WARNING! NAKAKABITIN!
H’wag munang basahin kung hindi sanay na mabitin.
Pero handa na ba talaga kayo sa revelation?
Malalaman na natin kung sino ang totoong baliw...
Kung sino ang mga totoong BALIW.
*****
Hindi ko kaagad naimulat ang mga mata ko dahil sa nararamdamang kong matinding kirot sa ulo, leeg, likod at halos buong katawan ko na nga yata. Sobrang bigat ng pakiramdam ko na parang gusto na lang matulog ulit. Ihihilamos ko sana sa mukha ko ang mga palad ko pero isang kamay ko lang ang nakagawa noon. Doon ako tuluyang napamulat.
Bakit ako nakaposas?!
Nasa loob ako ng isang maliit na kwarto, may tv na hindi bukas at nakasabit sa dingding, may maliit na lamesa sa tabi ko at sofa na hindi kalakihan malapit sa may pinto. Nakahiga ako sa puting kama, nakasuot ng isang hospital patient uniform at... Nakaposas ang isang kamay ko sa gilid ng bakal ng kamang kinahihigaan ko.
Ano bang nangyari? Bakit ako nandito? Bakit ako nakaposas?!
Nagawa kong umupo sa gilid kama habang ang isang kamay ko na malaya ay sumasabunot sa buhok ko. Sobrang sakit ng ulo ko na parang lobong puputok anumang oras. Wala na akong maintindihan sa nangyayari.
Bakit ba ako nandito?! Bakit ako nakaposas?! Iyon ang paulit-ulit kong tanong.
‘Ate... Ate, tulungan mo ako.’
Muling nandilat ang mga mata ko. Si Angel! Kaylangan ko siyang iligtas!
“Pakawalan ninyo ako dito! Kailangan kong iligtas ang kapatid ko! Ivan! Ivan alam kong ikaw ang nagposas sa akin dito! Pakawalan mo akong hayop ka! Pakawalan mo akong baliw ka!” nagwawalang sigaw ko.
Biglang bumukas pinto ng kwarto kung nasaan ako. At hindi ko inaasaan ang nakita ko...
Ang mga taong iniluwa ng bumukas na pinto.
“Papa? Mama?”
Pumasok sina Papa at Mama sa loob ng kwarto kasunod ang dalawang nurse at isang doktor. Anong ibig sabihin nito? Ligtas na ba ang kapatid ko kaya nandito sila ngayon? Pero bakit ba ako nakaposas? Iyon ang pinakahindi ko maintindihan sa nangyayari ngayon.
“Papa... Mama, si Angel po? Ligtas na ba siya?”
Humigpit ang hawak ni Mama sa braso ni Papa. Saglit silang nagtinginang dalawa bago sabay na ibinalik sa akin ang mga tingin. Kaagad na nangilid ang luha sa mga mata ni Mama. Si Papa naman ay bakas ko ang pagpipigil niya na maiyak.
“Bakit hindi po kayo nagsasalita?! Saka bakit ba ako nakaposas?! Mama, nasaan po ba si Angel?! Kung hindi ninyo pa rin siya kasama, kailangan ko na siyang iligtas! Baka mapahamak pa po siya! Please, pakawalan ninyo na po ako dito! Papa, please!” Pagsusumamo ko.
Naiiyak na ako dahil sa takot na baka may kung ano ng nangyayari sa kapatid ko ngayon. Hindi ko kakayanin kapag napahamak siya ng dahil sa baliw na pamilya ni Kristine. Hinding-hindi ko mapapatawad ang sarili ko. Kaya kailangan ko na siyang iligtas kaagad!
“Anak...” halos pabulong na sabi ni Mama. Mas humihigpit ang hawak niya sa braso ni Papa at mas bumibigat ang luha na nilalabas ng mga mata niya. “Anak, hindi mo pa rin ba natatanggap ang lahat?”
Kunot ang noong napailing ako. Wala akong maintindihan sa sinasabi ni Mama. Tagalog naman pero ano bang ibig niyang sabihin?! “Mama, ano po bang sinasabi ninyo?! Pakawalan ninyo na po ako dito dahil ililigtas ko po si Angel! Kung ayaw ninyo mapahamak siya, alisin ninyo na po ang posas dito sa kamay ko! Alam ko po kung nasaan siya! Alam ko kung sinong nagkulong sa kanya! Alam ko po kung sino ang dapat na – ”
“Wala na si Angel.” Biglang sabi ni Papa kasunod ang halos pagyakap na ni Mama sa braso nito.
“A-Ano pong ibig ninyong sabihin?! Napatay siya ng pamilya nina Kristine?! Napatay siya ng mga baliw na ‘yon?!” Nagsimula na akong maiyak. Nahuli ba ako ng dating? Pero naririnig ko pa ang boses ni Angel nang makapasok ako sa museo. Alam ko na buhay pa siya. Buhay pa siya dapat! “Buhay pa si Angel, Papa! Buhay pa siya nang pumasok ako sa Museo Caridad! Hindi pa siya napapatay nina Kristine. Siguradong buhay pa siya!”
“Anak.... Kailangan mo nang tanggapin ang lahat. Wala na si Angel. Matagal na... Two years na siyang patay, Junica.” Humahagulhol na sabi ni Mama na bigla nang yumakap kay Papa. Umiyak na siya sa dibdib nito.
“Two years?! Ma, ano bang sinasabi ninyo?! Palagi ko siyang kausap! Palagi kaming magka-video call habang nasa Barrio San Vicente ako. Palagi kaming –” Napalunok ako ng laway at biglang nahinto sa sinasabai ko. May pumasok na mga imahe sa isipan ko kasunod ang pagkirot ng ulo ko. Muling nasabunutan ng malayang kamay ko ang nanlalakagkit kong buhok.
****
“Ate, kain lang kami ng breakfast. Usap ulit tayo mamaya. I miss you ate. I love you!”
Umalis na si Angel sa screen nga kaharap ko na laptop. Pumalit ang nag-aalalang mukha nina Papa at Mama.
“Anak –“
“Ma, sorry. Kailangan ko na pong ibaba ‘to. Usap na lang po tayo mamaya. Bye po.” Hindi ko na sila hinintay pa na muling makapagsalita at kaagad ko na binaba ang tawag. Wala rin naman akong maririnig na maganda mula sa kanila kaya bakit ko pa patatagalin.
****
Hindi umalis si Angel sa harap ng camera noon. Tinanggal lang nina Papa at Mama ang picture ni Angel na nakaharap sa camera. Oo... Naalala ko na... Nagiging malinaw na sa akin ang lahat. Ang bawat video call namin ni Angel. Hindi si Angel ang ka-video call ko. Kung hindi ang picture niya na nakalagay sa harap ng camera. Iyon ang palagi kong kausap. Ang mga picture ni Angel.
Ang mga picture lang ni Angel.
At sa tuwing nagre-request ako kayna Mama na makausap si Angel sa tawag, wala talaga akong nakakausap. Tahimik lang sila habang hinahayaan nila ako na magsalita na parang may kausap.
Humigpit ang pagkakasabunot ng kamay ko sa buhok kong lalong nanlalagkit sa pawis. Mas lalong kumikirot ang ulo.
Nakasakay ako sa kotse.
Maliwanag na ilaw sa harapan.
Mga ingay busina ng sasakyan.
Pagbangga ng kotse at pagkabasag ng mga salamin nito.
Ito na ba? Ito na ba ang parte ng alaala ko na ayoko ng balikan?! Ang parte ng alaala kong kailanman ay ayoko nang maalala pa.
*****
“Ate! Ate, h’wag ka nang umalis please!!!”
Nang marinig ko ang boses ni Angel ay gusto ko sanang huminto sa gagawin kong paglabas ng bahay. Pero nagpatuloy ako. Dahil gusto ko na talagang lumayo. Gusto ko nang umalis sa bahay na nina Papa at Mama. Nakakasawa na ang mga sermon nila. Nakakasawa na ang pagpaparamdam nila na walang mararating ang pagsusulat ko.
Mabilis akong naglakad palabas ng malaking bahay at padabog na sinarado ang pinto. Kaagad akong pumasok sa loob ng kotse ko. Bumusina ako ng pagkalakas-lakas para buksan kaagad ng kasambahay naming nagdidilig ng mga halaman ang gate, bago ko pinaharurot ang kotse paalis ng garahe ng bahay namin. Walang tigil ang mga luha ko sa paglandas sa magkabila kong pisngi habang nagda-drive. Malalim na ang gabi at hindi ko rin talaga alam kung saan ako pupunta. Kung ano ang dapat kong gawin. Isang bagay lang ang sigurado ako, gusto ko nang kumawala mula sa pagiging makasarili ng mga magulang ko.
Malayo-layo na ang nada-drive ko. Medyo nahimasmasan na rin ako pero naiiyak pa rin ako.
“I love you, ate.”
Napalingon ako sa katabi kong upuan kung nasaan si Angel. Umiiyak din siya pero nakangiti siya sa akin. Sumunod pala siya sa paglabas ko ng bahay at kaagad na sumakay ng kotse ko. Nasa tabi niya ang backpack ko na may laman na mga notebook at isang laptop, mabuti na lang at nagawa kong dalhin ang mga ‘yun. May dahilan ako para hindi kaagad na umuwi sa bahay.
Napangiti na rin ako kay Angel. Ang mga ngiti niya lang talaga ang nagpapagaan ng loob ko. Ang boses niya at ang mga salitang ‘I love you, ate’ ang tanging nakakatanggal ng bigat dito sa dibdib ko.
Saglit akong kumilos para ayusin ang seatbelt niya. Ngayon ko lang kasi naalala na hindi nga pala siya marunong mag-seatbelt. At gusto kong masigurado na safe ang pinaka-importanteng tao sa buhay ko.
Maluwag na ang kalsada at walang ibang sasakyan. Pagkatapos kong iayos ang seatbelt ni Angel ay inalis ko ang bag sa tabi niya nilagay sa likod. Mas okay nang masira ang laptop ko kaysa mahirapan ang taong pinakamamahal ko.
‘I love you too, Angel.’
Saglit kong hinaplos ang mukha niya bago ako umayos ng upo. Pero isang nakasisilaw na liwanag ang sumalubong sa paningin ko sa harapan kasunod ang nakabibinging busina ng mga sasakyan.
****
“N-No... No, hindi totoo ‘to.” Nangangatal ang mga labi ko. Nanginginig na ang buong katawan ko dahil sa mga naaalala ko.
Hindi totoo na matagal ng patay si Angel. Buhay pa siya! Narinig ko pa ang boses niyang humihingi ng tulong sa Museo Caridad. Buhay pa si Angel. Buhay ang kapatid ko!
“Mama, buhay si Angel! Sabihin ninyo sa akin na buhay pa siya! Mama!” nagmakaawa na ako. Ayokong tanggapin ang mga bagay na pumapasok sa isip ko. Alam kong buhay pa si Angel. Ililigtas ko nga siya kayna Kristine eh! Siya ang dahilan kung bakit ako nasa museo! Dahil balak siyang gawan ng masama ng pamilya ng mga baliw.
Hindi na sumagot si Mama at nanatiling nakayakap kay Papa habang umiiyak.
Bababa sana ako ng kama para abutin sina Mama. Alam ko na hindi sila nagsasabi ng totoo. Naniniwala akong buhay pa rin si Angel! Kailangan ko siyang iligtas! Kailangan ko siyang mailigtas mula sa pamilya ng mga baliw.
Kumilos na ang dalawnag nurse at kaagad na hinawakan ang magkabilang braso ko. Ang doktor ay may inilabas na malaking syringe.
Gustong ko nang tumalon paalis sa kama pero hindio ko magawa. Masyadong malakas ang mga kamay ang nakahawak sa akin.
“A-Ano ‘yan?! Anong gagawin ninyo sa akin?!”
“Pampakalma lang po ‘to,” sagot ng nurse.
‘Ate... Tulungan mo ako...’
‘Dapat matagal na kitang pinatay!’
‘Pareho lang tayo, Ms. Junica! Pareho ang takbo ng utak nating dalawa. At alam ko na pareho tayong baliw!’
Nagpalinga-linga ang ulo ko. Hindi ko na alam kung saan ko ibabaling ang tingin ko dahil sa iba’t-ibang boses na naririnig ko. Sa loob ba iyon ng kwartong ito nanggagaling?! O ang boses na naririnig ko ay nasa loob lamang ng isipan ko?! Pero hindi... Hindi ako isang baliw... Hindi ako ang baliw sa kwento ng buhay ko!
“Bitawan ninyo ako! Ayoko ng injection na ‘yan. Please! Hindi ko kailangan ‘yan! Wala akong sakit! Hindi ako baliw! Hindi ako baliw!!!” Pilit pa rin akong nanlalaban habang pumapasok ang malaking karayom sa balat ko. Hindi ako pwedeng matulog. Ayoko nang matulog! Kailangan ko nang mailigtas ang kapatid ko! “Mama! Papa! Please, tulungan ninyo ako! Ayoko dito! Kailangan kong makaalis! Kailangan kong mailigtas ang kapatid ko! Papa! Mama! Parang awa ninyo na! Ililigtas ko si Angel! Ililigtas k-ko s-siya...”
Mabilis na umpekto ang kung ano man ang tinurok nila sa akin. Gusto ko pang magwala, umiyak at sumigaw pero wala na akong lakas. Naramdaman kong bumitaw na ang mga kamay na nakahawak sa magkabilang braso ko. Muling bumagsak ang katawan ko sa buong higaan.
Wala na ako halos maigalaw pa sa katawan ko kundi ang mga mata ko na lang na nanlalabo na rin ang paningin. Naririnig ko pa rin ang iyak ni Mama, ang pag-uusap ng doktor at ni Papa na hindi ko maintindihan ang mga sinasabi. Pilit akong nakikiramdam sa paligid kahit parang napakahirap sa sitwasyon ko ngayon.
‘Junica...’
Ginawa ko ang lahat para mapanatiling dilat ang mga mata ko nang marinig ko ang isang napakapamilyar na boses. Pinilit kong bumangon pero wala na talaga. Ang tanging nagawa ko na lang ay lingunin ang pinanggagalingan ng boses na tumawag sa pangalan ko. At sa may sulok kung nasaan sina Papa, Mama, ang doktor at mga nurse...
Nakatayo rin si Ivan.
Sigurado akong si Ivan ‘yon. May dugo sa kanyang ulo pati na rin sa suot niyang damit.
Napapailing siya... pero hindi ko maaninag ang reaksyon sa kanyang mukha.
Galit?
Masaya?
Inis?
Hindi ko makita... Hindi ko na maaninag... Hindi ko na rin maintindihan dahil tuluyan nang bumigay ang mabibigat na talukap ng mga mata ko.
***
Ito na nga ang unang part ng BIG REVELATION!
Marami pang ang susunod.
Marami pa tayong malalaman at matutuklsan sa mga susunod na kabanata.
Isa lang ang masasabi ko.
Malapait na ang katapusan ng nobelang ito.
Again... Maraming-maraming salamat sa lahat ng mga nagbabasa ng nobelang ito!
Love you, mi Labs!