"BABE, huwag mo na akong sunduin bukas, ha? May lakad kasi kami ni Krista. You know, girl bonding," ani Evangeline sa nobyo nang sunduin siya nito.
"Okay. Tawagan mo ako kapag nakauwi ka na."
Napangiti siya sa pagkamaalalahanin nito. "Yes, dear."
Hindi niya gustong maglihim kay Red. Pero alam niyang napakaseloso nito. At naisip niya, isang beses lang namang mangyayari iyong maglilihim siya rito. Hindi na iyon mauulit pa pangako niya sa sarili. Isa pa, wala naman siyang balak na pagtaksilan ito o ano. Aalamin niya lang kung ano ang napaka-importanteng bagay na gustong ipakipag-usap sa kanya ni Grayson. Bukod doon ay gusto niya ring magkaroon sila ng malinaw na closure. Sa mga nakalipas na araw kasi ay may isang bagay siyang natuklasan. At ang bagay na iyon ay ipina-realize sa kanya ng lalaking kasama niya sa mga sandaling iyon.
Ni Redentor Madrid.
"What?" Bahagyang kumunot ang noo nito nang lingunin siya.
Pinigil niya ang isang malawak na ngiti bago humilig sa balikat nito habang ito'y nagmamaneho.
"Nothing."
"Angel?"
"Hmm."
"May problema ba?"
"Problema?" nakakunot-noong tiningnan niya ito.
"Para kasing ang lalim ng iniisip mo."
Muli ay pinigil niya ang isang malawak na ngiti. Kinikilig siya. Isa iyon sa mga bagay na napaka-endearing kay Red. Sensitive ito pagdating sa kanya. Kaunting kibot ay nag-aalala kaagad ito kapag nananahimik siya.
"Wala akong problema, ano ka ba?" Bahagya niyang inangat ang sarili at hinagkan ito sa pisngi. "Chill, okay? Wala akong problema."
Tumango ito. Pero tingin niya ay mukhang ito naman ang nahulog sa malalim na pag-iisip.
Nang tumigil ang sasakyan nila sa red light ay pinihit niyang paharap sa kanya ang mukha ng nobyo at binigyan ito ng mainit na halik sa mga labi. Kahit halatang nagulat ay kaagad itong tumugon. At kung hindi pa sa sunod-sunod na busina mula sa kanilang likuran ay hindi pa sila magbabaklas.
"Mga istorbo," mahinang bulong nito.
Napangiti na lang siya.
Kinuha nito ang kanyang kamay. Sa buong biyahe nila ay halos ayaw na nitong bitiwan ang kamay niya. Panay rin ang halik ni Red sa kanyang ulo na nakahilig sa balikat nito. Paghimpil ng sasakyan nito sa harapan ng kanilang bahay ay hindi na niya ito pinababa. He looks tired.
"Good night. Mag-iingat ka sa pagmamaneho," malambing niyang bilin dito.
"Ayaw mo ba akong pumasok muna sa loob?" makahulugang tanong nito.
She rolled her eyes behind his sly innuendo.
"Next time, babe. You look tired, o. Umuwi ka na at huwag ka ng magbabad sa bar, okay?"
"Fine," parang nagtatampong sabi nito.
Para mawala ang tampo nito ay muli niyang inabot ang mga labi ng kasintahan at binigyan ito ng napakainit na halik. Pakiramdam niya ay namamantal na ang mga labi nila nang sila'y maghiwalay.
"I love you," sabi nito.
Kinilig siya. "I do, too."
"Say it."
"Say what?"
"I want to hear you say the three words."
"I love you. There, happy now?"
"Happy na sana. Kaya lang idinugtong mo pa 'yong huli."
"Napaka-demanding naman ng babe ko." Inabot niya ang magkabilang gilid ng mukha nito. "I love you."
Iyon lang at ngumiti na ito.
"Sige na nga. Kumbinsido na ako, pasok ka na sa loob."
Pero bago umibis ng kotse nito ay hinila siya ng nobyo at mariing hinagkan sa mga labi.
"Good night," may bahagyang hingal na sabi nito.
"Good night."
Pagpasok niya ng bahay ay nanunukso ang tingin ng kanyang ina.
"Bakit ang tagal mo yatang bumaba ng kotse?"
"Mama," sinaway niya sa tingin ang ina dahil nasa living room lamang ang Papa niya, may binabasang libro.
"Bakit hindi mo inimbitahang pumasok ang nobyo mo? May dala pa naman akong imported brandy, nakapag-shot man lang sana kami bago siya umuwi."
"Busy ho kasi siya nitong mga nakaraang araw, Papa. Itinaboy ko na muna para maagang makapagpahinga. Maybe this weekend, I'll invite him over para matagal-tagal ang kuwentuhan niyo."
"Paalis kami ng Mama mo. Hindi niya ba nabanggit sa'yo?"
"But you just got home. Bibiyahe na naman kayo?" Kadarating lamang ng mga ito mula sa ibang bansa. Ni hindi pa nga halos sila nakakapagbalitaang mag-anak sa naging biyahe ng mga ito.
"Hija, hindi namin matatanggihan ang imbitasyon. Galing iyon sa Ninong Conrad mo sa Ilocos. Magseselebra sila ng 30th wedding anniversary ng Ninang Alice mo. Pinasasama ka nga para naman daw makita ka nila, but knowing you. Baka mabawasan ang kaban mo kung magbabakasyon ka maski isang araw."
"Papa," nakasimangot na tumabi siya ng upo rito sabay hilig sa balikat ng ama.
Kaagad naman siyang inakbayan nito. "So, sasama ka?"
"Mukhang drinamahan niyo lang ako, ano?"
Natawa ito sa sinabi niya.
"Actually, mahigpit na ibinilin ng mga Ninang Alice mo na sumama ka. It's a one-week long celebration for their family and friends. Kung hindi ka makakasabay sa amin, puwede naman siguro kayong sumunod ni Red."
Bigla siyang na-excite sa idea. Magkasama silang magbabakasyon ng nobyo.
"That would be perfect, Mom. I'll tell him."
Bago matulog nang gabing iyon ay tinawagan niya ang nobyo upang sabihin dito ang tungkol sa bakasyong sinasabi ng mga magulang. Pero hindi niya ito makontak. Naisip na lang niyang siguro ay nagpapahinga na ito.
I'll just tell him kapag nagkita kami.
Kumpleto na ang kaligayahan niya. Meron siyang mapagmahal na nobyo at maayos na pamilya. Sa puntong iyon ng buhay niya, kung muling magpo-propose si Red ng kasal ay hindi na siya tatanggi. Baka siya pa nga ang humila rito sa simbahan.
Mahimbing siyang nakatulog nang gabing 'yon.
"Good morning, Ma'am. Blooming na blooming kayo, ha?" bati ni Betsy, ang sekretarya ni Evangeline pagpasok niya ng opisina kinabukasan.
"I know, right?" pagpapatianod niya saka napangisngis. "May appointment ba ako ngayong araw?"
"Si Miss Feliciano, Ma'am. Pero after lunch pa naman 'yon."
"Okay. Ahm, baka nga pala dumating si Grayson."
Hindi nalingid kay Evangeline ang bahagyang panlalaki ng mga mata ng sekretarya.
"Lokah, it's not what you think, okay? May pag-uusapan lang kami."
"Mga anong oras ho kaya, Ma'am, para makabili ako ng rat poison."
Natawa siya sa biro ni Betsy. "I'm not sure. But I told him to drop by anytime today. At sana naman ay hindi sila magkasabay ni Miss Feliciano."
"Standby lang ako."
"Thanks," lihim siyang napailing.
In fairness to Grayson, hindi naman ito bayolenteng tao. Pero ang mga tao sa paligid niya ay parang masyadong overprotective sa napipintong pag-uusap nila ng dati niyang nobyo.
Before lunch ay dumating si Grayson. Siya na lamang ang nagpatuloy rito sa opisina niya dahil inutusan niya si Betsy na bumili ng pananghalian. Tinatamad na rin kasi siyang lumabas.
"Maupo ka," aniya na itinuro rito ang guest chair.
"Aren't you gonna close the door?" anito nang mapansing nakabukas ang pinto ng kanyang opisina.
"Grayson, dalawang employee ko lang ang nasa labas, malayo sila para marinig kung anuman ang pag-uusapan nating dalawa. Aside from that, hindi naman siguro nakasaalang-alang sa sasabihin mo ang seguridad ng ekonomiya ng bansa," hindi niya napigilang maging sarkastiko.
Mapait itong napangiti. May nabanaag pa nga siyang lungkot sa mga mata nito. At dahil hindi naman siya bato, naantig ang damdamin niya kahit papaano.
"Ano ba talaga ang sadya mo?" direkta na niyang tanong dito.
"Remember Lola Ernina?"
Saglit lamang niyang inalala ang pangalang tinukoy nito. Twice pa lamang niyang na-meet ang matriyarka ng mga Dimalanta. At sa dalawang pagkakataong nangyari iyon ay very vocal ang matanda sa pagsasabing wala itong ibang aaprubahang maging asawa ng apo nito maliban sa kanya.
"What about her?"
"H-hindi niya pa alam na break na tayo."
"So?"
"She will be celebrating her birthday this coming Sunday at inaasahan niya ang pagdating mo."
"Grayson—"
"At ang alam niya rin ay engaged na tayo."
"Then tell her the truth."
"I can't. Sa sandaling malaman niyang break na tayo ay mawawala sa akin ang posisyon ko sa kompanya. Babawiin niya ang lahat ng ari-ariang nasa pangalan ko. Wala akong ibubuhay sa pamilya ko."
"Pamilya?"
"B-buntis si Toni," tukoy nito sa babaing nadatnan niyang kasiping nito noon. "Sasabihin din naman namin sa kanila ang lahat. Pero hindi pa ngayon. Hindi ko puwedeng biglain si Lola. Please, Vanj. Kahit lumuhod ako ngayon sa harapan mo ay gagawin ko pagbigyan mo lang ako sa pabor na hinihingi ko sa'yo."
Sa dami ng sumbat na nagdaan sa utak ni Evangeline para ipamukha kay Grayson ang mga kasalanang ginawa nito sa kanya, ni isa mang salita ay walang lumabas sa kanyang bibig. Kitang-kita niya ang sinseridad sa mga mata nito. At bakas niya rin doon ang pagsisisi. At katulad ng sinabi nito, mabilis itong lumuhod sa harapan niya. He took her hand at mahigpit nitong hinawakan iyon.
"Please, please, Vanj. Just this once. Nakahanda akong gawin ang lahat ng gusto mo, pagbigyan mo lang ako."
"T-tumayo ka nga riyan. Parang sira 'to. Hindi mo na kailangang lumuhod para—" na-freeze ang ngiti sa mga labi ni Evangeline nang pag-angat niya ng tingin ay makasalubong niya ang mga mata ni Red.
Kitang-kita niya ang hapdi sa mga mata nito bago ito mabilis na pumihit patalikod at dali-daling lumabas.
"Red, Red, wait!" nagkukumahog siyang lumabas ng kanyang opisina upang sundan ito. Kamuntik pa niyang makabangga si Betsy na noo'y papasok na ng jewelry store. Dala nito ang brown paper bags na kanina'y bitbit ng kanyang nobyo. "Red!"
Puwetan na lamang ng kotse nito ang nakita niya.
"Shit." Tulirong binalikan niya si Grayson sa loob ng kanyang opisina. "You. Come with me. Kakausapin mo ang boyfriend ko at ipaliliwanag mo sa kanya ang lahat ng nangyari. Maliwanag?"
"Tutulungan mo ba ako?"
"Depende kung makukumbinsi mo siya na mali ang interpretasyon niya sa nakita niya ngayon dito."
Ramdam ni Evangeline ang matinding takot sa kanyang dibdib nang lumulan sila ni Grayson sa kanyang kotse. Nang hindi niya kaagad magawang buhayin ang sasakyan ay bumaba ito at pinalipat siya sa passenger seat. Sa estado ng emosyon niya ng mga sandaling iyon ay baka raw mabangga sila, hindi sila makarating sa lugar na dapat nilang puntahan.
Nang umusad ang sasakyan ay nginatngat na naman ng takot ang puso ni Evangeline. Paano kung hindi pakinggan ni Red ang magiging paliwanag niya?
Nag-unahan sa paggulong ang mga butil ng luha sa magkabila niyang pisngi. Ngayon niya na-realized kung gaano niya ito kamahal. Hindi niya kakayanin kapag nawala ito sa kanya.