noveltoon logo noveltoon
Recursion

Chapter 35

Ch. 36 / 51 Feb 09, 2022

“I-Ivan...” usal ko. Nanginginig na ang mga labi ko sa takot nang malingunan ko si Ivan. Umiling siya at inilagay ang hintuturo niya sa sariling labi na para bang nais akong patahimikin. Tinuro niya muli ang ang kalsada na hindi kalayuan mula sa pwesto ni Lola Harlie. Bumaling ang tingin ko doon ay nakita ko ang papalapit na sasakyan. Napatiim-bagang ako nang makilala ko ang sasakyan. Pagmamay-ari iyon nina Tito Andrew.

Muli akong umayos nang pagkakakubli sa malaking puno habang nasa may likuran ko Ivan.

“Lola Harlie!” sambit ni Kristine nang makakababa siya ng sasakyan.

“Lintik na! Ito na nga ba ang sinasabi ko eh!” mataas ang boses ni Tito Andrew habang nagpapalinga-linga s paligid upang masiguradong walang ibang taong nakakakita sa kanila.

Naramdaman ko ang mga kamay ni Ivan sa magkabilang balikat ko na inaayos ako upang lalong mapakubli sa malaking puno at mga sanga nito. Ramdam ko ang mainit na hangin nanggagaling sa ilong niya papunta sa may tainga ko.

“Kristine, kunin mo na si Mama at sumakay na kayo sa truck,” utos ni Tito Andrew.

“Lola, halika na po...” Inalalayang tumayo ni Kristine ang matanda babae na hindi binibitawan ang putol na kamay na hawak at ang daliri ay nakasubo pa sa bibig nitong nanlalagkit na sa dugo. Naglakad na sila patungo sa truck.

May kinuha na dalawang sako si Tito Andrew, ang isa ay walang laman habang ang isa ay may lamang buhangin. Kumuha rin siya ng pala mula sa likod ng sasakyan.

“Aileen, ilagay mo na ang katawan sa sako. Bilisan mo! Tatakpan ko ng buhangin ‘tong nagkalat na dugo dito para isipin nilang aso lang ang namatay dito.”

Mabilis na sumunod si Tita Aileen. Malaki ang sako at pilit niyang isinuot doon ang katawan ng babaeng sigurado akong si Yana. Si Tito Andrew ay pinala ang mga buhangin na galing sa sako at ikinalat sa sementadong kalsada.

‘Tang inang pamilya ‘to... Handa ang lahat ng gamit mapagtakpan lang ang kabaliwan nila!’ bulong ko.

“Sabi ko naman kasi sa inyo, h’wag ninyong hahayaan na mawala sa paningin ninyo si Mama lalo na ngayong wala na si Myra!” inis na sabi ni Tito Andrew nang matapos sa paglalagay ng buhangin sa paligid.

Ang sabi niya ay wala na si Myra. Ibig ba niyang sabihin ay patay na ito? Pinatay na nila si Myra?!

Hinila na ni Tito Andrew ang katawan na may sako habang ang sako na wala na halos laman at pala naman ang dala ni Tita Aileen.

“Paano na lang kung hindi fiesta ngayon?! Malilintikan talaga tayong lahat dito!” patuloy pang sabi ni Tito Andrew habang hila-hila ang sako.

Bumaling ang tingin ko sa truck. Wala talaga doon alinman kayna Tony at Myra. May kabang muling bumalot sa dibdib ko. Buhay pa kaya silang dalawa?

Binuhat na ni Tito Andrew ang sako at inilagay sa may balikat niya kaya lang bigla itong nabutas.

“Shit!” nasambit ko nang biglang lumabas ang ulo at mahabang buhok ng bangkay sa buhat na sako ng lalaki.

Kaagad na tinakpan ni Ivan ang bibig ko nang huminto si Tito Andrew sa paglalakad pabalik sa truck. Dahan-dahan siyang lumingon sa pwesto namin at sa malaking puno kung saan kami nagtatago ni Ivan. Kaagad akong hinila ni Ivan at dumapa kami sa lupa. Halos nakadagan na siya sa akin.

‘Tang-ina... Nakita niya yata kami!’narinig ko ang dahan-dahang mga yabag na palapit sa pinagtataguan namin ni Ivan. Malamig ang hangin pero pawisan na ang noo ko. Naririnig ko na ang tibok ng puso ko sa sobrang lakas ng kaba nito. Patuloy pa rin ang mabagal na yabag na palapit sa amin kasabay ang ingay ng palang hinihila sa sementadong kalsada.

Naiyak na ako sa takot nang maramdaman kong malapit na ang mga yabag sa amin. Sigurado akong narinig ni Tito Andrew ang pagmumura ko at handa na siyang patayin kami ngayon.

Humihipit naman ang pagkakatakip ni Ivan sa bibig ko. Pati ang kamay niya ang nanginginig na rin. Magkayakap na rin kami ngayon sa lupa at parehong nanginginig sa takot. Pareho din yata kaming mamamatay ngayong gabi.

“Andrew! Halika na at baka amy dumaan pang ibang tao!” sigaw ni Tita Aileen.

Saglit na katahimikan ang naghari sa paligid habang naghihintay ako ng mga susunod pang mangyayari.

“Daddy, tara na po!” si Kristine naman ang suimigaw.

Papalayong mga yabag ang narinig ko kasunod ang pagharuriot ng sasakyan palayo sa amin.

‘Shit! Buhay pa kami. Buhay pa kami ni Ivan!’

Nang tuluyan nang makalayo ang truck ay inalalayan ako ni Ivan na tumayo. Hindi na ako nagdalawang isip at nag-dial na kaagad sa cellphone ko.

“Anong ginagawa mo?” tanong ni Ivan.

“Tatawag na ako ng pulis...” narinig ko ang pag-ring sa telepono ng police station na tinawagan ko.

“Itigil mo ‘yan...” Bakas ang kaseryosohan sa boses ni Ivan pero hindi ako sumunod. Hinihintay ko pa ring na may sumagot sa kabilang linya. “Sabi ng itigil mo na ‘yan, Junica!

Napaatras ako nang tumaas ang boses niya kasunod ang paghablot niya ng cellphone. Nanggigigil niya iyong pintay bago matalim ang mga matang tumingin sa akin.

“Ivan, ibalik mo na ang cellphone ko. Kailangan na nating humingi ng tulong!” May kaba man sa dibdib ko ay nilakasan ko ang loob ko. Alam ko na mga pulis ang mas higit na makakatulong sa amin ngayon, at kailangan nang malaman ng lahat ang kabaliwan na ginagawa ng pamilya nina Kristine.

“Hindi natin kailangan ng tulong ng mga pulis!”

“Anong hindi?! Hindi mo ba nakita ‘yun?! Pinatay nila si Yana! Kaya kailangan malaman ng mga pulis ang nangyayari sa lugar na ‘to at sa ginagawa ng pamilya na ‘yon! Ivan, please... Ibalik mo na ang cellphone ko dahil tatawag na ako ng pulis!”

“Hindi naman sila makakatulong sa atin eh! Dahil alam ko na mababaliktad langnila ang sitwasyon dito. Alam ko na mabibilog nila ang ulo ng mga pulis! Kilala ko sila, Junica. Matagal ko na silang kilala!” Bakas ang matinding galit sa mukha at boses ni Ivan. Para bang may malalim itong pinaghuhugutan na hindi ko alam kung ano at saan. “Matagal ko na silang kilala, Junica. Alam na alam ko nang kung gaano sila kagaling magpabilog ng utak ng ibang tao!”

“S-Sino ka ba talaga? Anong kinalaman mo sa pamilya nina Kristine?” mukhang ito na ang ora na malalaman ko ang totoo tungkol kay Ivan. Oras na para totoong makilala ko na siya.

Malalim na buntong hininga ang binitawan niya. “Hindi talaga ako nandito para magbakasyon o magtrabaho. Nandito ako para hanapin isang babaeng importante sa buhay ko.” Isang papel ang kinuha niya mula sa bulsa at inabot sa akin.

‘Missing Girl. 21 years old. 5’2 ang height. Maputi. Wavy ang buhok na hanggang balikat. May nunal sa kanang pisngi. Huling nakita na nakasuot ng pulang blouse at maong na pantalon. Kung sino man po ang nakakita sa kanya, pakitawagan ang cellphone number na nakasulat sa baba.’

Nakita ko na ang papel na ‘to... Ang papel sa labas ng Haven Apartelle nang unang gabi na dumating ako dito sa Barrio San Vicente.

“Kilala mo siya?” tanong ko.

“Oo, girlfriend ko siya. Two years ago, bigla na lang siyang nakipagbreak sa akin na hindi ko maintindihan ang dahilan. Ang sabi niya lang ay gusto niyang mapag-isa. Tapos nalaman ko na lang na umalis pala siya sa bahay nila at hindi niya sinabi sa mga magulang niya kung saan siya pupunta. Pagkatapos no’n, wala na kaming naging balita sa kanya. Hindi na namin siya ulit nakita pa.”

“Paano mo nalaman na nandito siya?” muling tanong ko sa kanya. May bahagi ng puso ko ngayon ang kumikirot dahil nakikita ko kung gaano nasasaktan si Ivan nang dahil sa babaeng kinukwento niya. Nararamdaman ko kung gaano niya ito kamahal.

“Nakita ko sa blog niya ang ilang impormasyon. Sinulat niya doon na dumadaan siya sa matinding depression kaya gusto niyang lumayo mula sa maraming tao. Gusto niyang lumayo mula sa pamilya niya at sa akin. Hindi niya raw maintindihan ang sarili niya basta ang gusto niya lang ay mapag-isa. Gusto niya ng tahimik na paligid at walang sinoman ang nakakakilala sa kanya.”

Kumirot ang lalamunan ko nang magpigil ako ng luha. Bakita ba ako naiiyak? Siguro dahil pareho kami ng pinagdadaanan ni Ayen. Dahil iyon din ang dahilan kung bakit ako nandito sa lugar na ‘to. Gusto kong lumayo sa mga tao.

Nagpatuloy si Ivan sa pagku-kwento habang ang tingin niya ay nasa malayo. “Nakita ko sa blog niya na dito sa pumunta, sa Barrio San Vicente. Isang post lang ‘yun, tungkol sa Haven Apartelle, sa Vida Feliz Café, sa Museo de Caridad at kung gaano katahimik ang lugar na ‘to. At pagkatapos ng post na ‘yun, wala nang ibang naging laman ang blog niya.”

“Hindi ko pa rin maintindihan... Paano mo nalaman na may ginawang masama sa kanya ang pamilya nina Kristine?”

Sinalubong ni Ivan ang mga tingin ko. “Nabuksan ko ang Facebook account niya, Junica. Nakita ko ang mga message na sinend niya sa sarili niya. Tungkol sa mga ingay na naririnig niya sa dis oras ng gabi sa hotel, ang malalansang amoy, ang tungkol sa pagiging malikot na kamay ni Krstine, ang kakaibang putahe na niluluto ni Tita Aileen, ang matatalim na tingin sa kanya ni Tito Andrew at ang gabi na nakita niyang kumakain si Lola Harlie ng... Ng putol na kamay ng tao.”

Shit! Lahat ng nangyari kay Ayen ay nangyari din sa akin sa apartelle na ‘yun. Parehong-pareho kami ng pinagdanaan. “Sinubukan mo bang sabihin sa mga pulis ang tungkol sa bagay na ‘yan. Pinakita mo ba sa kanila ang tungkol sa Facebook account ng girlfriend mo?”

“Oo pero hindi naman sila naniwala sa akin, at sinabi pa nila na pwedeng ako pa raw ang makasuhan ng pamilya nina Kristine. Hindi raw pwedeng maging katibayan ang mga messages ni Ayen sa sariling inbox niya sa Facebook at mga sinusulat niya sa blog niya dahil... Dahil may history siya ng psychological disorder.”

Napalunok ako sa huling sinabi ni Ivan.

“Pero hindi baliw si Ayen, Junica! Hindi siya baliw... Ang pamilya sa lugar na ito ang baliw at naniniwala ako na pinatay nila si Ayen!” Namimilog na ang mga mata ni Ivan at pinagpapawisan ang noo niya. Nanginginig dina ng labi niya habang nagsasalita siya. Napaatras na ako nang lumapit siya sa akin pero nagawa niyang hawakan kaagad ang mga kamay ko. Mahigpit ang pagkakahawak niya at medyo nasasaktan na ako. “Junica, please... Tulungan mo ako. Tulungan mo ako na patunayan sa kanilang lahat na baliw ang pamilya nina Kristine. Tulungan mo akong mahanap si Ayen!”

“P-Paano kita tutulungan, Ivan? Hindi naman ako pulis.”

Biglang nagring ang cellphone ni Ivan kaya binitawan niya ang kamay ko at sinagot ang tumatawag sa kanya. “Hello? Oo, nandito pa ako. Ano?! Oh sige, pupunta na ako kaagad d’yan!”

“Sinong kausap mo?” hindi ko na napigilan ang sarili ko na magtanong.

“Kailangan ko nang umalis.”

“Fuck, Ivan! Pwede bang sabihin mo naman sa akin kung ano ang nangyayari?! Hindi ‘yung ganyan na bigla-bigla ka na namang aalis at iiwan mo ako ng maraming tanong dito sa isip ko!” halos sigaw ko sa kanya. Hindi ko pa nga masyadong naa-absorb ang mga sinabi niya kanina tapos biglang eto na naman siya, aalis at iiwan akong gulung-gulo ang isip.

Lumapit siya sa akin at muling hinawakan ang kamay ko. “Hintayin mo ang tawag ko bukas. May pupuntahan tayo.”

Kagaya nang paulit-ulit na ginagawa sa akin ni Ivan, naiwan na naman ako sa kinatatayuan ko... Hawak ang cellphone ko habang nakahatid ng tanaw sa kanya na nilalamon na ng dilim.