noveltoon logo noveltoon
Recursion

Chapter 9

Ch. 10 / 51 Feb 09, 2022

CARLA’S P.O.V.

“Tsk! Nakakainis naman oh! Bakit naman kasi nasiraan pa ‘yung tricycle na sinasakyan ko. Kailangan ko pa tuloy maglakad papunta do’n sa may sakayan sa kabilang kanto,” yamot na bulong ko habang naglalakad sa medyo madilim na kalsada. Mag-aalasyete na kasi ng gabi. Nag-away kami ng boyfriend ko na si Erwin habang magkasama kami sa café kanina. Nagwalk out ako at sumakay ng tricycle na nasiraan naman pagkalagpas sa may arko palabas ng Barrio San Vicente. Konti na lang eh, makakatawid na sa kabilang bayan kung nasaan ang sakayan ng jeep pauwi sa amin. Hindi pa umabot.

Napahinto ako sa paglalakad nang makariinig ako ng kaluskos mula sa likuran ko na kaagad kong nilingon. Medyo madilim ang paligid dahil magkakalayo na ang mga poste na may ilaw pero wala akong sinoman na nakita. Wala ring kahit na anong hayop o bagay na pwedeng gumawa ng ingay.

‘Baka guni-guni ko lang ‘yun.’

Nagpatuloy ako sa paglalakad pero muli kong narinig ang mga kaluskos. Kaagad akong lumingon patalikod.

“Erwin, ikaw ba ‘yan! Magpakita ka na nga! Hindi ka na nakakatuwa!” halos sigaw ko.

Malamig na hangin na yumakap sa magkabila kong braso ang sumagot sa akin. Nakita ko ang pagsayaw ng mga dahon ng malalaking puno na nasa gilid ng kalsada, at ang pagkurap ng isa sa mga ilaw ng poste na kalalampas ko lang. Hindi na talaga ako natutuwa.

Niyakap ko ang shoulder bag ko kasunod ang lakad takbong ginawa ng mga paa ko. Ayan naman ang mga kaluskos. Mas malinaw na ngayon dahil parang mas malapit na siya sa akin. Mga yabag ng paa na tila sumusunod sa akin. Mas binilisan ko ang lakad takbo ko at narinig ko ang mas mabilis rin na mga yabag. Malamig ang hangin pero nagsisimulang pagpawisan ang noo ko. Malikot ang mga mata ko sa madilim na paligid na bahagyang pinapaliwang na maliit na ilaw sa magkakalayong poste. Wala bang dadaan na kahit na anong sasakyan dito? Wala man lang bang ibang tao na maliligaw kagaya ko? Naiiyak na ako sa takot at nangangatal na ang mga labi ko.

Bwiset na Erwin talaga ‘yan! Kung alam ko lang na mahuhuli ko siyang may ka-chat na ibang babae kanina, dapat talaga sumabay na ako kayna Jane at Sheryl pauwi. Hinding-hindi na talaga ako makikipag-balikan sa kanya!

“Aray!” sigaw ko nang matapilok ako sa isang nakausling bato. Muli akong lumingon sa paligid at likuran ko. Walang bakas ng ibang taong nakasunod sa akin.

Ano ba?! Guni-guni ko lang ba talaga ‘yun o ano?!

Pinunasan ko ang mga luha ko bago bumuntong hininga. Baka naman kasi sobrang napaparanoid lang ako. Sa kabila ng sakit na nararamdaman ko sa may paa ko ay tumayo na ako pero muntik nang muling matumba dahil sa pagkagulat. Mabuti na lang at naitayo ko ng maayos kaagad ang mga paa ko.

“L-Lola Harlie… Kayo lang po pala.” Nakangiting sabi ko nang bigla na lang sumulpot ang matanda sa harapan ko. Medyo nainis ako sa nangyari kaninang umaga dahil sa pagkakahawak niya sa mga kamay ko at pagtulo pa ng laway niya. Pero dahil laking lola ako, naiintindihan ko na medyo normal na ‘yun para sa edad niya. Ang mag-ulyanin. “Ano pong ginagawa ninyo dito? Saka sino pong kasama ninyo?” nagtatakang tanong ko habang lumilingon-lingon sa paligid para hanapin kung may nakasunod ba kay Lola Harlie. Alam ko kasing palagi itong may kasamang apo o kaya ay tiga-alalay… Kaya baka nakasunod rin sa kanya kung sino man ang kasama niya ngayon. Muli kong ibinalik ang mga tingin ko sa kanya pero namilog ang mga mata ko, napalunok ako ng laway at bahagyang napaatras.

“L-Lola. B-bakit may hawak po kayong kutsilyo?” masakit at nanginginig man ang mga paa ko ay nagsimula akong maglakad paatras. May nakakatakot na ngiti sa namumutlang mga labi ni Lola Harlie, mahigpit ang pagkakahawak ng kulubot niyang mga kamay sa malaking kutsilyo na parang pangkatay ng malalaking karne ng hayop.

“Gusto ko ng kamay mo ‘neng…” sabi niya habang walang tigil sa pagtulo ng laway ang bibig niyang may nabubulok na mga ngipin at hindi kaaya-ayang amoy.

“L-Lola… B-Bitawan ninyo na po ang kutsilyo dahil baka m-makasakit pa po kayo.” Nanginginig na rin ang boses kong hindi ko na halos maintindihan pero pinilit ko pa ring magsalita.

“Akin na ang kamay mo ‘neng. Putulin na natin ‘yan…”

Umiling ako habang patuloy na umaatras dahil patuloy rin siya sa paglalakad palapit sa akin. Bumilis ang tibok ng puso ko. Hindi ko na nagugustuhan ang mga sinasabi ni Lola Harlie. Lalo na ang mga ngiti niya at ang mahigpit na hawak niya sa malaking kutsilyo.

Akmang tatalikod na ako upang kumaripas ng takbo nang may maramdaman akong matigas na bagay na humampas sa ulo ko. Bumagsak ako sa semento. At tila bumigat ang talukap ng mga mata ko na halos hindi ko na maimulat. Nakarinig din ako ng iba’t-ibang boses at maraming yabag ng tao sa paligid.

“Tang ina! Sabi naman kasi h’wag ninyong hahayaan si Mama na mag-isa!”

“Daddy, ako nang bahala kay Lola.”

“Sige na anak, mauna ka na sa sasakyan.”

“Kamay! Akin na ang mga kamay mo! ‘Neng… Puputulin ko na ang kamay mo. Halika ka na dito… Putulin na natin ang mga kamay mo!”

At bago pa tuluyang magdilim sa akin ang lahat… Naramdaman ko ang paghablot ng isang marahas na kamay sa mahabang buhok ko kasunod ang pagkaladkad sa nanghihina kong katawan papunta sa kung saan.

“’Yung salamin niya baka makalimutan ninyo, tang ina… Mapapahamak na naman tayo nito!”

****

“Pakawalan ninyo ako dito!” pilit na sigaw ko kahit may malaking busal sa bibig ko at ang mga mata ko ay nakapiring. Basa na ng laway ang bibig at baba ko.

Nagising na lang ako kanina na walang ibang makita kung hindi kadiliman, mabigat ang pakiramdam ko sa ulo ko at nanakit na ang mga braso at katawan ko. Hindi ko alam kung nasaan ako o kung ilang oras na ba ako sa kinatatalian kong upuan. Mahigpit ang pagkakatali sa akin, kaya kahit anong kilos o pilit kong kumawala ay walang nangyayari.

Napahinto ako sa ginagawa ko nang marinig ko ang pagbukas ng pinto kasunod ang mga yapag na papalapit sa akin. “S-Sinong nand’yan?!” pilit na tanong ko.

Huminto ang mga yabag ng paa. Kahit hind ko siya nakikita ay alam kong nakatayo siya sa harapan ko. Saglit akong muling nakaramdam ng takot. Sigurado kasi akong nakaktitig siya sa akin hanggang sa naglakad na nga siya palapit at tinanggal ang busal sa bibig ko.

“P-Parang awa mo na… Kung sino ka man… Kung sino man kayo… Pakawalan ninyo na ako.” Sabay na tumutulo ang mga luha ko, ang sipon ko at ang laway ko habang nagmamakaawa sa taong nasa harapan ko.

Narinig ko ang mga tawa niya bilang tugon sa pagmmamakaawa ko. Mga tawang lalong nagpapabalot ng takot sa katawan ko.

“Akalain mo nga naman. Pagkatapos ng halos apat na dekada, magkikita pa talaga tayo?!” boses babae. Pamilyar pero hindi ko matandaan kung sino siya o kung saan ko narinig ang boses niya. Pero ang hindi ko maintindihan, anong sinasabi niyang apat na dekada? Seventeen years old pa lang ako at hindi pa ako buhay sa sinasabi niyang apat na dekada.

“A-Ate… N-Nagkakamali po kayo. Hindi po ako ang – Ahhhh!” napasigaw ako nang lumapat ang isang malakas na sampal sa mukha ko.

“H’wag mo akong matawag-tawag na ate dahil kahit kailan hindi kita tinuring na kapatid!” sigaw niya kasunod ang pagsabunot sa buhok ko. Ramdam kong ilang hibla kaagad ang nabunot mula sa anit ko dahil sa lakas ng pagkakasabunot niya sa akin. At nang dahil do’n ay natanggal ang telang nakapiring sa mga mata ko.

Isang pares ng namumula at nangangalit na mga mata ang sumalubong sa akin. Ang mga labi niya ay nanginginig na tila nanggigigil sa galit. Magulo ang kanyang buhok at nakasuot siya ng isang duster. At hindi nga ako nagkakamali, kilala ko siya.

Si Tita Aileen, ang may ari ng Vida Feliz Café.

Isang malakas na sampal ang muling dumapo sa mukha ko. Nalasahan ko ang dugo mula sa pumutok kong labi.

“Ano?! Masaya ka ba na nakikita mo ako ngayon, Shiela?!” sigaw niya. Magsasalita sana ako nang muli niya akong sampalin. Mas malakas. Na halos nagpaikot na ng paningin ko. “Sumagot kang malandi ka!”

“H-Hindi po ako si Shiela…” hirap na sagot ko. “Ahhhh!!!” Halos matumba na ang kinatatalian kong upuan dahil sa muling pagsabunot ni Tita Aileen sa buhok ko. Hindi pa siya nakuntento at binigyan ako ng mag-asawang sampal habang sabunot niya pa rin ang buhok ko.

“Anong sinasabi mong hindi ikaw si Shiela?! Nababaliw ka na ba?!” sigaw niya bago sa wakas ay binitawan na ang buhok ko at naglakad ng ilang hakbang palayo mula sa akin. Naglakad pabalik sa akin at muling lumayo. Paulit-ulit niya ‘yong ginawa habang sinasabunutan ang sariling ulo.

At kahit umiikot na ang paningin ko ay nakita ko na nagsisimula na siyang umiyak. “Ikaw… Si Papa… Si Mama… Si Lola… Lahat kayo… Lahat kayo ang tingin ninyo sa akin ay isang baliw.” Mabilis siyang naglakad pabalik sa akin. Marahas na pinisil ng pasngi ko upang magtama ang mga tingin namin. “Pero hindi ako baliw! Alam mong hindi ako baliw! Alam mo ‘yun, Shiela!”

Hindi ko na rin napigilan ang muling maiyak sa takot, habang hindi ko maintindihan kung ano ba talaga ang nangyayari at kung bakit niya ako tinatawag na Shiela. “H-hindi po ako Shiela. Nagkakamali po kayo…”

“Pvtang ina! Ano bang sinasbai mo na hindi ikaw si Shiela! Ikaw si Shiela, ang kapatid ko!” Muli niyang akong sinampal bago naglakad palayo ng hilang hakbang. Kuyom ang kanyang mga kamao na tila nanggigigil. Ibinalik niya sa akin ang matalim na tingin ng kanyang mapulang mga mata bago biglang mariing umiling. “Hindi! Hindi nga ikaw si Shiela! Dahil wala akong kapatid! Wala akong kapatid na baliw na kagaya mo!”

Lalo na akong naiyak sa mga sinasabi niya. Hinahampas-hampas pa niya ng kamay niya ang ulo niya habang nagpapabalik-balik ng lakad at umiiyak na parang isang baliw. Mali… Isa talaga siyang baliw. Marami pa siyang sinabi na hindi ko na naintidihan dahil naging malikot ang mga mata ko. Nasa isang kwarto kami na wala masyadong kagamitan. Mula sa pwesto ko ay may isang lamesa. Hindi iyon masyadong mataas kaya nakita ko ang mga nasa ibabaw noon.

Martilyo, lagari, plais, pako, mga kutsilyo at kung ano-ano pa.

Napalunok ako ng laway nang biglang huminto sa ginagawang pabalik-balik na paglalakad si Tita Aileen. Nakatingin siya sa lamesa bago tumingin sa akin. Gumuhit ang nakakikilabot na ngiti sa maputla niyang mga labi bago dahan-dahang naglakad palapit doon.

“Alam mo Shiela, inagaw mo na ang lahat sa akin eh. Akala mo kasi kung sino kang maganda,” sabi niya habang ang mga kamay ay humahaplos sa mga gamit na nasa ibabaw ng lamesa. Sa mga kutsilyo may iba’tibang laki at haba. Nangatal ang mga labi ko nang makita ko ang hinawakan niyang kutsilyo na may talim na halos dalawang dangkal ang haba. Muli niya akong tiningnan… Mas nakakatakot na mga tingin.

“T-Tita Aileen. H-Hindi po talaga ako si Shiela… hindi po ako ang kapatid ninyo…” nauutal na iyak ko. Nanginginig na ang buong katawna ko nang dahan-dahan siyang naglakad palapit sa akin. Nandidilat pa rin ang kanyang mapulang mga mata, nanlalaki ang butas ng kanyang ilong at naglalaway ang kanyang bibig.

“Inagaw mo ang lahat sa akin, Shiela! Mula sa mga magulang natin hanggang sa lalaking pinakamamahal ko!!!”

“Ahhhh!!!” sigaw ko nang bigla niyang ibaon ang mahabang kutsilyo sa balikat ko. Tumagos iyon sa likuran ko dahil sa sobrang haba ng talim. At sa paghila niya ng kutsilyo ay kaagad na bumulwak sa parehong mukha namin ang malapot kong dugo.

“Bakit kasi bumalik ka pa! Pinatay na kita noon pero bakit nabuhay ka pa ngayon?!”

“Ahhhh!!!” Muli niyang sinaksak ang kabilang balikat ko. Pero hindi niya kaagad hinila ang kusilyo. Sinagad niya iyon bago iniikot. Pakiramdam ko ay matatanggal na ang buong balikat ko dahil sa labis na sakit.

“Kasalanan mo kung bakit ka nasaskatan ngayon Shiela dahil bumalik ka pa! Kaya papatayin kita! Papatayin kita ng paulit-ulit kagaya ng ginawa ko noon sa ‘yo!!!”

“Tama na --- Ahhhhh!!!” Sa hita ko naman bumaon ang kutsilyo.

“Akala mo kasi kung sino kang maganda! Pinagkalat mo pa na nababaliw na ako. Kaya nawala sa akin ang lalaking kauna-unahan kong minahal.” Hinugot niya ang kutsilyo mula sa hita ko at inihagis sa kung saan. Mula sa bulsa ng duster niyang suot ay kinuha niya ang isang malaking gunting. “Hindi ka mganda… Wala kaganda-ganda ‘yang mukha mo.”

Pilit akong nagpumiglas nag pisilin niya mukha ko habang inilalapit ang hawak niyang malaking gunting.

“Anong sabi mo sa akin no’n?! Gustung-gusto kang hinahalikan ni Anthony?!” Ngumisi siya… “P’wes tatanggalin natin ‘yan!”

Lumalalim ang paghinga ko kasunod ang walang tigil na pagsigaw nang simulan niyang gupitin ang ibabang labi ko hanggang sa may baba ko. Kuyom na kuyom ang mga palad ko na nasa may likuran ko at halos tumirik na ang mga mata ko sa sakit. Rinig na rinig ko ang paggunting niya sa balat ko sa mukha at ramdam ko ang matinding sakit.

“Mommy…”

Tatlong mararahang katok sa may pinto ang nagpatigil sa ginagawang paggupit ni Tita Aillen sa labi ko.

“Hindi ka pa ba tapos? Ako naman oh…” Boses ng isang babae mula sa nakasaradong pinto.

Bumuntong hininga si Tita Aileen. Binitawan niya na ang pisngi ko bago pinunsan ang mga luha niya. “Sige, sandali lang, anak. Patapos na rin ako.” Inihagis niya sa kung saan ang gunting bago muli akong sinabutan. “Magkikita ulit tayo Shiela. At ito ang tandanan mo, papatayin ulit kita ng paulit-ulit! Papatayin kita hanggang sa hindi na ulit kita makita!” sigaw niya kasunod ang pagdura sa mukha ko.

Napayuko na ang ulo ko nang bitawan niya ang buhok ko. Kaagad na tumulo sa duguan ko ng hita ang mas marami pang malapot na dugo mula sa sugatan kong bibig. Wala na akong lakas pang itaas ang mga tingin ko. Narinig ko ang paglalakad ni Tita Aileen palayo mula sa akin at pagbukas ng pinto.

“Buhay pa ba mommy? Baka naman tinuluyan mo na ha?” sabi ng babaeng kanina lang ay kumakatok.

“Humihinga pa… Ikaw nang bahala d’yan. Basta h’wag mong gagalawin ang mga kamay, dahil para sa lola mo na ‘yun,” sagot ni Tita Aileen kasunod ang paglalakad palayo.

Nang magsarado muli ang pinto ay inipon ko ang lakas ko upang muling tumunghay. Nanlalabo na ang mga paningin ko at umiikot na ang paligid ko. Muli akong naiyak nang makita ko ang isang babaeng nakatayo sa harapan ko.

Si Kristine na may hawak na tool box habang may nakakikilabot na mga ngiti sa kanyang mapulang mga labi.