noveltoon logo noveltoon
Recursion

Chapter 40

Ch. 41 / 51 Feb 09, 2022

Heto na naman ang kirot sa ulo ko na parang anumang oras ay puputok na. Palagi na lang ganito ang pakiramdam ko sa tuwing imumulat ko ang mga mata ko.

Mabigat. Masakit. Na minsan hinihiling k o na pumutok na lang para mawala na lang bigla ang sakit. Ilang beses na akong gumigising sa ganitong klase ng pakiramdam. Nakakapagod na ang sakit na parang pinupukpok ang ulo ko.

Pilit kong inaalala ang mga nangyari sa bawat paggising ko. Pilit kong inaalala kung nasaan ako.

Si Angel.

Sina Papa at Mama.

Mga nurse at doktor.

“Angel...” bulong ko nang tuluyan ko nang maimulat ang mga mata ko.

“Ms. Junica...”

Gusto kong bumangon at magsumiksik sa sulok ng kinahihigaan kong matigas na higaan pero hindi ko ‘yon nagawa. Dalawang kamay ko na pala kasi ang nakaposas sa magkabilang gilid ng kama.

“Ms. Junica, ako si SP02 Ricky Jalandoon.” Pakilala ng lalaking nakasuot ng uniform na pang-pulis. Matangkad siya, payat, medyo malaki ang ilong at makapal ang labi. Maitim din ang kulay ng balat niya na hindi ko alam kung natural ba o palagi lang talaga siyang nakabilad sa araw. Mukha ring hindi nagkakalayo ang edad namin. Siguro nasa tatlo o apat na taon lang ang tanda niya sa akin. “May mga gusto lang sana akong itanong sa ‘yo.”

“Hindi! Wala akong sasagutin sa mga tanong mo! Nasaan ang Mama at Papa ko! Gusto ko silang makausap!” halos pasigaw na sagot ko.

“Ms. Junica, kumalma ka muna... Kailangan kitang makausap ng maayos.” Mahinahanong sabi ni Ricky.

“Hindi ako makikipag-usap sa ‘yo! Wala akong sasbihin dahil sina Mama muna ang kailangan kong makausap. Tawagin ninyo siya! Mama!!! Mama, pakawalan ninyo ako dito!” sigaw ko.

“Ms. Junica, please... Huminahon ka.” Muling pakiusap ni Ricky. “Ito na ang pangatlong beses na kakausapin kita. Kailangan mo nang pakalmahin ang sarili mo dahil paulit-ulit lamang tayo dito kung hindi ka makikipag-cooperate sa akin."

“Papa! Mama! Kailangan kong makaalis dito! Pakawalan ninyo ako! Alisin ninyo ang posas sa mnga kamay ko!” nagsimula na akong magwala sa kama. Nasasaktan ako lalo na ang mga kamay ko dahil sa ginagawa ko pero gusto ko na talagang matanggal ang posas ko. Ayoko nang ganito. Ayoko nang tinatrato nila ako na parang baliw. Dahil hindi ako isang baliw!

“Sir, kailangan ko na po ulit siyang turukan ng pampakalma. Siguro po mas mabuti na kung sa ibang araw ninyo na lang siya interview-hin,” sabi ng nurse na nasa likod ni Ricky.

“No. Please no! Ayoko n’yan!” nanlaki ang mga mata ko nang makita ko ang malaking syringe na hawak ng nurse. Ayoko nang matulog ulit. Ayoko nang pumikit. Dahil pakiramdam ko sa bawat paggising ko ay mas nagiging triple ang kirot sa ulo ko at mas lalo lang akong manghihina. Paulit-ulit akong umiling habang umiiyak at pilit na sumisiksik sa sulok. Pilit kong hinihila ang kamay kong nagiging kulay ube na. “Tama na, please. Ayoko na n’yan. Kakalma na ako, pangako... Hindi na ako magawawala. Ayoko na ng injection na ‘yan!”

“Nurse... Hayaan mo na lang muna siya.” Pigil ni Ricky sa nurse na papalapit sa akin. Kaagad akong tumahimik dahil sa sinabi niya. Gusto kong ipakita na kaya kong kumalma kahit wala ang injection na ‘yon. Na magsasalita na ako ng maayos basta hindi lang nila ako turukan ng kung ano-ano.

“Pero sir, hindi ninyo rin naman po siya makakausap ng maayos,” giit ng nurse na singkapal ng powdered sugar sa chocolate crinkles ang foundation sa mukha niya.

“Ako nang bahala sa kanya. Lumabas ka muna,” utos Ricky.

Wala na ring nagawa ang nurse kung hindi ang sumunod sa pulis.

Kaming dalawa na lang ni Ricky ang naiwan sa maliit na kwarto. Nangangatal ang mga labi ko, malamig sa loob ng kwarto pero pawisan ang nook o at nanlalagkit ang mukha at buok ko dahil sa luha at sipon.

“Ngayong wala na ang nurse, pwede na ba kitang makauap ng maayos Ms. Junica?”

“G-gusto kong makaupo ng maayos.” Lumunok ako at bahagyang hinila ang kamay kong nakabilanggo sa gilid ng kama para ipakita kay Ricky na gusto ko nang maalis ang mga posas ko. “Hindi ako tatakas. Hindi rin naman ako makakatakas eh. May baril ka at ako naman, wala kahit na ballpen o tinidor na pwede kong ipangsaksak sa ‘yo.”

Saglit pa akong pinagmasdan ni Ricky. Hindi ko siya tinitingnan dahil ayoko nang basahin ang nasa isip niya. Hanggang sa tumayo na siya at sinusian ang mga posas sa magkabilang kamay ko.

“S-Salamat...” kagat ang mga labi na umayos na ako ng upo. Hinawakan ko ang pulsuhan kong may guhit ng kulay ube at pula. Nagpasa na ang pala iyon dahil sa pagwawala ko ng ilang beses. “Ilang... Ilang oras na ba akong tulog?”

“Mag-aapat na araw na mula nang mangyari ang gulo sa museo Cardida. Mag-aapat na araw ka na rin dito sa ospital na malapit sa Barrio San Vicente. Ilang beses ng nangyari na sa bawat gising mo, nagwawala ka... Kaya palagi kang pinapakalma ng mga doktor... Palagi ka nilang pinapatulog para hindi ka na magwala.”

Nagsimulang mangilid ang luha sa mga mata ko at kaagad ko ‘yung pinunasan gamit ang likod ng kamay ko nang lumandas sa pisngi ko. Hindi ko na napigilan ang sarili ko na maiyak. Gulung-gulo pa rin ang isip ko hanggang ngayon.

“Junica, kailangan mong sabihin sa akin ang totoong nangyari. Bakit... Bakit ka sumugod sa Museo Caridad? Bakit sinaktan mo ang pamilya nina Andrew?”

“Dahil mamamatay tao sila! Maraming pinatay na inosenteng tao ang pamilyang ‘yon! Mga pamilya sila ng baliw, sir! Kailangan ninyo silang hulihin lahat bago pa sila makapatay ulit!” Nagsimula nang tumaas ang boses ko kasabay ang muling pagwawala ng luha sa mga mata ko.

“Ms. Junica, kumalma ka lang... Kailangan mong mahinahon na sagutin ang mga tanong ko.”

Pinigilan ko na ang sarili ko na mapaiyak pa pero hindi ko mapigilan ang mga labi ko sa pangangatal nito. Bakit ba ayaw nilang maniwala sa akin... Ano bang mahirap paniwalaan sa mga sinasabi ko?!

“Here...”

Napatingin ako sa kamay ni Ricky na inilapit niya sa akin. Hawak niya ang isang kulay asul na panyo na kaagad ko ring kinuha at pinunas sa pisngi ko.

“Iyon ba ang dahilan kung bakit nakaposas ang kamay ko nang magising ako? Dahil sinugod ko sina Kristine?” tanong ko. Ang mga mata ko ay nakatuon sa hawak kong panyo.

Saglit na hindi nagsalita si Ricky bago siya nagbitaw ng isang malalim na buntong hininga. “Oo.”

“Sir, kaya kong patunayan ang lahat ng sinasabi ko ngayon. Kaya kong ituro sa inyo ang lugar kung saan inililibing ng pamilya ni Kristine ang mga taong pinapatay nila. Ako mismo ang magtuturo kung saan ang lugar na iyon. Kung gusto ninyo, ako pa ang maghukay sa mga bangkay ng naging biktima nila!”

“Ang tinutukoy mo bang lugar ay ‘yung gubat na malapit sa plaza ng Barrio San Vicente? ‘Yung gubat na wala na halos poste ng mga ilaw sa gilid ng kalsada? ‘Yung gubat na may masangsang na amoy kapag pinasok mo?”

Namilog ang mga mata kong napatingin kay Ricky. “G-galing na kayo do’n? Nakita ninyo rin ba ang mga hukay? Nakita ninyo ba ang mga nangangamoy na bangkay ng mga tao?!”

Blangko ang mukha ni Ricky pero nararamdaman ko ang awa niya para sa akin. Hindi niya ako kailangan kaawaan. Dahil kaya kong patunayan ang lahat ng sinasabi ko sa kanya .

“Oo, galing kami do’n. Paulit-ulit mo kasing sinisigaw ang lugar na iyon sa tuwing magiging ka at magwawala. Kaya nagdesisyon kaming puntahan iyon. Hinukay namin ang mga lupa at... Wala kaming nakita ni isang bangkay ng tao.”

“Pero paano nangyari ‘yon?! Bakit masangsang ang amoy ng lugar na iyon kung walang mga bangkay ng tao ang nakalibing doon?!” tanong ko habang pinipigilan ko ang sarili ko na magwala. Napakahusay naman ng nina Kristine para mabilis na maitago ang baho ng pamilya nila.

“Dahil iyon ang libingan ng mga aso na pinapatay sa barrio. Dalawang beses sa isang tao ay nagkakaro’n ng mass mercy killing ang isang adaption dog sa barrio. At doon sa gubat na iyon napagkasunduan na ilibing ang mga pinapatay na aso.”

Mariin akong umiling. “Hindi totoo ‘yan! Hindi aso ang mga nakalibing do’n! Mga tao! Mga tao na pinatay ng pamilya ni Kristine. Sir, sigurado ako... Doon nila inilibing sina Carla at Erwin. ‘Yung dalawang estudyante na nawawala sa Barrio San Vicente. Sina Kristine ang pumatay sa kanila!”

“Ms. Junica, please... Kumalma ka muna.”

“Paano ako kakalma kung may dalawang teenager na pinatay at alam ko na hindi pa rin nakukulong ang mga pumatay sa kanila?! Sabihin mo sa akin?! Paano?!”

“Dahil hindi sila pinatay at mas lalong hindi pa sila patay!” mataas na ang boses ni Ricky pero hindi iyon ang nagpatahimik sa akin. Kung hindi ang mismong sinabi niya. “Buhay sina Carla at Erwin... Nakausap na si Carla ng mga magulang niya at sinabi niya na nakipagtanan siya kay Erwin.”

“I-Imposible... Patay na sila! Alam kong patay na sila kagaya nina Tony at Myra.”

“’Yung katiwala ba nina Andrew ang tinutukoy mo?”

“Oo! Pinatay din sila ng pamilya nina Kristine! Nilapitan pa nga ako ni Myra bago nangyari ang lahat ng gulo. Humingi siya ng tulong sa akin na makatakas mula sa pamilya nina Kristine at makalayo sa barrio. Pero bigla na lang silang nawala at sigurado ako na pinatay na rin sila nina Kristine.” Hanggang ngayon ay nagi-guilty pa rin ako dahil hindi ko natulungan sina Myra na makatakas. Kung gumawa lang sana kaagad ako ng paraan, baka nailigtas ko pa ang mga buhay nila.

“Ms. Junica, matagal na silang nagpaalam sa pamilya nina Andrew na aalis na at bubuo ng sarili nilang pamilya. Hindi sila pinatay dahil matagal na silang hindi nakatira sa apartelle.”

Lumalalim na ang paghinga ko at tumatagaktak na lalo ang pawis sa noo at leeg ko. Nagsisimula na namang sumakit ang ulo. Ilang beses pa akong lumunok ng laway ko habang malikot ang mga tingin ko sa paligid.

Hindi!

Bakit ganito ang mga sinasabi ni Ricky?! Paanong nangyari na buhay silang lahat?! Nababaliw na ba talaga ako?! Panaginip ko lang ba talaga ang lahat ng ‘yon?! Imahinasyon?! Pero hindi! May nakita ako! May nakita akong pinatay nina Krisrtine!

“Si Yana! Pinatay nila si Yana! Nakita ko! Ako mismo ang nakakita kung paano kinatay ni Lola Harlie ang katawan ni Yana at kinain ang kamay niya! Kitang-kita ng dalawang mata ko, sir! Pinatay nila si Yana!”

Bumuntong hininga muli si Ricky. Mas malalim sa pagkakataon na ‘yun bago napailing...

“Ano?! Bakit hindi ninyo hanapin si Yana?! Vlogger siya at nagbabakasyon lang din sa Barrio San Vicente. Sigurado ako na nawawala na rin siya! Baka nga nag-file na ng missing complaint ang pamilya niya. Ako mismo ang magsasabi sa kanila... Sa inyong lahat. Kung paano nila pinatay ang vlogger na si Yana!”

Sinarado na ni Ricky ang hawak niyang maliit na notebook kasunod ang muling pagsalubong sa mga tingin ko. Nakikita ko sa mukha niya ngayon na tila ba nauubusan na siya ng pasensya sa mga sinasabi ko. Napailing siya bago bumuka ang bibig niya para muling magsalita. “Buhay si Yana, Ms. Junica.... At ako mismo ang kumausap sa kanya.

Parang binuhusan ng nagyeyelong tubig ang buong katawan ko. Namamanhid na ito sa lamig kahit pinagpapawisan ang noo, leeg at dibdib ko. Nababaliw na nga yata ako.

“P-Paano... Paano nangyari ‘yon? Paano nabuhay si Yana?!”