap ng mga pulis. Pinag-iisipan niya nang malalim kung kaya nitong gamitin iyon.

This morning, she’s ten times a beauty.

Inawang ng malaki ni Jade ang pinto ng kotse at pumasok sa driver’s seat. Matabang na ngumiti.

“I saw your vehicle outside. Use it.”

Hindi kumibo ang lalaki at pinagmasdan siyang ilabas sa garahe ang sasakyan. Nagmamadaling tinungo ni Kurt ang segunda manong four-wheel-drive nitong Dodge pickup at sinundan ang dalaga.

HINDI natanaw ni Jade sa rearview mirror niya si Kurt. Inaasahan niyang nainis ito sa kanya.

Ipinagkibit lang iyon ng mga balikat ng dalaga bagaman may bahagyang panghihinayang siyang nararamdaman.

Subalit nang nasa North Expressway na sila ay nagulat pa siya nang makitang nasa likuran lang niya ito. Nag-siento treinta siya at tila sinibat palayo ang sports car niya.

A smiled played her lips. Paanong makakaagapay sa kotse niya ang pickup nito?

Nagbalik sa isip ang nangyari kagabi. Nagulat pa siya nang dumating si Bernard na kasama ito. Kasabay halos ng mga pulis sa ibaba.

Mahigpit niyang niyakap ang tiyuhin pagkakita rito. “Uncle...” a ng kaba at takot na pinipigil ay tuluyang bumigay.

“It’s okay, hija... it’s okay,” hagod ni Bernard ang likod niya. “You aren’t hurt, are you?” Sinipat siya nito.

Umiling ang dalaga. At doon niya napansin si Kurt sa labas ng salamin. Nakatanaw sa tagilirang bintana kung saan naroroon ang fire escape. She felt the sudden and maddening beat of her heart. At itinuring niyang dahil lang iyon sa nangyaring takot sa muntik niyang pagkaharang.

Hindi gaanong maliwanag ang ilaw sa labas ng silid ng opisina ni Marco. Bukod pa sa salamin ang pinakadingding nito na nakaharap sa hallway. Sa araw ay hindi makikita ang nasa loob subalit tiyak niyang makikita siya ng lalaki dahil higit na maliwanag ang loob ng silid kaysa sa labas.

“S-sino ang kasama mo, Uncle?”

Nilingon ni Bernard si Kurt. “A–a friend, Jade...” h indi malaman ni Bernard ang isasagot.

Nagsalubong ang mga kilay ng dalaga. Hindi siya maaaring magkamali. Ang lalaking ito ang nagligtas ng buhay niya may dalawang taon at kalahati na ngayon ang nakalilipas.

At muli’y nagkita sila. Hindi niya inaasahan iyon. At naroon ito at nakasandal sa may bintana malapit sa fire escape sa tila nababagot na anyo. Na tila ba may ginagawa itong importante at naabala.

Nagdududang tiningala niya ang tiyuhin. “Hindi siya estudyante, Uncle, `di ba? Hindi lang nagkataong nagtatagpo kami noon sa unibersidad at kahit sa party? You hired him. You and Dad hired him.” p aniniyak at akusasyon ang nasa tinig niya.

Subalit bago pa makasagot si Bernard ay naroon na ang mga pulis sa pasilyo. Hindi nagtagal ay nababagot na niyang iniuulat sa mga pulis ang nangyari.

Paminsan-minsan ay sinusulyapan niya ang lalaking tahimik na nakatayo sa labas. Hindi kataka-takang pag-isipan niya ito noon na basta na lang naglalaho sa mataong lugar. Isa itong private detective, kung hindi siya nagkakamali.

Nang matapos ang nakababagot na tanungan-sagutan sa mga pulis at nangakong mag-iimbestiga’y nagyaya na rin si Bernard na umalis na sila.

Sa helipad sa itaas ng dalawang palapag na building ay naroon ang chopper. Ang buong akala niya’y kasama rin nila uli ang lalaki. Subalit sila lang ni Bernard ang sumakay sa chopper pabalik.

Habang tumataas sila sa ere ay natanaw niya ang lalaki kasama ang mga pulis.