Araw ng Fiesta dito sa Barrio San Vicente. Lahat ng nadadaanan ng kotseng sinasakyan namin ni Ivan ay bakas ang saya sa mga mukha. Excited sila dahil isa ito sa pinaka-inaabangan na araw sa lugar na ito. Masaya sila samantalang ako ay hindi mapakali habang nagda-drive. Halos hindi na nga ako nakatulog nang makauwi akop sa apartelle kagabi. Nakasandal ako sa may pinto dahil natatakot ako na baka bigla na lang akong pasukin sa kwarto ko. Nakikiramdam ako sa paligid hanggang umaga.
Pasado ala-cinco ymedia na yata ng umaga nang makaramdam ako nang matinding antiok. At nang magsimula nang lumalim ang pagtulog ko ay bigla namang tumunog ang cellphone ko. Napatayo ako at sobrang bilis ng tibok ng puso ko. Ang akala ko kasi no’n ay may malakas na humampas sapintong sinasandalan ko. At napailing na lang ako nang marealize ko na cellphone ko lang pala ang gumagawa ng ingay. Si Ivan ang tumatawag at sinabi niyang naghihintay na siya sa akin sa labas ng apartelle. Mabilis na akong nag-ayos ng sarili ko, kinuha ko ang putol na kamay na nakalagay sa plastic na may zip lock at pinasok at nilagay ko sa loob ng bag na dala ko.
Sumakay na kami ni Ivan ng kotse ko at sinabi niya na may pupuntahan kaming napaka-importanteng lugar.
“Malapit na tayo,” ani Ivan nang halos nasa may parteng magubat na kami. Mas matataas na puno na nasa paligid. Wala na rin halos kabahayan. At ilang saglit pang pagda-drive ay tuluyan na niyang pinahinto ang minaneho kong kotse.
Tinanggal ko na ang seatbelt ko at akmang bababa na ako ng kotse nang pigilan ako ni Ivan.
“You will need this.” Inabot niya sa akin ang isang facemask. Nakasuot na rin siya ng sa kanya.
Kunot man ang noo ko ay kinuha ko na ‘yon at sinuot bago ako bumaba ng kotse. Nakasunod lamang ako sa paglalakad niya papunta sa may gubat. Ang lugar kung saan kami pangalawang beses na nagkita ni Ivan noon.
Nagpatuloy kami sa paglalakad papasok. Masukal na ang dinaraanan nmin. Mas matataas na ang mga puno at pati na rin ang mga damo. Huminto kami sa medyo bandang gitna kung saan may mga lupa na at kaunti na lamang ang damo. Makapal ang facemask na suot ko pero parang pumapasok pa rin ang nakasusulasok na amoy sa ilong ko. May kakaibang amoy sa paligid na hindi ko alam kung saan ba pinakagamumula.
“Alam mo ba kung bakit tayo nandito?” tanong ni Ivan sa napakaseryosong boses. Medyo kinakabahan na rin ako kasi ito ang tipo ng lugar na para bang walang sinoman ang pwedeng mapadaan. Isang lugar na kung papatayin man ako ni Ivan ngayon, hindi kaagad makikita ninoman ang bangkay ko. Nakakatawang isipin na pati si Ivan ay pinag-iisipan ko pa ng masama ngayon.
“Yung mga tumpok na lupa na ‘yan... Hindi aso ang mga nakalibing d’yan.” Lumunok muna siya ng laway at nagbuga ng hangin. “Mga pira-piraso ng katawan ng tao ang nakalibing d’yan.”
Gustong mangingig ng mga labi ko dahil sa sinabi ni Ivan. Kaya siguro gano’n na lang katapang ang nakasusulasok na amoy na ‘yon, dahil hindi lang basta katawan ng nakalibing sa paligid.
“Dito nila tinatapong at nililibing ang mga bangkay ng taong pinapatay nila. Pero wala dito si Ayen.”
Gusto ko sanang itanong kung paano niya nalaman na wala dito ang bangkay ng girlfriend niya. At kung hinukay niya ba ang mga lupa sa paligid isa-isa... Pero hindi ko na nagawa pa dahil biglang tumunog ang cellphone ko. Napalingon din si Ivan sa akin.
“Tumatawag ang kapatid ko, sasagutin ko lang,” paalam ko kay Ivan nang makita ko ang pangalan ni Angel sa screen ng cellphone ko. Mukhang binalik na sa kanya nina Mama ang cellphone niya kaya siya nakakatawag ngayon. Bahagya akong naglakad palayo at tinanggal ang facemask ko para makapagsalita ako ng maayos. “Hello, Angel? Sorry ha? Medyo busy kasi si ate ngayon. Pwede bang –”
“Ate, nasaan ka? Sabi ni Tita Lucia, malapit lang daw dito sa Vida Feliz Café ang tinitirhan mo.”
Napalunok ako sa sinagot sa akin ni Angel kasunod ang mabilis na pagkabog ng dibdib ko. “Angel, n-nasaan ka ngayon?”
“Nandito ako sa may labas ng Vida Feliz Café. Inihatid ako dito ni Tita Lucia kasi kinulit ko siya na dalhin niya ako sa ‘yo. Kaya lang nagmamadali naman siyang umalis pagkahatid niya sa akin dito. Ang sabi niya tawagan na lang daw kita kasi nga dito ka lang naman daw sa malapit nag-i-stay.”
“Fuck!” Hindi ko na napigilan ang sarili ko na magmura. Bakit pinayagan nina Mama si Angel na isama ng isa sa pinaka-iresponsableng tao na nakilala ko. Ang Tita Lucia ko na pinsan ni Mama, at talagang iniwan pa nito si Angel nang hindi man lang ako hinihintay.
“A-Ate? Galit ka ba kasi nagpasama ako kay Tita Lucia dito? Sorry, gusto lang kasi kitang sorpresahin eh.”
Kaagad akong na-guilty nang mabakasan ko ang lungkot sa boses ni Angel. Pinilit kong pasiglahin ang boses ko. “No, Angel... Hindi galit si Ate. Natutuwa nga ako at nandyan ka eh. Uhm. Ganito na lang, h’wag na h’wag kang papasok d’yan sa café. Okay? Hintayin mo lang ako sa labas. Darating din ako kaagad d’yan.”
“Sige, ate. Hihintayin na lang kita dito. I love you, Ate.”
“I love you too, Angel.” Bahagya akong napangiti sa huling sinabi ni Angel bago ko tuluyang ibinaba ang tawag. Muli akong nag-dial sa hawak kong cellphone. Hindi ko na inaalintana ang nakakasukang amoy. Nanginginig pa ang mga daliri ko at parang gusto ko nang maiyak. Kailangan kong mapuntahan kaagad si Angel pero kailangan ko munang humingi ng tulong.
“Anong nangyayari? Bakit nanginginig ka?” may pag-aalalang tanong ni Ivan.
Hindi muna ako sumagot sa kanya at hinintay kong may sumagot mula sa kabilang linya ng tinatawagan ko. “H-Hello, editor?
“Oh, Junica? Napatawag ka? Kumusta ka na? Mukhang may follow up ka ngayon sa manuscript mo ah.” Masigla ang boses ni Editor sa kabilang linya.
“Editor, I need your help.”
“Bakit? May bumabagabag ba sa’yo? Nahihirapan ka bang magsulat. Nahihirapan ka bang mag-isip o magsulat? Just tell me.” Si Editor lang ang pwede kong pagkatiwalaan ngayon. Siya lang din ang nakakaalam kung nasaan ako kaya sigurado ako na siya lang din ang makakatulong sa akin.
“Nandito si Angel sa Barrio San Vicente. Nag-alala ako kasi baka kung mapaano siya dito.”
“A-Anong sabi mo?” biglang nagbago ang tono ng pagsasalita ni Editor. May kaba. May takot. May labis-labis na pag-aalala.
“Editor, nandito po si Angel sa Barrio San Vicente. Inihatid siya ni Tita Lucia dito at iniwanan na lang sa isang café. Pero papunta na ako sa kanya kaya lang pwede bang –”
“Junica, nasaan ka ngayon?” putol niya sa sinasabi.
“Nandito po sa isang gubat na hindi masyadong malayo mula sa barrio. Pero kasama ko naman po si Ivan dito at pabalik na kami sa appartelle.”
“I-Ivan?” ulit niya. Mas basag na ang boses niya ngayon. Mas takot. Mas nag-aalala.
“Opo, ‘yung lalaking kinu-kwento ko sa inyo no’ng nakaraan. Basta Editor, please kailangan ko ng tulong ninyo. Kailangan ninyong tawagan sina – H-hello? Hello Editor! Shit! Nawala na siya!” Napapailing na sabi ko. Hindi na ako nagdial pa dahil nakita kong nawalan na ako ng signal. Naglakad na ako palabas ng gubat at nagdesisyon na sa kotse ko na lang ulit siya tatawagan.
“Junica, sandali! Ano bang nangyayari? Saan ka pupunta?” tanong ni Ivan na nakasunod sa paglalakad ko.
“Kailangan ko nang bumalik ng apartelle.” Lakad-takbo na ang ginawa ko habang pigil ang mga luha. Tang-inang Tita Lucia kasi ‘to! Hindi man lang naisip na bata ang iiwanan niya at hindi isang teenager na. Mabilis na akong nakarating sa kotse at kaagad na pumasok sa loob.
“Pero ano ba kasing nangyari at nagmamadali ka?” muling tanong ni Ivan na nasa loob na rin ng kotse. Wala na rin siyang suot na facemask.
Sasagot na sana ako nang biglang magring ang cellphone ko. Kaagad kong sinagot ang unregistered number sa pag-aakalang si Editor ‘yun. “Hello Editor? Pabalik na po ako ng –“
“Hello Ms. Junica? Si Kristine ‘to.”
Muling nanumbalik ang malakas na kaba sa dibdib ko. Lumunok ako ng laway at tumikhim pa upang hindi basag ang boses ko sa pagsagot ko sa kanya. “Kristine?”
“Oo, ako nga. Sorry, kinuha ko kasi sa record ni Mommy ang cellphone number mo,” natatawang sabi ni Kristine.
“A-Ayos lang, b-bakit ka napatawag?” tanong ko. Magsasalita sana si Ivan sa kabilang upuan pero sinenyasan ko siya na tumahimik muna.
Muling tumawa si Kristine. Hindi ko alam kung nang-aasar ba siya pero hindi talaga nakakatuwa ang pagtawa niya. “Nasa sa akin na kasi ‘yung kailangan mo eh. Kunin mo na lang siya sa akin mamaya.”
“K-kasama mo si Angel?” nangangatal na ang mga labi ko. Sinabi ko nang h’wag papasok si Angel sa café eh!
“Hindi ko masyadong maintindihan ang sinasabi mo, medyo choppy ka na Ms. Junica.” Natatawa pa ring sabi niya. “Pabalik ka naman na ng apartelle ‘di ba? ibibigay ko na lang siya sa ‘yo, basta isosoli mo ang kinuha mo sa akin.”
Nabakasan ko na ang kaseryosohan sa huling sinabi niya. Alam niya na... Alam na niyang may alam ako sa kabaliwan nila. Natuklasan na niyang nasa akin ang putol na kamay ni Carla.
“Hello, Ms. Junica? Nand’yan ka pa ba? Ang choppy talaga ng line mo. Nasaan ka ba ngayon? Oh basta, hihintayin na lang kita dito. Isoli mo na lang ang pagmamay-ari ko at ibibigay ko na sa ‘yo ang kailangan mo. Bilisan mo dahil medyo mainipin ako.”
“Kristine please, nakikiusap ako... H’wag mo siyang sasaktan! H’wag mong sasaktan ang kapatid ko. Hello? Hello, Kristine?!” Tuluyan nang naputol ang tawag at tuluyan na ring lumandas ang mga luha sa magkabila kong pisngi.
“Junica, anong nagyari? Sino bang kausap mo? Sabihin mo naman sa akin, please!” pakiusap ni Ivan.
“Hawak ni Kristine ang kapatid ko ngayon. At alam na niya na nasa akin ang putol na kamay na kinuha ko mula sa ref nila,” naiiyak na sagot ko. Hindi ko na alam kung anong dapat kong unahin na gawin.
“Anong kamay?!” tanong ni Ivan.
Kinuha ko ang bag ko mula sa likuran ng upuan ko at inilabas ang isang nakaplastik at duguang kamay.
“Putang ina! Kanino ‘yan?!” Gulat na tanong ni Ivan.
“Kay Carla ‘to. ‘Yung nawawalang teenager sa Barrio San Vicente Kinuha ko ‘to mula sa refrigerator nina Kristine, at gusto niyang isoli ko na ‘to kapalit ni Angel.”
“Malaking katibayan ‘to laban sa kanila.” Seryosong nakatitig si Ivan sa hawak kong plastic. Pareho kaming walang pakialam sa amoy niyo.
“Alam ko kaya nga kinuha ko ‘to. Dahil pwede talaga ‘tong maging katibayan sa lahat ng kabaliwan na ginagawa nina Kristine. Pero Ivan, kailangan ko na ring ibalik ‘to sa kanya. Kailangan kong mailigtas ang kapatid ko!” naiiyak na sabi ko. “Kasalanan ko ‘to eh! Hindi ko dapat sinabi kay Angel ang address kung nasaan ako. Hindi ko dapat hinayaan na makarating siya dito!”
Niyakap na ako ni Ivan habang patuloy ako sa pag-iyak. Nabitawan ko na ang palstik ng putol na kamay.
“Ivan, hindi ko kakayanin kapag may nangyaring masama sa kapatid ko! Hinding-hindi ko mapapatawad ang sarili ko!”
“H’wag kang mag-alala... Tutulungan kita, Junica. Maililigtas natin ang kapatid mo. Promise, hinding-hindi ko hahayaan na may mangyaring masama sa inyo. Ako mismo ang po-protekta sa inyong magkapatid.” Hinagod-hagod niya ang likod ko na unting-unting nagpkalma sa akin. Si Ivan na lang ang nag-iisang tao na pwedeng makatulong sa akin ngayon. Kaming dalawa na lang ang pwedeng magtulungan ngayon.
Isang karayom ang bigla kong naramdaman na tumusok sa braso ko. Kaagad kong tinulak si ivan at nakita kong may hawak siyang syringe na may mahabang karayom. Iyon marahil ang tumusok sa braso ko.
Nagsimula nang bumigat ang pakiramdam ko sa ulo kasunod ang panlalabo ng paningin ko. “Anong ginawa mo sa akin?!”
“I’m sorry Junica, pero kailangan pa kita... At kailangan ko rin ‘to.” Hawak na niya ang plastic ng putol na kamay. May malaki at nakakatakot na ngiti sa mga labi niya ngayon.
“Hayop ka, Ivan!” Inipon ko ang lahat ng lakas ko sa isang kamay ko at malakas ko ‘yong isinampal kay Ivan. Pero hindi rin ako sigurado kung lumapat nga ba ang palad ko sa pisngi niya dahil tuluyan nang nagdilim ang lahat sa akin.