Junica’s P.O.V.
‘Parang wala si Ivan ngayon, ha.’
May 30 minutes na kasi ako sa Vida Feliz Café pero hindi ko pa rin nakikita ni anino niya. Napailing ako bago ko inabot ang tasa ng kape na sinerve kanina lang ni Kristine dito sa lamesa ko. Bakit ba hinahanap ko pa si Ivan eh kung tutuusin, hindi naman talaga kami close. Ibinalik ko na ang tasa sa ibabaw ng platito bago ako muling humarap sa laptop ko.
As usual, basura na naman ang naisulat ko dahil puro pangalan pa lang ang naita-type ko sa ilang araw na pamamlagi ko dito. Ang mga pangalan ng mga taong nakikilala ko dito sa Barrio San Vicente na plano kong gamitin sa bago kong nobela. At dahil ramdam ko na wala na naman ako sa mood na magsulat ngayon ay nag-Facebook muna ako. Sa totoo lang ay iniiwasan ko rin ang social media para hindi makain ang oras ko. Isa pa, mas lalo akong nape-pressure kapag nakakabasa ng mga message mula sa mga readers ko na nagre-request para sa bago kong isusulat.
Hindi ko na rin napigilan ang mapangiti nang makita ko ang mga bagong friend request sa account ko at bagong followers sa page ko. Pero hindi lang iyon ang dahilan ng pagngiti ko, kung hindi ang mga bagong picture na naka-tag sa akin. Ang mga picture nina Carla at ng mga kaklase niya na kasama ako. Clinick ko ang message request inbox ko at kagaya ng inaasahan ko ay may message doon si Carla.
‘Salamat po kanina. Grabe, sobrang bait ninyo po! Hindi po namin ine-expect ng mga kaibigan ko na papansinin ninyo kami. Lagi ko pong tatandaan ang sinabi ko. Gagawin ko po ang lahat para maabot ko ang pangarap ko. Salamat po talaga, Ms. Junica.’
Parang noong kailan lang ay sinabi sa akin ni Kristine na nasasagip siya ng mga libro ko. Tapos eto ngayon, may isang Carla naman akong makikila. Sila talaga ang dahilan kung bakit pinipilit ko pa ring magsulat kahit parang nahihirapan na ako. Pinipilit ko ang sarili ko na bumalik sa pagsusulat. ‘Yon naman ang palagi kong sinasabi, hangga’t may nagbabasa ng mga sinusulat mo, hindi ako hihinto sa pagsusulat.
Pagkatapos kong magreply sa message ni Carla ay naisipan ko siyang i-stalk. Gawain ko na rin ‘yon kapag may reader ako na nagugustuhan o natatandaan ko. Pero unti-unting nawala ang tuwa na nararamdaman ko kanina lang nang mapunta ako sa wall sa Facebook profile ni karla. Wala siyang bagong post o update. At puro mga tagged photo at post lang ang makikita doon.
Help us find our daughter, CARLA CZARAINE.
Two days ago nang una at huling beses kong nakita dito si Karla sa café… At dalawang araw na rin siyang nawawala. Hindi ko tuloy maiwasan ang mag-alala. Nasaan na kaya ang batang ‘yon? Sana naman ay nasa maayos lang siya at makauwi na siya sa bahay nila.
“Bakasyonista ka rin ‘no?”
Bumaling ang tingin ko sa isang babaeng may magandang mukha dahil sa matangos niyang ilong, naka-liptint na mga labi at bilugan na mga mata. Nakaayos din ang kulot at mahaba niyang buhok. Sa pananamit niya na spaghetti strap na pinatungan ng maong na jacket, mini skirt at boots, halatang hindi siya tiga-rito. Sorry pero ang dating niya talaga sa akin…. Para siyang trying hard na k-pop.
Hindi pa ako nakakasagot ay hinila na niya ang bakanteng upuan dito sa may lamesa ko at umupo.
“I’m Yana…” aniya bago inilahad ang kamay niya.
Ngumiti naman ako bago inabot ang kamay niya. “I’m Junica.”
“Matagal ka na ba dito?” muling tanong niya bago umayos ng upo at kumutsara sa cake na nasa platito niya. Ngayon ko lang napansin na dala niya na pala ang platito ng cake niya at tasa ng kape. Sobrang seryoso ko yata sa pagbabasa ng mga bagay na tungkol kay Carla kanina. Nasa ibabaw na rin ng lamesa ko ang isang action camera niya. Kung hindi ako nagkakamali, isa siyang vlogger.
“Mag-iisang linggo pa lang. Ikaw?” balik tanong ko sa kanya. Ang mga mata ko ay nagmu-multi tasking sa pagsulyap sa kanya at sa pagtingin sa laptop ko habang naghahanap ng ibang impormasyon tungkol sa pagkawala ni Carla.
“Uhmmm. Mahigit isang buwan na.”
“Talaga? Ang tagal na rin pala. May pamilya ka ba rito o kamag-anak?” muling tanong ko. Wala masyado sa kanya ang atensyon ko. Nasa binabasa ko sa screen ng laptop ko. Ang mga huling lugar kung saan nakita si Carla ay sa eskwelahan nila, sakayan ng jeep at dito sa… Vida Feliz Café.
“Wala. Nagre-rent lang din ako sa may kabilang street. Dumadayo ako dito sa cfe kasi dito lang may internet.”
“Bakit hindi ka na lang dito mag-rent sa katabi nitong café? Ang alam ko may bakante pang kwarto nang dumating ako dito.” Naalala ko kasi ang sinabi ni Tita Aileen nang dumating ako, isang kwarto sa baba at sa second floor ang available no’n. Wala pa nga akong nakikita na ibang nagre-rent na kwarto sa bahay na ‘yon. Ang sabi kasi ni Tita Aileen, karamihan daw sa mga nangungupahan sa kanila ay hindi bakasyonita kung hindi trabahador sa Barrio San Vicente.
“Supposedly, dito ko talaga plan na kumuha ng room. Kaya lang nang mag-inquire ako, puno na raw sila. Ayoko namang lumipat kasi nabayaran ko na ‘yung 1 month na renta do’n sa tinutuluyan ko, sayang naman,” sagot niya bago humigop ng kape. “Oo nga pala, vlogger ako.” Sumulyap ako sa kanya at nakita kong hawak ng isang kamay niya ang action camera niya na pinapakita sa akin.
“Talaga? Nice,” nakangiting sabi ko bago muling tumingin sa laptop ko. Magkasama raw sina Carla at ang boyfriend niyang si Erwin nang iwanan ito ng mga kaklase sa café. Pero ngayon daw ay hindi na rin nila mahanap si Erwin. Napaisip tuloy ako, alam kaya ng mga magulang ni Carla na may boyfriend siya? Kung oo, gusto kaya ng mga magulang niya si Erwin? Kung hindi, gaano katagal na kayang tinatago ni Carla ang relasyon nilang dalawa? Baka kasi napagalitan si Carla ng mga magulang niya at nagtanan sila. O kaya ay nagpapalipas lang ng sama ng loob si Carla kasama si Erwin. Napailing ako sa mga iniisip ko. Bakit ba ako naaapektuhan ng ganito?
“Follow mo ako ha? Subscribe ka na rin sa Youtube channel ko.”
Muli akong pilit na ngumiti bago tumango sa sinabi ni Yana. Ni hindi ko na nga naintindihan ng sabihin niya kanina ang pangalan niya sa Youtube. “Sige, search kita mamaya.”
“Yey! Thank you! Ikaw, ano palang trabaho mo?”
“Writer… I write fiction novels.” Nagpatuloy ako sa paghahanap ng ibang impormasyon habang kausap si Yana. Nakita ko ang ilang pictures nan aka-tag kay Carla. Napaka-simple lang ni Carla pero mukhang masayahin. At ang tipo ng bata na parang… Kagaya ko. Kahit gaano katas ang pangarap ay pilit na aabutin.
Sa pagba-browse ko ng mga litrato sa profile niya ay nakita ko ang isnag uploaded niya picture niya kung saan bahagyang naka-taas ang kamay niya at naka-peace sign. May tattoo pala siya sa may pulsuhan niya na feather pen na ang dulo ay maliliit na ibon. Isa sa mga kilalang tattoo ng mga nangangarap na maging manunulat.
“Wow! Talaga!? Astig naman! So, kaya ka ba nandito dahil gusto mong isulat ‘yung mga kababalaghan na nangyayari sa lugar na ‘to?”
Napahinto ang mga daliri ko sa pagtipa sa keyboard ng laptop ko. Unti-unting sumeryoso ang mukha ko bago tumingin kay Yana. “A-anong kababalaghan?”
“Hindi mo alam?” nagtatakang tanong nya. Saglit na gumala ang mga mata niya upang tingnan kung may nakatingin sa amin bago muling sinalubong ang tingin mga ko at hininaan ang kanyang boses. “Every fiesta kasi dito sa Barrio San Vicente, may mga nawawalang turista o mga dayo. Kaya nga maraming papel na nakakalat dito na missing person kasi madalas sa kanila, dito sa lugar na ito huling nakita…”
Napalunok ako ng laway habang nakikinig sa mga sumunod na sinabi ni Yana.
“Mas marami raw ang nawawalang mga tao kapag papalapit na ang fiesta. At pagkatapos ng fiesta, ni isa sa kanila ay hindi na nakikita. Pwede raw na naligaw sila sa gubat at kinain ng mababangis na hayop kasi minsan may nakitang mga duguang damit doon, but still, walang bangkay. Actually, ‘yun ang dahilan kung bakit ako nandito…” Itinaas niya muli ang hawak na action camera upang ipakita sa akin. “Alam mo na… Baka kasi makunan ng camera ko ang tungkol sa kababalaghan na ‘yun at do’n ako sumikat.”
“Lola! H’wag ninyo pong kainin ‘yan. Hilaw pa po ‘yan!”
Nabaling ang tingin namin sa may counter kung nasaan si Lola Harlie na may hawak na sariwang karne at ang kalahati ay nakasubo sa bibig nito. Nakatayo sa harapan nito si Myra.
“Tara na po sa kusina, huhugasan po natin ‘yang kamay at bibig ninyo.” Bahagya nang hinila ni Myra ang matanda ng hindi pa nito bitawan ang karne. Sabay silang pumasok ng kusina.
“Ang weird din ng matandang ‘yan ‘no?” sabi ni Yana. Inalis niya ang tingin kayna Lola Harlie at muling uminom ng kape. “One time kasi, nilapitan niya ako at hinawakan niya ang mga kamay ko. Ang sabi niya ang ganda-ganda raw ng mga kamay ko lalo na ng mga darili ko. Pero alam mo kung anong mas weird do’n? Sinubo niya pa ang mga daliri ko… Eeewww ‘di ba!” natatawang kwento niya.
“W-weird nga…” pilit din akong tumawa. Naalala ko kasi si Carla. No’ng huling beses ko siyang nakita, hawak ni Lola Harlie ang mga kamay niya na tila ayaw iyong bitawan. Naglalaway pa ang matanda na tila gutum na gutom. Bumuntong hininga ako. Ano ba kasi ‘tong iniisip ko. Masyado ko na yatang dinadala sa reyalidad ang mga nangyayari sa sariling mundo na ginagawa ko sa mga nobela ko.
“Pero naisip ko na baka fetish niya ‘yun nung kabataan niya. Hahaha. Anyway, ano nga ulit sinusulat mo? Novels ‘no?” Hawak na ni Yana ang cellphone niya. “Ano na lang last name mo? Hanapin kita sa Facebook.”
“Alcantara. Junica Alcantara,” sagot ko habang muli bumaling sa laptop na kaharap ko at tinype ang mga salitang… Missing people in Barrio San Vicente.
“Oh my God! 457,000 followers on Facebook?!” exaggerated niyang sabi. Lalong namilog ang mga bilog niyang nang mga mata habang nag-isscroll sa hawak niyang cellphone. “Junica, hindi mo naman sinabi na sobrang sikat ka pala!”
“H-Hindi naman…” pilit akong ngumiti. Lalo na at medyo napalakas ang boses niya. Gusto ko sanang magtanong pa sa kanya ng tungkol sa sinasabi niyang kababalaghan dito sa lugar kung nasaan kami, dahil wala ako masyadong makita sa website. Kaya lang naisip ko, baka ako naman ang isipin niyang weird kaya hinintay ko na lang siya na muling magkwento.
“Grabe, ang dami mo na palang books at ‘yung iba sa mga ‘to naging movie na!” Ang mga mata ni Yana ay nasa hawak niya pa ring cellphone. “Alam mo sa totoo lang, pangarap ko ring maging writer eh.”
“Talaga? Ano naman ‘yung mga gusto mong isulat?” tanong ko.
“Kahit ano…” sagot niya. Hindi pa rin naaalis ang tingin niya sa hawak na cellphone. Mukhang enjoy na enjoy siya sa papa-stalk sa profile ko.
“Ano’ng ibig mong sabihin na kahit ano?” muling tanong ko.
“Kung ano ‘yung sikat o patok na pwedeng isulat. Drama, romace, horror, erotic… Basta lahat ng pwede kong isulat, sumikat lang ako. Minsan sinibukan ko pero wala namang pumansin eh. Wala masyadong nagbasa,” may inis na kwento niya.
Pasimple akong napailing sa sagot niya. Ang totoo kasi para sa akin, isa sa mga dahilan kung bakit hindi napapansin ang sinusulat ng manunulat ay dahil mas gusto nilang sumikat kaysa magsulat. At hindi rin kasi galing sa puso nila ang sinusulat nila. Nagsusulat lang sila para sumikat at para matawag na writer. Pero hindi naman talaga nila ‘yun gusto. Mas gusto nilang sumikat kaysa magsulat para magbigay ng inspirasyon.
“Kwentuhan mo naman ako…” aniya bago sa wakas ay binitawan na ang hawak niyang cellphone.
“Anong gusto mong ikwento ko?” kuno’t noong tanong ko.
Lumapad ang ngiti sa mga labi niya habang titig na titig sa akin. “Kung paano ba maging isang sikat na writer.”