Chapter Sixteen
“K UMUSTA na si Benedict, Rafael? Ayon kay Abel ay sinisipon ang bata...”
Mula sa pagtitimpla ng gatas ng anak ay lumingon si Rafael sa pinto. “Kayo pala, Mama.”
Pumasok sa loob ng bahay si Doña Manuela, dumeretso sa kuna ng umiiyak na apo. Yumuko ito at kinarga iyon, isinayaw-sayaw. Mayamaya lang ay huminto sa pag-iyak ang bata at naghikab. Ibinaba nitong muli iyon sa kuna at inabot ang bote ng gatas mula kay Rafael at isinubo sa bata. Young Benedict sucked hungrily. Matapos ayusin ang bote sa gilid ng kuna ay nag-angat ng katawan si Doña Manuela at hinarap si Rafael.
“Ano ang gamot na ibinigay mo sa sipon ng bata?” Puno ng pag-aalala ang tinig nito.
“Dinala ko si Benedict sa Calapan kahapon, Mama. Pinatingnan ko sa doktor. Ordinaryong sipon lang naman at binigyan ako ng reseta . `Ayun sa ibabaw ng kabinet ” Inginuso niya ang dalawang botelya ng gamot-pambata . Ang pang at long naroroon ay bitamina.
Isang malalim na hininga ang pinakawalan ni Doña Manuela. Tinungo ang silya at naupo. “Mahigit sa dalawang oras ang biyahe mula rito hanggang Calapan, Rafael. Kawawa naman ang apo ko. May sakit na’y natagtag pa sa biyahe.”
Nais matawa ni Rafael. “Mama, sipon lang ang sakit ng apo n’yo.”
“Ang aking asawa’y namatay bago makarating sa Calapan, Rafael,” patuloy nito. At sa basag na tinig ay idinagdag , “Kung may doktor lang sana rito sa baryo natin ay tiyak na natingnan kaagad si Emily at maaaring...” Hindi nito itinuloy ang sinabi at ang hawak na panyo ay idinampi sa mga mata.
Nagsisikip ang dibdib na tumingin sa labas ng bintana si Rafael. Isang taon na ang lumipas subalit hindi nababawasan kahit bahagya ang sakit ng damdamin niya sa pagkamatay ni Emily. Sa loob ng isang linggo ay hindi huminto ang pagdurugo ni Emily. Pagdurugong hindi nito binigyang-pansin sa pag-aakalang ganoon lang talaga ang bagong panganak.
Isang madaling-araw ay nagising si Rafael na basa ang tagiliran at nang bumangon siya ay nakita niya ang napakaraming dugong tumatagas mula sa asawa. At nang tingnan niya ito ay halos wala na itong malay.
Nang oras ding iyon ay isinugod niya si Emily sa Calapan. Subalit hindi lumipas ang magdamag at binawian ito ng buhay.
“Kasalanan ko, Rafael,” gumagaralgal na sabi ni Doña Manuela. “Kung narito ako at inalagaan ang aking anak, disin sana’y buhay pa siya.”
“Mama, walang may gusto sa atin sa nangyari!” mariing sabi niya. “At kamamatay lang ng Papa. Kasalukuyan kayong namimighati.” Atake sa puso ang ikinamatay ni Don Benedicto, isang buwan bago nagsilang si Emily.
Tumango si Doña Manuela. Suminghot. May ilang sandaling katahimikan ang lumipas bago ito muling nagsalita. “Totoo ba ang sinabi ni Abel na pakakasalan mo si Iluminada?” tahimik nitong tanong.
Hindi lumingon si Rafael. Si Iluminada ay kababata niya at anak ng isa sa magbubukid ng lupain ng mga Aragon.
“H-hindi kita masisisi kung ipasya mong mag - asawang muli,” patuloy nito. “Pero nag-aalala ako sa apo ko.”
Doon siya humarap, puno ng kapaitan ang mukha. “Si Benedict ang dahilan, Mama, kaya pakakasalan ko si Iluminada. Magiliw at masuyo siya kay Benedict. Kailangan ng anak ko ang kalinga ng isang ina.”
“Kung kalinga lang ng isang ina ang motibo mo, Rafael, narito ako. Aalagaan ko ang aking apo.”
“Hindi sa sinusukat ko ang kakayahan ninyo sa pag-aaruga sa apo ninyo. Pero kailangan ni Benedict ng isang inang mamumulatan. Mahal ko si Emily, Mama. Wala akong ibang mamahalin kundi siya, ipinapangako ko sa inyo iyan. Gusto kong may makalakihang dalawang magulang ang anak ko.”
Hindi kumibo si Doña Manuela. Makaraan ang ilang sandali ay nag-angat ng mukha. “Kung ganoon, Rafael, nais kong sa villa kayo tumirang mag-anak. Nag-iisa na lang ako roon...”
Kunot ang noong tinitigan niya ang biyenan. “Mama?”
“Nang mamatay ang asawa ko’y niyaya ko si Emily na lumipat kayo sa villa. Ang sabi niya’y pag-uusapan ninyong mag-asawa. Sa nakikita ko’y nakaligtaan niyang banggitin sa iyo.” Akmang magsasalita si Rafael subalit iwinasiwas ni Doña Manuela ang kamay at nilinga ang buong bahay.
“Dadalawa ang silid sa bahay na ito na halos babagsak na. May malawak kang lupain, Rafael, pero nakaligtaan mong ipagawa ang lumang bahay ng mga magulang mo.”
“Mama, pinlano namin ni Emily na ipaayos —”
“Wala na ang anak ko, Rafael,” putol nito sa sinasabi niya. “Nag-iisa na lang ako sa villa maliban kay Abel. Tatlumpung minuto ang biyahe patungo rito sa bahay mo at matanda na ako. Huwag mong ipagkait sa akin na makapiling sa araw-araw ang aking apo...”
“SINABI sa iyo ng papa at lola mo na hindi si Iluminada ang tunay mong ina?” tanong ni Julianne nang matapos ang pagkukuwento niya.
Umiling si Benedict. “I never learned about the whole truth until I was sixteen. Si Abel ang nagkuwento sa akin ng mga katotohanan sa buhay ko. Kung napapansin mo, ang susunod na kapitbahay ay isang kilometro ang layo mula rito. Many years ago, iilan lamang ang populasyon sa bayang ito, Julie. Halos pag-aari ng Santa de Leones ang buong Capistrano. Marahil ang ilang tauhan na nakakaalam ay sinapantahang alam ko ang katotohanang iyon, lalo at niyaya kami ni Lola na sa villa manirahan kasama si Iluminada.
“At sa kabila ng kalamigang ipinamalas ni Iluminada sa akin ay hindi kailanman pumasok sa isip kong hindi ko siya totoong ina. Tatlong tao lamang ang nakakaalam ng katotohanang iyon. Sina Papa, Lola Manuela, at Abel. Hanggang sa mamatay ang aking ama’y hindi nito nakuhang ipagtapat ang katotohanan sa akin.”
“Ang Lola Manuela mo, bakit hindi niya ipinagtapat iyon?”
“Ayon kay Abel, ang Papa ang may kagustuhang hindi ko malaman. Na kung ipagtatapat man nito ay hindi sa panahon ng aking kabataan.”
“Kailan mo nalamang hindi mo siya totoong ina?”
Hindi agad sumagot si Benedict. His mind drifted back seventeen years ago. Nanariwang muli ang sakit ng damdamin nang ipamukha sa kanya ni Iluminada ang katotohanan...
“WALA kang karapatang iuwi ang bagong asawa mo at si Stan dito, Mama!” mariing tutol ni Benedict. “Hindi pag-aari ng Papa ang bahay na ito.”
Isang nakakalokong ngiti ang sumilay sa mga labi ni Iluminada. “Itataboy mo ba ako rito, Benedict? Paano mo gagawin iyon? Nasaan ang katibayang pag-aari ng mga Santa de Leones ang villa na ito?”
Nalilitong napatitig dito si Benedict. Napahalakhak si Iluminada. Pagkatapos ay tumiim ang mukhang tinitigan siya.
“At hindi kita anak kaya huwag mo akong tawaging mama!”
Nanlaki ang mga mata niya. Napaatras. “Bakit... bakit mo sinasabi sa akin iyan? Why do you want to hurt me?”
“Dahil iyan ang katotohanan! Hindi ako pamangkin ni Doña Manuela tulad ng ipinaniwala sa iyo ng lahat. Ang anak niyang si Emily, siya ang ina mo! Tanungin mo ang Mangyang si Abel!”
Benedict was shocked. Sa murang isip ay nagsama-sama ang mga katotohanang mahirap tanggapin. “That’s why you... hated me...” Ang kapaitang nasa tinig ay nahaluan ng pagkaunawa kung bakit sa buong buhay niya ay hindi niya naranasan na mahalin nito bilang anak.
“Huwag mo akong Inglesin!” singhal nito. “Kamukha ka ng ina mo! Palibhasa’y may kakayahang makapag-aral sa mahusay na paaralan ay nalimutan na ang sariling wika!” Nanatili sa mukha niya ang mga mata nito nang matagal. “Hindi kita gustong kasuklaman, Benedict,” wika nito na bahagyang bumaba ang tono. “Iyan ang totoo. Gusto kitang mahalin, ariing sariling akin. Subalit sa tuwing tinititigan kita ay mukha ni Emily ang nakikita ko...
“At tulad ng damdamin ko sa ina mo’y kinasusuklaman ko si Rafael. Magkababata kami, magkasama sa halos lahat ng araw sa paaralan at sa bukid. Nang magbinata at magdalaga kami ay umasa akong sa malaon at madali ay kami ang magkakatuluyan. Subalit mula sa pamamalagi sa boardinghouse sa Maynila ay umuwi sa Capistrano si Emily...” Sandali itong huminto sa pagsasalita, tumingin sa kawalan na tila ba nakikita mula roon ang kahapon.
Pagkuwan ay mahinang umusal. “Mayaman at may pinag-aralan. At totoong maganda. Maputi at may malasutlang kutis. Kahit ako’y pinangarap kong sana’y ako si Emily. Nasa kanya na ang lahat. Maaari siyang makahanap ng ibang lalaki sa Maynila. Bakit kailangang agawin niya mula sa akin si Rafael?” Nabasag ang tinig nito , gumuhit ang matinding kapaitan sa mukha.
“But you married my father...”
Muling bumalik ang poot sa mukha nito nang balingan siya. “Dahil kailangan niya ako upang maging ina mo! Sinikap kong mahalin niya ako. Subalit sa nakalipas na mga taon ay nanatiling si Emily ang itinangi niya. Kapiling niya ako pero pangalan ni Emily ang inuusal niya. Matagal nang patay si Emily pero patuloy niyang inookupa ang isip at kaluluwa ni Rafael! At kahit nang magdalang-tao ako at maagasan ay hindi siya namighati!”
“YOUR father died loving only one woman...” Julianne whispered brokenly. “Gusto kong maawa kay Iluminada, Benedict. Nararamdaman ko ang saki t na naramdaman niya, lalo sa panahong nakunan siya at wala man lang pakikiramay mula sa papa mo...”
“Noong una’y ganyan din ang naramdaman ko,” sagot niya kasabay ng buntong-hininga. “Sa kabila ng wala na ang p apa’y naramdaman ko ang galit para sa kanya. Subalit ipinagtapat ni Abel sa akin na hindi anak ni Papa ang nakunan kay Iluminada...”
“What?”
“Ayon kay Abel ay sinikap ni Papa na mahalin siya at ipagkaloob dito ang mga bagay na maaaring ikasisiya niya. Subalit mapaghanap si Iluminada. Ang paninibugho niya sa aking ina ay lumason nang husto sa isip niya. She was insecured and jealous all the time. Looking back, I’ve seen it, too. Iyon din ang dahilan kung bakit hindi ko magawang ilapit ang aking sarili sa kanya. Sinadya niyang saktan si Papa sa pamamagitan ng pagpatol sa ibang lalaki...
“Nang magdalang-tao siya’y sinikap niyang itago ang kataksilan at palabasing anak ni Papa ang nasa sinapupunan niya. My father would have believed her had it not been for the Mangyans— mga katribo ni Abel. Ang mga ito ang nagsabi sa Papa at tinukoy mismo ang lalaki at ang tagpuan ng mga ito. Binalak ni Papa na palayain mula sa pagsasama nila si Iluminada matapos marinig mula sa lalaki ang pag-amin. Subalit biglang nawala sa Capistrano ang lalaki matapos ang komprontasyong iyon.”
“Oh.” Julianne groaned her dismay. “I can understand why her love for your father had turned to hatred. Pero hindi ang pagkasuklam niya sa lola mo? Tinanggap siya ng lola mo rito, hindi ba?”
Tumango si Benedict. “Pero itinuring ni Iluminada na panunuya at parusa sa kanya ang imbitasyon ni Lola na dito kami manatili sa villa. That behind her back my grandmother was laughing at her. Na kahit kailan ay hindi niya maaangkin ang pagmamahal ng Papa, na mananatiling ang tunay kong ina ang mamahalin nito.”
“And Iluminada was right about your grandmother’s motive?”
“I doubt if it had been my grandmother’s intention to taunt her. She was a nice lady. At ayon kay Abel ay walang mahalaga kay Lola kundi ang kapakanan ko, tulad din ng Papa. Kaya naman sinang-ayunan niya ito sa pag-aasawang muli para magkaroon ako ng ina.”
“At ano ang kaugnayan ng lahat ng ito sa inyo, ni Stan?”
“Nang mamatay sina Iluminada at Clemente sa isang ambush sa Bongabong, umuwi ako bilang respeto. I stayed for two days. Kasalukuyang nasa critical period ang kompanyang itinatayo namin ni John at kailangan kong makabalik kaagad sa Maynila. Hindi ko naisip na may iiwanang testamento si Iluminada. Walang dahilan para hindi ko manahin ang propiedad ni Papa...”
“Kay Stan niya ipinamana ang lahat ng ito?” Hindi makapaniwalang nilinga ni Julianne ang buong paligid.
Benedict’s face racked with pain and anger. Iniwasan niyang sagutin nang deretso ang tanong nito. “Kung si Iluminada lang, tiyak na hindi niya magagawa iyon. Hindi siya nakatapos ng high school. Sa manipulasyon ni Clemente kaya siya gumawa ng testamento. Hindi nga lang naisip ni Clemente na maaga siyang mawawala sa mundong ito kasama ni Iluminada.”
“But that’s unfair! Bakit hindi mo kinontesta ang testamento?”
“Believe me, I did. But in the absence of my father’s will, Iluminada inherited the property from my father, Julie. Malaya niyang magagawa ang anumang bagay na naisin niya sa propiedad...”
“Pero paano ang villang ito, Benedict? Ayon sa iyo ay pag-aari ito ng mga ninuno mo sa bahagi ng mama mo. Bakit nananatiling narito si Stan?”
Isang pagkalalim-lalim na paghinga ang ginawa nito bago sumagot. “Wala akong katibayang nasa pangalan ng mga Santa de Leones ang villa at ang lupaing nakapaligid dito. Magkadikit ang lupain ng mga Aragon at Santa de Leones at sa paningin ng iba ay bahagi na ito ng pag-aari ng mga Aragon, lalo at nanatili si Iluminada sa villa sa buong panahong magkasama sila ni Papa at maging nang magpakasal siya kay Clemente. Kahit ang grandmother ko ay walang iniwang testamento bago namatay dahil ayon kay Abel ay legal ang testamentong ginawa ng ninuno ko.
“At nahalughog na namin ni Abel ang buong villa pero wala kaming makitang titulo ng propiedad na ito. At naniniwala si Abel na kahit si Stan ay pinag-interesang halughugin nang lihim ang buong villa upang hanapin—at marahil ay nakawin ang mga dokumento. Nahuli niya itong minsan sa loob ng library na hinahalungkat ang lahat ng mga maaaring paghanapan.”
Tumiim ang mukha ni Julianne sa pagkasuklam kay Stan. “What about the records of this town? Tiyak na may kopya ang mga iyon ng titulo at testamento. They’re public documents, Benedict.”
“Nasa Calapan lahat ang records sa bayang ito, Julie. At nasunog ang record section sa munisipyo hindi pa man nagkakilala ang mga magulang ko. Kahit sa registry records sa Maynila ay wala iyon. Noong mga panahong iyon ay hindi pa ganoon kahigpit sa pagpapadala sa Maynila ng mga dokumento. Kaya mananatiling nasa alanganin ang ownership ng propiedad ng mga Santa de Leones. Malibang...” His voice trailed off.
Hinayon ng mga mata ni Benedict ang kanlurang bahagi ng karagatan. Sa kabila ng makapal na kagubatan na tumatakip sa paningin niya ay ang i sla Santa de Leones. Mula sa dulong bahagi ng lupain ng lolo at lola niya ay isang makitid at mahabang lupain na nagdudugtong sa isla. Katunayan ay bahagi iyon ng Capistrano subalit ang daan patungo roon ay natatabunan ng tubig tuwing high tide.
Naroroon ang nakababatang kapatid sa ama ng Lolo Benedicto niya, si Don Serafin Santa de Leones. Maaaring may maitutulong itong maisauli sa kanya ang pag-aari ng mga magulang. Maaaring may pinanghahawakan itong mga dokumento.
Iyon ang huling pag-asa niya. Hindi siya basta na lang lilitaw sa isla at ipakilala ang sarili bilang isang Santa de Leones at pagkatapos ay humingi ng tulong. Hindi siya nakatitiyak ng pagtanggap mula rito. Sa pagkakaalam niya ay ni hindi tumutuntong sa Capistrano si Don Serafin maliban sa mga katiwala at katulong.
“Malibang ano?” untag ni Julianne.
Nagkibit siya ng mga balikat. “Nothing,” wika niya at matabang na ngumiti at nagpatuloy. “Nang mamatay sina Clemente at Iluminada ay pinahintulutan kong manatili si Stan sa bahay na ito kapalit ng pangakong hindi niya ipagbibili ang lupain ng mga Aragon.”
“And he has sold a few hectares of the land?” tanong niya na pinagbasehan ang huling sinabi ni Stan.
Benedict’s face hardened. “Kailangan niya ng pera upang ipantustos sa kandidatura niya, Julie. He is as obsessed in winning the mayoralty as he is in claiming this villa. Para sa kanya’y simbolo ito ng pangalan at kapangyarihan sa buong Capistrano.”
Tumaas ang mukha ni Julianne. “Then let’s buy back the Aragon property, Benedict.”
“Wala akong ganoon kalaking halaga, Julianne,” wika niya. “And please, huwag mong iaalok ang sarili mong pera dahil hindi ko tatanggapin. Please don’t strip me of my pride...”
“Maaari mong hiramin, Benedict. You can pay me back in—”
“Hindi,” mariin niyang sabi, tumigas ang mukha. “Anong mukha ang ihaharap ko sa mga magulang mo?” Then he shook his head wearily. “Huwag mong gawing hadlang sa ating dalawa ang bagay na ito, sweetheart. Ano man ang mangyari, hindi mapapasakamay ni Stan ang bahay na ito.”