noveltoon logo noveltoon
A House With Heartthrobs

Chapter 42

Ch. 43 / 78 May 03, 2022

Birthday

"Ang takaw mo talaga!" humalakhak siya. Araw ng linggo hindi ko alam kung bakit napagpasyahan kong sumama sa lalaking ito.

Nitong nakaraan ay naging magkasundo na kami kahit pa-paano. Minsan ay sinasamahan ko siyang pumunta sa kanila.

Sa katunayan nga, ngayon ay galing kami sa mansyon. Naabutan namin parehas niyang magulang pero kagaya ng kinasanayan ay hindi pinansin ni Latrelle ang Mama niya.

Ang Ate niya naman ay abalang sumasayaw sa kwarto kaya hindi siya napansin nito.

Nagtusok muli ako ng kikiam at sinasawsaw sa maanghang na sauce.

Pinalis ni Latrelle ang sauce na naiwan malapit sa labi ko.

"Pang-ilan mo na 'yan. Abuso ka na." Paano kasi ay kanina niya pa kong nililibre.

Hindi ko alam kung anong pumasok sa utak niya na kahit pati damit ay binili niya ko. Ang dahilan niya ay para raw magmukha naman akong tao. Sa katunayan ay mukha naman akong Dyosa kaya hindi niya na sana dapat gawin iyon.

"Ano ba kasing dahilan bakit mo ginagawa ito?"

Tinapon niya ang plastik cup sa baso saka nagpunas ng sarili niyang labi.

"Bakit masama ba? Saka birthday mo naman."

Sandali akong tumulala. Oo nga pala, birthday ko na pala?

Hindi ko alam. Birthday ko nga pala!

Sa sobrang abala ko sa eskwela at sa pagkuskos ng maduming bedsheet nina Latrelle ay nalimutan ko ang isa sa pinakamahalagang pangyayari ng buhay ko.

Mabilis kong hinigit si Latrelle. Muntik ko pang masira ang rolex niya kaya gano'n na lang ang pagkunot ng noo niya.

"Parang gusto mo yatang magbayad ng malaki." Tinaasan niya ko ng kilay.

"Grabe. Huwag naman. Saka tara! Samahan mo ko sa sementeryo"

Kumamot siya sa ulo tila nag-isip bago niya buksan ang kanyang kotse.

"Anong iniintay mo? Sakay na."

Nang malapit na kami ay saka ko lang napagtanto na kulang pala ang dala kong pera pambili ng bulaklak nina Mama at Papa.

Baka naman pwede akong makabili kahit isang piraso lang na bulaklak. Wala ng masama kung susubukan ko.

Pinahinto si Latrelle sa hanay ng mga nagtitinda ng bulaklak at kandila.

Hinugot ko ang forty-pesos sa bulsa ko. Bumuntong-hininga ako ng tinitigan ko ang dalawang gusot na papel.

Saan naman kaya aabot ito?

Huminga ako ng malalim. Bahala na. Kinapos ako ng budget ngayong buwan dahil sa daming projects at bayarin sa eskwelahan. Idagdag pa ang gamot ni Lolita.

Bago pa man ako makapili ng kandila ay nagulat ako ng inabot sa akin ni Latrelle ang dalawang piraso nito. Korteng-rosas kasama ang mga bulaklak na kulay puti.

"Ibigay mo sa mga in-laws ko este sa mga magulang mo."

Kumurap ng ilang beses ang mga mata ko. Gusto kong tanggapin pero mas nangibabaw sa akin ang hindi.

"Huwag ka ng magpakipot dyan. Alam kong makapal naman ang mukha mo." Ngumisi siya saka kumindat.

Grabe talaga ang pagkamaloko ng isang ito.

Umikot ang mga mata ko. Naghanap na lang ako ng ibang mabibilhan. Next time na lang ako babawi sa mga magulang ko. Maiintindihan naman nila ko dahil hindi naman sila reklamador.

Hinigit niya ang braso ko. Dahil sa lakas nito kasama na ang

basa ng daan ay muntik akong madulas.

Sinalo niya ko gamit ang bisig niya. Napahawak ako sa kabilang bisig nito na talaga namang ramdam ko kung paanong tumigas ang muscles niya roon.

Nanlaki ang mga mata ko. Nang nakabawi ako sa kung anong pwesto namin ay mabilis akong tumayo saka kinuha ang mga binili niya.

"Salamat! Tatanggapin ko na!"

Umuna akong sumakay ng kotse pero sarado pala iyon.

"O, huwag kang masyadong mabilis."Paalala niya saka nagsimulang magmaneho.

Pi-nark niya iyon sa bakanteng lote na malapit sa sementeryo.

Sumunod siya sa akin saka umupo sa tabi ko. Hinawi niya ang ilang tuyong dahon na humarang sa lapida nila Mama at Papa.

"Latrelle, alam kong mukha akong baliw sa gagawin ko ngayon kaya pwede mamaya mo na lang akong lokohin."

Tumango siya saka tinuon ang parehong palad sa kanyang likuran. Mukhang maamong tupa dahil wala naman siyang sinagot. Tahimik lang siyang sumagot.

Kagaya ng kinasanayan, naramdaman kong muli ang pagsimoy ng hangin. Pakiramdam ko ito ang paraan ng pagbati nilang dalawa.

"Ma... Pa... Hindi ko akalain na birthday ko pala ngayon. First time...", namuo ang bigik sa lalamunan ko. Ayoko sanang makita ni Latrelle na ganito ako pero hindi ko napigilan.

"First time na ako lang at wala kayo...", wala manlang warning ang luha ko. Biglang pumatak iyon at nagtuloy-tuloy.

Hindi ko kayang pigilan dahil sa sobrang sakit na nararamdaman ko. Gusto kong mas marami pa kong i-luha.

"Nangungulila ako Ma na kunwari hindi makakauwi si Papa tapos kinahapunan darating siya kasi birthday ko."

Mas lalong umagos ang luha galing sa mga mata ko. Bumara na rin ang lagusan ng ilong ko.

"Huwag kayong mag-alala tutuparin ko pa rin po 'yung pangako ko na magtatapos akong pag-aaral tapos tutulungan ko sina Lolita at Lucky."

Wala manlang akong pamahid ng luha. Grabe hindi ko ito napaghandaan. Nakakahiya.

Naramdaman ko ang bahagyang paglapit ni Latrelle.

"Oo na! Tawanan mo na ko!" pagmaktol ko.

Pero imbis na iyon ang ginawa niya ay lumapit siya sa akin para i-sandal ang ulo ko sa balikat niya. Mas lalong hindi ko inasahan ang paghagod niya ng likod ko. Halos sakupin iyon ng palad niya dahil sa sobrang laki.

"Huwag po kayong mag-alala nandito po ako para kay Kaoree. 'Yun nga lang po. Mas madalas ko siyang inisin kaysa pasayahin."

Bahagya akong tumawa.

Iniangat ko ang aking ulo saka tinitigan ang mata niya. Mga mata niyang palagi kong nakikitang masaya.

"Salamat, Latrelle."

"Ayoko ng salamat."

"Anong gusto mo?"

"I love you para may dating."

Nagtagpo ang kilay ko saka siya hinampas. "Loko-loko!"

Humalakhak siya. "Teka nga...", hinawakan niya ang magkabila kong braso kaya tumigil ako sa paggalaw.

Kinuha niya ang kanyang panyo sa bulsa saka hinawi ang buhok ko. Sinuklay niya iyon gamit ang mga daliri niya.

Pinalis niya ang luha ko saka nilagay ang panyo sa kamay ko.

"Magpunas ka ng sipon at sayo na 'yang panyo ko." Lumayo siya ng upo.

"Wow? Ang suplado ha."

"Nag-iingat lang. Baka marami kang germs."

Ngumiti ako. Kahit madalas ay loko-loko siyang tao. Aminado naman akong masaya siya kasama.