noveltoon logo noveltoon
The Billionaire's Mysterious Lover

Chapter 8

Ch. 9 / 29 Feb 05, 2022

"IROG! Miss yow."

Natatawang sinalubong ni Evangeline si Krista. Irog at sinta ang tawagan nila. Palasak na raw kasi ang BFF kaya para maiba naman, iyon ang naging endearment nila sa isa't isa.

One month na ang nakalipas mula nang huli sila nitong magkita sa hotel kung saan sila nag-lunch. Naging busy kasi siya sa kanyang negosyo. Si Krista naman ay kaliwa't kanan ang raket.

"Napasugod ka yata?"

Nagtaka siya nang bigla na lamang itong sumulpot sa jewelry store niya. Bihira itong pumunta sa store dahil sa tuwing pupunta raw ito sa tindahan niya ng mga alahas ay naglalaway ito sa mga naka-display sa eskaparate. Afford naman nito ang bumili ng mga creations niya. Pero dahil breadwinner ito, tinitipid nito ang sarili upang may maipantaguyod sa pamilya.

"Nakita ko kasi si Mamita. May ibinulong siya sa akin."

Naitirik ni Evangeline ang mga mata. Ang Mamita na tinukoy nito ay walang iba kundi ang kanyang ina. Ang ibinulong na sinasabi nito ay natitiyak niyang tungkol kay Red. Mula noong una nilang paglabas ay nasundan pa iyon ng ilang dinner at lunch date. Kapag hindi sila magkasama ng binata ay madalas sila nitong magkausap sa cellphone.

"So, kumusta na? Kayo na ba?"

"Kami na agad? Parang noodles lang—instant?"

"Puwede ring kape?" dagdag na buska nito. "Or condom."

"Condom?"

"Oo. Kapag nabutas, instant baby."

"Baliw!"

Kaya ito nagkakasundo at ang kanyang ina dahil pareho ang takbo ng mga utak.

"Irog, since we are on the subject. Baka puwedeng kumbinsihin mo na si Red na pasukin ang modeling world at nang madagdagan naman ang aking mga talent."

"That was his decision. At hindi ko puwedeng panghimasukan ang buhay niya tungkol doon."

"Huu, ayaw mo lang dumami ang makakaagaw kay Redentor Madrid," tukso ng kaibigan.

"That, too."

"Ayiee, seryoso na nga yata ang irog ko. Tumitibok-tibok na ulit ang sugatang puso," sumayaw-sayaw pa ito na parang nagpa-pump ang puso.

Hinila na ni Evangeline ang kaibigan palabas ng La Mujer Store. Sinenysasan na lamang ng dalaga ang kanyang manager na manananghalian muna sila. Past twelve na. Masyado siyang nalibang sa ginagawa kung kaya't nakaligtaan na niya ang oras. At naisip niya, ngayon lamang siya hindi nakatanggap ng tawag mula kay Red. Ito ang tagapag-paalala niya ng oras ng pananghalian. Nabanggit niya kasi rito na sa tatlong oras na regular meal time, lunch ang madalas niyang ma-missed. Kaya ginawa na nitong misyon ang ipaalala sa kanya ang oras ng lunch. O kung hindi man ay bigla na lamang itong darating para yayain siyang kumain sa labas.

Bakit kaya hindi siya tumawag? O kahit text man lang.

"Vanj?"

"O?"

"Masarap ba?"

Nag-init nang husto ang magkabilang pisngi ni Evangeline sa karakang tanong ni Krista.

"Ang bastos mo," pinandilatan niya ang kaibigan.

"Ano ang bastos sa tanong ko? 'Yang chicken biryani ang tinutukoy ko. Sunod-sunod kasi ang subo mo. E, sa pagkakaalam ko sa'yo nagli-limit ka sa rice."

Napahiya siya sa sinabi ng kaibigan. Sa isang Thai restaurant siya nito niyaya dahil iyon ang pinakamalapit.

"Grabe, ha? Wagas ang pamumula ng mukha mo, irog," at bumungisngis ito na parang dalaginding na kinikilig.

Inirapan niya ito.

"Pero 'yong totoo. Masarap ba 'yong first niyo?"

"F-first?" sa isip ay mabilis na inalala ni Evangeline kung nabanggit ba niya rito ang namagitan sa kanila ni Red a year ago. Kamakailan lang kasi sila nito muling nagkita pagkatapos nilang magkalayong magkaibigan. Nagkaproblema ang pamilya nito at kinailangang manirahan sa malayong lugar.

"First kiss. Ano pa ba? Naibulong lang naman kasi sa akin ni Mamita na mukha raw masarap humalik si Red kaya wagas kang makakunyapit sa batok."

"Grabe talaga kayo ni Mama. Lagi niyo na lang pinagtsitsismisan ang buhay ko."

"Sa aming dalawa lang naman."

"Hmp! E, si Vincent? Ano ba ang real score sa pagitan ninyong dalawa? Sworn enemies o enemies with benefits?"

Biglang namula nang husto ang mukha ni Krista.

"Oh, my God. Did I hit the nail on the head?"

"H-hindi, 'no?" mabilis itong nag-iwas ng tingin.

Kumpara sa kanya ay mestisahin ang kaibigan kaya kitang-kita ang pamumula ng buong mukha nito.

"Kelan pa?"

"Anong kelan pa? Walang kami."

"Pero may benefits."

"Wala nga!"

"Huwag mag-deny, hindi ka artista."

"Tse."

"Tingnan mo 'to. Ang lakas mong mang-asar tapos ikaw itong pikon."

"Hindi ako pikon. Mali ka lang ng hula."

"Huu, e, bakit ka nagba-blush?"

"Hindi ako nagba-blush. Natural lang na mamula-mula ang mga pisngi ko."

Napangiti siya.

"So, masarap ba?" pabulong niyang tanong.

Bigla itong nasamid. Natalsikan pa siya ng mumo ng kanin sa mukha. Pero sa halip na magalit ay tawa siya nang tawa sa reaksyon ng kaibigan.

Inabutan niya ito ng tubig.

"Nasarapan ka siguro, nasamid ka, eh."

"H-hindi, ah. Ang sakit kaya."

Napasinghap si Evangeline kasabay ang pamimilog ng mga mata.

"G-gano'n kalaki?" pabulong ulit niyang tanong dito.

"Masakit ang masamid. Try mo," nakairap na sagot nito.

Nakangiting itinikom na lamang ni Evangeline ang bibig. Naisip niyang huwag na lamang pilitin ang kaibigan na ipagtapat ang totoong namamagitan dito at kay Vincent. Tutal siya rin naman ay naglihim dito.

Mayamaya pa ay naiba na ang kanilang usapan. Dumako iyon sa mga plano nila sa buhay.

"Ako, masaya na akong mapagtapos sa kolehiyo sina Kristoff at Kristal," sabi nito na ang tinutukoy ay ang kambal na mga kapatid.

Ang alam niya'y menopause baby ang mga kapatid nito. Dati silang magkapitbahay sa Antipolo. From rags to riches ang kuwento ng pamilya nito. Na bumalik sa hirap nang magkasakit nang malubha ang Papa ni Krista. Ipinagbubuntis ng Mama nito ang kambal nang bawian ng buhay ang ama ng kaibigan. Matagal din silang nawalan ng komunikasyon dahil lumipat ang mga ito pagkalibing sa ama.

"Napaka-dedicated mo sa kambal. Pero huwag namang puro pamilya, sinta. Isipin mo rin ang sarili mo. Kelan ka pa mag-aasawa, kapag uugod-ugod ka na?"

"Wala na akong planong mag-asawa."

"Na? Samantalang noong college tayo ikaw itong napakaraming plano tungkol sa future. Nakalista pa nga ang mga katangian ng lalaking gusto mong pakasalan. Matangkad, kissable lips, maganda ang katawan—not so athletic at tipong sakto lang. Teka, parang pamilyar sa akin ang descriptions mo? Hindi ba parang si—" naudlot ang sasabihin niya nang tumunog ang cellphone nito.

"Hello?"

Napansin niyang parang naging uneasy ang kaibigan niya sa kausap sa kabilang linya.

"So, ano ang pake mo?"

Napataas ang kilay ni Evangeline. Sino kaya ang kausap nito at parang galit na galit ito?

"Maghintay ka, kumakain pa ako," matapos sabihin iyon ay tinapos na nito ang tawag. "Istorbo."

Hindi na lamang siya nagtanong kahit nginangatngat ng curiosity ang utak niya.

Nang muling tumunog ang cellphone ni Krista ay palihim na sinilip ni Evangeline ang pangalan ng caller.

Fuckboy.

Lihim na napangiwi ang dalaga. Grabe ring makapagbigay ng pangalan itong kaibigan niya. Fuckboy talaga?

Kunwari na lamang ay walang napansing kakaiba na nagpatuloy siya sa pagkain.

Matapos mananghalian ay naghiwalay na silang magkaibigan dahil may lakad pa raw ito. Pagbalik niya sa La Mujer Store ay tinanong niya ang kanyang manager kung may naghanap sa kanya. Na-disappoint siya nang sabihin nitong wala.

Panay ang tingin niya sa cellphone sa pagbabakasakaling may missed call o text mula kay Red. Pero wala. Sa huli ay pinaalalahanan niya ang sarili na manliligaw niya pa lamang ito. Wala itong obligasyon na magpakita o tumawag sa kanya araw-araw.

Nasanay lang kasi ako, mabigat ang loob na naisip ng dalaga.

Sa ikalawa at ikatlong araw ay sinubukan niyang tawagan si Red para mangumusta. Naisip niya kasi na baka naghihintay lamang ng encouragement ang binata mula sa kanya. Ngunit unattended ang cellphone nito.

Nang lumipas ang isang linggo at wala pa ring paramdam o text mula sa binata ay tinanggap na ni Evangeline sa sarili na marahil ay sadyang tumigil na ito sa panliligaw sa kanya. Halu-halo ang nararamdaman niya. Naiinis, naguguluhan, nagagalit sa pakiramdam na ginulo lang nito ang katahimikan niya para iwan sa ire. Iyon talaga ang pakiramdam niya, naiwan siya sa ire. Kung hindi lamang sa Papa niya ay isusumpa na talaga niya ang lahat ng lahi ni Adan.

Mabigat ang loob na lumabas ng La Mujer Store si Evangeline. Balak na sana niyang umuwi kaso masyado pang maaga. Ipinasya niyang maglakad-lakad muna para aliwin ang sarili. Pag-uwi niya ng bahay ay natitiyak niyang uuriratin lang siya ng kanyang ina. Kesyo baka kung ano ang ginawa niya at hindi na itinuloy ni Red ang panliligaw nito sa kanya.

Ako pa talaga ang may problema, ha? mapaklang naisip ng dalaga. Puwes, kung ayaw niya ay hindi siya kawalan.

Um-order siya ng frappe sa Starbucks at naglakad-lakad sa isang nature park. Nakakainis lang dahil para namang nananadya ang sitwasyon. Panay couples ang nakikita niyang namamasyal. She finished her frappe and left the park. Ayaw pa sana niyang umuwi. Pero alangan namang magbabad siya sa bar. Noong huling beses na pumasok siya sa isang bar ay basta na lang niyang ipinagkaloob ang sarili sa isang estranghero. Na ngayon ay hindi na estranghero sa kanya.

Buwisit! Nabalik na naman ang utak niya sa lalaking kinaiinisan.

Mainit ang ulo ni Evangeline nang umuwi. Kaya naman nang umibis ng sasakyan ay tuloy-tuloy lang siyang pumasok ng bahay. Upang saglit na mapatda nang makita ang lalaking prenteng nakaupo sa kanilang sala habang kausap ng mga magulang.

"Mabuti naman at dumating ka na. Kanina ka pa hinihintay ng bisita mo," saad ng kanyang ama.

"Maiwan na muna namin kayo," pilya ang ngiti ng kanyang ina nang sabay na tumayo ang mga magulang para mapagsolo sila ng kanyang bisita.

Si Red.

"Good evening."

"Ano ang ginagawa mo rito?"

Napakamot ito sa batok. "Uh, manliligaw?"

"Parang hindi ka sigurado," hindi niya ikinubli ang sarkasmo sa tono.

Tumikhim ito. "Manliligaw. I brought you flowers and chocolates."

Kinuha nito ang bouquet ng rosas at isang heart-shaped box na may lamang chocolates. Atubili pa sana iyong tanggapin ng dalaga kaya lang ayaw naman niyang magmukhang bastos.

"Have a seat," pormal niyang sabi rito.

"Thank you."

"So, what happened to you? Ang alam ko sa isang nanliligaw ay hindi lulubog-lilitaw."

"About that, I'm sorry kung hindi ako nakapagpaalam sa'yo."

"Wala ka namang obligasyon na gawin 'yon. After all, manliligaw lang naman kita, di ba?"

"Ah—"

"Red, dito ka na mag-dinner," sukat biglang umeksena ang Mama niya mula sa dining room.

"Yes, Tita."

"Huwag mong pansinin ang ugali ng anak ko. Ganoon talaga ang mga tumatandang dalaga. Nagiging mga maramdamin at irrational."

"Mama!"

Ngingiti-ngiti lang na tumalikod ang kanyang ina at bumalik ng komedor.

Nang balikan niya ng tingin si Red ay nakita niya ang pinipigilan nitong ngiti.

"Huwag kang ngumiti riyan," sikmat niya sa binata.

Mabilis namang pinapormal ni Red ang mukha. Gayunma'y hindi maikukubli ang kislap ng amusement sa mga mata nito.

"Dinner is ready," anunsyo ng ina.

Nang tumayo si Evangeline ay tumayo na rin si Red. Nagtungo na sila sa komedor. Galit man siya sa binata sa nakalipas na araw, ang lahat ng iyon ay tila pinalis sa biglang pagdating nito. At aaminin niya, na-missed niya ito.