RAMDAM ni Jaidon na nagbago ang tingin sa kanya ng mga tao sa Kapitolyo nang bumalik siya roon. May mga babaeng empleyado pa na tahasang nagbubulungan sa kanyang likuran habang naglalakad siya sa hallway patungo sa conference room. Inaasahan na niya iyon. Sanay ang mga itong walang nababalitang negatibo tungkol sa kanya mula nang maupo siya.
Nag-umpisang magulo lang ang malinis niyang record mula nang kumalat ang video scandal nila ni Pepper na sinundan ng biglaan niyang pagpapakasal dito; ang pagkakaroon ng false bomb scare sa graduation kung saan panauhin siya, ang involvement ni Pepper sa drug addict nitong kaibigan.
At ngayon ay hinaharap niya ang pinakamalaking eskandalo sa kanyang political career. Kanina sa balitang pang-umaga ng isang regional TV station ay ganadong-ganado si Congressman Bob Montero na nagpapa-interview. At ang media na nagpipiyesta sa mga pangyayari sa kanyang buhay ay hindi sinayang ang sandaling iyon para tanungin ang kalaban sa eleksiyon tungkol sa kuro-kuro nito sa kanya.
“I think this Golden Boy has other skeletons in his closets,” ngising-asong sagot ni Bob sa nag-i-interview. “Gaya ng lagi kong sinasabi, huwag magtitiwala sa mga politicians na akala mo, walang bahid ng kahit kaunting dumi ang image. Ang totoo niyan, marunong lang silang magtago. Pero pasasaan ba’t malalaman din ng publiko ang katotohanan. Walang bahong hindi nabubunyag. Sabi nga ng lola ko noon, kahit takpan mo ang garapon ng bagoong ay maaamoy mo pa rin ito.
“You can’t bury the truth forever, you know? Kaya hinahamon ko si Governor Jaidon Silvanus na maging transparent sa lahat ng pagkakataon. Hindi `yong saka lang siya magsasalita kung nangyari na ang gulo. I still think he married his wife as a damage control dahil sa video scandal nila, at itong pag-amin niyang may love child siya? Total BS, I say. Alam na niya iyon noon, itinatago lang niya sa madla dahil kung kukuwentahin natin ang mga buwan ay nabuo ang bata noong panahong ikakasal na ang ina nito. See that? That poor child is a product of infidelity.”
Eksaherado pa itong napailing-iling. “At anong klaseng lalaki ang bubuntisin ang isang babaeng may boyfriend na? Anong klaseng ehemplo iyan sa mga kabataan? Kaya mag-ingat sana si Governor, baka sa susunod kasi ay hindi na niya malusutan ang mga intriga sa kanya. Mauubusan din ng mga palusot ang magaling na political adviser ng mga Silvanus.” Tumawa pa ito. “Iba ang labanan sa politika, iho. Hindi lahat ay nadadaan sa gandang-lalaki.”
Siguro ay may galamay si Montero sa istasyong iyon dahil sunod na i-interview ay ang nag-iisang anak ng nasa kulungan ngayong si Senior Superintendent Florentino Galdozo. Nagpahayag ng galit at dismaya si Warren.
“Pangarap ng lahat ng mga magulang ang pagtatapos ng kanilang anak sa kolehiyo, iyon ang pinakakaasam-asam ng aking ama noon pa. I may not be a perfect son for him but I strove hard to finish college kahit inabot ako ng anim na taon. Hinihintay ko ang sandaling sasamahan ako ni Papa sa pagtanggap ng diploma ko sa entablado. Pero hindi nangyari iyon dahil sa araw mismo ng graduation ko ay inaresto siya.”
Mahahalatang nagpipigil itong umiyak sa harapan ng camera pero hindi ito larawan ng lungkot, sa halip ay puno ng poot ang emosyong makikita sa mukha nito.
“It was all a set-up, alam `yan ng lahat—ng lahat ng nakakakilala kay Papa. Those witnesses were paid to talk against my father. At malakas ang pakiramdam kong may kinalaman dito si Governor Silvanus. Ayaw niya kay Papa mula pa nang maupo siya sa puwesto. He hated my father’s guts to defy his orders. So he thought of a way to get rid of him for good, para maiupo sa puwesto ang kanyang tutang si Mendez.”
Tumiim ang tingin nito sa camera nang tanungin ito kung may mensahe ito para sa gobernador. “The truth shall prevail, Governor. May araw ka rin,” parang pagbabanta nito.
Pati mga miyembro ng Sangguniang Panlalawigan ay naramdaman ni Jaidon na nag-iba rin ang tingin at pakikipag-usap sa kanya. May tensiyon sa ere habang nagaganap ang pulong. Pero sa kanyang palagay ay hindi masamang klase ng tensiyon iyon, nagdadalawang-isip siguro ang karamihan sa Board Members kung paano siya kakausapin at pakikitunguhan pagkatapos ng bago niyang eskandalo.
Pagkatapos naman ng meeting ay hinabol siya ni B/M Christie Villaluz sa hallway.
“Hey,” tipid na bati niya sa babae at ngumiti dito.
Matanda sa kanya ng dalawang taon si Christie, anak ng may-ari ng malaking textile factory sa Sinagtala. Matagal na niyang naririnig na may gusto raw ito sa kanya, napapansin niya rin ang paglapit-lapit nito kahit may asawa na siya.
“Jaidon, I just want you to know that I admire you now more than ever,” nakangiting sabi ng babae sa kanya, sumabay sa paglakad. “Hindi biro ang ginawa mong pag-amin sa madla tungkol sa nakaraan mo.”
“Thanks,” sabi niya naman, nilaparan niya ang ngiti dahil naramdaman niyang sincere ang kausap sa mga sinabi nito.
Kahit paano ay gumaan naman ang loob ni Jaidon sa isiping may naniniwala pa rin sa kanya kahit pa sabihing baka biased lang si Christie dahil may gusto ito sa kanya. Pero kailangan na niyang isipin ang mga positibong dulot ng mga eskandalo sa kanya. Lumalaki na ang tsansang matatalo siya sa eleksiyon. He had to focus on that.
PAUWI na si Jaidon isang hapon nang may lumapit sa kanyang isang ginang na may karay-karay na batang babae na apat o limang taon ang gulang.
Sinenyasan niya si Anton na pumasok na ng sasakyan saka sinalubong ang babaeng parang nagpipigil umiyak.
“ Gov! ” tawag nito sa kanya nang magkadaupang-palad sila. “Ako po si Mimi, `yong nakiusap sa inyo noong nakaraang taon para tulungan ang aking anak na may sakit sa puso.”
“Magandang hapon po, anong maipaglilingkod ko sa inyo?” nakangiting bati niya.
“ `Eto na po si Carmelle, ” sabi ng babae, pinaharap sa kanya ang anak nito. “Magaling na po siya. Pasensiya na po at ngayon lang kami nakalapit sa inyo. Umuwi kasi kami ng La Union matapos ang operasyon.”
“ Hi, Carmelle! ” nakangiting bati ni Jaidon sa bata at ginulo ang buhok nito sa ituktok ng ulo. Nahihiya namang ngumiti ang bata at humawak sa palda ng ina saka isinubsob ang mukha roon.
“ Makakaasa po kayong nasa inyo ang boto ng buong angkan ko. Ikakampanya ko kayo sa buong bayan namin, Gov. ”
Tinapik niya sa balikat si Mimi. “Maraming salamat,” sabi niya kahit ang gusto niya talagang sabihin ay hindi mo na kailangang gawin `yan, hayaan mo akong matalo.
Doon na ito lumuha. “Wala akong pakialam kahit gaano pa nila kayo siraan, kahit ano pa ang masasamang sabihin nila tungkol sa inyo. Para sa akin, isa kayong anghel.”
“Malayo ako sa pagiging anghel,” sabi niya, hindi napigilan ang paglamlam ng ngiti dahil sa pagsundot ng konsiyensiya. “ Ginagawa ko lang ang trabaho ko —ang pagsilbihan kayo sa abot ng aking makakaya.”
“ Napaka-humble n ’yo po kumpara sa ibang politikong wala nang ginawa kundi ipangalandakan ang kanilang nagawa sa taong-bayan kahit galing naman sa buwis namin ang mga ginamit nila. Iilan na lang ang gaya n’yo, Gov. Kayo ng tatay at lolo ninyo. Sana huwag kayong magsawang tumulong sa amin, at sana… huwag kayong magsawa sa politika kahit gaano pa kayo batuhin ng maruruming salita. Ipinagdarasal ko po kayo lagi, Governor Silvanus.”
Ngumiti na lang si Jaidon. “Siya, Mimi, kailangan ko na pong umalis,” paalam na niya, iniiwasan ang pakiramdam na parang masikip sa kanyang dibdib. Binalingan niya ang bata. “Magpapakabait ka, ha?” sabi niya.
Tumango naman ito. “Opo, Gov. Salamat po sa inyo at nakakapaglaro na uli ako.”
Napahagulhol si Mimi sa sinabi ng anak. Lalo namang sumikip ang dibdib ni Jaidon.
Stress lang ito, anxiety attack, dahilan niya sa loob-loob. Just walk away, you melodramatic moron.
Kumaway sa kanya ang munting kamay ng bata nang hilahin na ito ng ina palayo sa kanya.
“ Sandali, ” pigil niya sa mag-ina. “Pumasok kayo sa opisina ko at pakisabi sa sekretarya ko doon ang inyong address. Magpapadala ako ng mga laruan kay Carmelle.”
Gustong tapikin ni Jaidon ang sariling noo nang lalong humagulhol si Mimi. Tinawagan niya ang kanyang executive assistant para ipaasikaso ang mag-ina.
“ Tamang-tama pala, Gov. May media na basta na lang nagpunta dito galing sa provincial newspaper daw, gusto kaming interview-hin tungkol sa inyo. Ihaharap ko sa kanila sina Mimi at Carmelle kung okay lang sa inyo,” masayang sabi nito sa kanya.
Pumayag na lang siya.
“Great. Just fucking great,” inis na usal ni Jaidon bago pumasok ng kotse.
Naghihintay sa salas ang kanyang asawa nang makauwi siya ng bahay. Nakangiting sinalubong siya nito ng yakap. Somehow, being in her sweet embrace was lightening his heavy load and loosening his tight chest. It had been one week since he returned to work and his wife was making everything easier for him. Hindi niya alam kung paano nito nagagawa iyon.
“How was your day, handsome?” usisa pa nito na masuyong hinaplos ang kanyang leeg.
Nakuha niyang ngumiti. “It went fine, gorgeous.”
“That’s good.” Yumakap sa kanyang baywang si Pepper at sinabayan siya sa paglakad paakyat sa kanilang kuwarto. “I hope you’re hungry. Madami kaming nilutong pagkain for dinner. Parang pistahan tuloy ang bahay.”
Napakarami ngang ihinain na pagkain para sa kanya nang hapunang iyon. Kung may isa pa siyang naramdamang pagbabago ay ang pagtrato sa kanya ng mga kasama niya sa bahay. Naging mas maasikaso ang mga ito sa kanya, mas naging mabilis ang mga pagkilos.
Halos subuan siya ni Pepper sa pagkain nang nasa dinner table na sila.
“Babe, babe, I’m good. Ang dami ko pang kanin,” nakangiting awat niya dito nang maglalagay ito uli ng kanin sa kanyang plato.
“Sorry.” She giggled coyly. “How are the foods? Ako ang nagtimpla sa kare-kare.”
“They’re fantastic. Thank you.”
Ipinagsalin pa siya nito ng orange juice sa baso niyang wala pang one-fourth ang nabawas.
“Pepper,” nakangiting tawag niya.
Dali-dali naman itong nag-angat ng ulo at ibinaba ang hawak na mga kubyertos. “Yes?”
“Stop giving me special treatment, please,” pakiusap niya rito.
“Special treatment?”
“Mula nang magbalik ako rito, kulang na lang latagan ninyo ng red carpet ang daraanan ko,” natatawang sabi niya.
Natawa ang asawa. “G-ganoon ba?” nahihiyang sabi nito.
“Mahirap bang ibalik sa dati ang lahat? Wala namang nabago sa akin, natuklasan ko lang na may anak pala ako. But this is still me—Sinagtala’s governor, your husband.”
“Mas gusto mo bang hindi kita inaasikaso?” May nahimigan siyang hinampo sa boses ng babae.
“Hindi sa ganoon.” Bumuntong-hininga si Jaidon. “It’s just… everything feels weird for me. Inamin ko lang sa madla na may anak ako sa pagkabinata and then suddenly, everybody’s treating me differently.”
“Y-yeah, I know what you mean. Siguro sa ganitong bagay lang namin naipapakita sa iyo ang suporta namin, Jaidon.”
“I figured. And, hey, just know that I appreciate it all, okay?”
“Okay,” mahinang sabi ni Pepper at dinampot na uli ang kutsara’t tinidor. “I understand, nakaka-suffocate din kasi ang masyadong madaming atensiyon na naka-focus sa iyo.”
“Mas gusto ko `yong inaasar at kinukulit mo ako,” banat niya naman. “Saka nami-miss ko na mga pang-aaway mo sa akin. Awayin mo na uli, ako, Misis!”
Humalakhak ang kanyang maybahay. “You’re weird.”
HINDI inaasahan ni Pepper ang nakita niyang nakaupo sa sofa sa receiving area ng Sunlight. Si Jaidon, nakasalumbaba ito sa armchair habang nakapikit, may isang malaking bouquet ng sarisaring bulaklak sa kandungan nito.
“Ma’am,” mahinang tawag sa kanya ng receptionist nang matapat siya sa desk nito. “Kanina pa si Gov diyan, ayaw namang ipatawag kayo. Hihintayin daw kayong lumabas.”
Nakuha niyang ngumiti pero may pag-aalala sa kanyang dibdib. Galing pa sa Manila ang kanyang asawa at mukhang wala itong pahinga. Naaawa na tuloy siya rito.
Dalawang dipa ang layo niya sa lalaki nang magdilat ito ng mga mata. “Hey there, gorgeous,” nakangiting bati nito na para bang biglang nagliwanag ang mukha pagkasilay sa kanya.
“ Hey, handsome. Anong ginagawa mo rito? ”
Tumayo ito at sinalubong siya. Humalik ito sa kanyang pisngi saka ibinigay ang hawak na mga bulaklak.
“I was waiting for you. Pinauwi ko na kay Anton ang kotse mo. Mag-dinner tayo sa labas `tapos manood tayo ng sine kung gusto mo.”
“Sana pinatawag mo ako nang hindi ka naghintay.”
“It’s okay.” Hinaplos siya nito sa buhok. “Mukhang pagod ka yata? Maaga ka raw umalis ng bahay sabi ni Manang Tacing,” pagkuwa’y nag-aalalang puna nito.
Bumuntong-hininga si Pepper. Hinila naman siya ni Jaidon sa sofa at magkatabi silang naupo roon.
“Kagagaling lang namin sa ospital. `Yong isang client namin ditto, `yong rape victim, naglaslas ng pulso kanina. `Buti may nakakita kaya naagapan namin,” kuwento niya sa asawa. “The doctor recommended psychiatric help.”
Sumang-ayon si Jaidon. “That would be the best thing to do for her.”
Tumango siya. “`Tapos kaninang umaga, nag-attend ako ng hearing ng isang battered wife na client namin.” Nakuyom niya ang dalawang palad. “Ugh! Gusto kong sugurin iyong asawa niya!”
“Hey, calm down.”
Pero naiinis pa siya talaga. “Tarantadong iyon, pagmumukha pa lang, alam mo nang hindi gagawa ng matino!” gigil niyang sabi. “Gusto ko siyang sapakin at tadyakan sa chaka niyang face! Naku, Jaidon, ipatokhang mo nga siya!”
Natawa nang wala sa oras si Jaidon. “Hindi mamamatay-tao ang mister mo, Pepper.”
“Argh! I know, I know! Sorry, nadala lang ako ng emosyon. Kahit naman ako, hindi iniisip na todasin ang gagong `yon. Tamang bugbog ko lang sana.”
“Baby, look at me,” pagpapakalma ni Jaidon sa kanya at hinawakan siya sa magkabilang pisngi. “If this whole thing is stressing you out—”
“No, no… okay lang ako.” Pinakalma ni Pepper ang sarili, nakatulong din ang presensiya ng kanyang asawa para makapag-relax siya matapos ang isang stressful na araw. She liked being held by him like this. It felt so empowering rather than making her feel tired and weak. Isa pa, sa kabila ng pag-aalala sa kanya ni Jaidon ay nababanaag niya rin sa mga mata nito ang pagmamalaki nito sa kanya. “I can handle this, Jaidon. I like doing this. Madami akong natututunan dahil sa Sunlight. Madaming pananaw sa buhay ko ang binago ng lugar na ito.”
“All right. Basta huwag ka lang palaging nagpapagod.”
“Don’t worry, alam ko naman ang limitations ko. May energy pa ako para sa dinner at movie date natin.” Inamoy niya ang mga bulaklak. “Hmm, bakit ang sweet-sweet mo lately? Nakakaraming pogi points ka na sa akin, ah,” may panunudyong tanong niya sa lalaki.
Tumawa ito saka pinisil ang kanyang mga pisngi. “Sweet naman talaga ako sa iyo. Ngayon mo lang napansin?”
Seryoso naman si Pepper. “Jaidon, kung ginagawa mo lang ang lahat ng ito bilang pambawi kasi iniisip mo na baka magtampo ako na nahahati ang panahon mo sa akin at sa anak mo—”
“Why would I think of that?” bahagyang hinampo nito. “Gusto ko lang gawin ito, Pepper. I want to make you happy.”
“You make me happy,” kinikilig niyang sabi. Kung wala lang iyong receptionist na kinikilig din sa kanilang mag-asawa ay sinunggaban na niya ang gobernador at pinupog ng halik sa mukha. May hiya pa naman siya nang kaunti.
“I just wish I can always make you happy,” mayamaya ay tila malamlam na sabi ni Jaidon, ibinaba ang mga kamay.
Napakunot-noo naman si Pepper. “Am I putting a lot of pressure on you? Hindi mo naman obligasyon na pasayahin ako, Jaidon.” Inabot niya ang mukha nito at hinaplos doon. “Effortless nga ang mga pagpapasaya mo sa akin. In fact, magisnan ko lang ang guwapong mukha mo sa umaga ay masaya na ako.”
Ngumiti ito pero may nasilip siyang tanglaw sa mga mata nito.
“What’s wrong, babe?” sita niya. Hinawakan nito ang kamay niyang nasa mukha nito. “Jaidon?” untag niya nang hindi ito tumugon.
Bumuntong-hininga ito bago sumagot. “I-I’m fine,” mataman ang tingin na sabi nito sa kanya. “Don’t worry about me, Pepper.”
Naiintriga naman si Pepper. “May problema ka ba? Ahm… politics?”
Alam niyang maraming kinakaharap na problema ang asawa sa larangan ng propesyon nito at ayaw lang nitong palaging magsabi sa kanya dahil hindi nito gustong pati siya ay nadadamay sa political pressure na nakaatang dito.
“Yeah, something like that.”
“You can tell me,” himok niya kay Jaidon.
Pinisil nito ang kanyang palad. “I will tell you one day, I promise.”
Tumayo na si Jaidon saka siya inalalayan patayo. Inakbayan siya nito habang naglalakad sila palabas ng women’s shelter.
“I miss you,” bulong ng lalaki sa kanya nang malapit na sila sa kotse saka siya pinatigil sa paglakad para gawaran ng matamis na halik sa mga labi.