noveltoon logo noveltoon
Recursion

Chapter 8

Ch. 9 / 51 Feb 09, 2022

“Ayan na siya…”

“Hala, ang ganda niya pala talaga sa personal!”

“Nahihiya akong lumapit!”

Narinig ko ang bulung-bulungan ng tatlong babaeng estudyante nang pumasok ako sa loob ng ng Vida Feliz Café. Sa gilid ng mga mata ko ay nakikita ko silang nagtutulakan at naghihilahan ng mga manggas ng suot nilang uniform. Mabuti na lang at may nakapalsak na earphone sa magkabila kong tainga at naisipan kong magsuot ng shades para sa umagang iyon. Magkukunwari akong hindi ko sila naririnig o napansin.

Naglakad ako at umupo sa dati kong pwesto. ‘Yung lamesa na malapit sa counter.

“Good morning.”

Inalis ko ang earphone ko kasunod ang pagbaba ng shades sa kaharap kong lamesa bago nginitian ang lumapit na si Kristine. “Good morning.”

“Anong order mo, Ms. Junica? ‘Yung dati pa rin ba? Mocha latte, no sugar and white pasta with meatballs?” pabibong tanong ni Kristine.

“Alam na alam mo na kaagad ha?” natutuwang sagot ko.

“Siyempre, at alam na alam ko rin na favorite mo ang special meatballs ni Mommy.” Nakangiting sabi niya.

“Sabi ko nga sa kanya, hiramin ko ‘yung recipe niya bago ako umuwi sa amin para maipagluto ko rin ang parents at kapatid ko. Favorite din kasi ng kapatid ko ang meatballs,” kwento ko. Pinapahaba ko lang talaga ang oras sa pagbabakasakaling mainip ang tatlong estudyante sa kabilang lamesa at umalis na.

“Nakakatuwa naman at ipagluluto mo sila. Close ka nga pala sa family mo.”

Malungkot akong ngumiti. “Sa kapatid ko oo, pero hindi sa parents ko.”

“Sorry to hear that. Naku, masyado na yata akong maraming sinasabi.” Kamo’t ulong hingi niya ng pasensya. “Oh sige, iaayos ko muna ang breakfast mo. Mukhang malapit na rin akong sabunutan no’ng mga estudyanteng gustong magpapicture sa ‘yo kanina pa.”

Napapailing akong ngumiti nang umalis na sa harapan ko si Kristin. Inilabas ko na rin ang laptop mula sa bag na dala ko at bago ko pa ‘yun mabuksan ay nakalapit na sa akin ang tatlong babaeng estudyante.

“Hi Ms. Junica Alcantara…” bati ng babaeng may suot na salamin sa mga mata.

Matamis akong ngumiti. “Hi.”

“Sabi sa inyo siya nga eh!” muling saad niya bago saglit na hinila ang manggas ng dalawang kasamang nasa likuran niya. Tumikhim pa siya bago muling bumaling sa akin. “Pwedeng… pwedeng magpa-picture?”

“Oo naman,” kaagad na sagot ko. Isa-isa na silanfg lumapit sa akin at nagpa-picture kasunod ang pagpapapirma ng kani-kanilang mga notebook.

“Thank you po Ms. Junica!” Halos sabay-sabay na sabi ng tatlo. Naunang tumalikod pabalik sa kanilang lamesa ang dalawang estudyante at naiwan sa harapan ko ang estudyanteng may salamin sa mga mata.

“Uhmmm… Ms. Junica, one last favor,” aniya na parang medyo nahihiya.

“Sige, ano ‘yun?” nakangiting tanong ko.

“Pwedeng payakap?”

Lumapad ang giti sa mga labi ko. Tumayo ako mula sa kinauupuan ko bago siya binigyan ng isang mahigpit na yakap.

“Pangarap ko pong maging isang kagaya mo,” sabi niya habang nakayakap sa akin. Gumaan ang pakiramdam ko ng umagang iyon.

Hinawakan ko ang kamay niya nang kumalas na siya mula sa pagkakayakap. Marahan ko ‘yung pinisil. “Ito ang tandaan mo, hangga’t masaya ka sa ginagawa mo at wala kang inaapakan na ibang tao, h’wag na h’wag kang hihinto. Kahit gaano pa karami ang humadlang sa pangarap mo, h’wag mong susukuan ang lahat. Abutin mo ang pangarap mo kahit ano pang mangyari.”

“Opo, gagawin ko po ang lahat para maabot ang pangarap ko. Salamat Ms. Junica. Salamat po talaga.” Halos mangiyak-ngiyak na sabi niya bago siya tuluyang nagpaalam at bumalik sa mga kasama niya.

“Grabe ka, Carla ah! May pagyakap ka pa! Hindi ka man lang nagsabi sa amin. Sana kami rin!” narinig kong sabi ng isa sa mga kasama niya.

Binuksan ko na ang laptop ko habang lihim na nananalangin na sana muli na akong makapagsulat. Ilang araw na ako dito sa Sitio San Vicente, ni isang pahina, wala pa akong naisusulat… Pero dumarami ang dahilan para muli akong magpatuloy na sumubok. ‘Yung mga reader ko na umaasang makapagbasa ulit ng bagong nobela ko. Sila na naghihintay ng bagong mundo na papasukin upang saglit na makatakas mula sa malungkot at madilim nilang sariling mundo.

“Ang ganda-ganda naman ng kamay mo iha.”

Wala sa loob na napalingon ako sa lamesa kung nasaan sina Carla. Kumunot ang noo ko nang makita kong nakaupo na rin doon kasama nila si Lola Harlie. Hawak ng matanda ang dalawnag kamay ni Carla.

“Salamat po, Lola,” ani Carla. Babawiin niya na sana ang mga kamay pero humigpit ang hawak ni Lola Harlie sa mga ito na para bang ayaw bitawan. Kapansin-pansin ang pagkailang sa mukha ni Carla sa ginagawa ng matanda.

“Ang ganda-ganda ng mga kamay mo…” namimilog ang mga mata ni Lola Harlie habang nakatitig sa hawak na mga kamay na pinipisil-pisil pa.

“Lola… Medyo masakit na – Lola, ‘yung laway ninyo po!”

Namilog ang mga mata ko nang makita kong tumulo ang laway ni Lola Harlie sa mga kamay ni Carla. Para bang gutom na gutom ang matanda na gustong putulin at kainin ang hawak na mga kamay ng estudyante.

“Naku ‘Ma! Ano na naman pong ginagawa ninyo d’yan?!” kaagad na inilayo ni Tita Aileen si Lola Harlie mula sa tatlong estudyante. “Pasensya na kayo mga ‘Neng..”

Si Carla ay tumayo na rin at dumiretos ng C.R. para maghugas ng kamay. Si Lola Harlie na halos hilahin na ni Tita Aileen ay pilit pa rin nagpupumiglas na tila nais habulin si Carla sa loob ng banyo.

“Kamay! Ang ganda ng kamay ng bata. Akin na lang ‘yung mga kamay niya. Akin na lang!” pagmamaktol pa ni Lola Harlie bago ito tuluyang nahila ni Tita Aileen papasok ng kusina

Kung kanina ay pagkamangha at paghanga ang nakikta ko sa mga mata ng matanda, ngayon ay hindi na. Para itong natatakam na kagatin at kainin ang mga kamay ni Carla. Para itong naglalaway ng dahil sa matinding gutom. Bunga pa rin ba ito ng pagiging malawak ng imahinasyon ko? O sadyang nagiging mapagmasid lang ako at totoo na ang mga nakikita at nababasa ko sa mga mata ni Lola Harlie?

****

Pinunasan ko ang pawis na tumatagaktak sa noo ko nang huminto ako sa pagtakbo sa may gilid ng kalsada. Binuksan ko ang hawak kong maliit na mineral water na binili ko sa Vida Feliz Café kanina at saglit na uminom. Nang matapos ay inilibot ko ang paningin ko sa paligid na nagsisimula nang kainin ng dilim. Mabuti na lang at maagang nagbubukas ang ilaw sa mga poste. Nasa gilid ako ng kalsadang halos wala na masyadong sasakyan na dumaan o mga taong naglalakad. Wala na ring kabahayan sa banda dito. At puro iba’t-ibang malalaking puno na ang makikita sa paligid.

4.4 KM. Okay na saguro ‘to.

Malayo-layo na rin pala ang tinakbo ko mula sa apartment. Kinuha ko ang maliit na bimpo mulaa sa belt bag ko at pinunas sa pawisan kong leeg. Mabuti na lang at pinagpawisan din akong maigi kahit malamig ang simoy ng hangin. Ganitong oras talaga kasi ako nagdya-jogging kahit no’ng nasa Maynila pa lang ako. Para hindi ako nanlalagkit sa pawis dulot ng init ng araw, kung hindi sa pawis na dulot lang ng pagod sa pagtakbo ko. Saktong pagkatapos kong punasan ang mukha ko nang may maamoy akong kakaiba.

“Ano ‘yung?” usal ko. Nalukot ang mukha ko sa tindi ng tapang ng amoy. Paranag nabubulok na karneng hindi ko maintindihan. Umikot ang tingin ko sa pligid. At napagtando ko na sa loob ng kagubatan nanggagaling ang nakakasulasok na amoy. Tinakpan ko ang bibig at ilong ko bago nagsimulang maglakad. Nakakatatlong hakbang pa lang ako pero mas tumatapang na ang amoy. At dahil hindi pa tuluyang kinakain ng dilim ang paligid, naaninag ko ang ilang tumpok ng lupa doon na tila may inilibing na kung ano.

“Hindi ka taga-rito, ano?”

Halos mapatalon ako sa gulat dahil sa boses na biglang nagsalita mula sa likuran ko. Napaatras ako nang malingunan ko siya. Ang misteryosong lalaki.

“S-Sinusundan mo ba ako?” wala sa loob na tanong ko.

Kumunot ang noo niya at bahagyang natawa. “Bakit naman kita susundan?” napapailing na tumingin siya sa may pwesto na pakay ko sanang lapitan. “Halika na do’n sa may kalsada. Masyado nang mabaho dito gawa ng mga inililibing na aso d’yan sa may gubat.”

“Aso?” ulit ko. Saglit pa akong tumingin sa tumpok ng lupa bago tumalima sa kanyang paglalakad pabalik sa may kalsada kung saan hindi na masyadong abot ng mabahong amoy.

“I’m Ivan nga pala. And you’re Junica, right?” tanong niya sa akin.

Tumigil kami sa isa sa mga poste na may ilaw. Napalunok pa ako ng laway nang magtama ang mga tingin namin. Ang ganda kasi ng mga mata niya lalo na ng mga ngiti niya. Pero teka, paano niya nalaman ang pangalan ko?

“Sorry, hindi ako stalker ha? Baka kasi magtaka ka kung paano ko nalaman ang pangalan mo. Narinig ko lang na binaggit no’ng estudyante na nagwawala no’ng isang araw sa café.” Kaagad na sabi niya. Nabasa niya yata ang dahilan ng pagkunot ng noo ko at makahulugang tingin sa kanya.

“I see. Sorry ang judgmental ko.” Natatawang sagot ko. “But yes, I’m Junica. Nice meeting you Ivan. Taga-rito ka ba?”

Umiling siya. “Hindi. Pero matagal na akong nag-i-stay dito sa Barrio San Vicente.”

“Ah… So nagtatrabaho ka dito?” Unti-unti nang gumagaan ang loob ko sa pakikipag-usap sa kanya. Siguro kasi alam ko na pareho kaming hindi tiga-rito.

Muli siyang umiling. “Hindi rin.”

Naguluhan ako sa sinagot niya pero hindi ko masyadong pinahalata. Parang siya kasi ‘yung tipo ng tao na mabilis bumasa ng iniisip ng kausap niya. “Ah okay, so siguro bakasyonista ka rin dito?”

“Parang gano’n na nga. Pero may mas malalim na dahilan kung bakit ako nandito. Ikaw? Bakit sa dinami-rami ng lugar, dito mo pa naisipang magbakasyon? Bakit sa lugar na ito pa?” Nagsimulang maging seryoso ang boses niya na hindi ko nagugustuhan. Nagsisimula na rin kasing mawala ang ngiti sa mga labi niya.

“W-wala lang. Gusto ko lang ng tahimik na lugar. ‘Yung medyo malayo sa gulo at ingay,” sagot ko.

“Pero bakit nga dito pa? Hindi ka bagay ka dito, Junica! Hindi ka bagay dito!” Tumatalim na ang mga tingin niya.

“A-Ano bang ibig mong sabihin.” Pasimpleng naging malikot ang mga mata ko. Walang bahay na malapit. Walang sasakyan. Walang ibang tao. Ang tanging meron lang ako na pwede kong gamitin pangproteksyon sa katawan ko ay ang ballpen na nasa belt bag ko. Pero bakit ba nag-iisip ako na may gagawing masama sa akin si Ivan?

Hinawakan ni Ivan ang magkabilang braso ko. Nagtama ang mga tingin namin na halos isang dangkal na lamang ang layo mula sa isa’t-isa. “Junica, umalis ka na dito habang maaga pa. Umalis ka na sa tinutuluyan mo habang hindi pa huli ang lahat. Dahil karamihan sa mga nakatira dito… HINDI SILA TAO. Kaya h’wag kang magtitiwala sa kanila.”

“I-Ivan… Nasasaktan na ako.”

Kaagad na bumitaw ang mga kamay niya sa mahigpit na pagkakahawak sa mga braso ko. Bumalik ang maamong mukha niya kasunod ang pag-atras mula sa kinatatayuan ko. “I-I’m sorry. Nadala lang ako.”

“Nadala saan?” May pagtatakang taong ko habang hinihimas ko ang braso kong namumula.

“Sa mga nalaman ko tungkol sa lugar na ‘to. Hindi mo ba narinig ‘yon? O nabasa man lang?” balik tanong niya.

Umiling ako.

Bumuntong hininga siya bago inihilamos ang mga palad sa mukha niya. “Kaya pala.”

“Kaya pala ano?” tila walang katapusang tanong ko.

“Kaya pala parang wala kang alam. Pero balewalain mo na lang ang mga sinabi ko. Baka isipin mo kasi na tinatakot pa kita. Hindi mo pa ma-enjoy ang bakasyon mo dito,” sagot niya.

“Okay lang. Hindi naman ako matatakutin.” Pinilit kong gawing normal ang boses ko at kunwa’y natatawa para mapakitang hindi ako naaapektuhan sa sinabi niya.

“Writer ka nga pala ‘no?” sabi niya bago ngumiti. “Narinig ko lang na usap-usapan sa café no’ng mga estudyante.”

“Ah oo. Horror-suspense ang genre ko,” sagot ko bago saglit na uminom ng tubig. Tuluyan na akong nahimasmasan, pati rin siya. Mukha namang mabait si Ivan. Siguro nga, masyado lang talaga akong judgemental at minsan, O.A. na rin ang takbo ng imagination ko. “Bakit nga pala parang maraming aso ang nakalibing do’n sa may gubat?”

“Nagkaro’n kasi ng lasunan ng mga aso nitong nakaraang buwan. Namatay isa-isa ang alagang aso ng mga taga-rito,” sagot niya.

“Sinong lumason sa kanila?”

Nagkibit balikat siya. “Hindi namin alam. Wala kaming ideya. Kaya ikaw, Hangga’t nandito ka…” Tumingin siya sa bottled water na hawak ko. “Mag-iingat ka sa lahat ng kakainin at iinumin mo dito sa Barrio San Vicente.”