noveltoon logo noveltoon
Recursion

Chapter 21

Ch. 22 / 51 Feb 09, 2022

Mabigat ang pakiramdam ko sa ulo ko nang dumilat ako. Napakabigat na para bang gusto ko na lang matulog ulit. Hanggang sa may naaninag na mukha ang nanlalabo kong paningin kaya muli akong pumikit. Wala pa ako sa wisyo gumising at bumangon kaya babalik na lang talaga muna ako sa pagtulog ko.

Duguang kamay.

Mga pugot na ulo.

Bibig na ngumunguya ng karne ng tao.

“Good morning, Ms. Junica.”

Napabalikwas na ako ng bangon nang marinig ko ang isang pamilyar na boses. Kaagad akong sumiksik sa sulok nang makita ko si Kristine sa may tabi ng kamang kinahihigaan ko. Bumilis ang tibok ng puso ko habang inililibot ko ang paningin sa paligid. Nasa loob na ako ng sarili kong apartment. Maliwanag na ang paligid dahil sa mataas na sikat ng araw sa labas ng bintana. Pero anong nangyari?! Bakit at paano ako napunta dito?

“Nakita ka ni Mommy na walang malay sa may labas ng kwarto mo. Siya ang nagpasok sa ‘yo dito at tinawag niya ako para bantayan ka,” kwento ni Kristine na tila narinig ang mga tanong na nasa isip ko.

“Wala akong malay sa may pinto ng apartment ko?” nagtataka kong ulit. Imposible ‘yun dahil alam kong nakalabas ako ng kwarto kaninang madaling araw. Pero ‘yung mga nakita ko… Bangungot na naman ba ang lahat ng ‘yun?

“Oo, hindi niya alam kung nag-sleepwalk ka lang daw ba o sadyang nawalan ka ng malay. Kaya pinapunta niya ako dito para bantayan ka hanggang sa magising ka,” muling sagot niya.

“Imposible… Nakalabas ako ng apartment ko kagabi at may narinig akong ingay… May nakita ako.” Halos pabulong na sabi ko. Masakit pa rin ang pakiramdam ko sa ulo ko na halos sabunutan ko na ang sarili kong buhok. Bakit ba parang napakahirap ihiwalay ng panaginip mula sa katotohanan?! Actually sa totoo lang, may mga oras talaga na hindi ko na alam kung totoo ba talagang nangyari ‘yung naalala ko o gawa-gawa lang ‘yun ng imahinasyon ko. Para kasing napagsasama ko na ang imahinasyon ko sa totoong nangyayari sa buhay ko. Pero ‘yung kaninang madaling araw… ‘Yung mga narinig ko… ‘Yung nakita ko… Sigurado ko na hindi ‘yon isang panaginip lang. At mas lalong hindi iyon gawa-gawa lamang imahinasyon ko.

“Ms. Junica?”

Muli akong napasiksik sa sulok nang biglang tumayo si Kristine. Natatawa siyang kumunot ang noo.

“Ayos ka lang ba?”

“O-oo.” Mabilis akong tumango. Hindi ko alam kung ano talaga ang nangyari kanina pero isa lang ang sigurado ako… Hindi niya pwedeng mahalata na may alam na ako.

“Mabuti naman. Kailangan ko na ring umalis eh,” aniya.

“S-Sige lang… Salamat sa pagbabantay sa akin,”

“Wala ‘yun… Ikaw p ba?” Nakangiting sabi niya bago tuluyan nang lumabas ng kwarto ko.

Nang maiwan akong nag-iisa ay muli kong inilibot sa paligid ang mga tingin ko. Nasa ayos ang lahat ng mga gamit ko na parang hindi naman ginalaw. Sinuri ko ang sarili kong katawan… Wala akong kahit na anong pasa o sugat na nakita. Pero ano ba talagang nangyari?! Binangungot na naman ba ako nang magising ako kanina.

Napapitlag ako sa biglang pag-ring ng cellphone ko na nasa tabi ko lang. Hindi na ako nagdalawang isip na sagutin ang tawag nang makita ko ang panagalan ng caller ko. “Hello Ivan? I think we need to talk.”

*****

“Hindi ko ba talaga pwedeng makausap si Angel?” may inis na tanong ko sa Mama ko n aka-video call ko ngayon. Si Angel lang kasi ang kahit paano ay pwedeng makapagpagaan ng loob ko.

“Kasi anak... Tulog pa siya eh. Kumusta ka ba d’yan sa bakasyon mo?” Iniiba na naman ni Mama ang topic. Bakas din sa mukha niya ang pag-aalala. Mas gusto kong kausap si Angel kaysa sa kanya o kay Papa pero mukhang hindi rin naman nila ipapakausap sa akin ang kapatid ko.

“Ayos lang naaman po ako,” muling tipid na sagot ko.

“Junica, kinausap mo na ba ulit si Ms. Amor?” Hindi pa rin mawala-wala ang pag-aalala sa boses niya. Madalas talagang O.A. si Mama pagdating sa akin.

“Opo. Kahapon lang.”

“Pia, nakita mo ba ang isang t-shirt kong pula?” narinig ko na boses ni Papa mula sa background ni Mama. Maya-maya lang ay lumitaw na rin siya sa screen ng laptop ko. “Oh, kausap mo pala si Junica.”

“Oh sige po, ‘Ma... Ibababa ko na rin ‘to para makapagsulat na ak,” biglang paalam ko. Kagaya ng dati, hindi ko na hinintay pa na makapagsalita alinman sa mga magulang ko at pinatay ko na ang tawag. Kung bakit kasi hindi na lang binigay ni Mama ang cellphone kay Angel. Eh ‘di sana kahit paano, gumaan ang pakiramdam ko ngayon. Tsk. Alam kasi nila na mas nakokontrol nila ako kapag si Angel na ang pinag-uusapan.

“Junica… Sorry, ngayon lang ako,” bati ng bagong dating na si Ivan.

Nang umupo si Ivan sa katapat kong upuan ay sinarado ko na rin ang laptop kong hindi ko naman nagamit sa pagsusulat. Malamig na ang inorder kong kape pati na rin ang noodles soup na dapat ay para sa almusal ko. Mali talaga na umorder pa ako ng pagkain kahit alam kong wala akong ganang kumain. “Ayos lang, salamat sa pagpunta mo dito.”

“Anong nangyari? Bakit paranga ng lalim ng eyebags mo,” may pag-aalalang tanong niya.

“Ang totoo, hindi ko na maintindihan.”

“What do you mean?” muling tanong niya. “Teka lang, tungkol ba ‘to sa mga nawawalang tao dito sa Barrio San Vicente? Napanood mo rin ba ang panawagan ng mga magulang nila?”

“Anong panawagan?” balik tanong ko. Hangga’t maaari talaga ay iniiwasan kong magbukas ng mga social media account ko. Sobrang nakakain kasi nito ang oras ko pero hindi naman nakakataulong sa trabaho ko.

Inilabas na ni Ivan ang cellphone mula sa bulsa niya kasama ang headset at may nag-play ng video. “Eto oh.”

Isang ginang ang nakita ko sa video na umiiyak habang nagsasalita. “Nananawagan po ako sa kung sino man ang nakakita kay Erwin Janohan, pakipagbigay alam po sa amin dahil itinanan niya po ang anak ko na dalagita pa lang. Pareho po silang minor kaya kung meron man pong nakakaalam kung saan sila nag-i-stay ngayon, pakipagbigay alam ninyo po sa amin kaagad. Carla... Carla, kung napapanood mo ‘tong video ngayon, please lang anak... Umuwi ka na sa bahay natin. Sobrang nag-aalala na kami ng Tatay mo.”

“Hindi siya nakipagtanan.”

Bumaling ang tingin ko kay Ivan na napakseryoso ng mukha habang nakatingin sa akin. Hindi ko na tuloy naintindihan ang mga sumunod pang sinabi ng ginang na umiiyak sa nagpe-play pa rin a video.

“Alam kong alam mo na hindi siya nawawala at mas lalong hindi siya nakipagtanan sa boyfriend niya... Pinatay si Carl, Junica.”

“Pero paano mo nasabi ‘yan? Narinig ko na matagal na silang magboyfriend kaya possibleng nagtanan talaga silang dalawa. Paano kung lumuwas pala sila ng Maynila para nga magtanan?” Hindi rin ako sigurado sa mga sinasabi ko pero gusto ko lang na kahit paano ay pakalmahin ang sarili ko.

“Kahit may police report na nawawala din si Erwin ng ilang araw na? At kung itinanan talaga niya si Carla, sana man lang may isang miyembro siya ng pamilya na sinabihan ’di ba? Pero wala. Isa pa, naunang nawala si Carla compare kay Erwin. Hindi sila sabay na naglaho sa lugar na ito. Junica, isa lang ibig sabihin nito, naunang namatay si Carla. Nauna siyang pinatay.”

Mahina ang boses ni Ivan pero malinaw ko ‘yung naintindihan. Mula sa kung saan ay bigla na lamang pumasok sa isipan ko ang mga pugot na ulo sa bangungot ko. Napalunok ako ng laway nang muli ko ‘yung maalala... Lalo na nang reumihistro sa isipan ko na ang isa sa mga ulo na ‘yon ay pagmamay-ari ni Carla. Duguan... May laman at mga ugat pang nakasabit sa leeg nitong walang tigil sa pag-agos ng dugo. At dilat ang namumulang matang nakatingin ng diretso sa akin.

“Junica...”

Ang mainit na palad ni Ivan na humawak sa kamay ko ang tila gumising sa natutulala kong diwa. Muli kong sinalubong ang mga tingin niyang bakas ang pag-aalala. “Alam kong alam mo kung ano ang totoong nangyayari sa lugar na ‘to. Alam kong napapansin mo rin ang lahat”

“H-Hindi ko maitindihan, Ivan. Sa totoo lang, wala pa rin akong maintindihan sa mga sinasabi mo.” Lalo lamang ako naguguluhan. Ano bang dapat kong isipin ngayon? Anong dapat kong gawin?

“Mas lalo kang maguguluhan hangga’t nandito ka sa Barrio San Vicente. Ang sabi ko kasi sa ‘yo dati, umalis ka na ‘di ba? Pero hindi ka nakinig sa akin.” May diin sa pagsasalita niya na para bang may inis o galit. Mas humihigpit din ang hawak niya sa kamay ko. “Ngayon ay parang huli na ang lahat, dahil kasama ka na sa mga plano nila. Kaya kung ako sa ‘yo, hindi na ako lalabas ng kwarto ko hanggang sa matapos ang fiesta sa lugar na ‘to. Dahil ‘yun ang gabi na mas gutom sila. At ang tao kapag nasosobrahan sa gutom... Nababaliw.”

“Teka, saan ka pupunta?” Sumasakit lang ang ulo ko sa mga iba pang sinasabi ni Ivan tapos ngayon ay bigla na naman siyang aalis. Kinuha na kasi niya ang cellphone niya at inilagay muli sa kanyang bulsa.

“Kailangan ko ng umalis. Kailangang may gawin ako para matigil na ang kabaliwan ng pamilyang ito!” halos hindi naghihiwalay ang mga ngipin niya habang nagsasalita. May gigil talaga. May galit. Pero bakit? Ano kayang pinaghuhugutan ni Ivan ng galit na nararamdaman niya ngayon? Tumayo na siya at mabilis na naglakad.

“Ivan, sandali lang! Kausapin mo muna ako! Ivan!” Hindi na niya ako nilingon kahit pa pati ako ay napatayo na mula sa kinauupuan ko. Kasabay ng pagsarado niya ng pinto ng café ay ang sabay-sabay na pagtingin sa akin ng mga ibang customer saa loob. Muli akong umayos ng upo bago dahan-dahang niligpit ang mga gamit ko. Hindi ko na napansin ang mga matang nakatingin sa akin mula sa may counter pati na ang mga bulungan nila. Wala na rin akong pakialam pa dahil wala na rin akong maintidihan sa nangyayari. Sa totoo lang kas, naguguluhan na ako sa kung ano ang reyalidad at kung ano ang bangungot lang.