noveltoon logo noveltoon
By the way, his name is Jack Frost

Chapter 38

Ch. 38 / 47 Feb 05, 2022

Halos sampung minuto na ang lumipas simula nang makapasok si Storm sa loob at hanggang ngayon ay hindi pa rin dumarating ang mga kaibigan niya. Wala akong ibang magawa kundi ang tingnan lang ang dinaanan niya papasok sa Avellino.

Kumalabog ng malakas ang puso ko nang makarinig ako ng panibagong putok ng baril. Mabilis na nabalot ng takot ang katauhan ko habang inaalala si Storm na nasa loob.

“Oh, God. Storm…” nag-aalalang bulong ko.

Hindi ako mapakali. Maya‟t maya ang lingon ko sa aking likuran at umaasang makikita ko na ang barkada niya pero paulit-ulit lang akong nabibigo dahil wala pa rin sila hanggang ngayon. Bakit kaya ang tagal nila? Sila na lang ang inaasahan ni Storm.

Nanlalaki ang mga mata kong ibinalik ang tingin sa Avellino nang makarinig ako ng isa pang putok ng baril. Nanginig ang buong katawan ko nang maisip na baka ang bala ng baril na iyon ay tumama sa katawan ni Storm. Napapikit ako sa ideyang iyon at pilit iniisip kung anong paraan ang magagawa ko upang matulungan siya.

Naisara ko na lang ang mga kamao ko dahil sa pagiging walang silbi ko. I‟m still that useless and fragile Summer. Kung talagang gusto kong makatulong, kailangan kong maging matapang…kailangan kong kumilos.

Iminulat ko ang mga mata ko at tiningnan muli ang napakalawak na paaralan sa harapan ko. Kailangan kong tulungan si Storm. Kung hindi ako kikilos, pwes sino? Maaring tanga nga siguro ako para magtapang tapangan pero mas gugustuhin kong mapahamak na lumalaban kaysa paulit-ulit na manuod lang at hayaan ang iba na ipagtanggol ako.

Humugot muna ako ng napakalalim na hininga bago lakas loob na tumakbo papalapit sa paaralan. Pumunta ako sa may gilid ng paaralan at nakita ko ang isang puno na nakatayo sa tabi ng matayog na pader ng paaralan. Kung aakyatin ko ang puno na iyon ay maari akong makapasok sa loob.

Hindi na ako nag-aksaya ng panahon at umakyat na nga ako agad sa puno. Pagkaakyat ko ay napalunok ako nang makitang medyo mataas pala ang babagsakan ko kapag tumalon ako para makapasok sa loob ng Avellino. Kung tatantyahin mo ay para akong nasa 2nd floor at kailangan kong tumalon sa ground floor.

Lakas loob akong tumalon papasok ng Avellino High at kaagad na tumama ang pwetan ko sa matigas na lupa ng paaralan. Napaangal ako sa sakit na dulot nito pero pilit ko pa rin tinulungan ang sarili kong tumayo. Wala akong ibang iniisip kundi ang kailangan kong magmadali at hanapin kaagad si Storm. Ayokong ipasok sa utak ko ang ideyang baka napahamak na siya. Nangako siya sa akin na mag-iingat siya at naniniwala ako sa pangako niya.

Maingat akong naglakad papunta sa pinakamalapit na building sa akin. Halos mabalot na ng dilim ang buong lugar dahil papalubog na ang araw.

Sumulyap sulyap muna ako sa paligid upang makasiguro na walang nakakakita sa akin. Hindi ko alam kung paano ko mahahanap si Storm sa sobrang laki ng paaralan na ito pero hindi ako pinanghihinaan ng loob.

Nakarinig ako ng mga taong nag-uusap di kalayuan sa akin kung kaya‟t mabilis akong nagtago sa likod ng isang pader malapit sa nilalakaran ko. Pasimple akong sumilip at tiningnan ang mga lalaking paparating. Dalawa lang sila at naglalakad sila papalapit sa may direksyon ko. Bumaba ang tingin ko sa mga tagiliran nila nang mapansing may baril na nakasuksok roon. Mabilis akong nakaramdam ng takot dahil doon. Huwag mong sabihin sa akin na lahat sila na naririto sa loob ay armado?

Dapat ay mabalaan ko sina Drake. Magaling nga sila sa mga gang fights pero paano kapag may deadly weapons nang kasama? Napasabunot ako sa sarili ko dahil sa panlulumo. Paano ko sila mababalaan? Ugh. Kung kanina ay si Storm lang ang inaalala ko, ngayon pati na sila. Wala talaga akong silbi.

“Ang lakas ng loob niyang pumasok ng mag-isa, wala naman pala siyang ibabatbat.”

Nang malapit na sila sa pwesto ko ay napapikit ako nang mariin at ipinagdarasal na huwag sana nila akong mapansin.

“So ano plano nila sa kanya?”

Nakahinga ako nang maluwag nang malampasan nila ako at hindi napansin. Tiningnan ko ang mga hitsura nila. Mukha lang naman silang malalambot. Kung ihaharap mo sila kay Jack ay sa tingin ko‟y isang suntok lang ay tulog na sila. Jack. Ugh, bakit biglang pumasok sa isip ko ang lalaking iyon?

“Hindi ako sigurado eh. Pero sa pagkakaalam ko ay kahit hindi na pag-aksayahan ng bala iyon dahil mukhang malapit na rin naman siyang mamatay dahil sa saksak na meron siya.”

Mabilis na nanlamig ang katawan ko nang marinig ang sinabi ng lalaki. Si Storm. Namalayan ko na lang na umiiyak nanaman pala ako. Akala ko ba ay mag-iingat siya?

Nang tuluyan nang makalagpas ang mga lalaki ay humugot ulit ako ng lakas ng loob upang lumabas sa pinagtataguan ko at mabilis na tumakbo papunta sa kung saan sila galing. Nang nasa dulo na ako ng hallway ay may nakita akong isang lalaki na papalabas sa isang silid kaya dali-dali rin akong pumasok sa isa pang silid na malapit sa akin para magtago.

Iniwan kong nakabukas ng kaunti ang pintuan upang makita ko kung wala na ang lalaki sa labas. Pigil na pigil ang paghinga ko dahil sa ginagawa ko. Nang makita kong malayo-layo na siya ay lalabas na sana ako pero natigilan ako nang may malamig na metal ang dumikit sa may gilid ng noo ko. Tila tumigil bigla ang mundo ko at mabilis na nanginig ang buong katawan ko lalo na nang makita kong baril ang nakatutok sa ulo ko. I‟m dead.

❄ ❄ ❄

“Ugh!” angal ko nang malakas akong itulak ng lalaking nakahuli sa akin papasok sa isang silid. Napaupo ako sa sahig dahil sa lakas ng pagkakatulak niya sa akin. Iniwan niya akong mag-isa at mabilis na nilock ang pinto upang ikulong ako. Nagmamadali naman akong tumayo at pilit na binuksan ang pinto.

“Buksan mo „to!” sigaw ko at pinaghahampas ang pinto. “Palabasin niyo ko rito!”

Napasabunot ako sa sarili ko dahil alam kong wala rin namang kwenta ang ginagawa ko.

“S-Summer…”

Kaagad nanlaki ang mga mata ko at napaharap sa likuran ko. Hindi ako makapaniwalang napatakip sa bibig ko nang makita si Storm na nakahiga sa sahig at napapalibutan siya ng sarili niyang dugo.

Nagmamadali akong tumakbo papalapit sa kanya. “Oh my God, Storm. Ayos ka lang ba?!”

Hirap na hirap siyang umayos ng upo. Kahit na bahagyang madilim ay kitang kita ko pa rin na sobrang namumutla na siya. Hindi ko na napigilan ang sarili kong mapahikbi habang tinitingnan siya na nahihirapan.

“A-Anong ginagawa mo dito? S-Sinaktan ka ba nila?”

Mabilis akong umiling habang patuloy ang pagbuhos ng mga luha ko. “Ano ba? Bakit ako pa ang inaalala mo samantalang ikaw itong nahihirapan ngayon?” Napayuko ako at pinunasan ang pisngi ko. “I‟m sorry. Napakauseless ko. Hindi ko man lang nagawang tulungan ka.”

Hinawakan niya ang ilalim ng baba ko at iniharap ng maayos ang mukha ko sa kanya. “No, wala kang kasalanan. K-Kung tutuusin ay ako pa itong may kasalanan. K-Kung sinunod sana kita edi sana hindi mo na kailangang sumunod dito dahil nag-aalala ka.” hirap na hirap na saad niya.

Hindi na ako sumagot pa at niyakap na lang siya nang napakahigpit. “Huwag ka mag-alala, paparating na sila. Ililigtas nila tayo at dadalhin ka namin sa hospital.”

Isinandal niya ang ulo niya sa may balikat ko at niyakap rin ako. Patuloy ako sa pag-iyak at pagdasal na sana ay dumating na sila habang hindi pa tuluyang nagiging kritikal ang lagay ni Storm.

Nanatili kami sa ganoong posisyon hanggang sa marinig namin ang mabagal na pagbukas ng pintuan sa harapan naming dalawa. Natigilan ako nang isang tao ang hindi ko inaasahan ang pumasok. Si Storm naman ay automatic na napatayo nang makita siya.

Tiningnan kong maigi ang mukha niya. Hindi tulad sa larawan na ipinakita sa amin ng mga pulis ay walang bahid ng kahit anong sugat o pasa ang mukha niya ngayon. Napakakinis at napakaputi pa nga nito. Isa lang talaga ang kapansin-pansing nagbago sa kanya. Iyon ay ang buhok niya. Talagang maiksi na ito ngayon.

Napatingin ako kay Storm nang dahan-dahan siyang lumapit kay Jasmine. Nakita kong may luhang nag-uunahang pumatak sa pisngi niya habang tinitingnan ang babaeng gusto niyang iligtas na maayos at walang kagalos-galos ngayon sa harapan niya.

Dahan-dahan akong tumayo at kunot noong tiningnan din ang mukha ni Jasmine. Walang pagbabago ang expression na meron siya. Napakalamig ng tingin niya kay Storm.

“J-Jasmine, thank God!” saad ni Storm pagkalapit sa kanya. “Ayos ka lang ba? May masakit ba sa‟yo? Sinaktan ka ba nila?” sunod-sunod na tanong ni Storm.

“Hindi.” tipid at malamig na sagot ni Jasmine.

Mabilis siyang niyakap ni Storm at hinalikan siya sa buhok niya. “Oh, thank God.” Luhaang saad ni Storm pero itinulak siya ni Jasmine palayo.

Nagulat na lang ako nang sa paglayo ni Storm ay nakita ko ang hawak-hawak ni Jasmine. Napaatras si Storm mula sa kanya at hindi makapaniwalang napanganga.

“A-Anong ibig sabihin nito?” naguguluhang tanong ni Storm.

“Hindi nila ako pwedeng saktan,” saad ni Jasmine at saka itinutok ang hawak-hawak niyang baril kay Storm. “Dahil ako ang superior nila.”