noveltoon logo noveltoon
Wild Passion (Kristine Series 22)

Chapter 4

Ch. 5 / 21 Feb 16, 2022

Chapter Four

U NANG gabi pa lang ni Julianne sa bahay ng kaibigan ay naipasya nang hindi niya magagawang manatili roon nang matagal nang hindi niya madaramang magiging kaabalahan siya. Mayroon lamang dalawang maliit na silid sa bahay ng pamilya, na kung tutuusin ay higit na malaki pa ang isa sa mga servants’ quarters nila.

Ang isang mas maliit na silid ay okupado ng dalawang kapatid ni Nadine. Si Weng na katorse anyos at si Joel na pitong taong gulang. At ang silid ni Nadine na magiging silid na rin ni Miguel sa sandaling magpakasal na ang dalawa.

Ang tatay ni Nadine na si Mang Celso ay sa sala natutulog. At sa sandaling makasal sina Miguel at Nadine ay malamang na ang mga kapatid ni Nadine ay sa sala na rin matutulog dahil tiyak na ang silid ng mga ito ang ipagagamit ni Nadine sa kanya.

Si Nadine ay nagtatrabaho bilang clerk sa kapitolyo at bagaman hindi nito tinatanggap ang ibinibigay niyang pera upang pantulong sa pananatili roon ay hindi niya maiwasang mailang. Si Nadine lamang at ang tatay nito ang kumikita sa pamilyang iyon. At idinagdag pa niya ang sarili. Para sa isang lumaki sa karangyaan, ang pangkaraniwang buhay ng pamilya ni Nadine ay karukhaan nang labis para sa kanya.

Tatlong araw mula nang dumating siya roon ay ipinasya niyang magpatulong sa kaibigan na maghanap ng pansamantalang trabaho bilang suporta sa pagnanais niyang humanap ng mauupahang bahay na matitirhan habang naroroon siya. Hindi naman niya masabing sa hotel na lang sa bayan ng Puerto Galera siya titira. The place was for tourists and expensive. Magtataka si Nadine at ang pamilya nito kung doon siya manunuluyan.

Napasukan niya ang kaibigan sa silid nito na sinisipat ang sarili sa salamin sa lumang aparador. Isinusukat nito ang damit-pangkasal na regalo niya.

Si Nadine mismo ang nagsabi sa kanya sa telepono na isang simpleng civil wedding lang ang gaganapin kaya hindi nito kailangan ng gown. So Julianne offered to buy her the wedding dress as a gift. Sinamahan niya iyon ng mamahaling barong-Tagalog para kay Miguel.

“This is perfect, Julie...” Kumislap ang mga mata nito sa kasiyahan. Itinaas nito ang laylayan ng damit, dinama ang malasutlang tela. “Hindi ko alam na makapagsusuot ako ng ganito kagandang damit-pangkasal! Ganoon din si Miguel na tuwang-tuwa sa regalo mong jusi. Kinupasan na kasi ng panahon iyong barong niya.” Umikot-ikot ito sa harap ng salamin. “Simpleng damit lang ang plano naming isuot. Ang sabi ni Miguel ay mas kailangan namin ang pera sa pagsisimula namin.”

“Tama iyon, Nadine. You are lucky to have a sensible man. Ang mahalaga ay nagpakasal kayo.” Sa isang banda ay nakadarama siya ng inggit sa kaibigan. Sa kasimplehan ng mga pangarap at buhay ng mga ito. Tumalikod sa kanya si Nadine at pinababa ang zipper ng damit. “Gusto kong maghanap ng trabaho rito sa Capistrano, Nadine...”

Nahinto sa paghuhubad ng damit si Nadine at kunot-noong hinarap siya. “Trabaho?”

Nagkibit siya ng mga balikat. Naupo sa gilid ng kama.

“Mahirap ang trabaho rito, Julie.” Ipinagpatuloy nito ang paghuhubad. Inabot ang hanger at isinabit doon ang damit at maingat iyong ipinasok muli sa aparador. “Kaya nga lang ako napasok sa kapitolyo ay dahil sa scholarship ni Gob.”

“Kahit na hindi sa kapitolyo, wala ka bang alam na maaaring pagtrabahuhan ko pansamantala?”

Tinitigan siya nito sa paraang tila ba tinatakasan siya ng matinong pag-iisip. “May nagbabakasyon bang nagtatrabaho?”

“I like your place and I intend to stay longer. I must have something to while away my time. And what would be a better way than to have a job? Sabi mo nga ay huwag akong umuwi pagkatapos ng kasal mo, `di ba?”

“Gusto ko talagang magtagal ka rito,” sinserong sagot ni Nadine. “Makabayad man lang ako sa mga pautang mong meryenda at lunch sa akin noong nag-aaral pa tayo.”

“Loka,” she said smiling.

“At saka ano ang malay mo, baka makatagpo mo rito ang Prince Charming mo,” nanunuksong sabi nito. “Bakit ba’y hindi na mabilang na mga kabinataan ang nagtatanong sa akin kung puwede kang haranahin. Inaawat lang namin ni Miguel. Ang sabi ko’y hayaan ka munang makapagpahinga nang ilang araw.”

Natawa si Julianne. “Harana? Uso pa ba iyon?”

“Dito sa amin, uso iyon. At huwag kang magtawa,” nakangiting patuloy ni Nadine. “Kahit nga sa kapitolyo nang magtungo ka roon ay marami agad ang nais makipagkilala sa iyo.”

Napangiti siya. Sa nakalipas na mga araw, she was really enjoying her newfound freedom. Iyong magtungo sa iba’t ibang lugar nang malaya, nang walang bodyguard. Walang sinuman sa mga taong nakakaharap niya ang maghihinala sa tunay niyang pagkatao. Pinakikitunguhan siya ng mga tao bilang siya, hindi bilang si Julianne Fortalejo, ang socialite, ang anak ng milyonaryong si Bernard Fortalejo.

Nag-angat siya ng tingin kay Nadine. “Help me find a job, Nadine,” seryosong sabi niya. “Kahit na temporary lang. Gusto kong magtagal pa rito sa Capistrano ng kahit isang buwan pa.”

“With your looks, hindi ka mahihirapang maghanap ng trabaho. Pero malalayo. Malamang na sa Calapan pa. At hindi praktikal iyon kung uuwi ka rito. At lalo namang hindi ka puwedeng maging horse trainer.”

Nakuha ng huling sinabi nito ang atensiyon niya. “Horse trainer? Bakit mo nasabi iyan?”

“Kahapon kasi sa kapitolyo ay dumating doon ang boy ng mga de Castro,” kuwento nito. “Ang mga de Castro ay isa sa may sinasabing pamilya sa bayang ito, at mga kabayo ang negosyo nila. Mga kabayong dinadala sa Maynila bilang pangarera o di kaya naman ay ipinagbibili sa mga gustong magkaroon ng kabayo.”

“At kailangan nila ng horse trainer?”

Tumango si Nadine. “May dumating daw kasing dalawang kabayo galing ng ibang bansa at nangangailangan sila ng extra groom at horse trainer. `Yong dating horse trainer ay nag-asawa na at sa bayan na ng napangasawa nanirahan. Nagpapa-advertise nga sa local newspaper.”

“I’ll apply for that job!” she said excitedly.

“Hoy, ano ka ba!” saway ni Nadine. “Panlalaking trabaho ang sinasabi ko at hindi lang basta panlalaki, `yong may kaalaman sa mga kabayo. At hindi lang basta kaalaman, `yong may kakayahang mag-train ng mga umaalmang kabayo!”

“Kaya ko ang trabahong iyon—”

“Kaya mo!” putol ni Nadine sa nanlalaking mga mata. “Naloloka ka na ba? Gusto mo bang masira iyang beauty mo sa sandaling masipa ka ng kabayo? Horse trainer, Julianne, baka hindi mo ako narinig. Horse trainer...” Pinakaulit-ulit nito ang sinabi.

“M-may alam ako tungkol sa mga kabayo, Nadine...” alanganing sabi niya.

Nagdududang tinitigan siya ni Nadine. “Paano kang magkakaroon ng kaalaman tungkol sa kabayo?”

Mabilis na gumana ang isip niya. “Remember when I told you that my father works in a cement factory?” Tumango si Nadine. “Actually, bago siya nagtrabaho sa kompanya... sa... sa Palawan muna siya nagtrabaho, sa mismong pinagkukuhanan ng limestone na ginagamit sa semento. I–I grew up in a farm, Nadine. At may mga kabayo roon. At... marunong akong sumakay sa kabayo.”

May ilang sandaling matiim siyang tinitigan ni Nadine bago bumulalas. “I can’t believe it!”

“Maniwala ka. Kaya samahan mo ako ngayon din sa mga de Castro,” giit niya, saka unti-unting pinakawalan ang hiningang pinipigil.

“Pero hindi ka tatanggapin ng mga de Castro, Julie,” anito. “Tingnan mo ang sarili mo, baka nga ni hindi mo kayang humawak man lang ng saddle ng kabayo.”

“Looks can be deceiving. Besides, magsusuot ako ng lumang jeans at polo shirt, Nadine. I’ll wear a cap, too. I could act as if I were a tomboy.”

“Oh, dear...”

“Subukan lang natin. Kung hindi...” Nagkibit siya ng mga balikat.

IT WAS a small farm. May ilang kabayo siyang natanaw na nanginginain sa damuhan. Hindi inaasahan ng mag-asawang de Castro na ang tutugon sa advertisement ng mga ito ay isang batambata at magandang babae. Gayun na lamang ang pagkamangha ng mga ito nang sabihin niyang desidido siyang tanggapin ang trabaho kung ibibigay sa kanya.

“Naniniwala kaming kaya mo ang trabaho, hija,” wika ni Mr. de Castro bagaman hindi iyon ang ipinahahayag ng tono nito. “Pero mas lalaki ang kailangan namin kaysa babae.”

“Magagawa ko ang nagagawa ng lalaki, Mr. de Castro,” ani Julianne na medyo pinalaki ang tinig. “Bakit hindi ninyo ako subukan?”

“Aba, magandang ideya iyan!” agad na sabi ni Mrs. de Castro. Ipinalabas nito sa isang boy roon ang isa sa mga kabayo at pinalagyan ng siya. “Ang kabayong iyan ay tatlong linggo na mula nang dumating, Julianne,” wika nito. “Ilang araw din siyang nasakyan ng dating trainer bago iniwan.”

Lihim siyang siniko ni Nadine. “Natitiyak mo bang kaya mong sakyan iyan?”

Hindi mapigilan ni Julianne ang mapangiti. Para siyang palakang inihagis sa tubig. Jessica was a better horseman than she was because her younger sister was a little wild and daring when it came to horses. At habang tinititigan ang kabayo sa harap niya ay hindi niya maiwasang ikumpara iyon sa mga kabayo sa kuwadra nila sa Paso de Blas.

Bagaman galing ang mga iyon sa ibang bansa, hindi iyon ang maituturing na primera klaseng uri ng mga kabayo. She should know. Magigilas at magagandang uri ang mga kabayo nila.

At ang sarili mismo nilang kabayong magkakapatid ay hindi maaaring ikumpara sa kabayong nakatakda niyang turuan. Her own horse was a Palomino.

“Maaari mo siyang patakbuhin hanggang sa paligid ng farm, hija,” ani Mrs. de Castro. Sa anyo nito ay natitiyak niyang inaasahan nitong magdadahilan siya.

Tipid na ngumiti si Julianne at lumapit sa kabayo at sinakyan iyon sa pagsinghap ng mag-asawa. Tumaas ang ulo ng kabayo at akmang aalma.

“Easy, boy... easy...” Hinagod-hagod niya ang batok nito at bahagyang hinigpitan ang hawak ng renda at unti-unting pinatakbo. Ilang sandali pa’y malayo na mula sa kuwadra si Julianne.

LANGITNGIT ng kung anong bagay ang nagpanumbalik sa isip ni Julianne. Nilinga niya ang buong paligid. The whole house was quiet and empty. Pero natitiyak niyang may narinig siyang munting ingay.

She sighed wearily. Her mind wandered back to the day she applied for the job as horse trainer. Matagal nang panahong hindi niya naisip ang estrangherong lalaking nakatagpo niya sa parang... until now.

Sa maraming pagkakataon sa nakalipas na ilang araw ay pabalik-balik sa isip niya ang pangyayaring iyon. Natiyak niyang hindi na bahagi ng lupain ng mga de Castro ang kabila ng burol dahil natanaw niya ang ilang nakahapay na poste sa lupa at barbed wire. Gayunma’y naakit siyang patakbuhin doon ang kabayo.

Isang taon nang mahigit nang huli siyang mangabayo. And the exhilaration of being on top of the horse filled her. And in fairness, mahusay tumakbo ang kabayo.

At hindi niya napansin ang lalaki dahil basta na lang lumitaw mula sa mga punong iyon ng rambutan! Muntik na niya itong masagasaan ng kabayo. At sa sindak niya’y sumadsad ang lalaki sa damuhan.

Ang binalak niyang paghingi ng paumanhin ay naglaho nang habang nilalapitan siya ay unti-unting naging malinaw ang mukha nito. Ang bastos na lalaki sa deck.

The man was attractive. In a terribly masculine way. He was big and tall. And the way he stood there bespoke of self-assurance and arrogance.

And he mistook her for a boy. And that made her think of getting even. Na isang malaking pagkakamali sa bahagi niya.

Ni hindi niya makuhang gumalaw o tabigin ang kamay nito nang damhin ang dibdib niya sa takot na isang hila lang sa kanya patungo sa lupa ay magagawa na nitong gawin ang nais na gawin sa kanya.

Dapat ay hindi niya ito pinatulan. Dapat ay agad din niyang pinatakbo ang kabayo pabalik sa pinanggalingan. Kung inakala niyang makagaganti siya sa ginawa nito sa kanya sa deck ay nagkamali siya. Isa siyang babae at wala siyang laban sa estrangherong ito.

Nagsumidhi ang takot ni Julianne nang gumalaw ang kamay nito sa dibdib niya. Fear and... something else. Something more frightening. May pakiramdam siyang tila siya natutulog na pusa na unti-unting nagigising sa paghaplos ng bihasang kamay nito.

She groaned. Nasisiraan na siya ng bait para makaramdam ng sensasyon mula sa pagdama ng isang bastos na estranghero.

Nang matanaw niya ang kuwadra ng mga de Castro, Julianne drew in a breath to calm her runaway heart rate.

IPINAGKAMALI ni Nadine at ng mga de Castro ang pamumula ng mukha niya nang araw na iyon na dala ng hangin mula sa pangangabayo. Grudgingly, the de Castros gave her the job. Na kung nagkataong may lalaking aplikante ay malamang na hindi napasakanya ang trabaho.

At bagaman inalok siya ng mga ito na maaari siyang mag-stay in sa farm ay hindi siya pumayag. She would feel like a house help if she would agree to their offer. Sa servants’ quarter siya matutulog kasama ng mga katulong. At hindi niya kayang paabutin sa ganoong kalagayan ang sarili sa pagpapanggap niyang iyon.

At nang ipagpilitan niyang mangupahan ng cottage na malapit sa dagat ay hindi pumayag sina Nadine at Mang Celso na mag-isa lang siya sa cottage. Ipinasama ng mga ito si Weng na tuwang-tuwa naman.

Sa ilang sunod-sunod na gabi ay hindi maalis sa isip ni Julianne ang estranghero. At tuwing sasagi ito sa isip ay hindi niya maiwasang makaramdam ng masarap na kilabot. Inaasahan niyang magtatagpo silang muli anumang oras sa trabaho niya sa mga de Castro.

Subalit lumipas na ang dalawang linggo na hindi niya ito nakitang muli. Unti-unti ay sinikap niyang kalimutan na ang insidenteng iyon. Hanggang sa dumating ang araw ng kasal nina Nadine at Miguel.

Isang simpleng handaan ang ginanap sa bakuran ng mga magulang ni Miguel. Si Julianne at ang binatilyong kapatid ni Miguel ang tumayong witnesses. Bukod sa gobernador na siyang pangunahing sponsor ay may ilang tagakapitolyo at mga tagamunisipyo na imbitado.

Doon nakilala ni Julianne si Stan Itchon. He was thirty-two years old, of average height, charming and handsome. Ang uri ng taong kapag nakilala ng isa’y agad na pagtitiwalaan. Maaliwalas ang mukha nito at laging nakangiti, bagay na nakatulong sa pagiging kagawad nito sa bayang iyon.

Kahit sa paraan ng pagsasalita at tindig ni Stan ay mahihimigan ang isang madiplomasyang pulitiko. Ang namayapa nitong ama ay dating konsehal sa bayan ng Naujan. Tulad ng isang tipikal na pulitiko, mahusay itong mangusap.

Hindi na umalis sa tabi niya si Stan hanggang sa matapos ang reception. At nangako ito na dadalawin siya sa inuupahan niyang cottage. At makalipas lamang ang dalawang linggong panunuyo nito ay sinagot niya ito. Ang alaala ng bastos na lalaking nakatagpo niya ay tuluyan nang naging malabong alaala sa isip niya.

Bagaman nag-aalala siya sa ama dahil sa binitiwan niyang pangako tungkol sa kanila ni William, naging konsolasyon niya na mahal siya ni Stan bilang siya. At hindi iyon maaaring ipagbale-wala ng ama.

Hindi alam ni Stan ang tunay niyang pagkatao. For him, she was Julianne de Silva. Hiniram niya ang apelyido ng pinsang si Jade noong dalaga pa ito. Hindi palasak ang apelyidong Fortalejo at hindi niya gustong maiugnay siya rito sa anumang paraan. Lalo at magkalapit-pulo lang ang Mindoro at Palawan.

At para sa ilang tagaroon, she was the beautiful horse trainer/groom. A very unusual job for a very attractive woman. Higit sa lahat, kilala siya bilang ang kasintahan ng paboritong kagawad ng mamamayan ng Capistrano.

Alam niyang kakandidato sa susunod na eleksiyon si Stan bilang mayor at malaking bagay na mayroon itong asawang sinasang-ayunan ng lahat. At naniniwala si Julianne na tatanggapin siya ng mga kababayan ni Stan.

Maligaya at kontento siya sa pananatili sa Capistrano. Limang linggo na siya roon nang tanggapin niyang muli ang tawag ng ama.

“You overstayed your vacation, Julianne,” wika nito. “Alin na lang sa dalawa, ipasusundo kita o uuwi ka na?” Bernard’s voice held warning.

May ilang beses siyang lumunok bago sumagot. “Papa, I’m sorry, pero hindi pa ako maaaring umuwi ngayon. M-may trabaho ako rito—”

“Trabaho! Anong trabaho ang sinasabi mo?”

Kinakabahan at unti-unti niyang ipinaliwanag sa ama ang uri ng trabahong pinasukan. Narinig niya ang marahas nitong pagmumura. Ipinagpapasalamat niyang wala siya roon at hindi ito kaharap. Nagkalakas-loob siyang ipaliwanag dito ang tungkol kay Stan.

“I love him and he loves me, Papa!” giit niya nang pagalit na kontrahin ni Bernard ang sinasabi niya. “At hindi ako sasama kapag sinundo ninyo ako.”

“ Por dios , Julianne! Ano ang alam mo sa pagkatao ng lalaking iyan na nakilala mo lang sa nakalipas na mga linggo? You must be insane!”

Halos hindi na marehistro sa isip niya ang mga sinasabi ng ama dahil sa galit nito. Pinutol niya ang pakikipag-usap dito at agad na tinawagan ang ina at nagpaliwanag. Alam niyang ang mama lang niya ang maaaring makapigil kay Bernard sa anumang nais nitong gawin.

“Julie, hija,” ani Jewel sa kabilang linya. “This is so sudden. Paano mong natiyak na totoo ang layunin sa iyo ng Stan na ito?”

“`Ma, hindi niya ako kilala bilang anak ninyo ng Papa. I borrowed Uncle Marco’s name...” Narinig niya ang “ohh” at buntong-hininga ng ina. Pagkatapos ay, “I’ll talk to your father. Pero ipangako mo sa aking hindi ka gagawa ng bagay na... you know what I mean. Don’t be permissive, hija.”

She chuckled. “ Gracias , Mama. I promise. And, `Ma, I’d like to stay here until my contract with the de Castro ends...” Ang huling sinabi niya ay muling nagpahaba ng usapan.

Matapos ang maraming diskusyon at pangako sa ina ay napahinuhod niya ito. Nangako si Jewel na tatawagan ang papa niya sa mismong sandaling iyon.

Simula nang araw na iyon ay walang pag-uusap sila ng mga magulang na hindi niya ipinagmamalaki si Stan. At alam ni Julianne na naghihintay lang ng tamang pagkakataon si Bernard upang mapaimbestigahan ang nobyo niya kung hindi pa man nito sinisimulang gawin na iyon.