NAPAKATULIN ng takbo ng sasakyan ni Red. Sa isang saglit ng kabaliwan ay naisip niyang isalpok ang sasakyan sa kasalubong na mga sasakyan.
"Putang ina...!" paulit-ulit niyang nasuntok ang manibela.
Nag-iinit ang kanyang mga mata. Merong tila malupit na kamay na pumipiga sa kanyang puso. Ang isang bahagi niya ay nagsisising nagpunta pa siya sa jewelry store ng araw na iyon. Kung sana'y umuwi na lang siya pagkatapos ng meeting niya. Kung sana'y hindi niya pinakinggan ang ibinubulong ng damdamin niya na makasalo si Evangeline sa pananghalian, sana hanggang sa mga sandaling iyon ay buo pa ang ilusyon niya na sila pa. Na merong sila talaga.
"Tangina!" mabilis na kinabig ni Red ang manibela bago pa siya matuksong isalpok ang kotse sa kauna-unahang ten-wheeler truck na makakasalubong niya.
Kagabi pa lang ay napansin na niyang may hindi tama. Parang alumpihit si Evangeline na hindi niya maintindihan. Kaya pala ayaw nitong magpasundo sa kanya. Ginamit pang alibi ang pangalan ng kaibigang si Krista, iyon pala ay may plano ito kasama ang ex. At marahil ay pinag-iisipan na nitong makipagkalas sa kanya kagabi kaya parang lutang at malalim ang iniisip.
"Fuck!" How can he be so stupid?
Kilala niya ang lalaking 'yon, that was her ex. Nakita niya ang picture nito sa working area ni Evangeline. If she's really over him, why would she still keep his picture? And that scene earlier, it broke his heart into a tiny million pieces.
Dinig na dinig niya ang usapan ng mga ito. At sa takbo ng mga pangyayari ay mukhang nakahanda na si Evangeline na tanggapin itong muli.
"Please, please, Vanj. Just this once. Nakahanda akong gawin ang lahat ng gusto mo, pagbigyan mo lang ako."
"T-tumayo ka nga riyan. Parang sira 'to. Hindi mo na kailangang lumuhod para..."
Mariin niyang tiniinan ang magkabilang sulok ng mga mata. He loves her. At hindi lang ang pagluhod ang kaya niyang gawin upang limusin ang pagmamahal nito. Pero, tangina. Talaga nga yatang first love never die. Siya lang naman kasi itong gago na ipinilit dito ang sarili gayong umpisa pa lang naman ay sinabi na nito sa kanyang hindi pa ito handang muling pumasok sa isang relasyon. Tuloy ay ano ang napala niya?
Hinog sa pilit. Marahil ay nasa-satisfy niya ang pangangailangan ni Evangeline sa kama. Pero deep inside, sa kaibuturan ng damdamin nito ay hindi niya matitibag ang lugar na inilaan nito para sa dating nobyo. Ni hindi nga nito ikinunsidera ang marriage proposal niya. Siya lang talaga itong malakas ang fighting spirit. Akala niya kapag nagpursige siya, kapag ipinakita niya rito kung gaano niya ito kamahal eventually ay masusuklian din nito ang pagmamahal niya. Hindi pala. Kahit nga yata ang pagtugon nito ng simpleng I love you too sa mga I love you niya ay sapilitan pa.
Ang tagpong nasaksihan niya kanina ay tuluyang pumutol sa ilusyon niya na hanggang sa dulo ay magiging silang dalawa. Hindi pala talaga uubra. Sapul pagkabata ay namamalimos na siya ng pagmamahal sa kanyang mga magulang. Pati ba naman sa babaing napili niya ay kailangan pa rin niyang manikluhod para lang ibigin nito?
Akala niya ay tuluyan na niyang na-overcome ang mga insekyuridad niya. Hindi pa rin pala. Dahil ngayon ay isa-isa ng nagsusulputan iyon.
Mahirap ba talaga akong mahalin? Noon at ngayon, iyon ang itinatanong niya sa sarili.
Hindi siya kailanman nagkaroon ng seryosong relasyon. Dati ay kuntento na siyang mailabas lang ang init ng katawan. Wala siyang pinipili. A willing body is all that he needs. Nang magkasunod na mag-settle down ang mga kaibigan niya ay nakaramdam siya ng inggit at nahiling na sana ay makatagpo rin siya ng isang babaing magmamahal at tatanggap sa mga imperfections niya kaparis ng kanyang mga kaibigan. And he thought he did. But he thought wrong, dead wrong.
Nang tumunog ang personal phone niya at makita ang pangalan ng caller ay mabilis niyang ini-off iyon. Oo, duwag siya. Pagdating kay Evangeline ay naduduwag siya. Kaya niyang sumugal ng bilyones sa kahit na anong business venture. Pero kapag si Evangeline na ang pinag-uusapan, hindi pa man pakiramdam niya ay hindi man lang siya makaka-break even.
"ANO? Hindi mo pa rin ba makontak?"
Matamlay na umiling si Evangeline sa tanong ni Grayson. Sarado pa ang Club Red. Ang bahay naman ni Red na malapit doon ay nakakandado nang puntahan niya. Alam niyang hindi nagsisinungaling ang guwardiya nang tanungin niya ito kung nagawi roon ang binata. Pero nagbakasakali pa rin siya.
May bahay ito sa Makati. Iyon ang sumunod nilang pinuntahan. At gaya ng alam niya, bihirang magawi roon si Red. Ayon sa mayordoma nito ay may isang buwan ng hindi umuuwi roon ang amo nito.
"I'm sorry, Vanj," paghingi ng dispensa ni Grayson nang maihatid siya nitong pabalik sa opisina niya.
Doon na siya nagpahatid nang hindi nila mahanap si Red. Hindi siya puwedeng humarap sa mga magulang niya nang namumugto ang mga mata. Magtataka ang mga ito. Isa pa ay balak niyang bumalik sa Club Red mamayang gabi. Pipilitin niyang makausap si Red kahit ipagtabuyan pa siya nito. Hindi siya makapapayag na masira ang relasyon nila nang ganoon na lang. Sa nakita niyang sakit sa mga mata nito kanina ay natitiyak niyang ibang konklusyon ang nabuo sa utak nito sa nasaksihang eksena nila ng dating nobyo.
"T-tungkol doon sa pabor na hinihingi ko, k-kalimutan mo na lang 'yon," ani Grayson pag-ibis nito sa kanyang sasakyan.
Bahagya na iyong dumaan sa pandinig ni Evangeline. Ang concern lang niya sa mga oras na iyon ay si Red. Ilang beses pa niyang sinubukang tawagan ito pero mukhang nakapatay ang cellphone ng binata. Hindi niya ito makontak.
Nang sumapit ang gabi ay bumalik siya ng Club Red. Iyon lang ang lugar na alam niyang madalas na tinatambayan nito. Naghintay siya. Pinatuloy pa nga siya ng manager nito sa opisina ng binata upang doon na raw siya maghintay. Ngunit hanggang sa dumating ang closing ng bar ay walang Red na dumating. Ang bigat-bigat ng loob niya. Nagboluntaryo si Eric na ihatid siya dahil mukha raw wala siya sa kundisyong magmaneho. Para lang hindi na humaba ang kanilang usapan ay pumayag siya.
Sa sumunod na dalawang araw kulang na lang ay mag-picket si Evangeline sa labas ng Club Red sa pag-aabang sa nobyo. Nakausap na niya ang dalawang kaibigan nito na sina Zeke at Rafe. At ewan kung itinatago lang ng mga ito si Red o sadyang wala talagang idea ang mga ito sa kinaroroonan ng kanyang nobyo, pero wala rin siyang napigang impormasyon sa dalawa. Payo pa nga ni Zeke, kung may tampuhan daw sila hintayin na lamang niyang kumalma si Red at lilitaw rin ito. Pero hindi niya kaya. Kung hindi niya kaagad aayusin ang misunderstanding sa pagitan nilang dalawa ay may pakiramdam siyang lalo pang lalala iyon.
Sa ikatlong araw ay natiyempuhan din ni Evangeline ang nobyo. Pagbungad niya ng Club Red ay ito kaagad ang nakita niya. Pero parang nanghina ang mga tuhod niya nang makitang may dalawang babaing nakakunyapit dito. Ang isa'y nakaangkla ang kamay sa leeg ni Red habang ang isa naman ay parang sawang nakalingkis sa isa nitong braso.
"R-Red, can we talk?" nabasag ang boses niya.
Ngunit parang walang narinig ito na tuloy lang sa pakikipaglandian sa dalawang babae.
"Red," muli niyang inulit ang pagtawag.
"Darling, I think someone wants to join us," wika ng babaing nakalingkis sa braso ni Red.
Noon lamang ito lumingon sa kanya. At parang lalo siyang nasaktan nang tingnan siya nito na parang hindi man lang sila magkakilala.
"Hey, there, baby."
"C-can we talk?" Maaaring nasaktan niya ito sa paglilihim niya. Kung iyon ang paraan nito upang parusahan siya ay ayos lang. "Please?"
Saglit na tila pinag-aralan nito ang kanyang mukha. Pagkuwa'y bahagyang kumunot ang noo nito.
"Do I know you?"
Daig pa niya ang sinampal sa sinabi nito. Hindi niya alam kung gaano katagal siyang nakatulala sa harapan nito. Naalimpungatan lang siya nang masanggi ng babaing kasama nito pagdaan ng tatlo palabas ng bar. Biglang nagsikip ang kanyang dibdib at nanlabo ang kanyang mga mata sa luha.
"Miss E."
Napapitlag siya nang may humawak sa kanyang braso. Si Eric pala. Iginiya siya nito paupo sa isang bakanteng bar stool sa dulo ng bar.
"Dito ka lang muna, ikukuha kita ng tubig," paalam nito.
Tumango lang siya. Pero nang magawa na niyang kalmahin ang sarili ay dali-dali siyang lumabas ng Club Red. Alam na alam ng mga paa niya ang daang tatahakin para sundan si Red. Kung sa palagay nito ay maitataboy siya nang ganoon na lang, nagkakamali ito. Hindi siya makapapayag na matapos ang lahat sa kanila nang hindi sila nag-uusap. Kung sex ang gusto nito sa dalawang iyon, puwes paghuhusayan niya ang performance sa gabing iyon makuha lang ang atensyon nito.
Gaya ng inaasahan ni Evangeline ay sa bahay na malapit lamang sa bar tumuloy ang tatlo. Sa may pinto pa lamang pagpasok niya ay nagkalat na ang hinubad ng mga ito. Nagsisikip man ang dibdib ay lakas-loob pa ring humakbang ang kanyang mga paa. Sa kaibuturan ng puso ay idinadasal niya na sana ay hindi pa huli ang lahat. Na sana ay...
Natutop niya ang bibig kasabay ng muling pananagana ng mga luha nang masaksihan niya ang isang napakainit na tagpo. Si Red habang katalik ang dalawang babaing kalingkisan nito sa bar. Ang masaklap, ang kama kung saan nagtatalik ang mga ito ay ang kama rin kung saan sila minsang nagtalik ng nobyo. Sa pagitan ng panlalabo ng mga mata sa luha ay nakita pa niya ang basag na picture frame sa ibaba ng kama. Mukhang sa sobrang pananabik ng mga ito ay natabig ang mga nasa ibabaw ng side table.
Hindi na niya kinaya pa ang tagpong iyon. Sa nanginginig na mga binti ay dahan-dahan siyang bumaba ng hagdan. Huminto siya sa kalagitnaan ng mga baitang nang muntikan ng bumigay ang kanyang mga tuhod. Pagdating niya sa kanyang kotse ay iyak lang siya nang iyak. Hindi niya direktang pinagtaksilan si Red. Naglihim marahil, oo. Pero ang bagay na nasaksihan niya mismo ay masasabing harapang pagtataksil sa panig nito.
Nangangahulugan ba iyon na itinatapon na nito ang kanilang relasyon? Lalo siyang napaiyak. Parang literal na pinupunit ang puso niya sa sakit.