Chapter One
N APAKADILIM ng buong paligid bagaman may ilaw ang layo-layong poste na nadadaanan nila. Ang beach resort na nilampasan nila ay isa rin sa mga pinagmumulan ng liwanag na halos hindi naman matanaw mula sa main road. Alam niyang kahit paano ay may mangilan-ngilang residente sa likod ng nagtataasang puno ng niyog at makakapal na damong nasa gilid ng daan.
Sa kabilang bahagi naman ng daan ay ang dagat na dahil sa gubat ay hindi rin niya matanaw. Nilampasan na nila ang isa sa mga beach resort sa lugar na iyon. At bagaman alam ni Julianne na may ilaw roon ay hindi naman iyon umaabot sa highway.
Ni walang pampublikong sasakyan ang makikitang bumibiyahe. Alas-siete y media ng gabi. Sa ganitong oras ay tulog na ang mga tao sa Capistrano, maliban na lang sa bahagi ng mga resorts kung saan nagkakasayahan pa ang mga lokal at banyagang turista.
Sa ibang pagkakataon ay matatakot si Julianne sa ginawa niyang pagbibiyaheng ito sakay ng tricycle kung hindi kakilala ni Nadine ang driver. Ang kaibigan niya mismo ang nagsabi sa driver kung saan siya ihahatid nito—sa Villa Manuela.
At ngayon nga ay natatanaw niya sa itaas ang patutunguhan. Gayunma’y nasa ibaba pa sila ng sinasakyan sa isang paikot na daan. Marahil ay sampung minuto pa bago siya makarating sa itaas. At ayon kay Nadine, mula sa main road ay limampung yarda bago ang gate ng villa.
Nadadaanan niya ang lugar na iyon sa maraming pagkakataon sa apat na buwang ipinamalagi niya sa Capistrano. Iyon ang pinakamalaking bahay sa bayan na iyon. At natitiyak niyang nakatayo na iyon doon sa napakatagal na panahon. She would have loved to visit the old house.
Subalit hindi siya nagkaroon ng pagkakataong makarating doon sa nakalipas na apat na buwang ipinamalagi niya sa Capistrano. O di kaya ay maanyayahan man lamang ng nobyo sa bahay nito. Bagaman ayon kay Nadine, hindi pag-aari ni Stan ang villa kundi sa stepbrother nitong si Benedict Aragon.
At nakapagtatakang kahit minsan ay hindi nabanggit ni Stan sa kanya ang tungkol sa stepbrother nito.
Muling hinayon ni Julianne ang villa sa itaas, na siyang pinagmumulan ng tanging liwanag sa kadilimang nakapaligid. Nakatayo iyon sa gilid ng burol. Nakatunghay sa dagat pero may limandaang metro pa bago ang karagatan kung ang pagsukat ay gagawin mula sa mismong ibaba ng burol.
Maliban sa nagtataasang mga damo at punong-kahoy ay hindi niya alam kung ano ang mayroon sa ibaba ng bulubundukin. It could be a deep ravine covered by trees and shrubs. Hindi rin iyon nasabi ni Nadine sa kanya.
Habang palapit siya sa pupuntahan ay hindi niya maiwasang hindi kabahan. Humugot siya ng malalim na hininga nang sumandal sa sandalan ng tricycle. Kung hindi dahil sa natuklasan ni Nadine ay sinunod niya ang payo ng nobyo na umuwi na siya sa Maynila at hintayin ang pagdating nito upang ipakilala niya sa ama. At malamang na patuloy siyang umaasa at nadadaya ni Stan.
Alam niyang mabibigla si Stan sa pagdating niya sa villa. Ang alam nito ay nagbiyahe na siya pabalik sa Maynila dalawang araw na ang nakalipas.
Pero tama ba ang ginagawa niya? Paano niyang haharapin si Stan? At si Milet, kung totoo mang naroon ito?
HINDI inaasahan ni Benedict na may kasayahang nagaganap sa malaking bahay sa muli niyang pag-uwi. Nagulat pa siya nang makitang naiilawan ang buong hardin. Ni hindi niya makuhang ipasok ang jeep sa loob ng bakuran. Natatanaw niya ang mga taong nasa paligid mula sa nakabukas na gate.
Kasindilim ng gabi ang mukha niya nang iatras ang four-wheel drive at humanap ng mapagpaparadahan sa labas ng bakod na halos napuno na ng ilang sasakyang nakaparada na roon. Pagkatapos ay lumabas na siya at lumakad patungo sa gate.
Sa malaking banderita na nakaladlad sa harapang bakod na nag-aanunsiyo ng kandidatura ni Stan bilang mayor ay natitiyak niyang puro mga kasamahan nito sa partido ang karamihan sa mga bisita.
Nagtagis ang mga ngipin ni Benedict nang mapuna ang maraming posters na nakadikit sa pader ng bakuran. Damn Stan. Wala itong karapatang dumihan ang pader ng villa. Tulad ng kung paanong wala itong karapatang tumira sa Villa Manuela.
Palapit na siya sa gate nang ipasyang sa likod-bahay magdaan. Kung hindi man lahat, marami sa mga bisita ni Stan ay kilala niya. Natitiyak niyang aantalahin siya ng mga ito sa sandaling makita siya. Hindi niya gustong makipag-usap sa mga ito. Kinamumuhian niya ang mga usapang pulitika.
Bukod pa roon, pagod siya sa mahabang biyahe mula Maynila patungong Batangas at pagkatapos ay ang dalawang oras sa ferry boat at isang oras pa uli patungo sa Capistrano.
Higit sa lahat, hindi niya gustong magkaharap sila ni Stan sa sandaling iyon, lalo at nagpupuyos ang dibdib niya sa ginawa nito sa mga pader.
Mabilis siyang tumalikod at tinahak ang madilim na daan sa labas ng bakod. Binaybay niya ang ilalim ng malalaking puno patungo sa likuran. Hinawi niya ang ilang mababang sanga na tumatama sa mukha niya. Nasa gate siya sa likod-bahay nang sandali siyang huminto at tanawin ang dagat sa dako pa roon.
Tulad sa ilang bahay sa Capistrano, ang Villa Manuela, na kung tawagin ng mga tagaroon ay ang bahay na bato, ay nakatanaw sa karagatan. At habang ang mga katabing lupain ay ginawang resort ng mga nagmamay-ari niyon ay nanatiling pribado ang sa mga Aragon at Santa de Leones.
At kung may sapat na kapital at puwersa si Stan na gawing resort ang bahaging iyon ng lupain ay matagal na nitong ginawa. Hindi dahil sa katotohanang magiging isa itong matagumpay na negosyo, but to spite Benedict.
Isang marahas na paghinga ang ginawa ni Benedict. Pagkatapos ay itinuon niya ang tingin sa mapayapang dagat. Sa gitna ng dilim ay kumikinang iyon na tila tinunaw na pilak. At ang banayad na paghampas ng maliliit na alon sa buhanginan ay nakikihati sa ingay ng mga taong nagkakasayahan sa hardin.
Hindi niya maiwasan ang lungkot na agad niyang nadama.
Bagaman sa Maynila siya nag-aral at naglagi sa nakalipas na mahigit sampung taon ng buhay niya ay hindi niya ipagpapalit ang lugar na ito saanmang bahagi ng mundo.
He wasn’t a city boy. He would have loved to stay in this place for the rest of his damn life.
Tiningala niya ang malaking bahay. Ang Villa Manuela ang pinakamalaking bahay sa bahaging iyon ng Calapan. Hindi lang iyon malaki kundi antigo pa. Ilang henerasyon nang nakatayo ang villa sa bulubunduking bahaging iyon. Tila hari na nakatanaw sa nasasakupan.
May tatlong palapag iyon. Sa ibaba ay tatlo ang silid. Ang ikalawang palapag ay may pitong malalaking silid na napapaikutan ng veranda. Sa ikatlong palapag naman ay ang nag-iisang silid na silid-laruan niya noong maliit pa siyang bata. Mayroon din iyong maluwag na balkonahe. Pinaghalong adobe, bricks, at kahoy ang kayarian ng buong bahay, at tisa ang bubong.
Even as a child, he had always loved this place. Pag-aari iyon ng kanyang mga ninuno, sa bahagi ng ina niya, sa nakalipas na apat na henerasyon. A year before his father died, ipina-renovate nito ang villa. Pinalagyan ng modernong amenities subalit hindi binago ang lumang istruktura.
Pinuno niya ng hanging-dagat ang dibdib. Sa ngayon ay hindi niya alam kung sa papaanong paraan niya muling mababawi ang mga propiedad ng mga Aragon at Santa de Leones mula kay Stan. At kung mayroon pa siyang panahong mabawi ang mga iyon. Higit sa lahat, paano niya mapapatunayang nasa pangalan niya ang Villa Manuela?
“Benedict? Ikaw ba iyan?”
Napalingon si Benedict. Mula sa nakabukas na gate ay nakatayo roon ang isang maliit na lalaki at sinisipat siya sa dilim.
Isang ngiti ang agad na gumuhit sa mga labi niya. Humakbang siya palapit dito. “Ako nga, Abel,” bati niya sa matandang Mangyan.
Ayon sa Lola Manuela niya, bata pa lamang si Abel ay naroon na ito sa Villa Manuela. Ang lola niya ang nagpaaral dito at nang magtapos ng high school ay hindi na nito ninais na magpatuloy pa sa pag-aaral.
At kahit nang mamatay ang papa niya at umalis siya patungong Maynila ay nanatili sa villa si Abel at pinagtiisan ang mapang-abusong salita ng mama niya—si Iluminada, o ang babaeng inakala niyang siyang nagluwal sa kanya—at ng mag-amang Clemente at Stan.
“Hindi ko iiwan ang villa, Benedict. At huwag mo akong alalahanin, kaya ko ang sarili ko...” ang natatandaan niyang sabi nito nang paalis na siya patungong Maynila, isang buwan matapos mailibing ang papa niya.
“Kanina ka pa ba riyan?” tanong ni Abel na masuyo siyang hinagod ng tingin.
“Hindi pa natatagalan, Abel.” Inakay siya nito papasok sa loob ng likurang gate at patungo sa kusina. “Mukhang nagkakasayahan sa labas, ah,” wika niya, isang kontroladong galit ang nasa ilalim ng tinig. Hinila niya ang silya sa mesa sa dirty kitchen at naupo.
“Nagsisimula pa lang ang kasayahan. Kaarawan ngayon ni Stan,” wika nito. “Halos mga kasamahan niya sa partido ang mga bisita at `yong mga taong susuporta sa kandidatura niya.”
Lalong dumilim ang mukha niya. “Sana’y walang masira sa mga halamang matagal na inalagaan ni Lola, Abel. Lalo na ang mga lilac at carnation.”
Hindi sinagot ni Abel iyon. Ipinahihiwatig lamang na hindi tiyak maiwasang may mga halamang masalanta. “Ipaghahanda kita ng pagkain. Maraming pagkaing ipinaluto si Stan para sa okasyong ito.”
Umiling siya. Binuksan ang lumang refrigerator at kumuha roon ng tubig. Mula sa bote ay dineretso iyon ng inom. Pagkatapos ay ibinaba sa counter ang botelya.
“Sa Batangas ako nananghalian, bandang alas-kuwatro na. Busog pa ako.”
Gumuhit ang di-pagsang-ayon sa mukha ni Abel. “Nagpapalipas ka ng gutom, Benedict. Hindi mabuti iyan.”
Sa kabila ng lahat, hindi niya maiwasang mangiti. The same old Abel. Hindi marahil sumasagi sa isip nito na treinta y tres na siya at hindi trese anyos. Huwag nang sabihing isa siyang doktor.
Lumakad siya papasok sa dining room at tuloy-tuloy sa malaki at maluwag na kabahayan. Inaasahan niyang may mga bisitang maaaring naroroon. Subalit tahimik ang buong kabahayan at may bahagi ng bahay na hindi naiilawan.
Nagpakawala siya ng maluwag na hininga. At least, for the moment ay hindi pa naisip ng mga bisita ni Stan na sakupin pati ang loob ng villa.
Sumilip siya sa isa sa mga kuwadradong salamin sa bintana. Bagaman nakikita niya ang ilang bisita hindi kalayuan sa bahay, ang mga mesa ay nasa dulong bahagi ng solar na may sampung metro ang layo sa mismong harap ng bahay.
“Si Milet ba ang nakikita kong nakaupo sa tabi ni Stan, Abel?” tanong niya rito na alam niyang sumunod sa sala. “Akala ko ba’y nasa ibang bansa iyan? Nasaan ang asawa niyan?”
“Tatlong linggo na siyang dumating mula sa ibang bansa. At hindi mo nga pala nabalitaang matagal na iyang hiwalay sa asawa...” impormasyon nito.
Umalis siya mula sa pagkakatanaw sa bintana. “Ibig mong sabihin ay balik sa isa’t isa sina Stan at Milet?” He was half-curious. Classmate niya noong high school si Milet. Paboritong pag-usapan ng boys sa campus sa Calapan dahil wala itong naka- date na hindi ito ibinida.
Hindi rin miminsang nagpahiwatig ng interes sa kanya si Milet pero hindi niya ito pinatulan bilang respeto sa mga magulang nito na kahit paano ay mga disenteng tao at mga kaibigan din naman ng papa at Lola Manuela niya noong nabubuhay pa ang mga ito.
“Ewan ko ba, Benedict. May kasintahang taga-Maynila si Stan. Isang bakasyunista rito at nagtatrabaho sa mga magulang ni Milet bilang tagapangalaga ng mga kabayong pangarera nila. Kaya nga nagtataka ako kung bakit si Milet ngayon ang kasama niyan.”
“Tagapangalaga ng kabayong pangarera?” ulit niya sa sinasabi ni Abel. “May kasintahan si Stan na nag-aalaga ng mga kabayo ng mga de Castro?”
Tumango si Abel at bahagyang nangiti. “Sa tanang buhay ko’y ngayon lang ako nakakita ng babaeng sumusupil sa mga kabayo.”
Sandaling nakuha ng isang alaala ang isip ni Benedict sa narinig mula kay Abel. Alaalang hindi niya dagling nakalimutan. Nang huling umuwi siya sa Capistrano may apat na buwan na ang nakalipas upang komprontahin si Stan. Nang araw na pabalik siya sa Maynila ay ipinasya niyang bigyan ng huling tingin ang lupain ng mga Aragon...
SINUSUYOD niya ng tingin ang lupain hanggang sa naaabot ng kanyang paningin. Humigit-kumulang ay tatlumpung ektarya iyon. Ang limang ektarya ay nasa kabilang bahagi at malapit sa dagat. Mula sa kinaroroonan niya ay bahagya nang matanaw ang bahaging iyon.
Iyon mismo ang propiedad na pinagbabantaang ipagbibili ni Stan. At alam niya kung bakit ang bahaging iyon ang pinili nito. Bukod sa mas madaling ipagbili ay doble ang halaga ng lupaing iyon kumpara sa nasa kabilang bahagi. Ang bahaging iyon ng Mindoro ay isa sa mga tourist spot. Dahilan upang tumaas nang husto ang halaga ng mga lupang malapit sa dagat.
Maraming negosyante ang ilang beses nang nagtangkang bilhin ang lugar na iyon upang gawing first-class beach resort. It was an ideal site. Higit iyong maganda kaysa alinmang pribadong beach resort sa Puerto Galera dahil iyon na ang dulo halos ng isla at nag-uugnay iyon sa ilog kung saan sa pusod ng gubat ay may isang waterfall na ang tubig ay nagtutuloy sa ilog.
Bukod doon, apat na raang metro mula sa baybayin ay may isang maliit na pulong bato, na bagaman lumulubog iyon kung masama ang panahon at tumataas nang husto ang tubig sa dagat, ay magandang lugar upang puntahan ng mga turista sa maayang panahon.
Noong maliit pa siyang bata ay hindi miminsang pumaparoon silang mag-ama at nangingisda. Maraming oras silang ginugugol doong mag-ama at kung minsan ay inaabot na sila ng takip-silim.
He wanted to keep that place for sentimental reasons more than anything else.
Iyon ang dahilan kung bakit siya umuwi ngayon sa Capistrano makalipas ang mahigit na isang taon. Upang himukin si Stan na sa kanya ipagbili ang lupain. Lupaing pag-aari ng mga Aragon. Lupaing wala kahit na kaunting karapatan si Stan. Lupaing napasakamay nito sa tusong pamamaraan.
“At saan ka kukuha ng salaping ibabayad sa propiedad, Benedict?” panunuya nito. “Ang buong kabuhayan mo’y ang mismong lupang nais kong ipagbili. Kung may kinita ka man bilang doktor ay sa negosyo mong walang patutunguhan nauwi...”
“Wala kang karapatan sa lupain ng mga Aragon, Stan,” he said angrily.
“Ikaw ang nagbigay ng karapatan upang mauwi sa akin ang mana mo, Benedict.” Isang halakhak ang pinakawalan nito.
Halos ipako ni Benedict ang sarili sa sahig upang huwag basagin ang mukha nito. Hindi niya ito kailangang galitin. Sa halip ay kailangang mahimok niya itong bigyan siya ng panahong makapagpundar ng sapat na salapi upang bilhin mula rito ang propiedad.
“ Bueno , Benedict,” ani Stan at nasisiyahang pinagmasdan ang pagpipigil niya ng galit. “May tatlo... o apat na buwan ka para maghanap ng salapi at ipagbibili ko sa iyo ang lupain. Tiyakin mong may sapat kang salapi bago ang kampanya sa nalalapit na eleksiyon.”
Tumingala siya sa kalangitan na halos hindi niya matanaw dahil sa makakapal na sungo ng punong tumatakip sa itaas. Higit kailanman, ngayon niya gustong kasuklaman ang babaeng inakala niyang sariling ina. Ang babaeng sa buong panahon ng buhay niya ay pinagtakhan niya kung bakit hindi niya kinakitaan ng kahit kaunting pagtingin sa kanya.
Pinuno niya ng hangin ang dibdib upang kontrolin ang galit. Binigyan siya ni Stan ng tatlo hanggang apat na buwang palugit upang bilhing muli ang lupain.
Tiim ang mga bagang na lumakad siya pabalik sa pinagparadahan niya ng jeep. Ngayong hapon ay babalik na siyang muli sa Maynila. At hindi niya alam kung magagawa niyang makalikom ng halagang kinakailangan sa loob lamang ng ilang buwan.
Ni hindi niya magawang ipagbili ang share niya sa SDL Laboratories sa partner at kaibigang si John. Ni hindi iyon makapangangalahati sa halaga ng lupain.
“Hey, look out!”
Halos magkasabay niyang narinig ang sigaw at ang rumaragasang mga yabag ng kabayo. Pag-angat niya ng mukha ay nakita niyang pababa mula sa dalisdis ang isang kabayo at tila lumilipad iyon patungo sa kanya.
Mabilis ang ginawa niyang pag-iwas at halos ilang pulgada lamang siyang nakalayo nang dumaan ang kabayo. Sapat upang matumba siya sa damuhan.
Mabilis siyang tumayo at pinagpag sa pantalong maong ang mga damong kumapit. Sinundan niya ng tingin ang kabayo na unti-unting bumagal ang takbo. Pagkatapos ay lumiko ito pabalik. Sa ibabaw ng kabayo ay isang binatilyong ni wala pa yatang sapat na muscles upang kontrolin ang ganoong uri ng kabayo.
This part of his father’s land bordered on the de Castro’s. Isa marahil ito sa mga katulong na lalaki ng mga de Castro.
“Muntik mo na akong masagasaan!” sigaw niya rito hindi pa man ito gaanong nakalalapit.
At sa malalaking hakbang ay sinalubong niya ito.