noveltoon logo noveltoon
The Billionaire's Mysterious Lover

Chapter 26

Ch. 27 / 29 Feb 05, 2022

MARIING ipinikit ni Evangeline ang mga mata. Kumikirot ang ulo niya at mabigat ang kanyang katawan. Tinatamad siyang bumangon.

Why does the sun go on shining?

Why does the sea rush to shore?

Don’t they know, it’s the end of the world.

'Cause you don't love me anymore?

Napahinga siya nang malalim. Linya iyon sa isang lumang kanta, kapanahunan ng mga parents niya. The minute she opened her eyes, the lyrics just crossed her mind. And then her tears began to flow. How long has it been—three weeks?

No, twenty-three days and nineteen hours, pagtatama ng utak niya pagkaraang dumapo ang mga mata sa table clock.

Natuloy ang mga magulang ni Evangeline sa wedding anniversary na dadaluhan sa Ilocos. Nag-extend ng isa pang linggo ang mga ito roon sa pag-aakalang makasusunod siya kasama si Red. Bagay na hindi nangyari. Idinahilan niya sa mga magulang na may biglaang biyahe si Red patungong ibang bansa. Habang siya naman ay nagkaroon ng rush na trabaho na kailangang tapusin sa loob ng dalawang linggo.

So far ay mukhang nailusot naman niya ang kanyang alibi. At nitong makabalik ang mga magulang niya mula sa probinsya ay naging abala namang pareho ang mga ito sa kani-kanyang commitments. Ang Mama niya ay busy sa ilang charity works samantalang ang Papa niya ay parating laman ng golf course kasama ng mga kaibigan nito. Mukhang may dadaluhang golf tournament ang kanyang ama kasama ng mga kapwa nito retiree.

Sapul ng huling heart attack ng kanyang ama ay nagbitiw na ito sa pangangasiwa ng family corporation ng mga Quirino. Isa na lamang ito sa mga board of directors ng kompanya at nagtutungo na lamang sa opisina kapag may mga importanteng pagpupulong.

At dahil parehong busy ang mga magulang, wala pang napapansin ang mga ito sa nangyayari sa kanyang personal na buhay. Pero sa sandaling maging libre ang mga ito ay natitiyak niyang uulanin siya ng mga ito ng katanungan. At iyon ang iniiwasan niyang mangyari. Dahil sa totoo lang ay hindi niya alam kung paanong sasagutin ang mga ito.

Ano nga ba ang nangyari sa pagitan nila ni Red? Isang simpleng misunderstanding na humantong sa walang formal break-up na hiwalayan?

Muli na namang tumulo ang mga luha ni Evangeline. Mahapdi na ang mga mata niya pero ang mga luha niya ay wala pa ring puknat sa pag-agos. Tumunog ang kanyang cellphone. Hinayaan niya lang iyon dahil wala siyang ganang sumagot. Wala rin siyang ganang magtrabaho kaya nanatili lang siyang nakahiga habang nakapamaluktot. Ipipikit na sana niyang muli ang mga mata pero muling tumunog ang makulit na mekanismo. Napilitan siyang bumangon at tunguhin ang working table kung saan nakapatong ang nag-iingay na cellphone.

Sinta ko calling.

"Hello?" matamlay niyang tugon.

"Irog, kumusta ka na?" puno ng pag-aalalang tanong ni Krista sa kabilang linya.

Humugot siya ng malalim na paghinga para hindi mapahikbi. Alam na nito ang nangyari sa kanila ni Red. At pinapangako niya itong huwag magsasalita ng anuman sa Mama niya dahil hindi pa siya handang magsalita. Saka na, kapag hindi na masyadong sariwa ang sakit.

"I-I'm... I'm o-okay," tumikhim siya para alisin ang bara sa lalamunan.

"Pupuntahan sana kita ngayon, kaya lang—"

Hindi na niya narinig ang iba pang sinasabi ni Krista nang biglang sumikad ang kanyang sikmura. Natutop niya ang kanyang tiyan sabay takbo sa lavatory. Duwal siya nang duwal pero wala naman siyang maisuka. Lupaypay siyang napahawak sa gilid ng sink habang pinagpapawisan. Nagmumog siya bago hinilamusan ang mukha.

"Irog, ano ang nangyari? Ayos ka lang ba?" worried na tanong ni Krista nang muli siyang mag-hello.

Pinupunasan niya ng bimpo ang mukha nang sagutin ito.

"Ayos lang, n-nabigla yata ako ng bangon. Umatake ang vertigo ko kaya bigla akong nagsuka."

"Sigurado ka."

"Oo naman. Isa pa ay kagigising ko lang. Hindi pa ako nagbi-breakfast."

Biglang natahimik ang kabilang linya.

"Sinta ko, and'yan ka pa ba?"

"When was your last period?"

Siya naman ang biglang natahimik. Hawak ang cellphone habang nakadikit sa kanyang tenga, padausdos siyang napaupo sa may gilid ng counter top.

"Kris..." natutop niya ang bibig para sana pigilan ang pagtakas ng mga hikbi, pero hindi rin siya nagtagumpay.

"I'm coming over."

Two hours later ay tulalang nakatitig si Evangeline sa pregnancy test stick na hawak niya. Hayun at nagdudumilat ang dalawang kulay pulang linya. Positive. Buntis siya.

"Sinta ko, kayanin ko kaya?"

Hinagod ni Krista ang kanyang braso saka siya marahang niyakap.

"Oo naman. Nakaya ko nga, ikaw pa ba?"

Natigilan siya at pagkuwa'y bahagyang lumayo rito. "Ano ang ibig mong sabihin?"

"Vincent got me pregnant when we were in college."

"Oh."

Kung nagulat siya sa sinabi nito, mas nagulat siya sa sumunod nitong ipinahayag. "Sina Kristoff at Kristal, hindi ko sila mga kapatid. Anak ko ang kambal."

"Oh, dear."

Nang magsimulang magkuwento ang kaibigan ay pansamantalang naisantabi ni Evangeline ang sariling problema. Ngunit nang matapos si Krista at magpaalam dahil may pupuntahan pa raw itong okasyon ay muling binalot ng lungkot at pag-aalala ang puso niya.

"You'll be okay. You're stronger than me, irog. Isa pa, mahal na mahal ka ng parents mo kaya sigurado akong magiging maayos ang ipinagbubuntis mo. Aside from that," tinapik nito ang dibdib. "Nandito lang ako."

"Oh, my God," napaiyak na naman siya. "Ang unfair mo. Noong ikaw ang may problema, hindi mo man lang ako naalala. Tapos ngayon..."

"Napakagulo ng utak ko no'n, eh. Ni hindi ko man lang yata nagawang ipagluksa ang pagkamatay ni Papa dahil sa patung-patong na problema at mga bayarin. Ang concern ko noon ay kumayod nang kumayod hangga't hindi pa lumalaki ang tiyan ko. At kita mo naman, di ba?"

May paghangang nginitian ni Evangeline ang kaibigan. Ang galing nito. Nakakabilib. At sana nga tulad ng kaibigan ay malampasan din niya ang lahat ng iyon kahit wala si Red. Kahit wala ang lalaking labis niyang minahal at patuloy pa ring minamahal sa kabila ng matinding sakit na idinulot nito sa kanya.

MABIGAT ang mga paang humakbang si Red papasok ng hotel kung saan nagseselebra ng birthday ang kaibigang si Zeke. Nahagod niya ang mukha na halos balot ng balbas at bigote. Sa pagmamadali dahil last minute na niyang naalala ang kaarawan ng kaibigan ay hindi na niya nakuhang mag-ahit. Mukha siyang terorista.

"Can I have your name, Sir?" anang receptionist. Pahapyaw pa siya nitong sinuyod ng tingin mula ulo hanggang paa. Napagkamalan na nga yata siyang miyembro ng ISIS.

"Ahm—" huwag na kaya akong tumuloy, saloob-loob ni Red. Lahat ng guests ay naka-formal attire samantalang siya ay kupasing maong, sneakers, at white tee lang ang suot.

Bagaman hindi bababa ng dalawampung libong piso ang lahat ng suot niya ay duda siyang puwedeng maging passes iyon para siya makapasok sa bulwagan ng hotel kung saan ginaganap ang celebration.

"Red."

Napalingon siya sa tumawag.

"Hey," napangiti siya nang makita ang mag-asawang Rafe at Anja.

Parang dadalo sa Oscar's ang pareha ng mga ito. Ang tikas ng bihis ng kaibigan niya sa suot na tuxedo samantalang napakaganda naman ng maybahay nito kahit simpleng-simple lamang ang postura sa suot na black evening gown.

"Wow, man. Where have you been? Saang isla ka na naman napadpad? Kahit ang Kuya J mo ay hindi alam kung saan ka kokontakin," tuloy-tuloy na sabi ni Rafe.

"Hon, mukhang kadarating lang ni Red. Tumuloy na kaya muna tayo sa loob at baka kanina pa kayo hinihintay ng celebrant," ani Anja.

"Ayaw akong papasukin, eh. May dress code. Susunod na lang ako."

"He's with us," baling ni Rafe sa receptionist. "His name is Redentor Madrid. I'm sure naririyan siya sa guest's list."

"Ah, y-you may go in, Sir. I'm sorry for the inconvenience."

"No worries, you were just doing your job," aniya.

Pagpasok nila ay naisip ni Red na magpapakita lamang siya sa celebrant at aalis din siya.

"Guys," kaagad silang namataan ni Zeke. Nagpasintabi ito sa mga kausap at kaagad na lumapit sa kanila kasama ang asawang si Willa. "What the hell—who are you?"

"Messenger ho ako ni Mr. Madrid. Inutusan niya lang akong batiin kayo ng maligayang kaarawan," birong-sagot ni Red sa kaibigan.

"Siraulo," natatawang kinabig siya ni Zeke at malakas na tinapik sa likuran. "Damn, what happened to you, man? Ang tagal mong hindi nagparamdam. Akala ko pati birthday ko iindyanin mo, eh."

Habang nag-uusap silang magkakaibigan ay nagpasintabi naman sina Willa at Anja para kumuha ng pagkain. Pero bago nakalayo ang mga ito ay may pahabol na bilin si Zeke sa asawa.

"Asawa ko, huwag masyadong makikipag-usap sa mga male guest, ha?"

"Same goes for you, sweetheart," ani Rafe kay Anja.

"Huwag na lang kaya kaming kumain," sabi ni Willa.

"Hon, naman. Sige na, go. But I'll be keeping my eye on you."

Inirapan lang ito ng asawa.

Niyaya sila ni Zeke sa mesa ng mga ito. At katulad kanina, inulan siya ng tanong ng mga kaibigan niya.

"Bakasyon lang," sagot niya. "I was burn out kaya nag-unwind saglit."

"Burn out o brokenhearted?" pananalakab ni Zeke.

Tumawa lang siya nang hilaw. At sa halip na sumagot ay dinampot niya ang alak na isinisilbi ng roving waiter.

"Break na kayo ni Evangeline?" si Rafe.

"Naging kayo?" si Zeke.

"Que lalaki niyong mga tao ang tsitsismoso niyo."

"Hindi ako tsismoso," defensive na sabi ni Zeke. "Nagkataon lang na hinanap ka niya sa akin. Umiiyak pa nga at halos magmakaawa na sabihin ko sa kanya kung nasaan ka. Kaya lang paano ko naman sasabihin kung mismong ako walang idea kung saan ka nagsuot."

"U-umiiyak?"

"Oo nga. Sa akin din, tumawag," segunda ni Rafe sa sinabi ni Zeke. "Umiiyak at nakikiusap na sabihin ko sa kanya kung saan ka naroroon. Dis-oras pa naman ng gabi 'yon."

"Baka naman mang-iimbita sa kasal niya," halos sa sarili lamang niya iyon sinabi pero sa kubling sulok ng dibdib ay naroon ang pait. Putsa, parang gusto niyang mag-amok kapag naaalala niya iyong matamis na eksenang nadatnan niya sa opisina ni Evangeline.

Mabuti na lamang at may tumawag kay Zeke. Nahilingan itong mag-speech sa harapan ng mga bisita. Naputol ang kanilang interrogation. Si Rafe naman ay natuon na ang atensyon sa asawa kaya pasimpleng nagpasintabi si Red na lalabas muna sa lanai kung saan walang masyadong bisita. Para kasi siyang nahihirapang huminga. Hindi na yata talaga siya sanay sa sibilisasyon. Dapat kasi ay pumirmi na lang siya sa isla.

Pagpihit niya ay nakasalubong niya ang nagbabagang mga mata ni Krista, ang matalik na kaibigan ni Evangeline. Kasunuran nito si Vincent.

"Uh, hello," asiwang bati niya sa babae.

"Akala ko iba ka, Mr. Madrid. Pero mukhang wala ka ring ipinagkaiba sa lalaking kasama ko."