noveltoon logo noveltoon
Recursion

Chapter 24

Ch. 25 / 51 Feb 09, 2022

Nang pumasok ako sa Vida Feliz Café ay nakita ko kaagad ang lamesa kung nasaan si Yana. Kahit hindi ko talaga gusto ang presensya niya at nilapitan ko na siya.

“Oh Junica, nand’yan ka pala! Nakakagulat ka naman.” aniya bago kaagad na sinarado ang laptop na kaharap niya na parang ayaw ipakita sa akin ang ginagawa niya.

“Anong ginagawa mo?” tanong ko. Medyo na-weirdan lang ako kasi ngayon ko lang siya nakita na may kaharap na laptop.

“Ah... Wala... May sinearch lang ako. Teka, hindi ka ba magsusulat ngayon?” balik tanong niya at inilagay na niya sa dala niyang bag ang laptop niya.

“Hindi eh. Wala ako sa mood.” Gusto ko ring idugtong na wala rin naman akong nasusulat sa tuwing dala ko ang laptop ko kaya hindi ko na ‘yun binitbit pa, pero hindi ko na lang din tinuloy na sabihin ’yun. Nang mailagay na niya ang laptop sa bag ay hinarap na niya ang pagkain sa lamaesa. Isang burger na may dalawang matabang patty at juice.

“Uy, napanood mo na ba ‘yung panawagan no’ng parents ng mga nag-tanan na bagets?” muling tanong niya bago kumagat sa burger niya.

“Oo, pinanood sa akin ni Ivan.” Naalala ko na naman tuloy ang napanood ko na nakakaawang ginang. Naalala ko rin ang mga sinabi ni Ivan na sobrang sakit sa ulo isipin.

“Sinong Ivan? Boyfriend mo?”

Natawa ako at napailing sa muling tanong ni Yana. Gano’n din kasi ang tanong ni Angel sa akin nang kausap ko siya sa cellphone. Ngayon ko lang din narealize na dalawa lang sina Yana at Ivan na madalas kong kausap at kasama dito sa Vida Feliz Café pero hindi ko pa pala sila naipapakilala sa isa’t-isa. “Hindi. Nakilala ko lang din siya dito sa Barrio San Vicente. Hindi rin siya tiga-rito pero matagal na siya sa lugar na ito. Parang dito na rin yata siya nagta-trabaho.”

“Anong hitsura? Gwapo ba?”

Lalo akong natawa sa huling sinabi ni Yana. Natawa na medyo kinilig dahil gwapo naman talaga si Ivan, may pagka-weird lang talaga.

“Alam mo kasi sa totoo lang, sa ilang linggo ko dito sa San Vicente... Wala ako masyadong nakikitang gwapo. Except do’n kay Tony, medyo pwede na rin kasi gano’n talaga tyoe ko.”

“Sinong Tony?” ako naman ang nagtanong. Pamilyar ang pangalan pero hindi ko alam kung saan ko narinig.

“’Yung katiwala do’n sa Museo de Caridad,” sagot ni Yana habang ngumunguya. “Kaya lang hipon eh.”

“Ha? Anong hipon?”

“’Yung ano... Uhmm... Panget ang mukha tapos maganda ang katawan. Gano’n.” Natatawang sagot niya. “Saka medyo weird din ‘yun kasi never kong narinig na nagsalita. Nag-hi ako do’n minsan pero tiningnan lang ako. Pipi yata siya eh.”

Naalala ko na kung sino ang tinutukoy ni Yana. ‘Yung lalaki nga do’n sa Museo de Caridad na palaging matalim ang tingin na binibigay sa akin. Parang may gusto siyang sabihin pero hindi niya magawa. Dahil ba laging nakabantay si Tito Andrew sa bawat kilos niya? O hindi lang talaga niya magawang makapagsalita dahil sa takot?

“Uy pero mukhang gwapo talaga ‘yang Ivan na friend mo, pakilala mo ako ha? Anyway, mabalik tayo do’n sa mga bagets na nag-tanan. Grabe ‘no. Ang lakas din ng loob nila. Samantalang tayo, eto nagpapakahirap na makasurvive sa buhay. Ang hirap kaya bumuo ng pamilya sa panahon ngayon tapos magtatanan pa silang dalawa.”

“Paano kung hindi nagtanan sina Erwin at Carla?” biglang seryosong tanong ko.

“Kilala mo paala ‘yung dalawang bagets na ‘yun?”

“Si Carla, oo. Nakilala ko siya dito sa café bago siya mawala. Siya kasama ng mga friends niya ang nakilala ko no’n.” kwento ko.

“Ah, fan mo sila ‘no? Ang galing naman. Sana all sikat at may fans.” Nakangiting sabi niya. Hindi ko alam kung bakit pero parang plastic ng pagkakasalita niya no’n. Parang may inggit kahit nakangiti naman siya. “Pero grabe pa rin ‘no. Dapat inuna na nila ang pag-aaral kaysa ang landian. As if namang makaka-survive sila sa hirap ng buhay. Hay naku talaga, mga kabataan ngayon ang hindi hilig mag-experiment.”

“Yana, hindi nga nakipagtnan si Carla sa boyfriend niya,” medyo naiinis na ulit ko kasi parang hindi siya nakikinig. “Malakas ang pakiramdam ko na... Na pinatay sila.”

“Ha?! Pinatay agad?! Hindi ba pwedeng lumandi muna?” natatawang sabi niya na lalo kong kinainis.

“Hindi mo kasi naiintindihan. Malakas ang pakiramdam ko na kilala ko kung sino ang pumatay sa kanila.” Hindi ko alam kung tama ba ang kinu-kwentuhan kong tao. Pero wala na kasi akong ibang masabihan. Alam ko na dapat hindi na ako makialam pa o mas mag-usisa pa sa kung anong nangyayari. Writer ako at hindi isang pullis. Dapat umalis na lang ako sa lugar na ‘to kagaya ng paulit-ulit na sinasabi ni Ivan. Pero may bahagi ng sarili ko ang hindi ko makontrol, na para bang sinasabing hindi ko na dapat pang hayaan na may mapahamak. Na hindi na ako papayag na may mamatay o mapatay ulit ‘tong pamilya ng mga baliw.

“Oh bakit naging kanila? ‘Yung Carla lang naman ang pinag-uusapan natin ‘di ba? Bakit pati ‘yung Erwin, pinatay mo na rin bigla sa kwento mo?” Nakakainis talaga ang tawa niya na akala niya nakikipagbiruan ako sa kanya.

“Eh ‘di ba ikaw na rin nagsabi na magkasama sina Erwin at Carla? So malaki angh possibility na preho na silang patay ngayon...”

“Alam mo Junica, paranoid ka lang. Masyado ka na yatang maraming horror movies na napapanood saka nasusulat.”

“Seryosohin mo naman ako, Yana. Ikaw na nga lang ang kinakausap ko tungkol sa bagay na ‘to, eh.” Pinipigilan ko ang boses ko na mainis dahil kailangan ko talagang ng kausap ngayon at pagtya-tyagaan ko na ‘tong si Yana.

“Oh bakit hindi mo sabihin ‘yan do’n sa friend mong si Ivan?”

“Alam niya ang tungkol dito. Actually, sa kanya nga nanggaling ang idea na pinatay sina Carla at Erwin. Kaya lang hindi ko siya makontak eh.,” kwento ko. Sinubukan kong i-text o tawagan ang number ni Ivan pero hindi naman niya sinagot.

“Ah! Huhulaan ko, writer din ‘yang Ivan na ‘yan ‘no? Alam mo ang weird talaga ng mga imagination ninyong mga writer. Kaya ang hirap ninyong sakyan minsan eh.” Inayos na ni Yana ang gamit niya at binitbit na ang bag niya. “Oh siya, kailangan ko na ring umalis.”

“Yana, hindi mo naman sine-seryoso ang sinasabi ko sa ‘yo. Ang mga tao sa lugar na ‘to... Mapanganib sila.” Alam kong sobrang weird na talaga ng tingin sa akin ni Yana. Pero wala na kong pakialam pa.

“You know what, dala lang ‘yan ng imagination mo. Basta, h’wag kang mawawala bukas sa gabi ng fiesta. Dito na lang tayo sa café magkita tapos sabay na tayong pumunta ng plaza. Isama na rin ‘yung si Ivan, don’t wory... Hindi ko siya aaagawin sa ‘yo,” nakangiting sabi niya bago umalis sa harapan ko.

Naiwan na naman ako nag-iisa sa kinauupuan ko at wala sa loob na napatingin ako sa hindi naubos na pagkain ni Yana. Ang burger niya na may dalawang makapal na patty. Ngayon ako napapatanong sa sarili ko, anong karne kaya ang gamit nila sa paggawa ng mga patty na ‘to?

****

TONY’S P.O.V.

“Tony, tumigil ka muna d’yan sa ginagawa mo at sumabay ka na dito sa hapunan,” utos ni Tito Andrew.

Tumalima ako bago binitawan ang chisel na gamit ko sa pang-ukit at tumayo na mula sa pagkakaupo. Saglit pa akong nag-inat upang alisin ang pangangalay ng balakang at mga braso ko dahil sa ilang oras na pag-uukit ko ng kahoy. Narinig kong lumagatok pa ang leeg ko nang i-bend ko ito.

“Halika na sa kusina. Maghahapunan na raw.” Nilingon ko si Myra na nasa may pinto papuntang kusina. Tumango ako sa kanya bago siya naunang naglakad. Ilang saglit pa akong nag-inat bago sumunod sa kanya.

Sa tatlong magkakadikit na bahay na Vida Feliz Café, Haven Apartelle at Museo de Caridad. Itong museo ang pinakamalaki sa lahat. Kailangan din kasi ng malaking espasyo kung saan namin ginagawa ang mga wood sculpture, may kusina din dito, maliit na sala at may ilang kwarto din na hindi ko madalas mapasok. Ayoko ding pasukin ‘yun dahil may hindi kaaya-ayang amoy ang mga silid na ‘yun.

Nang makatuloy ako sa kusina ay naabutan kong nasa harap na ng mahabang lamesa sina Tito Andrew at ang buong pamilya. Nang makaupo ako ay nagdasal muna kami bilang pasasalamat sa mga pagkaing nakahain bago kami nagsimula ng kanya-kanyang kuha ng ilalagay sa mga plato namin, maliban kay Lola Harlie na meron nang nakalagay na mga sariwang pagkain sa kanyang plato. Sari-sari ang mga pagkain doon pero lahat ay sariwa. Sariwang-sariwa kagaya ng mata, puso at atay. Ang sabi kasi ni Tito Andrew, ang pagkain ng mga sariwa at hilaw na karne kasama na ang laman loob ay nakakapagpaghaba ng buhay.

Sa mga nakahain na pagkain sa lamesa ay ang chopseuy ang inabot ko kasama ng kanin. Hindi naman talaga ako mahilig sa gulay pero mas okay na sa akin na ito ang kainin ko kaysa sa meatballs at patty na gawa sa kung ano-anong karne. Sumubo ako ng kanin kasunod ang gulay. Hindi ko ‘yun masyadong malasahan pero ayos lang sa akin.

Bata pa lang ako ay kasama ko na ang pamilyang ito. Hindi ko sila kamag-anak pero gano’n na rin ang turing ko sa kanila. Pareho kasi kami ng probinsyang pinaggalingan ni Tito Andrew. Ang totoo, niligtas niya ako mula sa pagmamalupit ng Nanay ko sa akin. Kaya sina Tito Andrew na rin talaga ang kinalakihan kong pamilya at tatay-tatayan.

“Habang tumatagal ay hindi ko nagugustuhan ang kilos ng writer na ‘yan,” seryosong sabi ni Tito Andrew kasunod ang pagsubo ng isang buong meatballs. Rinig ko ang pagnguya niya at kita ko ang pagmamantika ng mga labi niyang bahagya nang maisara dahil sa malaking meatball. Pareho silang kumain ng Mama niya. Maingay ngumuya.

“Daddy, hayaan ninyo na lang po siya sa akin. Ako pong bahala sa kanya,” sagot ni Kristine.

“Ano ba talagang plano mo sa kanya, anak?” si Tita Aileen ang nagtanong.

“Wala po. Ayoko lang na galawin natin siya kasi nga alam ninyo naman kung gaano ko ka-paborito ang mga libro niya. Kaya kapag pinatay natin siya, mawawalan na ako ng mga librong babasahin.” Hindi talaga malakas kumain si Kristine kaya halos nilalaro lang niya ang pagkain na nasa plato niya.

Kahit wala silang binabanggit na pangalan, alam kong ang guest ng apartellle na si Junica ang pinag-uusapan nila. Ang bakasyunista na magandang manunulat. Ayoko sana siyang mapahamak gaya ng nangyayari sa ibang guest namin. Peron gustuhin ko man siyang kausapin at bigyan ng babala ay hindi ko magawa dahil hindi ko kaya.

“H’wag po kayong mag-alala, kapag sumobra na talaga siya... Ako na mismo ang kakatay sa kanya,” humahagikhik na sabi ni Kristine. Alam kong pabiro ang pagkakasabi niya pero pwede niya ring totohanin anumang oras.

“Nag-iingat lang ako. Alam mo naman na ayokong pagsimulan ng gulo ang babaeng ‘yan. Sa umpisa pa lang, naaamoy ko nang magiging problema siya sa atin. Kung hindi nga lang dahil sa ‘yo, matagal ko nang niligpit ‘yang babae na ‘yan,” seryosong sabi pa ni Tito Andrew nang malunok ang kanina pang nginunguya na meatball. “Ikaw Myra, bantayan mong mabuti ‘yang si Mama at h’wag kang tatanga-tanga kagaya dati kung hindi, malilintikan ka talaga sa akin.”

“O-opo.”

Kagaya ko ay ampon lang din si Myra sa bahay na ‘to. Mas bata siya sa akin ng ilang taon at ang alam ko ay napulot siya sa lansangan ng mag-asawa. Binihisan hanggang sa gawin na ring parte ng pamilya na ‘to.

Muli akong sumubo ng ulam. Wala pa rin masyadong lasa pero ayos lang. Wala rin naman akong choice kaysa hindi ako kumain at magutom lang.

“Tony...”

Nilunok ko muna ang nasa bibig ko na kakanguya ko lang bago ko sinalubong ang seryosong tingin ni Tito Andrew.

“Mag-iingat ka sa mga kilos mo ha? Akala mo ba hindi ko napapansin ang bawat tingin mo sa babaeng ‘yun?”

Hindi ako umimik pero nanatili pa rin akong nakatingin kay Tito Andrew. Alam ko naman kasi ang pinupunto niya. H’wag na ulit akong gagawa ng mali kagaya dati. H’wag na akong magsasalit o magsusumbong.

Wala naman kasi talaga akong alam sa ginagawa nila noon. ‘Yung pagpapahirap nila sa taong nakukuha nila, pati na rin ang pagkatay at pagkain sa mga laman loob nito. Wala akong alam noon hanggang sa makita mismo ng mga mata ko. 12 years old yata ako no’n nang makita kong may kinakain na paa ng tao si Lola Harlie. Lumabas kaagad ako ng bahay at nagsumbong sa isang kapitbahay namin na si Tatang Pio. Umuwi rin ako sa bahay pero nagkulong lang ako sa kwarto ko dahil sa takot. Kaya lang kinabukasan, nasa basement na namin si Tatang Pio at nakatali ang katawan sa kinauupuan niya. Pinilit din ako ni Tito Andrew na saksakin ang matandang lalaki. Ayoko sana pero wala akong pagpipilian dahil mas ayoko namang ako ang patayin nila. Hanggang sa hawakan na nga ng naginginig kong kamay ang kutsilyo at paulit-ulit na sinaksak sa ulo ng matanda. Habang ginagawa ko ‘yun ay paulit-ulit ding tinatanim ni Tito Andrew sa isip ko na masasama silang tao at dapat na hindi binibuhay sa mundong ito. Umiiyak akong huminto sa pagsaksak ng sabihin ni Tito Andrew na tama na. At akala ko ay ‘yun na ang magiging parusa ko dahil sa pagsusumbong ko sa mga nakita. Pero hindi pa pala.

“Naiintindihan mo ba ang sinasabi ko, Tony?” muling seryosong tanong ni Tito Andrew.

Tumango ako sa kanya bilang sagot sa tanong niya. Nagpatuloy na ako sa pagkain ko at kumutsara ng kanin at ulam na kaagad ko ring isinubo. Wala na naman akong malasahan masyado. Alam kong masarap ang ulam namin ngayon pero hindi ko masyadong naa-appreciate. Ilang taon na akong ganito pero hindi pa rin ako nasasanay. Mahirap talaga kapag putol na ang dila. Hindi na nga makapagsalita... Hindi pa makakain ng maayos.

Oo, putol na ang dila ko kaya hindi ko talaga nalalasahan ang mga kinakain ko. Dahil noong araw na pinatay ko si Tatang Pio dahil sa utos ni Tito Andrew.... Ay ang araw din na pinutol niya ang dila ko at pinakain kay Lola Harlie bilang parusa sa akin.