noveltoon logo noveltoon
Wild Passion (Kristine Series 22)

Chapter 5

Ch. 6 / 21 Feb 16, 2022

Chapter Five

“D UMATING noong isang linggo ang anak ni Mrs. de Castro galing ng Amerika, Nadine,” balita ni Julianne sa kaibigan nang dalawin siya nito sa cottage nang hapong iyon bitbit ang isang supot ng manggang hilaw at bagoong. Natitiyak niyang naglilihi na ito. “Hindi ko nga pala nabanggit sa iyo.”

Bahagya lang ang pagkagulat na ipinakita ni Nadine. May ilang sandali siyang tinantiya bago, “Alam mo bang dating magkasintahan sina Milet at Stan?”

She frowned. Pagkatapos ay umiling. “W-walang nabanggit si Stan sa akin tungkol sa mga naging ex niya.”

Nagkibit ng mga balikat si Nadine, isinawsaw ang hiniwang mangga sa bagoong na nasa platito. “Well, that was a long time ago. Bago pa nagtungo ng Amerika si Milet...”

Julianne got curious. “Really?”

Tumango si Nadine. “Nagkahiwalay sila nang magpakasal si Milet sa isang mayamang banyaga may dalawang taon na ang nakalipas. Nakilala niya sa isa sa mga beach resort dito sa Calapan,” patuloy nito. “Alam mo naman dito, dinadayo talaga ng mga foreigner ang magagandang beach resort.”

“Pero wala siyang kasamang asawa,” aniya at nakisubo sa kinakain nito at pagkatapos ay napangiwi. “Hindi ko alam kung paano mong nakakain iyang pagkaasim-asim na manggang iyan.”

Natawa si Nadine. “Makalipas lang din ang isang taon ay nabalitang nagdiborsiyo sina Milet at ang asawa niya.” Napangiwi ito. “Knowing Milet, hindi na ako nagugulat sa mga pangyayari. Bago niya naging boyfriend si Stan ay si Benedict ang kinukursunada niya. Pero hindi siya pinatulan nito.”

“Sinong Benedict?”

Nahinto sa pagsubo si Nadine at kunot ang noong napatitig sa kanya. “Hindi mo kilala si—I mean, hindi nababanggit sa iyo ni Stan ang tungkol sa kapatid niya?”

Natigilan si Julianne. “May... kapatid si Stan?”

“Actually, hindi sila blood related. Kinse anyos si Benedict nang mamatay ang papa niya, si Rafael Aragon. Ang mama niya, si Iluminada ay nag-asawang muli wala pang isang taon mula nang mamatay ang asawa, kay Clemente Itchon, ang papa ni Stan na dating konsehal sa Naujan. Tagaroon ang mga Itchon bago nalipat dito.”

“P-paanong hindi nabanggit sa akin ni Stan ang tungkol sa kapatid niyang ito?” nagtatakang tanong niya.

“There’s no love lost between Benedict and Stan.” Inabot nito ang soft drinks at matapos ubusin ay lumakad patungo sa lababo at naghugas ng kamay. “Nang pakasalan ng mama ni Benedict ang papa ni Stan ay sa Maynila na naglagi si Benedict.” i nabot nito ang basahan sa kamay at nagpunas.

“Bukod sa hindi gusto ni Benedict ang muling pag-aasawa ni Iluminada, hindi rin niya makasundo ang mag-amang Clemente at Stan. Mula noon ay bibihirang umuwi rito si Benedict. Ang natatandaan kong nagtagal siya rito ay nang mamatay ang mag-asawang Clemente at Iluminada sa isang ambush sa Bongabong noong nakaraang taon.”

“Anong uri ng tao ang Benedict na ito at hindi makasundo ni Stan at ng papa niya?” Julianne asked, mildly curious.

Nadine laughed mockingly. “If truth be told, at huwag mo namang ikasama ng loob, mas kinagigiliwan ng mga residente si Benedict. Kung hindi susuportahan ni Mayor Alcaraz si Stan ay hindi ako maniniwalang mananalo siya sa isang malinis na halalan bilang mayor sa bayang ito.”

“What?” Kumunot ang noo niya. “Bakit mo nasabi iyan?”

“Tulad ni Rafael Aragon, si Benedict ay mapagkawanggawa, magiliw, at mabait sa lahat, lalo na sa mga nagsasaka ng lupain nila. Kahit na naglalagi siya sa Maynila ay hindi ito nakakalimot na dumalaw sa mga magsasaka kung nagtatagal din lang siya rito. Hindi niya ginagawa iyon dahil kailangan niyang maging mabait sa mga tao dahil pulitiko siya.”

Nailang si Julianne sa sinabi ng kaibigan. “T-that’s a backhanded insult for Stan, Nadine. Hindi ko alam na hindi mo siya gusto.”

Nadine sighed. “I’m sorry, Julie. Opinyon ko lang naman iyon base sa mga naririnig at nakikita ko. Huwag mong bigyan ng halaga. Dahil magnobyo kayo’y tiyak na mas nakikita mo ang totoong pagkatao niya kaysa sa akin.”

Pero nahihimigan ni Julianne sa tinig ng kaibigan ang disgusto nito sa kasintahan niya kahit na hindi nito deretsahang inamin iyon.

“Siyanga pala, nagtungo si Kagawad sa kapitolyo kanina at kinausap ako. Iyan talaga ang sadya ko kaya ako nagpunta rito,” biglang kambiyo ni Nadine sa usapan habang kasalukuyan niyang pinag-iisipan ang mga sinabi nito.

“May sadya siya sa iyo?”

Ilang sandali ang pinalipas ni Nadine bago sumagot. “Tinanong niya kung gaano kita kakilala. Kung kilala ko ang pamilya mo. Sinabi ko sa kanya ang totoo na dalawang taon tayong magkaibigan at magkasama sa pamantasan...”

Napangiti siya. “That’s to be expected. Gusto niyang makilala ako nang higit, Nadine. Marahil ay inihahanda lang niya ang sarili sa nalalapit na paghaharap nila ng mga magulang ko. Nabanggit ko na sa iyo na gusto ko siyang ipakilala sa Papa, ` di ba?”

“Pero nang tanungin niya ako kung may-kaya sa buhay ang pamilya mo ay nagsinungaling ako...” patuloy nito na parang hindi siya nagsalita.

Nang mag-angat siya ng tingin ay sinalubong ni Nadine ang mga mata niya. Julianne’s smile vanished slowly. “A-ano ang ibig mong sabihin?”

“Kung ano lang iyong ipinaniwala mo sa kanya, at sa akin. Na sa kompanya ng semento nagtatrabaho ang papa mo...”

Biglang nakadama ng pagkailang si Julianne. “Then... then why did you say you lied to him?”

“Dahil alam kong may-kaya sa buhay ang mga magulang mo. At totoong sa kompanya ng semento nagtatrabaho ang papa mo pero hindi ko sinabi sa kanyang malamang na papa mo ang may-ari ng kompanya ng sementong sinasabi mo...”

Napahugot ng hininga si Julianne. Biglang nagbaba ng tingin.

“Hindi ko alam kung bakit ibang pangalan ang sinabi mo kay Stan. Mabuti na lang at hindi niya nahalatang nagulat ako nang itanong niya sa akin kung gaano ko kakilala ang mga de Silva. Muntik ko nang maitanong kung sinong mga de Silva ang tinutukoy niya kung hindi niya idinugtong agad ang pangalan mo...”

Julianne was speechless. Hindi niya malaman kung paano ipaliliwanag kay Nadine ang lahat.

Isang matabang na ngiti ang pinakawalan ni Nadine. “Sa ilang pagkakataon ay hindi ko malaman kung kaiinggitan kita, hahangaan, o kaiinisan, Julie,” wika nito na sinamahan ng buntong-hininga, hinila ang silyang plastic sa tapat niya at naupo.

“Nadine...”

“Maliban sa nakikita kong mabait na pakikitungo mo sa akin noon o ngayon man, hindi ko talaga alam kung sino ka,” patuloy nito. “Hindi ko pinagkaabalahang alamin dahil kahit minsan ay wala naman akong maipipintas sa iyo bilang kaibigan. At totoong ikaw lang ang best friend ko. At kung gusto mong ipagkaila ang pagkatao mo, fine with me. I’ll respect that…” Muli itong nagbuntong-hininga. Pagkatapos ay sinalubong ang mga mata niya. “Pero alam kong hindi ka anak ng ordinaryong mga magulang. Though you pretended to be one.”

“W-who gave you that idea?”

“That happened a month before you left the university,” wika nito. “Late na akong umuwi nang araw na iyon at hindi sinasadyang nakita kita nang pauwi ka na. Dalawang lalaki ang nasilip kong nasa loob ng imported at mamahaling van na iyon. Maliban pa sa isang lalaking nagbukas ng pinto ng sasakyan para sa iyo....

“I assumed them to be bodyguards. May malalaking katawan at mukhang mga militar ang mga lalaking iyon, tulad ng napapanood ko sa sine. At pagkatapos, ang mga lalaki ring iyon ay hindi miminsang namamataan ko sa tuwing nasa mall tayo... keeping their distance.”

“I-I’m sorry,” halos bulong na sabi ni Julianne, nagyuko ng ulo. “I hated those bodyguards all my life. Pero wala akong magagawa roon. My only choice is to live and study abroad. Doon ay malaya ako sa mga bodyguard ng Papa. `Yong... `yong pagtungo ko rito sa inyo ay ipinilit ko lang sa mga magulang ko...”

“Poor little rich girl,” Nadine said sarcastically. Nang hindi siya kumibo ay napangiwi ito at inabot ang kamay niya. “I’m sorry, Julie. Kaya lang ay nakapagdaramdam na hindi mo ako mapagkatiwalaang ipaalam ang tungkol sa iyo. Minsan ay inisip kong baka hindi mo gustong humingi ako ng pabor sa iyo kung malalaman ko ang totoo mong katayuan sa buhay...”

“Oh, no, Nadine. Hindi sa ganoon!” mariing

tanggi niya.

“I know.” Nadine smiled. Tinapik nito ang braso niya. “Naisip ko lang iyon. Pero lumalim namang higit ang pagkakilala ko sa iyo, lalo na nitong nagbakasyon ka rito sa amin. Hindi ako makapaniwala nang hilingin mong gusto mong magtrabaho. A servant’s work, in fact.”

“I love my job, Nadine. Ginagawa ko rin iyon sa amin... sa mga kabayo namin.” She smiled. “Hindi nga lang obligadong araw-araw. But it’s all right. I want people to like me for what I am. At gusto kong mamahalin din ako ni Stan hindi dahil sa mamanahin ko o kung sino ang mga magulang ko.”

Wala sa loob na tumango si Nadine. “I just hope that Stan’s worth it.”

“GUSTO n’yo raw akong makausap?” bungad ni Julianne kay Mrs. de Castro na naghihintay sa kanya sa sala. Umaga pa lang ay pinaabisuhan na siya na gusto siya nitong makausap bago umuwi nang hapong iyon.

“Maupo ka, Julianne...” Itinuro nito ang pang-isahang sofa. Tahimik na naupo si Julianne, iniisip kung ano ang maaaring kailangan sa kanya ng employer. Pagkuwa’y bahagyang kumunot ang noo niya nang madaanan ng tingin ang isang pay envelope sa mesita.

Nag-angat siya ng tingin dito. May ilang beses na tumikhim ito bago nagsalita. “Nahihiya ako sa iyo, Julianne,” wika nito. “Pero napag-usapan na natin noong una pa man na pansamantala lang ang trabaho mo. Dadalhin na sa Maynila ang mga kabayo.”

“Oh.” Tumango-tango siya at ngumiti. “Huwag kayong mag-alala, Mrs. de Castro. Katunayan ay nagbabakasyon lang naman ako. At natutuwa akong nagkatrabaho ako sa nakalipas na tatlong buwang mahigit. Katunayan ay napalipas ng trabaho ko ang mga araw nang hindi ko namamalayan.” Bagaman hindi madali ang trabaho niya at nangangapal na ang mga palad niya, sa nakalipas na ilang buwang pagtatrabaho niya sa mga de Castro ay totoong nag-enjoy siya. Naranasan niya kung paano maging isang simpleng tauhang pinasasahod.

Pag-uwi niya sa Paso de Blas, ipinangako niya sa sariling magiging mas makonsiderasyon siya sa mga tauhan. Totoo namang dinanas nilang magkapatid ang magtrabaho at kumita ng sariling pera. Subalit hindi sa ganitong paraan. Iba kung sa sarili nilang kompanya sila nagtatrabaho dahil naroon pa rin ang reserbasyon ng mga tauhan ng kompanya dahil alam na anak sila ng Big Boss.

At hindi kailanman ibibigay ni Bernard sa kanila ni Jess ang ganitong uri ng trabaho. She agreed this was a man’s job. Pero naroon na siya at pinangatawanan na niya.

“At ikaw ang pinakamahusay kong naging horse trainer, Julianne,” putol ni Mrs. de Castro sa daloy ng isip niya. “A lot better than my previous male trainers. Hindi ko miminsang inasam na sana’y katulad mo si Milet sa pagkakaroon ng interes sa mga kabayo. And we really don’t want to lose you... but—” Hindi nito itinuloy ang sinabi, umiwas ng tingin at tila naiilang na di-mawari. Pagkatapos ay iniabot sa kanya ang pay envelope. “Hinusto ko nang isang buwan ang sahod mo, Julianne,” dugtong nito.

Tinanggap niya ang sobre at nagpasalamat. Tumayo siya at nagpaalam na. Bago siya nakalabas ng bahay ay natanaw niya sa may hagdan ang anak nitong si Milet. Nakangiti ito sa kanya.

Gusto niyang gumanti ng ngiti subalit tila nanigas ang mukha niya. Hindi dahil hindi niya ito gustong ngitian. Kundi dahil ang ngiting ibinibigay sa kanya ni Milet ay tila yaong nakatataas para sa isang hamak na tauhan.

Naalala niya nang ipakilala siya rito nina Mr. at Mrs. de Castro kinalunesan pagpasok niya.

“So, you are the horse trainer my parents were talking about, huh?” Tumaas-baba ang mga mata nito sa kabuuan niya bago dinugtungan ang sinabi na nakataas ang mga kilay. “And you are Stan’s new girlfriend?” Ang akma niyang pagkumpirma sa tanong nito ay napigil nang humalakhak ito. Isang nakaiinsultong halakhak. Bagaman nairita, hindi niya ito pinatulan.

Nakangiti pa rin ito nang mapatapat siya rito. Bahagya niya itong tinanguan at nagtuloy-tuloy na sa paglabas. Nakalampas na siya rito nang magsalita ito.

“Dinispatsa ka na ba ng Mama, Julianne?”

Napahinto siya sa paglakad. Biglang hindi niya maiwasang mag-isip kung may kinalaman si Milet sa pagtatapos ng trabaho niya. Whatever. It didn’t really matter. Hindi niya kailangan ang trabahong ito. At mabuti na ngang sa mga de Castro na nanggaling ang dismissal. Aalis na rin naman sila ni Stan sa susunod na linggo.

Nilingon niya ito at tumango. “Nilinaw sa akin ng mga magulang mo noong una pa lang na pansamantala lang ang trabaho ko rito, Milet,” malamig niyang tugon.

“You’re naughty!” ani Milet sa nakikitang kalmanteng anyo niya at kalamigan ng tono. “Kung umasta ka ay para kang prinsesa gayong isa ka lang tagapag-alaga ng mga kabayo.”

“Don’t pick a quarrel with a lowly horse trainer, Milet,” sagot niya at nagtuloy-tuloy nang lumabas. Hindi niya alam kung may sasabihin pa ito pero narinig niya ang tinig ni Mrs. de Castro na tinatawag ito.

Gamit ang bisikletang binili sa bayan noong unang buwan niya sa trabaho ay tinungo niya ang gate. Nagulat pa siya nang matanaw ang kotse ni Stan na ipinaparada sa gilid ng daan. Ito man ay namangha nang sa paglabas ng kotse ay makita siya.

“B-bakit narito ka pa?” tanong nito, ang tingin ay lumampas sa mga balikat niya patungo sa bahay ng mga de Castro. “Malapit nang lumubog ang araw.”

“Kinausap pa kasi ako ni Mrs. de Castro,” sagot niya. Bumaba siya mula sa bisikleta. “Ikaw, ano ang ginagawa mo rito?”

Sandaling gumuhit ang pagkailang sa mukha ni Stan bago sumagot. “May... kailangan akong importanteng bagay kay Mr. de Castro.” Sinundan nito iyon ng ngiti. Iyong uri ng ngiting hindi naman umabot sa mga mata nito. “Pulitika, alam mo na. Simula na ng election campaign isang buwan mula ngayon.”

“Should I wait for you in your car?”

Mabilis ang iling na ginawa nito. “No... no!” he said too quickly. Pagkuwa’y ngumiti. “Baka matagalan ako at mainip ka. Pagkagaling ko rito’y pupuntahan kita sa cottage.”

Alanganing tango ang ginawa niya. Nagtataka sa mabilis at mariing pagtanggi nitong maghihintay siya. “Hindi pa natin napag-uusapan ang tungkol sa pag-uwi natin sa amin, Stan. Actually, tatawagan talaga sana kita pagdating sa cottage.”

“R-really?”

“Alam mo bang hanggang ngayon na lang ang trabaho ko,” nakangiting balita niya na ikinakunot ng noo nito. “Hindi ba tamang-tama kung bibiyahe tayo next week?”

“Ikinatutuwa kong hindi mo dinamdam at ipinag-alalang nawalan ka ng trabaho, Julianne.” Sa pagkakataong iyon ay sinsero ang tinig nito.

Nagkibit siya ng mga balikat. “Hindi ko naman talaga kailangan ang trabaho ko sa mga de Castro, Stan. Gusto ko lang magtrabaho habang naririto ako upang hindi makabigat sa mga magulang ni Nadine.”

“Most of the time you confused me, Julianne,” ani Stan sa nalilitong tinig, sinusuri siya ng tingin. “Tulad ngayon. Pinasukan mo ang isang trabahong hindi lang mahirap kundi panlalaki pa. One would conclude you badly needed the job. At ngayong nawalan ka ng trabaho, tinanggap mo nang nakangiti at na hindi mo naman pala kailangan kundi pampalipas-oras lang?”

“Stan, simula pa lang ay nilinaw na sa akin ng mag-asawang pansamantala lang ang trabaho ko.”

“Of course!” wika nito na tila ba ang sinabi niyang iyon ang nagpalinaw sa naguguluhang isip nito. “Umuwi ka na. I’ll see you tonight.”

Ang disimuladong pagtataboy nito sa kanya ay nakagulo sa isip ni Julianne. Alanganin siyang tumalikod. Nakakailang hakbang na siya nang lumingon, tuloy-tuloy si Stan sa bahay ng mga de Castro.

Isang nababahalang buntong-hininga ang binitiwan niya. Bakit parang naging estranghero sila sa isa’t isa nitong nakalipas na mga araw? Bagaman nagkakausap sila sa cell phone tuwing tinatawagan niya ito, sa nakalipas na dalawang linggo ay dalawang beses lang silang nagkita. Ito ang pangalawa. Ganoon ba ito kaabala upang hindi man lang siya magawang dalawin kahit sandali?

May kinalaman ba si Milet sa tila panlalamig ni Stan?

Now, where did that idea came from? Dahil ba nabanggit ni Nadine na dati itong girlfriend ni Stan? Umiling siya. It was ridiculous to ever think about it. Milet was a divorcee and she didn’t think Stan would pick up where they had left off. Lalo na at ayon kay Nadine ay magkasintahan pa ang dalawa nang ipagpalit ni Milet si Stan sa isang mayamang foreigner.

Stan loved her. Paulit-ulit nitong sinasabi sa kanya iyon. Marahil ay talagang ganoon ito kaabala, lalo na at nalalapit na ang kampanya para sa eleksiyon.

Taglay iyon sa isip, tahimik siyang nagpatuloy sa pagpedal ng bisikleta. Ipinaaalala sa sariling iiwanan niya ang bisikletang iyon sa mga kapatid ni Nadine sa araw ng pag-uwi niya.