"O? Nag-away ba kayo ni Adam?"
Maayos na ulit ang bahay. Nadatnan kong nanonood ng t.v. sina Ate Gem at Jane. Napansin siguro nila ang dala-dala kong mga gamit ko.
"Hindi," sagot ko kay Ate Gem.
"Maniwala ka dyan? Nag-away yan," bulong ni Jane sa kanya.
Nakakita ako ng unan sa sofa at ibinato kay Jane.
"Narinig ko yon!"
"Aray naman!"
"O? Eh bakit nag-alsa balutan ka na at bumalik ka na dito ngayon?" tanong ni Ate Gem.
Tinabihan ko sila.
"Bakit? Masama ba? This is my home. Eh ikaw Ate Gem? Bakit bumalik ka na dito? What happened between you and Harris?"
“Nag-away na naman kami eh."
"I get it. Kaya pala ganun ang tanong mo saken. Well what's new? Palagi naman kayong nag-aaway eh."
"Hoy! Kahit palagi kaming nag-aaway, mahal na mahal ko pa rin ang tukmol na yon noh!"
"I didn't say anything," depensa ko.
"Kumain ka na ba?"
"Hindi ako nagugutom eh. Magpapahinga na lang ako."
Tumayo na ako at dumiretso sa kwarto. Nagbihis at humiga sa kama ko.
May isang oras na yata akong nakahiga sa kama pero hindi pa rin ako dinadalaw ng antok. Walang ibang laman ang isip ko kundi si Adam.
Hindi ba dapat hindi ko na siya iniisip ngayon? Wala na. Tapos na. Tapos na tapos na kami. Matagal na. Since the day we broke up dapat noon pa lang tinanggap ko na na tapos na kami. Na dapat dumistansya na ako sa kanya. Kaya heto ako ngayon, mas nahihirapang magmove on.
Sabi ko na eh, dapat talaga hindi ako naniniwala sa mga hula-hula na yan eh. Kaya nga hula diba, walang kasiguraduhan. Hinulaan lang. Siguro nagkataon lang na yung number na yun ang nasa isip ng manghuhulang yon.
"Sige na Arkisha, magpahula ka na rin”, udyok ni Ella.
"Ayoko nga!" tanggi ko.
"Ang KJ mo! Wala namang mawawala sayo pag nagpahula ka. Sige na."
Sabagay, may point siya. Inilahad ko ang kamay ko sa manghuhula. Hinawakan niya ito. Pinag-aaralan ang palad ko. I find it really weird. Paano niya nagagawang manghula sa pamamagitan ng pagtingin lang sa palad ng tao?
"May karelasyon ka ngayon, iha,” sabi ng manghuhula. Hindi siya tanong pero hindi ko mapigilang mapatango.
Hmp. Tsamba lang yun. Dalawa lang naman ang pagpipilian, single or taken.
"Ang galing nyo po! May boyfriend nga po yan, si Adam," singit ni Ella.
Pinandilatan ko si Ella. Ang daldal kasi, hinihintay ko nga kung mahuhulaan din ni Manang yung pangalan ng boyfriend ko.
"Masaya ka sa piling niya. Mahal na mahal mo siya,” pagpapatuloy ng manghuhula.
Okay. Now I'm enjoying this. I'm finding it romantic. Sige pa Manang, ano pang nakikita mo sa palad ko?
"Bago pa lang kayo. Marami pa kayong pagdadaanan…"
Nyeee. Syempre, lahat naman ata ng relasyon, ganun.
"Arkisha, magtanong ka kaya?" sabi ni Ella.
"Sshh... Wag kang maingay Ella!" saway ko sa kanya.
"Kung ayaw mo, ako ang magtatanong. Manang, magtatagal ba sila nung boyfriend niya?" tanong ni Ella.
Ngumiti ang manghuhula.
"Oo, pero hindi ganung kasimple. Maraming magiging sukatan ng pagmamahal nyo sa isa’t isa."
Ayoko na. Pinapaikot lang ata ako ni Manang. Binawi ko na ang palad ko.
"Thank you po, Manang," sabi ko at nagbayad ako.
"Teka, hindi pa tayo tapos. May natitira ka pang isang tanong," sabi ni Manang.
"Hindi na po," sabi ko. Tumayo na ako.
"Sandali Arkisha, sayang yung isang tanong. Ako na lang ang magtatanong para sayo," pigil ni Ella.
"Ano ka ba, umuwi na lang tayo," bulong ko.
"Manang, sino kaya ang destiny nitong friend ko?"
Ano namang klaseng tanong yun?!
"Ella!" saway ko.
"Yung pangatlo. Yung pangatlo mong kasintahan," sagot ni Manang.
"Aaaaayyyy!!" tili ni Ella. "Thank you, Manang."
Umalis na kami.
"Narinig mo? Yung pangatlo raw! Si Adam nga!"
Siniringan ko lang si Ella at nagpanggap na walang pakialam pero deep inside kinikilig ako.
Adam is my destiny DAW.
Natatawa ako kasi pinatulan ko yung sinabi ng manghuhula. Hindi naman sa doon ako nagbase, kasi naghiwalay din naman kami ni Adam. Naalala ko lang bigla.
Natigil ang pagbabalik-tanaw ko nang may marinig akong kumakatok sa pinto ng kwarto. Pumasok si Ate Gem.
"Yung knight in shining armor mo, nasa labas," sabi niya.
"Ha? Bakit??!"
"Malamang hinahanap ka."
"Sabihin mo wala, tulog, umalis, nasa ibang bansa na!"
"Hmm... Akala ko ba hindi kayo nag-away?"
"Hindi nga. Basta, paalisin mo na. Kaw na bahala," utos ko at nagtaklob ako kumot.
Naramdaman ko na lumabas na si Ate Gem at isinara ang pinto. Pagkalipas ng ilang minuto, narinig ko na lang na may umandar na sasakyan.
"Kawawa naman si Adam, parang nalugi. Ayun, umuwi na. Lulugo-lugong sumakay sa kotse niya. Ano ba naman kasing drama yon? May patago-tago ka pa dyan."
Pagsilip ko sa kumot nakatayo sa harap ko si Ate Gem. Umupo ako sa kama.
"Wala na," sagot ko.
"Anong wala na? Wala na kayo? O, eh diba matagal na naman talaga kayong break?"
"Ayoko na. Ayoko ng umasa."
"I knew it. Hindi naman talaga magwowork yang set-up nyo na yan eh. Palaging may mai-inlove at may masasaktan."
"Tama ka. At sa aming dalawa, ako yun parehas. Na-inlove at nasasaktan."
"At walang idea si Adam tungkol dito? Tungkol sa nararamdaman mo?"
Umiling ako.
"Ang manhid naman kasi niya," tumutulo na pala ang luha ko.
"Sinubukan mo bang sabihin ang nararamdaman mo?"
Umiling ulit ako.
"See? Tapos magrereklamo ka dyan na manhid yung tao. Alam mo Arkisha, alam natin that action speaks louder than words, pero minsan actions are not enough para masabi mo ang nararamdaman mo. Kailangan din ng salita para magkaintindihan."
"Tapos ngayon bigla-bigla mo na lang tataguan si Adam. Syempre magtataka yung tao. Oo nga, wala kayong relasyon pero wag mo namang tapusin ng ganito."
"May iba siyang mahal," sabi ko sabay punas sa luha ko.
"Kaya ka nagkakaganyan? Alam mo, gustong gusto na kitang batukan, naku!"
Patuloy pa rin ako sa pag-iyak.
"Akala ko ba alam mo ang ginagawa mo, ngayon uuwi ka dito nang umiiyak? Teka, paano mo ba nalaman na iba ang mahal niya?"
"Basta. Sapat na yung sinabi ng Ate niya. Ibang babae ang kinekwento ni Adam sa kanya. I am a nobody."
"Yun lang? Ni hindi mo man lang inalam kung ano ba talaga ang nararamdaman ni Adam?"
Hindi ako sumagot. Patuloy lang ang paghikbi ko.
"Hay naku, isa lang ang maipapayo ko. Kailangan nyo talagang mag-usap kasi kanina sabi niya may importante raw siyang sasabihin sayo," sabi ni Ate Gem at lumabas na siya ng kwarto.
Ano namang sasabihin niya? Dadagdagan ba niya ang sakit na nararamdaman ko?